CHAPTER 7 – COFFEE OR JUICE

2032 Words
“Bakit, Papa? Para saan ang sampal na ‘yun?” Halos hindi na lumabas sa lalamunan ko ang mga katanungan ko para kay Papa. “Bakit si Angelica ang sisisihin mo, Jazerine? Ano’ng klase kang kapatid? Ganyan ka na ba ka-hibang sa lalaking ito, at siya pa ang kakampihan mo? Siya na lumapastangan sa sarili mong kadugo?! Ikaw pa naman ang Ate, pero hindi mo kayang ipagtanggol ang kapatid mo?” Bakit ba sa tuwing tinatawag niya ako sa buo kong pangalan, ay tila may gusto iyong iparating sa akin? Lumunok muna ako, bago sumagot kay Papa. “Dahil alam ko pong hindi kayang gawin ni Pablo ang nasa isip ninyo. Mahal ako ni Pablo.” “Mahal? Hah! Iyan ba ang mahal? Gumalaw siya ng ibang babae? At ang masama pa, ang kapatid mo pa! Baliw ka na ba, Jazerine?!” Bahagya akong napapitlag sa pagtawag niya uli sa buong pangalan ko, pero pinilit ko iyong balewalain. Napatingin ako kay Pablo. Gusto ko man siyang ipagtanggol, pero may mali pa rin sa mga nangyari. Nilingon ko si Angelica. Siya na lang ang pag-asa ko sa ngayon. “Angelica, aminin mo na! Aminin mo kay Papa. Na ikaw ang may pakana nito. Na sinadya mo ito!” nanggigigil na sabi ko sa kanya. Lumingon din ang lahat ng narito sa loob ng kuwarto kay Angelica, tila naghihintay sa isasagot niya. Pero nakatingin lang sa akin si Angelica. Derechong nakatingin sa mga mata ko, na para bang wala siyang nagawang kasalanan sa akin. "Anak ng..." Aktong sasampalin uli ako ni Papa, pero sinalag ito ni Mama. “Agustin, tama na!” Umiiyak na rin si Mama. Bigla ko tuloy naalala na baka tumaas ang presyon ng dugo niya, kaya pilit na nagpakahinahon ako. Alang-alang kay Mama. Binalingan ni Papa si Pablo, na hindi na yata makagalaw sa kinatatayuan niya. “Ikaw, lalaki. Umalis ka ngayon din sa pamamahay ko! Baka hindi kita matantiya, at mapatay kita!” Pero bago pa makagalaw si Pablo ay niyakap ito ni Angelica nang mahigpit para pigilan ang pag-alis nito. “Papa! Mahal ko si Pablo. Hindi ko kakayanin kung mawawala siya sa akin.” May pagmamaka-awa sa mukha ni Angelica, habang sinasabi niya iyon kay Papa. Nabigla ako sa sinabi ni Angelica. Totoo bang may pagmamahal siya kay Pablo? Sa ilang taon naming relasyon ni Pablo, hindi ko alam na may ganoon siyang pagtingin sa fiancé ko. Totoo ba ang nararamdaman niya para kay Pablo, o gusto lang niya akong inisin, na lagi naman niyang ginagawa sa akin? “Angelica! Tumigil ka! Isa ka pa!” pagsaway dito ni Papa. "Pero, Papa... please... nagmamakaawa ako sa 'yo..." pagmamakaawa pa ni Angelica, na may kasama pang pag-iyak. Gigil na binalingan ni Papa si Pablo. “Umalis ka na muna sa pamamahay ko, lalaki ka! Umuwi ka sa inyo, at isama mo dito ang mga magulang mo! Huwag mong tatangkaing takasan ako, alam mo ang kaya kong gawin!” may pagbabanta na sabi ni Papa kay Pablo. Nakita ko ang naguguluhang mukha ni Pablo. Natataranta man, pero may bilis na sinamsam niya ang nagkalat na mga damit niya sa lapag. Samantalang hinarap naman ni Angelica si Papa. “Papa, baka hindi na bumalik dito si Pablo. Huwag mo siyang paalisin, please…” "Ako ang padre de pamilya dito, kaya ako ang masusunod, Angelica! Magbihis ka na muna!" Iyon lang at nagmartsa na palabas ng kuwarto ni Angelica si Papa, kasunod si Fritz. Si Mama naman ay dinaluhan ang nakatapis pa ring si Angelica. Ako? Nanlalambot na napa-upo na lang ako sa sahig ng kuwarto ni Angelica, nakatingin sa pintong nilabasan ni Pablo. Wala na ba talaga akong karapatang sumaya? MULA nang araw na iyon ay hindi na ako lumabas ng kuwarto ko. Sa apat na sulok ng kuwarto ko ibinuhos ko ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Tanging ang mga haligi at pader nito ang nakisimpatya sa mga pag-iyak ko. Tanging si Mama lang ang nag-effort na kumustahin ako. Pero hindi ko siya hinayaang makalapit sa akin. Ayokong