Ako at Si Prinsipe Yago
Book 2
AiTenshi
April 18, 2018
Part 2
"Araw ng linggo ngayon bakit hindi mo dalhin si Lucio sa plaza? Manood kayo ng mga palabas at mamili ng mga laruan. Matagal tagal na rin hindi nakakalibot ang bata doon." ang wika ni Beth habang abala ito sa pag hahanda ng pag kain.
"Masyadong matagal ang byahe patungo doon. At isa pa ay masyadong matao ang lugar na iyon dahil ang mga taga palasyo ay doon rin dumadayo para malibang." ang tugon ko naman.
"Kung sabagay nabalitaan ko na ang lupaing kinatitirikan ng plazang iyon ay pag aari pala ng kahariang Hokunya. Mabuti nalang at hindi sila pinag babayad ng buwis nina Prinsipe Yago at ng hari. Balita ko ay madalas rin doon ang prinsipe kasama ang kanyang anak."
"Nakalilibang kasi talaga ang circus at ibang palabas doon. Marahil ay pinag huhusayan nila ang pag eensayo upang hindi mapahiya sa kanilang espesyal na panauhin." tugon ko bagamat ang totoo noon ay ayoko nalang talagang mag tungo doon dahil umiiwas na ako kay Yago. Doon rin kasi kami muling nag kita makalipas ang ilang taong pag hihiwalay.
FLASH BACK
Ilang minuto rin akong nakaupo sa gilid ng kalsada hanggang sa mapadako ang aking paningin sa palasyo kung saan ako dating nakatira. Kitang kita ito mula rito sa aking kinalalagyan bagamat may kalayuan ay wala pa ring pinag bago ito. Muling nag balik sa aking ala ala ang unang beses na tumuntong ako sa lugar na iyon, para akong isang inosenteng bata na salat sa bagay bagay sa aking paligid. Muli ko ring sinariwa ang masasayang araw namin ni Yago na mag kasama. Bagamat nalimot ko na ang mukha nito ngunit ang pakiramdam ay ganoon pa rin. Kung sabagay 20 anyos pa lamang ako noon at labing walong taon na rin ang lumilipas. Marahil ay hindi narin nila ako naalala pa. Pero ayos lang, ang mga ala alang iyon ay nakaukit na sa aking puso at isipan.
"Anak halika na. Uuwi na tayo" ang sabi ko sabay buhat sa aking anak na si Yago at tinahak namin ang daan palabas ng tarangkahan nang hindi ko inaasahan na makita si Yago doon dala rin ang kanyang anak na lalaki at labis ko itong kinabigla. Bumilis ang t***k ng aking puso at tila huminto ang oras lalo na noong nakatingin ito sa akin at parang nangungusap. Walang nag bago sa itsura nito bagamat alam kong nasa 38 anyos na rin ito. Dati pa rin ang kanyang mukha na parang hindi tumatanda. At ang hubog ng kanyang katawan na mas lalo lang hinulma sa perpektong pag kakalilok sa pag lipas ng panahon.
tahimik..
Hindi ko alam kung paano ko siya babatiin ngayong magkaharap na kami.
Tumingin ako sa kanya at ganoon din siya sa akin. Nag tama ang aming paningin. Tila nakaramdam ako ng kakaibang saya dahil muli kong nakita ang taong nag silbing inspirasyon ko. Kaya naman unti unting umukit ang isang ngiti sa aking labi at yumuko ako tanda ng pag pupugay sa kanya bilang isang makapangyarihang tao.
Ngumiti rin ito sa akin..
Unti unting humakbang ang aking paa pasulong hanggang sa matapat ang aming kinatatayuan. Muli akong nag bitiw ng isang ngiti at humakbang pasulong hanggang sa makalayo ako sa kanya kinatatayuan. "sige lang Ned lakad lang at huwag kanang lumingon pabalik" ang bulong ko sa aking sarili ngunit sayang pasaway ang aking katawan kaya muli akong lumingon sa kanyang kinatatayuan at doon ko napansin na suot pa rin nito ang kwintas na ibinigay nya akin.
End of Flash back (Scene from Book 1)
Kung sa bagay ay pareho nang iba ang buhay namin ngayon, parehong pamilyado at may kanya kanyang pangarap para sa mahal namin sa buhay. Siguro sa ngayon ay iyon ang pinaka mahalaga.
