Kanina pa ako nasa paradahan ng nag-iisang simbahan dito sa San Clemente. Nanatili lang akong nakaupo dito sa sasakyan na dala ko, hindi kasi ako makababa. Tila ba ang bigat-bigat ng mga paa ko, para ihakbang man lang.
Mula dito ay tanaw ko ang loob ng simbahan. Hindi pa tapos ang misa. Nakikita ko pa ang mga taong mga nakaupo sa loob. Mamaya na lang siguro ako papasok.
Marahas akong huminga. Inihanda ko ang sarili ko sa pagpasok ko mamaya sa simbahan. Nagkasya na lang muna ako sa pagtingin sa mga taong paisa-isang lumalabas mula sa simbahan. Kapag wala nang tao sa loob, ay saka ako papasok.
Muli akong huminga nang malalim. Ang gusto ko lang naman ay tahimik na lugar. Gusto kong mapag-isa, kaya dito ko naisipang pumunta. Gusto kong malayo sa bahay namin. Sa bahay na kinalakihan ko, na mula nang magka-isip ako ay hindi ko naramdamang parte ako ng bahay na ‘yun. Gusto kong iwasan silang lahat.
Hanggang sa nakita kong natapos na ang misa. Nag-umpisa nang magsipaglabasan ang mga tao. Unti-unti na ring nababawasan ang mga nakasinding ilaw sa loob. Get ready, Jazz...
Nang sa tingin ko ay nakalabas na ang lahat ng tao, mabigat sa pakiramdam na bumaba ako ng sasakyan. Ilang sandali muna akong tumayo sa tabi ng sasakyang dala ko, at nakatitig lang sa harapan ng simbahan. Nang naramdaman ko na ang pangangalay sa pagtayo ay naisipan kong ihakbang na ang mga paa ko. Halos wala sa sarili na binaybay ko ang daan papunta sa simbahan. Nang makarating na ako sa pintuan, ilang sandali muna akong tumayo roon at nakatingin lang sa loob. Tinatanong ko ang sarili ko kung bakit nga ba ako naririto ngayon.
Nasa ganoon akong lagay nang biglang sumulpot ang isang matandang lalaki na galing sa harapan sa kanang bahagi ng altar.
“Pasok, iha. Pumasok ka. Huwag kang mahiya."
Kumaway-kaway pa sa akin ito.
"Kung anu man ang gumugulo sa isip mo, kausapin mo Siya,” sabi nito sa akin, saka bahagyang lumingon sa direksiyon ng altar.
Tila isang hudyat iyon, at walang sabi-sabing agad akong humakbang para pumasok sa loob. Gusto ko sanang magpasalamat sa matandang lalaki, pero malayo na ang nalakad nito nang lingunin ko ito sa dati niyang kinatatayuan. Napagpasiyahan kong hindi na lumapit sa harapan ng altar, at sa halip ay umupo na lang sa pang-hulihang upuan.
Ganunpaman, malayo ang abot ng tanaw ko. Tahimik lang akong nakatingin sa harapan, hanggang sa mayamaya ay banayad akong pumikit. Na tila ba makakatulong sa kapayapaan ng loob ko ang pagpikit. Nang bigla na lang pumasok sa isip ko ang malungkot na imahe ni Pablo kanina sa bahay namin.
Bigla rin akong nakaramdam ng lungkot. Hindi ko pa nakitang ganoong kalungkot si Pablo sa ilang taon naming magkarelasyon. Palagi kaming masaya. There were no dull moments with Pablo. Kahit pa noong nasa first year college pa lang kami, at nililigawan pa lang ako ni Pablo. Kaya nga siguro napamahal si Pablo agad sa akin. Kasi, siya pa lang ang nakapagpasaya sa akin sa tanang buhay ko. Sa kanya lang ako nakaranas ng saya at sumaya.
Wala kaming pinag-aawayan simula nang magkaroon kami ng relasyon. Napakamaunawain ni Pablo. Lagi niya akong iniintindi. Lagi niyang iniisip ang kapakanan ko, kung anong makakabuti para sa akin. Kahit hindi na siya o para sa kanya. Ang importante ay ako. Ang sabi ng barkada ko, match made in heaven daw kami ni Pablo. Napaka-ideal ng relasyon namin, at kasal na lang talaga ang kulang.
Kasal… naalala ko tuloy nang minsang yayain ko si Pablo na magpunta din dito sa simbahan na ito. Dito nabuo ang pangarap namin sa pagpapakasal.
“Dito mo gustong ikasal tayo?” tanong ni Pablo habang pareho kaming nakatingin sa engagement ring na nasa daliri ko; hawak niya ang kamay kong may-suot noon. Bahagyang ginalaw-galaw ni Pablo ang kamay ko, kaya kumislap iyong singsing na bigay niya sa akin nang mag-propose siya sa araw ng gradution namin.
