PROLOGUE
"There is no place like home."
Inalis ni Vassyleen ang mga mata sa labas ng sasakyan at nilingon ang nagsalita.
Hanggang maaari ay ayaw niyang tingnan ang nakababatang kapatid na si Valerie. Hindi kinakaya ng dibdib niya sa tuwing pinagmamasdan niya ang ulo nito na nakabalot ng scarf dahil sa pagkakalbo ng buhok. Nanlalalim na rin ang mga mata nito at namumutla ang bitak-bitak na mga labing hindi kayang takpan ng kahit anong makeup. At ang lalong nagpapadurog sa puso ni Vassyleen ay ang nangangayat nitong katawan.
Unti-unti siyang nanghihina habang pikit-matang pinagmamasdan ang mahal na mahal niyang kapatid. Malayong-malayo na ito sa sexy at magandang modelo na tinitilian ng mga manonood tuwing rumarampa sa catwalk.
"Hindi ka ba masaya, Ate, na nakabalik na tayo dito sa Pilipinas?" Valerie sighed and smiled. "I'm sorry for that insensitive question. Wala ka na palang panahong ngumiti simula nang pumunta tayo ng Sydney."
Kumisap si Vassyleen nang dalawang beses upang pigilan ang pagtubig ng kaniyang mga mata. Tatlong taon din silang nanirahan sa Sydney. At sa loob ng mga panahong iyon ay hindi nagbago ang kung ano mang damdaming mayroon siya bago sila umalis noon dito sa Pilipinas. Pero pinilit pa rin niyang magpakatatag at magpakasaya para sa kapatid niya. Dahil ayaw na niyang dagdagan pa ang bigat ng pinagdadaanan nito bilang isang colon cancer fighter.
Stage four na ang sakit ni Valerie bago nila naagapan. Dahil binalewala nito ang mga sintomas na nararamdaman noon. Kaya pala nangayayat ito noon at namumutla, palagi pang sumasakit ang tiyan. Sintomas pala iyon ng colon cancer na maaari daw nakuha nito sa sobrang alak at paninigarilyo.
"I shouldn't have put you on that damn situation, Ate. I've been so selfish all this time..." Gumaralgal ang boses ng kapatid niya.
Maingat na hinawakan ni Vassyleen ang pisngi nito. "Sshhh... stop crying, okay? Huwag mo nang isipin 'yon." Naiintindihan na niya ang tinutukoy ni Valerie at hanggang maaari ay ayaw na niyang pag-usapan pa. Ayaw niyang paulit-ulit na maramdaman ang sakit sa kaniyang puso.
Ilang beses na noong sinubukan ni Valerie na buksan ang mapait na bahaging iyon ng kaniyang nakaraan pero madalas siyang umiiwas. Dahil paano niya iyon maaatim kung alam niyang may nasaktan siyang tao? At kung hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa puso niya ang sugat na siya mismong may sala?
******
"Tamang-tama lang pala ang pag-uwi nating ito, Ate."
Nakaupo noon si Vassyleen sa gilid ng kama ni Valerie habang masuyong hinahaplos ang pisngi nito. Tatlong araw na sila sa Pilipinas. Sa bahay na nila nananatili ang kapatid dahil nakiusap itong itigil na ang pagagamot. Pagod na pagod na raw ito sa iba't-ibang therapy at gamot na ipinapasok sa katawan. Hindi siya pumayag noong una, pero pinilit siya ng kapatid. Batid ni Vassyleen na nararamdaman na ni Valerie ang unti-unting pagpatay ng cancer cells sa katawan nito. Na tanging himala na lang ang kailangan nila upang mailigtas ang kapatid.
Pero, siyempre, ayaw bumitaw ni Vassyleen. Hindi niya kakayanin. "N-nagugutom ka ba?" tanong niya kay Valerie. Naramdaman niya ang pagpisil nito sa palad niya at nakita niya ang nangangatal nitong mga labi.
"T-thank you for everything, Ate. Mula nang mamatay sina Mommy at Daddy ay ikaw na ang nag-alaga sa'kin. Ibinigay mo sa'kin ang lahat. To the point that you forget your own happiness...sacrificed your own life." Tuluyan nang nabasag ang boses ni Valerie. "Wala ka ng ibang inisip kundi ako...ako...ako."
Trese anyos lang si Valerie nang mamatay ang mga magulang nila. And Vassyleen was sixteen-year old then. Siya ang panganay kaya naiwan sa kaniya lahat ng responsibilidad. May naiwan naman na kaunting ari-arian at pera ang mga magulang nila. Kaya wala silang naging problema sa pinansyal na aspeto.