Kinahapunan, nag karoon naman ng pag pupulong sa bayan para sa magaganap na pista. Taon taon itong pinag diriwang kaya naman maaga palang ay pinag hahandaan na. Ngayong taon ay kabilang kami ni Kenny sa namumuo rito kaya't naroon kami sa bawat pag pplano.
"Narito ang mapa ng ating bayan. Siguro ay makatutulong ito para malaman natin ang ruta kung saan maaaring ganapin ang ating mga parada at ibang paligsahan." ang wika ni Kenny sabay kadkad ng isang malaking mapa kung makikita ang eksaktong lokasyon ng aming bayan.
"Ayos ah, teka bakit parang naka gitna tayo sa dalawang bundok?" tanong ko naman.
Natawa si Kenny "Ngayon mo lang ba ito nakita? Pambihira ka naman pareng Ned. Ang bayan natin ang pinaka masaganang lupain sa mapang ito. Dahil naka gitna tayo sa dalawang bundok na pinalilibutang mga ilog. At sa dalawang bundok na iyan ay mayroon mag kaibang kaharian.
Nasa Hilaga ay ang kaharian nina Prinsipe Yago ang Hokunya Palace. At sa Timog na ay ang kaharian ng mga taga Beranda. Ang dalawang kahariang ito ay ang natitira sa apat na kaharian sa mapa." paliwanag ni Kenny
"Teka, bakit apat? Akala ko dati ay sila Yago lamang ang may kaharian?" pag tataka ko.
"Apat na kaharian iyan tol. Sa Hilaga ay ang kina Prinsipe Yago ang Hokunya. Sa Timog ay kaharian ng Beranda. Sa Silangan ay ang Marunduran. At sa kanluran naman ay kaharian ng Sumahir. Iyon nga lang ay nabura na sa mapa ang kaharian ng kanluran at silangan matagal na panahon na ang nakalilipas.
Paano nabura? Dahil ang kaharian ng Sumahir sa kanluran ay sinakop at pinag bagsak ng kaharian nila Prinsipe Yago sa hilaga. At ang kaharian naman ng Marunduran sa Silangan ay bumagsak naman sa kamay ng Beranda sa Timog. Sa ngayon, ang dalawang kaharian na lamang ng Hokunya at Beranda ang nanatili sa mapa." ang paliwanag pa ni Kenny na aking kinamangha.
Matagal akong nanatili sa palasyo nila Yago ngunit ngayon ko lamang ito nalaman. Marahil hindi lamang ako nag tatanong noon dahil wala akong ibang inatupag kundi ang mapabuti ang relasyon ko kay Yago at sa mga tao sa palasyo. "Kung ganoon ay mas makabubuti siguro kung doon na lamang tayo dumaan sa ruta na madaling lakaran at mas maganda ang daan. Karamihan kasi sa mga rutang ito ay hindi patag ang kalsada at hindi pa ganoon ka kaayos." ang mungkahi ko sabay lagay ng guhit sa daan na maaaring pag dausan ng parada.
"Kailangan ay gandahan natin ang parada para matuwa sa atin ang patron, pasasalamat na rin ito sa taon taong magandang ani." wika ni Kenny.
Katulad ng mga pista sa iba't ibang bayan ay nakaugalian na namin ang mag handa upang ipag diwang ito. Nag hahain kami ng iba't ibang putahe upang ipakain sa mga bisitang parating, kamag anak o malalapit na kaibigan. Taon taon ring napupuno ng masisiglang kulay ang buong lupain, nag sasabit kami ng makukulay na banderitas sa daan upang mas madaling mapansin ang walang kapantay na saya sa aming bayan.
Sa gabi ay nagiging atraksyon rin ang iba't ibang palabas sa entablado na nag bibigay aliw at saya sa mga manonood. Ang mga nag tatanghal ay ipinadala naman ng palasyo nina Yago, bilang regalo at pakiki isa sa kasiyahan.
"Papa! May bisita ka!" ang wika ni Lucio habang tumatakbo at sumasalubong sa akin.
Agad ko siyang kinarga at hinagkan sa pisngi. "Bakit ka dusing mo? Saan ka ba nag suot?" tanong ko naman.
"Nag kipag laro po ako sa bukid." ang sagot niya habang naka yakap sa aking leeg.
Habang nasa ganoong posisyon kami ay siya namang pag dating ng isang lalaki sa aking harapan dahilan para mapahinto ako sa pag lalakad
Hindi ko inaasahan na makikita ko siyang muli..