Nandito kami sa loob ng simbahan ng San Clemente. Kami lang ang tao dito sa loob dahil siguro sa alanganing oras na ala-una ng hapon. Pagkakain kasi ng tanghalian sa bahay ay naisipan naming umalis at mamasyal sa bayan.
Ang isang kamay ni Pablo ay naka-akbay sa akin, habang nakahilig ako sa balikat niya. Ngumiti ako, kahit hindi naman nakikita ni Pablo. “Oo.”
Napawi bigla ang ngiti ko nang bigla akong may naisip. Iniangat ko ang ulo ko mula sa balikat niya at saka tiningnan siya. “Ayaw mo ba rito?”
Ngumiti sa akin si Pablo. “Wala naman akong sinabing ayaw ko, ah. Kung saan mo gusto, okay lang ako. Kung saan ka masaya, masaya na rin ako. Sabi nga nila – a happy life is a happy wife.”
Sinimangutan ko siya. “Baka kasi napipilitan ka lang.”
“Bakit naman ako mapipilitan? Wala namang problema sa akin kung saan tayo ikakasal. Kahit sa Mindanao pa , okay lang. Ang importante… ikaw ang pakakasalan ko,” sagot sa akin ni Pablo habang malagkit na nakatitig sa akin.
"Ang cheesy nun, ah!”
"Siyempre. Kaya ka nga na-inlove sa ‘kin, eh.”
"Yabang...” natatawang sagot ko sa kanya, na sinagot din niya ng mahinang tawa, at saka ako hinalikan sa buhok ko.
“Seriously speaking. Final ka na dito sa simbahan na ‘to? Ayaw mo ba dun sa mahaba ang lalakaran mo? Maikli lang ang lalakaran mo dito.“
Inirapan ko si Pablo. “Hindi naman importante ‘yun. Kaya nagpapakasal… para sa basbas ng Panginoon sa magiging pagsasama natin. Iyon ang importante, Mr. de Guzman. Sabi ko nga sa ‘yo kahit sa huwes lang tayo magpakasal, wala namang kaso sa akin, eh.”
“Hindi naman ako papayag nun, soon-to-be Mrs. de Guzman. That’s our wedding, and I want that to be special to us.”
“Pablo, kung ang iniisip mo lang ay si Papa-“
“Of course not. Kahit ilang beses pa kitang pakasalan sa kahit saang simbahan, hindi ako magsasawa. I swear.”
“Tama na, Pablo. Kanina pa pumapalakpak ang mga tenga ko!” Hinawakan ko pa ang magkabilang tenga ko na para bang pinipigilan ko ang mga iyon.
Natawa naman si Pablo sa sinabi ko.
“Tama na nga ang topic na ‘to. Matagal pa naman ang kasal natin,” sabi ko sa kanya.
“Panay na nga ang pag-iipon ko, eh. Gusto na talaga kitang maalis sa bahay n’yo. I want to end your miseries there in your house. I want you to be happy.”
“Sus! Iyan ba ang nag-iipon? Eh, panay-panay ang punta mo dito sa amin. Magkano rin ‘yung gasoline at toll fee expense mo, ah.”
“Siyempre, kasama sa budget ‘yun. Hindi ko kaya kayang matiis na hindi ka makita sa loob ng isang linggo… ikaw ba, hindi mo ako nami-miss.”
“Nami-miss siyempre! Ikaw na nga lang ang nakakapagpasaya sa ‘kin di ba?” sagot ko sa kanya, at saka uli humilig sa balikat niya.
“Wait,” biglang sabi nito, kaya napa-angat bigla ang ulo ko.
Sapilitan akong itinayo ni Pablo. “Bakit?” tanong ko, “Aalis na ba tayo?”
Nakangiting hinila ako ni Pablo papunta sa pintuan ng simbahan. Walang angal na sumunod lang ako sa paghila niya. Nagtaka ako nang bigla siyang huminto sa paglalakad, kaya napahinto rin ako. Isinara niya muna ang pintuan ng simbahan.
“Here. Tumayo ka dito.” Pinaharap niya ako sa altar ng simbahan, at saka kinuha ang dalawang kamay ko at pinagsalikop ito sa tapat ng tiyan ko.
“Pretend that you are holding something,” nakangiting sabi niya sa akin.
Nagtataka man ay sinunod ko lang ang mga sinasabi niya. Maang na nakatingin lang ako sa mukha niyang nakangiti. Nagulat na lang ako nang umalis siya sa harapan ko at patakbo niya akong iniwan para magpunta sa harapan ng simbahan.
“Hoy! Pablo!” Pero nagpatuloy lang ito sa pagtakbo.
