"Tatay, 'eto na po 'yong one thousand." Muli kong ibinalik kay tatay ang isang libong piso ni kuya Dylan.
"Oh, hindi ka ba nakahanap nang pamalit?" Nagtataka naman siyang tumingin sa akin bago luminga sa paligid.
"Eh, huwag na daw po, eh kaya binigyan ko na lang siya ng porselas para sa girlfriend niya."
"Nakakahiya naman sa batang 'yon. Nasaan na ba siya?" Muli siyang luminga sa paligid.
"Umalis na po. Ayaw magpapilit sa pera kaya hinayaan ko na."
"Oh, sige. Ibibili na lang natin ito ng bigas mamaya."
"Opo. Babalik na po ako sa tindahan ko, tay."
"Oh, sige na."
Muli ko na siyang iniwan at binalikan ang tindahan ko na hanggang ngayon ay pinag-uumpukan pa rin ng anim na mga babae.
"May napili na po ba kayo?" nakangiti kong tanong sa kanila bago ako muling umupo at inilagay sa kandungan ko ang malapad na bilao.
Pasimple ko itong binilang upang malaman ko kung kumpleto pa rin ba bukod sa mga hawak nila.
Ilang beses na rin kasi akong nabawasan ng porselas at kuwintas na walang nagbayad pero hinahayaan ko lang. Kunsensiya na nila ang magdadala kung pati mga kabibe lang ay nanakawin pa nila.
Makakakuha pa rin naman ako niyan sa dagat ng mas marami pa. Kapag wala akong makuha sa tabing dagat ay doon ako lumalangoy patungo sa malalim. Minsan kasi ay doon ako nakakakuha ng mas marami.
At kapag may time pa kami ni tatay ay pumupunta kami ng laot. Kaya nasanay na rin akong lumangoy kahit sa pinakamalalim pa na bahagi ng dagat. Isinasabay ko minsan sa panghuhuli niya ng isda.
"Ito na lang ang sa akin, Miss."
"Ito naman ang sa akin."
Kaagad nila akong inabutan ng kanilang mga bayad na siyang ikinangiti ko ng malaki.
"Sige po! Salamat po! Heto po ang plastik."
"Hindi na, Miss. Isusuot ko na itong sa akin. Ang ganda."
Tangka na sana akong bubunot ng cellophane mula sa bag ko nang isuot na lang ng isang babae ang porselas niya sa braso niya.
"Pahingi na lang ako ng isa, Miss kasi may pagbibigyan ako nito."
"Sige po. Ito po. Salamat po."
Kaagad ko namang inabutan ng isang cellophane ang isang babae.
Nang medyo nabawasan na ang customer ko ay pasimple akong luminga sa paligid, patungo sa gawi ng restaurant.
Ngunit biglang nadaanan ng paningin ko ang tatlong lalaking tumatakbo patungo sa gilid ng dagat sa kaliwang bahagi. Isa na nga doon ang pokpok na lalaking nagngangalang Darren.
Ang ganda pa naman sana ng pangalan niya pero sinisira niya lang. Hmp!
Sino naman kaya 'yong dalawang kasama niya at bakit sila tumatakbo?
Napakunot ang noo ko habang tinatanaw sila. Hanggang sa dulo ng dalampasigan ay may natanaw akong tila helicopter na patuloy sa pag-ikot ang elesi.
Ano naman kaya iyon?
Mas lalo pa akong napakunot-noo dahil kahit napakalayo ng kinaroroonan nila ay tanaw kong parang nagkakagulo ang mga tao doon, lalo na nang dumating doon 'yong tatlong lalaking tumatakbo.
Tanaw kong may mga sinusuntok na sila doon!
"T-Tatay!" Kaagad kong naibalik sa loob ng bag ko ang mga porselas ko at nagtungo sa p'westo ni tatay.
Ngunit natigilan ako nang bigla siyang nawala at hindi ko mahagilap sa tindahan niya.
"Tay!" sigaw ko habang lumilinga sa buong paligid. Inilagay ko sa ilalim ng kariton niya ang malapad kong bilao.
Muli akong luminga sa paligid hangang sa matanaw ko siya sa 'di kalayuan at kausap ang supplier niya ng mga buko.
"Miss, nasaan na 'yong mga paninda mo? Patingin. Bibili ako." Isang babae naman ang mukhang excited ang lumapit sa akin.
"Ah eh, 'eto po." Wala akong nagawa kundi ang ipakita ulit sa kanya ang mga paninda ko.
Kaya naman ang iba pa ay muli na naman akong pinagkumpulan.
