Jheimwel Rain Kasalukuyan ako ngayong nakatayo sa pinto ng morgue habang natatanaw ko sa loob ang mga nakahilerang mesa kung saan ilang mga katawan ng tao ang nakahiga. Lahat sila ay nababalutan ng kulay berdeng tela at alam kong lahat sila ay mga wala ng buhay. Parang hindi ko kakayaning pumasok sa loob. Nanghihina ang mga tuhod ko at ayaw kumilos ng aking mga paa. Sana ay nagkakamali lang sila. Sana ay wala d'yan si tatay. Sa mga oras na ito, dapat ay nasa laot lamang siya at nanghuhuli ng isda o kaya naman ay nagtitinda ng mga buko sa tabing dagat sa resort. Kung p'wede ko lang ibalik ang nakaraan at manatili na lamang kami sa panahong 'yon ay gagawin ko. Hindi na ako natutong mangarap noon ng kahit ano, ni hindi ko magawang mainggit sa mga taong nakakasalamuha ko sa resort dah