Naging maganda naman ang mga unang araw ni Vassyleen sa FH dahil mainit siyang tinanggap ng mga bagong ka-trabaho. Ngayong gabi nga ay naimbitahan pa siya para sa birthday celebration ng matandang founder ng FH na si Mr. Klaus Foreman-kung saan sa mismong building ginanap ang pagsasalo.
Kung hindi lang nakakahiyang tumanggi ay hindi sana dadalo ang dalaga. Dahil hindi naman talaga siya sanay sa ganitong okasyon.
Nainip siya sa party dahil wala pa naman siyang gaanong kilala doon. Ni hindi pa nga niya nakikilala ang presidente ng FH dahil mahuhuli daw ito ng dating dahil sa isang importanteng bagay.
Kaya nagpasiya ang dalaga na pumunta na lang muna sa rooftop ng building na iyon. Sanay siya sa pinagtatrabahuan niya sa Maynila na sa rooftop nagpapalipas ng oras kapag breaktime at nababagot siya.
Umupo siya sa isang couch na hugis puso. Di hamak na mas maganda at mamahalin ang upuang iyon kumpara sa pinanggalingan niya sa Makati. Halatang galante ang may-ari ng gusaling ito.
Nakalugay lamang noon ang itim at mahaba niyang buhok. Manipis lamang ang mga hibla nito at banat na banat kung kaya malaya itong naililipad ng hangin. Napayakap siya sa sarili nang maramdaman ang paghampas ng malamig na hangin sa balikat niyang nakalantad dahil sa off-shoulder dress na suot niya. She flipped her hair.
"Puwede bang magpa-picture sa'yo?" Napakislot si Vassyleen nang marinig ang baritonong boses na iyon mula sa kaniyang likuran.
Dahan-dahan siyang lumingon, para lang magulat nang makita ang matangkad at may balingkinitang katawan na lalaking nakatayo sa likuran niya. Nakapamulsa ito sa suot na itim na slacks at tinernuhan ng puting polo na may Chinese collar na umabot hanggang siko ang manggas. Medyo hapit ang tabas kaya bumakat ang magandang hugis ng katawan ng lalaki na sigurado siyang may mga itinatagong abs sa loob. Nakasukbit naman sa balikat nito ang isang itim na coat.
Sunod-sunod na napalunok ang dalaga sabay dahan-dahang tumayo. Lalo siyang humanga sa binata nang umakyat ang kaniyang mga mata at makita ang napakaguwapo nitong mukha. Kulay-kape ang buhok, na bumagay sa mestisong kulay ng balat nito. Kahit medyo madilim ang bahaging kinatatayuan ng lalaki ay naaninag pa niya ang kulay asul nitong mga mata. Maganda rin ang pagkakatangos ng ilong nito na bumagay sa hugis-puso nitong mga labi. Na bagamat nakatikom ay hindi maipagkakailang namumula-mula iyon. Base sa kabuuang anyo ng lalaki ay hindi maipagkakailang hindi purong Pinoy ang nanalaytay sa dugo nito.
Oh my God! Nasa langit na ba ako? Anghel ba itong kaharap ko? Natatarantang hiyaw ng isip ni Vassyleen.
"Siguro naman pumasa na sa'yo ang hitsura ko. Guwapo naman ako sabi ng Mom ko." Pati ang boses nito ay suwabeng-suwabe. "It was just a wild guess. Puwede mong sabihing mayabang ako kung hindi ka
naniniwala sa sinabi ng Mommy ko."
Nang muli itong magsalita ay doon lang natauhan ang dalaga. Doon lang niya napansin ang simpatikong ngiti na nakaguhit sa labi ng lalaki. Na tila ba hindi man lang nailang sa ginawa niyang pagsisiyasat. Pasimple siyang yumuko upang ikubli ang pamumula ng pisngi. She was too stupid for acting like a fool in front of this stranger.
"W-what did you say?" Tanong ni Vassyleen nang tila makabawi.
"I don't know which of the things I said would you like me to say again." Pabalang iyon pero hindi iyon maramdaman ni Vassyleen dahil sa nakakabit na ngiti sa labi ng lalaki.
Mukhang sanay ang lalaking makipagtitigan kahit sa mga hindi kakilala dahil nagawa pa siya nitong titigan ng walang kakurap-kurap. Si Vassyleen ang hindi nakatagal kaya siya ang unang umiwas. "I'm so..sorry. Medyo nagulat lang ako sa pagsulpot mo."
"Actually, ako din. Kasi akala ko solo ko lang ang lugar na ito ngayon.."
"Empleyado ka rito?"
Bahagyang kumibot ang labi ng lalaki pero kapagkuwa'y itinikom din. Tila nag-isip ito sandali bago sumagot. "Oo. Ikaw?"
Nagulat ng kaunti ang dalaga. Masiyado itong guwapo para maging ordinaryong empleyado.
"Ako 'yong arkitektong ipinadala dito ng VAF para sa bagong proyekto niyo."
Sandali itong nag-isip bago tumango-tango. "Oh, right. I knew it. Bakit nandito ka? Hindi ka ba nag-enjoy sa party?"