Hanggang sa naagaw na naman nila ang atensiyon ko at hindi ko namalayan ang oras.
"Rain! Rain, please, help us!"
Nagulat ako nang bigla na lamang may humawak sa braso ko at hinila ako paharap sa kanya.
Napanganga ako nang bumungad sa harapan ko ang lalaking pokpok na ubod ng yabang!
"Rain, please. Help us."
"Ikaw na naman?!" Inis kong inagaw mula sa kanya ang braso ko. Hinawakan na naman niya ako! Mananagot na talaga siya kay tatay!
"Please, this is serious. We need help now."
Napahinto naman ako sa sinabi niyang 'yon. Kita ko ang pagmamakaawa sa mga mata niya habang nakatitig sa akin. Malayong-malayo sa kaninang parang gusto akong patayin sa talim ng tingin niya.
"Rain, please. Tatanawin ko itong malaking utang na loob sa iyo."
Bigla akong napalingon sa lalaking lumapit din sa akin at ngayon ay may pangkong babae sa likod niya.
Si Kuya Dylan. Hindi kaya siya 'yong fiancee niya?
Napatingin din akong bigla sa likuran nila at natanaw ko doon ang mga lalaking paparating. Bigla kong naalala 'yong mga kasuntukan nila kanina.
Mukhang seryoso nga ito.
"Sumunod kayo sa akin," aniko bago ako tumalikod at iniwan na ang mga customer ko. Bahala na muna sila d'yan.
"Damn, mahahalikan talaga kita!"
Ngunit biglang nagpanting ang tainga ko sa isinigaw na iyon ng pokpok na lalaki sa likuran ko. Kaagad ko siyang nilingon at sinamaan ng tingin.
"Baka lang naman." Bigla siyang bumait na parang tuta habang kakamot-kamot sa ulo niya.
"Paano 'yong maleta ko?!" isang lalaki pa sa likuran namin ang biglang sumigaw.
Saglit akong napatulala sa mukha niya.
Ang cute niya? Kapatid din kaya nila ito?
Hindi naman sila magkakamukha pero hindi maipagkakailang may mga taglay silang angking kakisigan at kaguwapuhan.
Pansin ko na nga ang pagkukumpulan na naman ng mga kadalagahan sa paligid namin habang nakatitig sa kanila.
"Saka mo na lang balikan! Idiot!" sigaw naman sa kanya nitong fuckboy na nasa tabi ko.
Muli kaming nagpatuloy sa paglalakad patungo sa liblib na bahagi ng restaurant.
Ngunit nakakailang hakbang pa lamang kami nang marinig namin ang lagabugan sa aming likuran at mga pagmumura.
"f**k!"
Kaagad kaming napalingon at napanganga ako nang mabungaran namin ang mga lalaking kinakalaban na ang cute na lalaking kasama namin ngayon na may bitbit na maleta!
"Diyos ko," naiusal ko kasabay nang pag-atras ko.
Bigla akong kinabahan at nakaramdam ng takot. Baka magkapatayan sila!
"What the--Hindi pa rin kayo nadala?!" sigaw naman ni Darren bago mabilis ding sumugod sa kanila at hinarap ang tatlong lalaking humaharap ngayon sa kasama nila.
Walang takot siyang nakipaglaban sa mga ito.
"Hey!"
Isang matangkad at guwapo ding lalaki ang muli pang dumating na may kasama ng mga guwardiya.
Pinagtulungan nila ang tatlong lalaki hanggang sa magsi-bagsakan ang mga ito sa lupa at malupig nila.
"f**k you all," maangas na sabi ng cute na lalaki habang pinapagpag ang balikat niya.
"Ganito ba kaluwag ang security niyo dito? Why are you allowing stupid intrusive people here?!" sigaw naman ni Darren sa mga guard.
Bakas ang galit sa mukha niyang namumula. Tumutulo na rin ang pawis niya sa noo at leeg dala ng init at siguro ay pagod mula sa pakikipagsuntukan niya.
"Pasensiya na po, Sir. Hindi na po mauulit. Ipaparating po naman ito sa head. P'wede rin po kayong sumama, Sir para mag-complain."
"Gusto niyo pang i-complain ko kayo para matanggal na kayo sa trabaho?!" muli niyang sigaw sa mga ito.
"That's enough. You need to leave."
Biglang sumingit na ang lalaking nahuling dumating. Napakaamo ng mukha niya pero napakaguwapo naman.
"A guy came in and was looking for Ate Sam. Sa tingin ko ay hindi siya basta-basta. He also looks like someone with a high profile," aniya.
"Sino?" tanong ni kuya Dylan sa kanya.