"Kamusta? Matagal tagal na rin tayong di nag kikita." ang bati nito.
"Abel! Kamusta? Eto maayos naman ako. Unti unting nasasanay sa masaya at simpleng buhay dito sa bukid. Kamusta sa palasyo?" tanong ko naman.
Maraming taon kong hindi nakita si Abel, sa ngayon ay siya ang isa sa may pinaka mataas na tungkulin sa mga kawal doon. Dati pa rin ang kanyang anyo, bagamat nag kaedad ito ng kaunti. Halatang alaga pa rin ang kanyang katawan dahil mas lalo pang lumaki ito. Ang huling pag kikita namin ay noong mga nakakaraang taon pa kung saan isa isa niyang isinasauli sa akin ang mga gamit na naiwan ko doon sa palasyo.
"Mabuti at naisipan mo akong dalawin. Kumain kana ba?" tanong ko ulit.
"Kumain na ako doon sa plaza. Nag libot kasi si Prinsipe Yago at ang kanyang anak doon. Kaya naisipan kong dalawin ka rito." tugon niya
Naupo kaming dalawa sa ilalim ng puno ng mangga kung saan nag lagay ako ng upuang kahoy bilang panhingahan. "Kamusta sila? Kamusta ang palasyo?" tanong ko ulit.
"Madalas nag aaway si Prinsipe Yago at ang kanyang asawa. Alam mo iyon, pareho kasi silang may attitude problem kaya hindi nila matagalan ang isa't isa. Bwisit si Yago at bwisit rin si Yumi. Para silang dalawang batong nag aapoy na nag sasalpukan doon. Ikaw lang yata ang nakapag patino kay Yago e. After 18 years? Balik nanaman ito sa normal ngunit masasabi ko na responsableng ama naman siya sa kanyang anak." ang natatawang wika ni Abel
Natawa rin ako..
"Nahirapan nga rin ako noong pakisamahan si Yago, magaspang talaga ang ugali nito at punong puno ng kayabangan ngunit batid kong nag bago naman siya at naipakita niya sa akin ang kanyang kaaya ayang ugali. Teka, ikaw? Kamusta ka? Ang iyong anak?"
"Ako? Abala ako sa pag sasanay sa mga kawal doon sa palasyo. Kaunti na rin kasi ang bilang namin. Ang iba kasi umalis na at nag asawa na sa iba't ibang lugar kaya bumaba ang bilang ng sandatahang lakas ng kaharian. Ang aking asawa ay sumama doon sa isang kawal at binitbit niya ang aking anak. Hanggang ngayon ay hinahanap ko pa rin sila." ang wika ni Abel
"Kailan pa ito?" tanong ko
"Noong nakaraang taon pa, ngunit patuloy ko pa rin silang hinahanap. Pati si Prinsipe Yago ay tumutulong sa akin upang makita sila at mabawi ang aking anak."
"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyo Abel."
"Wala iyon, natutunan kong sumakay sa mapag larong agos ng buhay. Minsan talaga ay hindi natin ito kontrolado at hindi rin aayon ang lahat sa nais mo. Pero ganoon siguro talaga, kapag natalo ka ay matuto kang tumayo ulit, kapag iniwan ka ay maging malakas ka at mag simula ng panibagong yugto. Hahamunin ka lang ng buhay, pero hindi ka niya maitutumba." tugon ni Abel.
Natahimik ako at panandalian napako ang aking tingin sa kalayuan. "Hindi ako sumabay sa agos nito. Umalis ako at iniwan ang lahat. Pero tama ka, kapag lumakad ka palayo ay tiyak na makapag sisimula ka ng bagong yugto sa iyong buhay."
"Pero sa tingin ko ay hindi na mahalaga ang kung iniwan ka, umalis ka, o tumakbo ka palayo noon. Ang mahalaga ay masaya ka ngayon, sa kung anong mayroon ka." naka ngiti niyang tugon.
Ngumiti rin ako at napatingin ako sa aking anak na noon ay masayang tumatakbo sa aming harapan. "Masaya ako ngayon. At siya ang nag papasaya sa akin. Sa kanya umiikot ang aking buhay.."
Marami pa kaming pinag kwentuhan ni Abel, mukhang hindi sapat ang buong mag hapon para dito. Para kaming bumalik sa panahon na parehong pangangarap na mag karoon ng magandang buhay. Sadyang mabilis lamang lumipas ang panahon at bago ko pa mamalayan, ang lahat ay nag bago na.
Itutuloy..