madamay pa siya sa amin ni Papa. Isa pa, ipagtanggol man niya ako, hindi pa rin naman siya pakikinggan ni Papa. Lahat ng pwede kong iluha ay iniluha ko na. Hanggang sa dumating ang oras na nasaid na, at wala na akong mailuha. Ni wala akong narinig na sorry mula kay Angelica. Ni kapirasong sulat o text man lang ay wala, para masabi ko man lang na hindi niya sinasadya ang nangyari, o nagsisisi siya. Sabagay, alam ko namang hindi gagawin ni Angelica 'yun. Hindi si Angelica iyon kung may mangyayaring pagpapakumbaba. Si Papa? Hindi ko inaasahan na magri-reach out siya sa akin. Baka nga natuwa pa siya na hindi niya nakikita sa bahay ang pagmumukha ko. Hindi niya nakakasalubong sa hallway. At hindi niya nakakasabay sa pagkain. Dahil sa hindi ako lumalabas ng kuwarto ko ay hinahatiran lang ako ni Magda ng pagkain, o minsan ay si Mama ang personal na naghahatid. Halata ko na gusto akong kausapin ni Mama, pero tahasan kong ipinaparamdam sa kanya na ayaw kong makipag-usap. Alam kong walang kasalanan si Mama sa nangyari, pero natatakot ako, na baka katulad ni Papa, ay na kay Angelica rin ang simpatiya niya. Ilang beses din akong tinangkang kausapin ni Pablo sa pamamagitan ng tawag at text, simula pa noong unang araw na umalis siya dito sa bahay namin. Pero para saan pa? Hindi naman na magbabago pa ang nangyari, kahit ano pang paliwanag ang gawin niya. Sa tingin ba niya ay meron pang kami pagkatapos ng nangyari? Ilang araw pa, hindi lang ang personal na telepono ko ang kinokontak ni Pablo. Pati sa mga social media accounts ko ay sinusubukan niya akong maka-usap. Napilitan tuloy akong patayin na ang phone ko at mag-deactivate sa lahat ng social media accounts ko. Masasabi kong tuluyan ko nang isinara ang sarili ko sa realidad, at nagkulong sa kulungan na ako rin ang may gawa. HINDI ko alam kung ilang araw na ba ang nagdadaan. Nakakulong pa rin ako sa mundong nilikha ko. Naging karaniwang senaryo na sa araw-araw ko ang gumising ako sa umaga, at tumitig lang sa kisame ng kuwarto ko. Madalas nga, ni maligo ay hindi ko magawa. Isa sa madadalang na araw na iyon ng paliligo ko ay ngayon. Katatapos ko lang maligo, at parang tukso na hinahanap ng sikmura ko ang lasa ng kape. Ilang araw na rin namang hindi nasayaran ng kape ang tiyan ko. Pwede ko namang i-text na lang si Magda para magpatimpla at magpahatid ng kape. Pero dahil sa tagal na nakasarado ang telepono ko ay tuluyan nang nadiskarga ang baterya nito. Sa halip na i-charge ang phone ko, minabuti kong lumabas ng kuwarto ko at ako na ang magtimpla ng sarili kong kape. Gusto ko rin sanang maglagi muna sa garden namin. Gusto kong mag-isip ng mga susunod na hakbang na gagawin ko. Alam kong hindi pwedeng magkulong na lang ako sa kuwarto ko habambuhay. Tutal naman ay araw ng Linggo ngayon. Pihadong wala ang buong pamilya ko sa mga oras na ito, dahil ganitong oras kung kami ay karaniwang magsimba. Pero nagulat ako nang sa pagbaba ko ng hagdanan ay nakita ko silang lahat sa sala, pati na si Pablo at ang pamilya niya. Huli na para umatras ako. Nakita na ako ni Pablo. "Jazz..." tawag niya sa pangalan ko. Mas lalo na akong hindi nakaiwas. At isa pa, lahat sila ay nasa akin ang atensiyon ngayon. Maliban kay Papa, na hindi nag-aksaya ng oras na lingunin ako. Nagtama ang mga mata namin ni Pablo, pero agad akong nag-iwas ng tingin sa kanya, dahil agad kong naisip si Angelica. Kaya tuloy napunta ang tingin ko sa Mama ni Pablo, na si Tita Bridget. Kita ko ang lungkot sa mga mata ni Tita Bridget, habang nakatingin sa akin. Tingin na humihingi ng pang-unawa. Hindi ko tuloy hindi maalis na tapunan ng tingin si Tito Claudio, na nasa tabi lang ni Tita Bridget. Tahimik lang itong nakatingin sa akin, walang ekspresyon ang mukha. Nang biglang may tumikhim sa kumpulan nila, kaya awtomatikong hinagilap ng mga