"Based on what I heard him say to the concierge service, his name is...Mister Joaquin Delgado."
"What?" Kita ko ang pagkagulat sa mukha ni kuya Dylan at ng babaeng nakapangko sa likod niya.
"D-Dylan..."
"Is there something you're not telling me?" tanong ni kuya Dylan sa kanya.
"M-Mamaya ko na ipapaliwanag."
Wala akong maintindihan sa mga pinag-uusapan nila lalo na't kaybibilis nilang magsalita.
"Sige na, you go first. I'll just take our belongings at tatawag na rin ako sa Manila para makapagdala ng sasakyan natin dito," sabi ng guwapong lalaking may maamong mukha.
Mukhang napakabait din niya katulad ni kuya Dylan. Ewan ko lang sa dalawa pa nilang kapatid, lalo na sa isang ubod ng yabang. Pokpok pa.
"Be careful," may pag-aalala namang sabi ni kuya Dylan sa kanya.
"Ikaw na ang magdala nito. I'll go with Darell. Mahirap na, lampa pa naman 'to," sabi ng cute na lalaki bago niya malakas na inihagis kay Darren ang bitbit niyang maleta.
Kaagad din naman itong nasalo ng isa.
"What?! Baka ikaw ang umbagin ko d'yan!" mukhang inis na sagot naman sa kanya ng lalaking may maamong mukha.
Pinigilan ko ang matawa dahil parang mas lalo siyang gumuwapo sa inasal niyang 'yon.
Bigla naman akong napatingin kay Darren na ngayon ay madilim na naman ang anyo habang matalim na nakatitig sa akin.
Ano na namang problema nito?
"Mga gunggong! Bilisan niyo na! Siguraduhin niyong walang makakasunod sa inyo, kundi kayo ang uupakan ko," sigaw niya sa dalawang nagtatalo pa bago muling lumingon sa akin at sinamaan na naman ako ng tingin.
Siya na ngayon ang may bitbit sa maleta.
"Ito na nga!" Kaagad nang tumalikod ang dalawa habang ang tatlong lalaki ay binitbit na rin ng mga guwardya.
Kaagad na rin kaming tumalikod at nagpatuloy na sa paglalakad sa liblib na bahagi ng restaurant.
Wala akong ibang pagdadalhan sa kanila kundi sa lugar lang namin ni tatay. Liblib iyon at walang ibang nagagawi doon bukod dito sa pokpok na lalaking kasama namin.
ILANG SANDALI lang ay nasa loob na nga kami ng kagubatan.
"Bakit parang alam na alam mo ang daan?"
Napalingon akong bigla kay Kuya Dylan sa tanong niyang 'yon.
Nakatitig naman si kuya Dylan kay Darren na siyang nangunguna sa paglalakad. Parang kabisadong-kabisado na kaagad niya ang daan kahit isang beses pa lang naman siyang nakapunta doon.
Oh, baka naman sinundan niya akong muli, hindi ko lang namalayan.
Kibit-balikat at pagngisi lang ang isinagot niya sa kuya niya. Tumingin din siya sa akin kaya kaagad ko siyang pinukulan ng matalim na tingin.
Puro talaga kalokohan ang nasa utak niya.
HINDI NAGTAGAL ay nakarating din kami sa barong-barong namin ni tatay.
"Kaninong bahay ito?" tanong ni kuya Dylan.
"Sa amin ni tatay. Dito na muna kayo pansamantala. Wala pang naliligaw dito bukod sa isa, at sa dalawa pa," sagot ko. Baka lang kasi may alam na rin ang dalawa pang lalaking kapatid nila tungkol sa lugar naming ito ni tatay.
Naalala ko kasi ang sinabi ni Darren kanina sa dalawa na siguraduhing walang dapat na makasunod sa kanila patungo dito.
Ang ibig sabihin ay alam na rin nila ang patungo dito?
Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim.
"What do you mean?" tanong naman ni kuya Dylan. Bakas ang pagtataka sa kanyang mukha habang nakatitig sa akin.
"Wala po. Dito na muna kayo. Ligtas kayo dito."
"Dylan, ibaba mo na ako," mahinang sabi naman ng girlfriend niya sa kanya mula sa pagkakapangko nito sa likod niya.
Parang ang hina-hina ng katawan niya. Hindi kaya may sakit siya?
Pagkababa sa kanya ni kuya Dylan ay marahan siyang lumapit sa akin, na parang ang hina-hina ng mga tuhod niya.
"Thank you, ha," nakangiti niyang sabi sa akin. "By the way, I'm Sam, Samantha Heisenberg."
Napatitig akong bigla sa kanya.