Kung dati ay iyakin si Vassyleen, nagbago iyon nang mamatay ang mga magulang nila. Nagpakatatag siya para kay Valerie na noo'y na-trauma dahil sa aksidenteng kinasangkutan nila na naging dahilan ng maagang pagkamatay ng kanilang mga magulang. Pauwi na sila noon galing sa pamamasyal nang hagipin ng isang malaking truck ang kotseng minamaneho ng daddy nila. Dead on arrival ang daddy nila nang dalhin sa ospital, samantalang nag-fifty-fifty ang mommy nila; na napuruhan dahil sa pag-cover nito sa kanilang magkapatid.
Kaunting galos lang ang inabot nila ni Valerie. Pero halos patayin naman sila noon ng bangungot na paulit-ulit nilang napapanaginipan. Inalalayan sila ng kanilang tiyahin na nagsabi sa kaniyang kailangan niyang magpalakas para sa kapatid, na noon ay halos hindi na makausap nang maayos. Palagi itong tulala at umiiyak. Madalas din magkulong sa kuwarto.
Pero mabait pa rin sa kanila ang Diyos dahil gumaling si Valerie sa tulong ng psychiatrist. Gayunman, may mga panahon pa ring nagkakaroon ito ng sariling mundo. Tahimik lang kapag may problema. Hanggang sa maisip na lang nitong saktan ang sarili kapag nahihirapan na.
Mula noon ay inumpisahan na ni Vassyleen na ibigay kay Valerie ang lahat ng makakapagpapasaya rito. Wala itong hiniling na hindi niya ibinigay.
Dumating na sa puntong halos wala na siyang oras makipagkaibigan sa school dahil kailangan niyang umuwi kaagad para sa kapatid. Masiyadong naging seryso noon ang buhay ni Vassyleen.
Hanggang sa tumibok ang kaniyang puso para sa isang lalaki. Pero dahil hindi sapat ang oras na ibinibigay niya sa nobyo kaya ipinagpalit siya nito. Naulit pa nang dalawang beses ang kabiguang iyon. Hanggang sa namalayan na lang niyang wala ng lalaki ang lumalapit sa kaniya. At siya ay tila nawalan na rin ng ganang pumasok sa isang relasyon. Doon niya naisip na baka itinakda talaga siyang tumandang mag-isa para alagaan si Valerie. Dahil hindi rin naman niya ito kayang ipagpalit sa kahit ano o kahit sino.
Hanggang sa magkolehiyo si Valerie. Nagpasalamat noon si Vassyleen nang hindi tumanggi ang kapatid sa kursong nais niya para dito: BS Tourism. Iyon ang gusto niyang kunin ni Valerie para matuto itong makisalamuha sa ibang tao. At hindi nga siya nagkamali dahil unti-unting nagkaroon ng pagbabago sa buhay ng kapatid. Unti-unting naging active ang social life.
Laking tuwa nga ni Vassyleen nang isang araw ay nagpaalam si Valerie na magpa-part time job ito sa modelling. Siyempre, pumayag siya. Baka iyon na ang paraan para tuluyan itong maging matatag tulad niya. Sa sobrang kagustuhan niyang mabago ang malungkot na buhay ni Valerie ay hindi niya namalayang masiyado na pala itong nalulong sa social life. Natuto itong uminom at manigarilyo, hindi na niya na-control.
"You're a selfless person, Ate, kaya bago man lang ako mawala, gusto kong makabawi sa mga ginawa mo para sa'kin." Sinubukan ni Vassyleen na pigilan ang iba pang sasabihin ni Valerie pero nagpatuloy pa rin ito. "Alam kong totoong minahal mo siya. And I know that you still do. Hindi siya nawala sa puso't isip mo sa loob ng mga taong lumipas. At hindi mo man sabihin, alam kong siya ang dahilan kung bakit hindi na natutong ngumiti ang mga mata mo. Alam kong siya ang iniiyakan mo gabi-gabi." Nahihirapan man ay pinilit ni Valerie na itaas ang kamay upang sapuhin ang kaniyang pisngi. "Alam kong hindi na kita matutulungang ayusin ang gusot na iniwan mo sa kaniya nang dahil sa'kin. But please, just do it as a last favor for me. Balikan mo siya... Pasayahin mo ang sarili mo, Ate. Hindi ko alam kung paano mo gagawin. But promise me that you will do everything you can to win him back. Dahil alam kong sa kaniya ka lang magiging masaya. At hindi ako matatahimik, Ate, sa pupuntahan ko kung maiiwan kitang miserable."
Pakiramdam ni Vassyleen ay sasabog ang kaniyang dibdib. Ikinulong niya ang mukha sa dalawang palad ni Valerie. Hinayaan niya ang sarili na maging mahina kahit sa mga oras lang na iyon.