"The party was truly awesome. But honestly, I'm not really into it so I got bored." Pag-aamin ng dalaga. "Kaya naghanap ako ng mapagtatambayan.."
"At dito ka dinala ng mga paa mo?" Tumango si Vassyleen na hindi niya alam kung bakit ikinangiti ng lalaki. "Parehas pala tayo. Medyo nainip din ako sa party kaya umakyat ako dito." Lumabas ang dalawang biloy sa magkabilang pisngi ni Vassyleen. Dahilan para lumawak ang ngiti ng lalaki. "Anyway..." inilahad nito ang kamay. "Ako nga pala si Klyv. Puwede ko bang malaman ang pangalan ng magandang binibining kasama ko ngayong gabi?"
Kung sa ibang lalaki lang nanggaling ang papuring iyon ay iisipin ni Vassyleen na ka-preskuhan iyon. Pero ewan kung bakit sa halip na mainis ay kinikilig pa niyang inabot ang nakalahad na kamay ng lalaking 'Klyv' pala ang pangalan. "Vassyleen.."
"Wow!" May paghangang bulalas nito. "Vassyleen...can you be my shampoo?"
Muli, sa halip na maasar ay ikinatuwa pa niya ang biro nito sa pangalan niya. Na malimit ay tinutukso ng mga kakilala niya dahil sa pagiging katunog nito sa brand ng isang shampoo.
Pero kailan man ay hindi niya iyon ikinahiya. Dahil iyon ang bunga ng matamis na pagmamahalan ng kanilang mga magulang na hinango sa pangalan ng Mama Pauleen at Papa Vassilio niya.
"Oh, I'm sorry! No offense meant." Hingi nito ng depensa sa mababang boses. Marahil ay inisip nitong naasar siya sa birong iyon.
"Wala 'yon. Sanay na ako. Pero okey lang kasi proud naman ako sa pangalan ko, eh."
"Alam mo, kung sino man 'yong nagsasabing pangit ang pangalan mo-lalo na 'yong mga lalaki-siguradong gusto lang magpapansin sa'yo." Seryoso nitong tugon. "Because there's nothing wrong with your name. It's actually sounds sexy and charming."
"Bolero!" Aniya.
"Ano nga pala 'yong tinatanong mo sa'kin kanina?" Tanong ni Vassyleen kapagkuwan. Magkatabi na sila noong nakaupo sa couch habang pinagmamasdan ang mga bituin sa kalangitan. Masarap kausap si Klyv, napaka-cool. Kaya kahit kakakilala pa lang nila ay palagay na siyang nakikipag-usap dito.
"Punchline 'yon. Baka makornihan ka kaya huwag na lang..." nahihiya pa kunwari nitong saad.
"Ang totoo mahilig akong magbasa ng mga kakornihan..."
"Tulad ng?" Tila nabuhayan ang loob ni Klyv base sa boses nito.
"Mga Tagalog romance books. Sabi kasi ng iba, corny daw 'yon. Pero para sa'kin ay napakaganda nitong pantanggal umay sa daily routine ng tao."
Natawa si Klyv sa biro niya. "May common factor pala tayong dalawa. Kasi ako naman ay mahilig p-umick-up. Na para naman sa iba ay kakornihan din."
"Sige nga, sample-an mo ako."
"Huwag na lang. Mag-picture na lang tayo."
Kumunot ang noo ni Vassyleen. "Bakit?"
"Para madevelop tayong dalawa."
Napangiti ang dalaga. "O, sige na. Naniniwala na akong magaling ka ngang bumanat."
"Siguro ang hilig mong kumain ng asukal." Dagdag pa ni Klyv na medyo nakapilig ang ulo at matamang pinagmamasdan ang mukha niya.
"Bakit?" Medyo naiilang niyang tanong.
"Kasi ang tamis-tamis ng ngiti mo, eh." Anito sabay kindat sa kaniya. Mahina niya itong hinampas sa braso. "Akala ko ba mahilig kang magbasa ng mga Tagalog romance books?"
"Oo nga!"
"Eh bakit parang gulat na gulat ka sa mga banat ko?" Puno ng amusement na tanong nito. "O talagang magaling lang akong mag-pick up."
"Sanay ka lang talagang mambola." Hindi niya alam kung bakit nahahawa siya sa magandang ngiti ni Klyv na umabot hanggang mga mata nito.
Tumawa ito ng mahina. "Ayokong sabihing ikaw pa lang ang babaeng sinampolan ko ng mga punchlines. Kasi baka sabihin mong ang presko-presko ko."
"Wow! Hindi mo nga sinabi." Sinabayan ni Vassyleen ang mahinang pagtawa ni Klyv saka pinagkrus ang dalawang braso sa harap ng dibdib nang muling maramdaman ang lamig.
Hindi iyon nakaligtas sa mga mata ni Klyv.At hindi niya inaasahan ang kasunod nitong ginawa.
Tumayo si Klyv at inalis ang coat na nasa balikat nito. Nagtaka siya ng umikot ito sa likuran niya. "Para hindi ka lamigin." Marahan nitong ipinatong sa braso niya ang blazer.
Napakislot si Vassyleen nang dumampi sa balat niya ang kamay ni Klyv. "T-thank you.." aniya nang bumalik ito sa tabi niya.
LADY J.