Ngayon ko lang napansin ang kakaiba niyang ganda. Para pala siyang tisay at may lahi. Masyadong matangos ang ilong niya na hindi natural sa mga Pilipina.
Maputi at namumula-mula rin ang balat niya. May kakapalan at malalantik ang mga pilik-mata niya.
Nahiyang bigla ang hitsura ko. Kaya naman pala, mahal na mahal siya ni kuya Dylan. Napakalayo sa hitsura ko ng fiancee niya. Mukha din siyang mabait.
"Ikinagagalak ko po kayong makilala. Ikaw pala ang sinabi ni kuya Dylan na fiancee niya. Napakaganda niyo po. Bagay na bagay din sa inyo ang pangalan niyo." Kaagad akong yumuko sa harapan niya bilang paggalang.
"Paano kayo nagkakilala?"
Napahinto naman ako sa tanong niyang 'yon.
Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa ni kuya Dylan.
"Ah, kasi si tatay niya ay nagtitinda ng buko juice. I bought them this morning for you but I accidentally dropped it dahil hindi kita nadatnan kanina sa cottage natin," sagot ni kuya Dylan sa kanya.
"Gano'n ba?"
"Ako nga po pala si Rain, Rain Rivera," pagpapakilala ko sa kanya. Hindi ko na lang binuo pa ang pangalan ko dahil masyadong mahaba. Okay na ako na tawagin nilang Rain.
Kaagad namang kinuha ni ate Sam ang kamay ko at marahang pinisil.
"Utang na loob namin ito sa iyo. Pasensiya ka na kung naabala ka namin," aniya sa akin. Mababakas din naman ang hiya sa mukha niya habang nakatitig sa akin.
"Ayos lang po 'yon. Tumutulong po ako hangga't kaya ko."
"Ang bait mo naman. Huwag ka nang mag-po sa akin, ha. Para tuloy akong tumatanda, eh."
Saglit akong napahinto sa sinabi niyang 'yon at nakaramdam ng hiya. Para namang hindi bagay na makipagsabayan ako sa kanila. Matataas silang tao.
"S-Sige," alanganin kong sagot.
"Mabait talaga 'yan. Siya nga sumagip sa akin eh," biglang sabat ni Darren na siyang ikinalingon naming lahat sa kanya.
Kaagad ko siyang sinamaan ng tingin.
"What happened to you?" tanong ni kuya Dylan sa kanya na tila nagtataka.
"Nakaga--"
"Ahm, pasok na muna kayo sa loob para makapagpahinga kayo. Siguradong napagod kayo sa malayong paglalakad," kaagad ko nang putol sa kanya.
Napakadaldal naman pala niya! Baka masabi niya ring nakita na niya ang hubad kong katawan at ang ginawa kong paggamot sa sugat niya!
"Pasensiya na kayo sa bahay namin, ah. Siguradong h-hindi kayo sanay sa ganito," nahihiya kong sabi sa kanila habang pinatutuloy na sila sa loob ng bahay namin.
"It's okay, ano ka ba? Sanay din naman kami ni Dylan sa ganito," sagot ni ate Sam na siyang ikinagulat ko.
"T-Talaga po?" Wala naman sa hitsura nila. Kutis-mayaman kasi sila at may mga pinag-aralan.
"Yeah. Ewan ko lang sa isa d'yan," sagot niya bago siya lumingon kay Darren.
"Oh, bakit? Mas lalong ayos na ayos sa akin 'to lalo na't may magandang dilag--"
Kaagad kong sinamaan ng tingin si Darren sa nais na naman niyang sabihin. Alam ko kasing ako na naman ang patutungkulan ng mga salita niya.
"Paano niyo po ba ito naging kapatid, kuya Dylan? Mukhang magkaiba kayo ng ugali eh," tanong ko kay kuya Dylan bago kami muling nagpatuloy sa pagpasok sa loob ng bahay namin.
"'Cause our mothers are different."
Napalingon naman akong muli kay Darren sa walang kagatol-gatol niyang sagot na iyon.
Bigla akong napahinto at napatitig sa kanya. Para akong naputulan bigla ng dila.
Napalunok ako at parang sinundot ang kunsensiya ko. Bakit ba naitanong ko pa 'yon?
"Ah, p-pasensiya na." Napayuko ako at tinamaan ng hiya. Masyadong personal na 'yong nasabi ko at alam kong mali ako.
"It's okay. It's not a big deal to me."
Muli akong napatunghay at sinalubong ang mga mata niyang taimtim na ngayong nakatitig sa akin.
Nawala nang bigla ang kanina lang ay mapaglaro niyang ngiti sa mga labi niya.