Nang nasa harapan na siya ay nakangiti pa rin na bumaling siya sa akin.
“Pretend it’s our wedding day, and you’re holding your wedding bouquet. Walk down the aisle papunta sa akin. I want to see how you will walk on our wedding day.”
“Ha?”
“Come on! Bilis na…”
Ibinaba ko ang dalawang kamay ko sa gilid ng katawan ko. “Pablo. Dyino-joke mo na naman ako, eh!”
“Hey, sweetheart… I’m serious. Sabihin na lang natin na sneak peak ito ng magiging wedding day natin. I’m very much excited. Can’t wait to see you walk the aisle on that day,” nakangiti pero kita k naman ang kaseryosohan sa mukha ni Pablo.
Muli kong ibinalik ang posisyon ng dalawang kamay ko sa tapat ng tiyan ko. Sandali pa akong pumikit para isipin talaga na may hawak akong bouquet. Pagkadilat ay ngumiti ako kay Pablo na nasa harapan, at saka inihakbang ang mga paa ko.
Kinanta ko sa isip ko ang favorite naming kanta ni Pablo na ‘Tagpuan’ ni Moira, habang lumalakad ako. Nakangiti kaming dalawa ni Pablo sa isa’t isa. Hindi ko alam kung napapangiti ba kami sa kalokohan namin na ito, o dahil sa naiisip na namin ang posibleng senaryo sa araw ng mismong kasal namin.
Nang makarating na ako sa tapat ni Pablo ay kapwa kami napabungisngis sa isa’t isa.
“Para tayong baliw,” sabi ko sa kanya.
“Hindi, ah! Nakakatuwa nga, eh. While you were walking, kinakanta ko sa isip ko ‘yung Tagpuan’,” sagot sa akin ni Pablo.
“Really???” hindi ko mapaniwalaang tanong. “Pareho pala tayo!”
“See? We’re really matched made in heaven!”
Sabay kaming natawa sa sinabi niya, pero nagulat kami nang biglang bumukas ang pintuan, kaya sabay din kaming napatingin doon. Kita namin ang pagkabigla at pagtataka sa mukha ng isang matandang lalaki.
“May kailangan ba kayo?” tanong nito sa amin.
Hinawakan ni Pablo ang kamay ko, at saka ako hinatak papunta sa pintuan ng simbahan. “Wala na po. Paalis na po kami,” sabi ni Pablo sa matanda, nang nasa tapat na niya kami.
Bahagyang yumukod si Pablo dito, kaya ginaya ko na rin siya. Muli niya akong hinatak paalis na doon. Hanggang sa dumating na kami sa sasakyan niya ay hindi matapos-tapos ang pagtawa at kasiyahan namin sa ‘munting’ kalokohan na aming ginawa.
“Jazz…”
Kilalang-kilala ko ang boses na iyon, pero hindi ko magawang dumilat para siguraduhin na siya iyon. Agad na nagpanic ang sistema ng katawan ko. Ano’ng ginagawa niya dito? Hindi ba siya nag-iisip?
“Jazz, kausapin mo naman ako. I’m on the verge of going crazy.”
Napilitan akong dumilat. Saka ko lang napansin na basa pala ang mga pisngi ko. Mabilis ko iyong pinunasan, at saka hinarap si Pablo.
"Ano’ng ginagawa mo dito? Baka hanapin ka nila doon. Kapag nalaman ni Angelica na nandito ka at kausap ako, tiyak ako na naman ang pagagalitan ni Papa.”
Sa ilang araw na hindi kami nagkita at nagka-usap ni Pablo, ngayon ko lang na-realize na hindi nga lang pala ako ang nahirapan sa sitwasyon. Kita sa mukha ni Pablo ang hirap na pinagdaanan niya sa nangyari. Nakaramdam man ako ng awa sa kanya, wala rin naman akong magagawa; may kasalanan man siya o wala.
“Jazz… hindi ko alam paano nangyari ‘yon. Maybe, nasobrahan ako sa lasing, or she drugged me. I really don’t know. Ang huling naaalala ko, nagku-kuwentuhan lang kami, habang hinihintay ko ang pagdating mo. Hindi ko rin maalala why we end up on her bed. Nasa sala lang kami. I swear, Jazz. Alam mo namang hindi ko kayang gawin ‘yun. Ikaw lang ang mahal ko. Sa ‘yo ko lang gustong gawin ‘yun. In fact, alam mo kung paanong kontrol ang ginagawa ko, para hindi tayo lumampas sa limitasyon. Jazz… ayaw kong makasal kay Angelica. Please…”
Huminga ako nang malalim. Siguro nga, kailangan na naming mag-usap ni Pablo to clear things out.
~CJ1016