Jheimwel Rain "May napaso ka bang balat?" tanong niya eksaktong paglabas ko ng banyo at siya naman ay kapapasok lang din ng pinto ng kuwarto ko. Napansin ko ang hawak niyang maliit na box na parihaba. Napababa ang paningin ko sa mga braso kong namumula at medyo mahapdi. "Come." Kaagad niya naman akong hinila sa kamay patungo sa kama. Naupo siya sa gilid niyon habang ako naman ay nakatayo sa harapan niya. Nakatapis ako ng tuwalya at basang-basa pa rin ang buhok ko. Kaagad niyang binuksan ang box at inilabas mula doon ang parang tube na lagayan. Ano naman kaya iyon? Binuksan niya rin ang takip niyon at nilagyan ng kaunting pahid ang dulo ng hintuturo niya. Kulay puti iyon na parang kaylambot. Muli niyang kinuha ang braso ko at marahan niya itong ipinahid sa namumula kong balat.