Mariin akong pumikit.
Baka namamalikmata lang ako. Baka hindi si Pablo ang nasa kama ngayon ni Angelica. Baka ibang lalaki. Baka kahawig lang ni Pablo. Pero bakit ultimo pati katawan ni Pablo ay kahawig, Jazz?
Kulang ako sa tulog kagabi dahil sa napakalakas na ulan at hangin na naririnig ko sa kuwarto namin sa resort. Baka nagkakamali lang ako ng tingin. Naisipan kong muling dumilat. This time, unti-unti lang. Ayaw kong biglain. O dahil natatakot ka sa pwede mong makita, Jazz?
Mula sa mariing pagkakapikit ay unit-unti ko ngang muling idinilat ang mga mata ko. Para lang mapaawang ang mga labi ko, dahil si Pablo pa rin ang nakikita ko. Kumurap-kurap ako. Ilang beses, Paulit-ulit. Baka-sakaling magbago ang itsura nung lalaking nakahiga sa tabi ni Angelica. Pero kahit ano'ng kurap ko ay si Pablo pa rin ang nakikita ko.
Lamig. Oo. Malamig ang kuwarto ni Angelica dulot ng aircon nito. Wala sa loob ko na nayakap ko ang sarili ko. Bakasakaling mawala ang panlalamig na nararamdaman ko.
Pero sigurado akong hindi ang lamig ng aircon ang dahilan ng nararamdaman kong panlalamig ng katawan ngayon. Nakita kong gumalaw si Pablo patihaya sa kama. Dahil sa ginawa niyang paggalaw ay tumambad sa akin ang hubad niyang pang-itaas na katawan. Ang ibabang katawan niya ay natatakpan pa rin ng kumot na pagmamay-ari ni Angelica, na pinagsasaluhan nila ngayon.
Kung lumitaw ang katawan ni Pablo, mas lalo na si Angelica. Kitang-kita ko ang kahubaran niya ngayon. Tila naman naramdaman niya ang paglayo ng katawan ni Pablo sa katawan niya, kaya umusod pa si Angelica palapit sa katawan ni Pablo at saka isiniksik ang katawan niya. Yumakap pa nga ito sa katawan ni Pablo. Tila naman hindi napansin ni Pablo ang ginawang pagyakap sa kanya ni Angelica, dahil ni hindi ito gumalaw man lang at mukhang tulog na tulog pa rin.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko ngayon. Tila ayaw mag-proseso ang utak ko, at nakatingin lang ako sa kanila. Hindi ko na rin maipagkaiba kung naninigas ba ang katawan ko o namamanhid ba. Gusto kong umalis na dito sa kinatatayuan ko, pero parang nadikit na ang mga paa ko sa sahig, at ni hindi ko ito maiangat man lang kahit konti para humakbang. Gusto kong sugurin si Angelica, at saktan siya. Alam kong pakana niyang lahat ng ito.
Ngayon ko lang naisip ang mga kakaibang kilos ni Angelica mula nung una niyang makita si Pablo dito sa bahay namin. Iyong ngiti niya sa akin. Sabi ko na nga ba... Hindi iyon ang klase ng ngiti na ibinibigay ni Angelica sa akin mula nang magkamalay ako sa mundong ito. Una lang iyon. Una, at huli.
Ang paghawak-hawak niya sa braso ni Pablo, ganung hindi pa naman sila close sa isa't isa. At iyong pagtabi ni Angelica kay Pablo sa dinner namin dito sa bahay? Ang pagpiprisinta niyang mag-OJT sa kumpanya nila Pablo, kahit na ang layo nun dito sa lugar namin. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako. Napansin ko na lang na nanlabo ang paningin ko dahil sa mga luhang saganang bumabalong sa mga mata ko.
Pinilit ko ang mga kamay ko na iangat, para palisin ang mga luha sa mata ko. Gusto ko nang umalis dito sa kuwarto na 'to. Para na akong mamamatay on-the-spot.
Nagawa kong pagliwanagin uli ang paningin ko. Ubod lakas akong humugot ng hininga. Bakasakaling mapagluwag nito ang nagsisikip kong dibdib. Pinilit ko ring lumunok, dahil sa nagsisikip ko ring lalamunan.
Nakatayo pa rin ako dito sa puwesto ko. Naguguluhan ako, at hindi ko pa rin alam ang gagawin ko. Gusto kong lumapit sa kama ni Angelica. Gusto ko silang saktan. Alam kong walang kasalanan si Pablo, pero damay na rin siya sa galit ko. Kanina pa may tanong sa isip ko kung ginusto rin ba niya ito kaya ito nangyari?
Gusto kong malaman ni Pablo na alam ko ang ginawa nila. Sa halip na umalis na ay napagpasyahan kong magpakita kay Pablo at sitahin siya. Desidido na akong lumapit sa kama ni Angelica, kaya pinilit kong ihakbang ang mga paa ko.
Mabigat pa rin ang katawan ko, halos hindi ko marating ang gilid ng kama ni Angelica. Huminto muna ako sa paglalakad. Tumulo na naman ang mga luha ko nang malapitan ko silang mapagmasdan na hubad at magkadikit ang mga katawan. Gusto ko nang magwala. Gusto kong sumigaw at sigawan silang dalawa ni Pablo, pero nandoon pa rin iyong tila nakabara sa lalamunan ko, at ni bumuka ng bibig ko ay hindi ko magawa.
Paano nagawa sa akin ni Pablo ito? Kay Pablo ko lang naranasan na mahalin nang tunay. Iyong pagmamahal na hindi ko naranasan mula sa totoong pamilya ko mula sa pagkabata ko. Si Pablo lang ang nagbigay importansiya sa akin. Kay Pablo, isa akong hiyas na importante at kailangang alagaan. Si Pablo, inilagay niya ako sa pedestal. Pero, bakit ngayon…
Wala na bang pwedeng magmahal sa akin? Sadya bang ako iyong tipo ng tao na hindi kayang mahalin? Saan ako nagkulang kay Pablo? Oo nga, at hindi ko pa isinusuko ang pagkab*b** ko sa kanya, pero kasal na lang naman ang hinihintay namin, at doon na rin naman iyon papunta. Akala ko pa naman, siya na ang taong mag-aalis sa akin sa walang pagmamahal na tahanang ito. Akala ko tunay ang pagmamahal niya sa akin. Akala ko, ako lang ang mundo niya. Tama nga sila. Marami ngang namamatay sa maling akala. Katulad ko, pakiramdam ko... namatay na ako ngayon.
Namalayan ko na lang na ang tahimik kong pag-iyak ay nagiging hagulgol na pala. Masisisi ba ako? I felt so betrayed... Baka nga may alam pa ang pamilya ko sa nangyaring ito Baka nga may basbas pa si Angelica kay Papa.
Wala sa loob na naitaas ko ang isang kamay ko, at sinapo ang dibdib ko. Sobrang sakit na kasi nito. Naramdaman kong basa na pala iyong damit ko sa parte na iyon ng dibdib ko. Naikuyom ko ang isang kamay ko na may hawak pa rin pala sa mga pasalubong na sana ay iiwan ko lang dito sa kuwarto ni Angelica. Mahigpit. Sobrang higpit kong ikinuyom ang palad ko. Pakiramdam ko kasi ay hawak ko ang leeg ni Angelica. Manhid na nga yata ako dahil hindi ko man lang naramdaman ang sakit.
Nang buksan ko ang palad ko, wala sa loob na naibagsak ko ang mga hawak kong pasalubong ko sana kay Angelica, kaya lumikha ang mga ito ng munting ingay.
Nakita kong bahagyang nagdilat ng isang mata niya si Angelica. Narinig niya siguro ang ingay ng mga nalaglag kong dala-dala. Marahas kong pinunasan ang basang mga pisngi ko. Ayaw kong makita niya kung gaano ako kamiserable ngayon, dahil paniguradong ikatutuwa pa niya ito.
Kumurap-kurap ang mga mata ni Angelica, na tila inaalam kung totoong ako ang nakikita niya. Bahagya pa nitong iniangat ang ulo niya. Isang palabas na naman ba 'yan, Angelica?
“Jazz, dumating ka na pala…”
Iyun lang? Ganun lang ang sasabihin niya sa akin? Ako na girlfriend ng lalaking katabi niya sa kama niya?
Totoo pala iyong sinasabi nila na pag-akyat ng dugo mo sa ulo mo, dahil iyon ang naranasan ko ngayon. Nagmartsa ako palapit sa kama ni Angelica, at saka ko siya pilit inabot ng kamay ko. Dahil siguro sa inaantok pa siya ay hindi niya nagawang umiwas sa akin. Nadaklot ko ang braso niya, at saka marahas na hinila para sapilitang ibangon siya at bigyan ng sampal sa mukha.
“Hayup ka! Malandi ka! Ano’ng ginawa mo?!!”
“Ahh! Jazz!! Ano ba?!”
Hindi pa ako nakuntento sa sampal na ibinigay ko sa kanya, pilit kong inabot ang buhok niya, at saka iyon hinila nang ubod lakas. Doon naman saktong nagising din si Pablo, dahil siguro sa ingay at gulo na nalikha namin ni Angelica, at sa pagyugyog ng kama.
“Jazz?” tila gulat na gulat na pagtawag sa akin ni Pablo.
Pasalya kong binitiwan si Angelica, at saka ko binunton kay Pablo ang galit ko. “Isa ka pa! Paano mo nagawa sa akin ito?!”
Sa galit ko ay suntok at hampas ang inabot ni Pablo sa akin. Wala akong pakialam kung saan mang parte ng katawan ko siya tamaan. Naramdaman ko ang sakit sa kamay ko, pero wala na akong pakialam kung nasasaktan man ako. Dahil wala nang mas sasakit pa sa nakita ko ngayon. Panay salag lang ang ginawa ni Pablo sa mga pag-atake ko sa kanya.
“Jazz! Wait,” sabi sa akin ni Pablo, sabay pigil sa mga kamay ko.
May pagtataka sa mukha niya na tiningnan niya si Angelica na katabi niya, at ang mga hubad nilang mga katawan. Mabilis din niyang pinagala ang tingin niya sa paligid. Napagtanto niya siguro kung nasaan siya, kay binalingan niya uli si Angelica.
"Angelica? Ano 'to?" may takot sa mukha na sita niya kay Angelica.
"Ano 'to? Nakahubad kayong pareho sa ibabaw ng kama ng kapatid ko, tapos magtatanong ka kung ano?!" galit na galit na sumbat ko sa kanya.
"Jazz... l-let me explain. Hindi--"
“Explain? At ano naman ang paliwanag mo? Na hindi sinasadyang nagkatabi lang kayo dito sa kama? Na ano? Na natapunan lang ng alak ang mga damit ninyo kaya kayo parehong nakahubad?! Pu*****na naman, Pablo!!!”
Sa buong buhay ko, hindi ako nakapagmura. Ngayon lang.
“Jazz… hindi ko alam ito. Ang huling alam ko lang nag-iinuman kaming tatlo nila Angelica at Fritz. Hindi ko alam kung bakit… bakit ako naririto.”
Pumikit pa si Pablo, at saka sinabutan ang sarili niya, na tila sa pamamagitan noon ay maaalala niya ang nangyari kagabi.
“I hate you! I hate you!” Kasabay noon ay ang muling pag-unday ko ng hampas at suntok sa kung saang parte ng katawan ko mahagip si Pablo. Pero this time, hindi na nag-aksaya ng panahon na salagin ni Pablo ang mga atake ko. Hinayaan lang niya na saktan ko siya. Tuloy, si Angelica ang sumubok na salagin ang mga atake ko kay Pablo.
“Ano’ng kaguluhan ‘to?!”
Awtomatikong huminto ako sa pagsuntok kay Pablo nang marinig ko ang dumadagundong na boses ni Papa. Agad na bumangon si Pablo paupo sa kama, at saka naguguluhang nilingon si Angelica. Kinuha niya ang isang unan sa kama para itakip sa maselang bahagi ng katawan niya. Samantalang hinatak naman ni Angelica ang kumot na pinagsasaluhan nila kanina.
Halos sabay pa silang napalingon sa gawi ng pintuan ng kuwarto si Angelica at Pablo, habang ako ay hindi natinag sa sigaw ni Papa. Nasanay na siguro ako. Mula pagkabata ba naman ay sa sigaw ni Papa na ako lumaki. Kaya kitang-kita ko ang biglang pagkawala ng kulay sa mukha ni Pablo. Samantalang parang normal lang ang sitwasyon sa nakikita ko na itsura ni Angelica. Katulad lang nung mga bata kami, kapag nahuhuli kami ng mga magulang namin na nag-aaway.
Napilitan tuloy akong lumingon sa gawi ng pintuan. Nakatayo doon ang galit na si Papa. Salit-salitan niya kaming tinitingnan na tatlo. Samantalang nasa bandang likuran naman niya si Mama na mukhang gulat na gulat sa nakita niya, at si Fritz na pupungas-pungas pa.
“Angelica? Ano ‘to?” tanong ni Papa kay Angelica.
Mabilis na tumayo si Pablo mula sa kama, sabay tangay sa kumot at saka ibinalot sa hubad niyang katawan.
“Angelica, bakit mo nagawa ‘to?” tanong ni Pablo, na kay Angelica nakatingin.
“Ang kapal ng mukha mong lalaki ka na tanungin ang anak ko kung ano ang nangyari sa inyo?!” galit na tanong ni Papa, habang nagmamadaling naglalakad papunta sa puwesto namin nila Pablo.
Nang makarating sa puwesto namin ay marahas ako nitong tinabig, at saka dinakma si Pablo. Aktong susuntukin ni Papa si Pablo nang biglang iniharang ni Angelica ang katawan niya sa pagitan ni Pablo at ni Papa.
“Papa! Huwag! Gusto ko si Pablo! Mahal ko siya! Ipaglalaban ko siya kay Jazz!”
Narinig ko pa ang pagsinghap ni Mama, na nakalapit na rin pala sa amin.
"Angelica! Ano bang kalokohan ‘yan? Boyfriend na ng Ate mo si Pablo!” galit na sita sa kanya ni Mama.
“Umalis ka diyan, Angelica! Hindi ko palalampasin ang ginawa sa ‘yo ng lalaking ito!” sigaw uli ni Papa.
“Hindi, Papa! Malakas ang kutob ko na si Angelica ang may ideya nito! Hindi mo ba narinig ang sinabi niya?!”
Hindi ko nakontrol ang sarili kong sumigaw. Punung-puno na ako, at pakiramdam ko ay bigla na lang akong sasabog. Mula noon pa ay bulag-bulagan lang si Papa sa mga kalokohan ni Angelica.
Madilim ang mukha na hinarap ako ni Papa, at saka inisang hakbang lang ang paglapit sa akin.
Pak!
"Jazz!”dinig kong tawag ni Pablo sa akin, sa kabila ng paghuni ng tenga ko.
“Agustin!” tawag naman ni Mama kay Papa.
Halos bumiling ang mukha ko sa lakas ng pagkakasampal sa akin ni Papa. Saglit na puro huni lang ang narinig ko sa isang tenga ko. Pero taas-noo ko pa ring tiningnan si Papa, habang tumutulo ang mga luha ko.
~CJ1016