mata ko iyon. Huminto ang mga mata ko sa pares ng mga mata ni Angelica na matalim na nakatingin sa akin. Mabilis kong ibinalik ang tingin ko sa mag-asawang De Guzman. Sinadya kong hindi madaanan ng tingin si Pablo na halos katabi lang din nila, at saka marahang tumango sa mag-asawa bilang pagbibigay ng respeto sa kanila. After all, wala naman silang kinalaman sa mga nangyari. Naging napakabuti nila sa akin. At sana, kung ano ang ipinakita nilang kabaitan sa akin, ay ganun din ang maging pagtrato nila kay Angelica. Napansin ko ang tila gagawing paglingon ni Papa sa gawi ko, kaya dali-dali na akong umalis doon papunta sa orihinal na direksiyon na gusto kong puntahan – ang kusina. Dumerecho ako sa counter top at saka tila nanghihina na isinandal ang katawan ko doon. Itinaas ko ang isang kamay ko at saka ko inihawak sa tapat ng dibdib ko. Ramdam ko ang mabilis na t***k ng puso ko. Ipinikit ko ang mga mata ko. Baka-sakaling mapakalma nito ang malakas na pintig ng puso ko. Bigla tuloy akong napa-isip kung gusto ko pa bang magtimpla ng kape, katulad ng orihinal na plano ko kanina. “Mam Jazz, may kailangan po ba kayo?” Bahagya akong napapitlag, sabay napadilat pagkarinig ko sa boses. Nilingon ko ang pinanggalingnan ng boses. “Magda.” Nilapitan ako ni Magda. “Mam Jazz, okay ka lang ba? Alam ko, nakita mo sila sa sala.” Bumaba ang tingin ko sa tray na hawak niya. Siguro ay galing siya sa sala, at nagdala ng maiinom para sa pamilya ni Pablo. “O-Okay lang ako. Magtitimpla sana ako ng kape--” “Ako na lang, Mam Jazz,” putol ni Magda sa akin, at saka ito humakbang na patungo sa puwesto ng coffee maker. “Pe-Pero, nagbago na ang isip ko. Sorry. Juice na lang siguro,” sagot ko kay Magda. Lumingon si Magda sa akin. Nakatingin ito sa aking mukha, na tila tinatantiya kung pinal na ba iyong sinabi ko. “Sorry. Ang gulo ko,” sabi ko, sabay pinadapo ko ang isang kamay ko sa noo ko, at saka hinilot-hilot ko ang noo ko. “Okay lang, Mam Jazz,” nakangiting sagot sa akin ni Magda. Ibinaba ko ang kamay ko, at saka sapilitan kong sinuklian ng tipid na ngiti si Magda. “Ang mabuti pa sa gazeebo mo na lang inumin, Mam. Doon ka na muna habang... Ibig kong sabihin, para makalanghap ka naman ng sariwang hangin. Ilang araw ka rin kasing nasa kuwarto mo lang." Hindi na ako sumagot kay Magda. Tama naman siya, kahit pa sabihing mas matanda ako sa kanya ng dalawang taon. "Sige na, Mam. Mauna ka na doon sa gazebo, at isusunod ko na 'to," sabi pa niya. Marahan lang akong tumango, at saka tumalikod na sa kanya, para tunguhin ang pintuan papunta sa gazeebo, na nasa may likod-bahay lang. Obvious namang gusto lang niya akong iiwas na bumalik uli sa loob ng bahay, at makita uli ang mga tao sa sala kaya sa gazeebo niya ako itinataboy. Nag-umpisa na akong maglakad papunta sa gazeebo. “Mam Jazz?” Huminto muna ako sa paglalakad at saka nilingon si Magda. “Ano ‘yun?” “Fresh orange or fresh mango juice ba?” Sandali akong tumahimik para mag-isip ng isasagot sa kanya. Pero parang ayaw naman mag-isip ng utak ko. “Magda, mamaya na nga lang 'yan. Pakikuha nga ng susi ng kotse ko.” “Bakit? Saan ka pupunta, Mam?” natatarantang tanoong ni Magda. "Bahala na. Hindi ko alam. Kung saan ako mapadpad.” "Ha? Pwede ka na ba mag-drive? Kumain ka kaya muna? O kaya, pasamahan na lang kita sa isang driver diyan. Saka... Mam Jazz... kabilin-bilinan ni Gov kasi na... ipagpapaalam sa kanya kung sino ang gagamit ng sasakyan..." "Magda, please lang. Gusto ko munang lumayo. Pakiramdam ko ngayon, hindi ako makahinga." "Pero, Mam Jazz..." "Magda, walang makakaalam. Ako ang naglabas ng sasakyan, at ako lang ang nakakaalam. Okay ba?" Bahagyang tumango si Magda, at saka lumabas ng kusina. Pagbalik niya ay hawak na niya ang isang susi ng kotse namin. ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD