-----Rue Imperial's POV-----
Hindi ko malilimutan ang araw na muntikan ng maghiwalay ang mga magulang ko na sina Arthur at Yumi Imperial dahil sa pagsulpot ng kapatid ko sa labas na si Azalea Imperial.
"Ilang beses ko bang kailangan ipaliwanag sayo Yumi na wala talagang body contact na naganap upang mabuo yung bata" namamaos na si daddy sa kaka-paliwanag sa mommy ko.
"Hindi ko alam kung pano pa kita paniniwalaan Arthur!"
"Yumi... kagustuhan kasi ni daddy ang kumuha ng surrogate mom. Hinayaan na lang namin siya kasi sabi naman ni Kelvin na hindi ganun kalaki ang chance na mabubuhay yung sperms."
"Hindi ganun kalaki ang chance? Pero may chance pa rin!"
"I'm sorry honey..."
"Bakit niya kailangang gawin pa yun? Siguro ang liit talaga ng tingin niya sa akin noh? Dahil hindi kita mabigyan ng anak na lalake!"
"Yumi, hindi ganun yon..."
"Eh anong gusto mong isipin ko Arthur dahil sa ginawa ng daddy mo?"
Nanguyampit ako sa palda ng mommy ko. "Daddy... mommy.. wag na po kayong mag-away please..."
Ngunit hindi nila pinansin ang mga pakiusap ko at patuloy pa rin na nagtatalo.
"Aalis na kami ni Rue dito, babalik na lang kami sa Madrid."
"Hindi ka naman nakikipaghiwalay sa akin Yumi di bah?"
Matagal bago sumagot si mommy "kung hindi ka sasama eh di hiwalay talaga tayo!"
"Mommy... isasama ba natin ang kapatid ko?" Singit ko na naman sa pagtatalo nila.
Yumuko si mommy at sinapo ang magkabilang pisngi ko "Hindi Rue, kaya Arthur mamili ka kung kanino ka sasama..." saad din niya sa daddy ko.
"Yumi this is so unfair! Kailangan din ako nung bata."
"Kung talagang wala kang relasyon dun sa ina nung bata ay iiwan mo yun para sa amin."
"Yumi labas na dito yung bata! Ako na lang ang natitirang magulang niya..."
"Sige sabihin na natin na surrogate baby nga lang talaga yung bata, hindi ba kataksilan pa rin yun kasi nagkaanak ka sa ibang babae?! Kaya sabihin mo diyan sa ama mo na nababaliw na siya para itulak ka na pagtaksilan ako!
Kaya mamili ka Arthur, mananatili ka dito sa Imperial Palace o sasama ka sa amin dun sa Madrid?"
"Honey naman..."
"Nag-aaalala ka dun sa bata? Eh sa akin hindi ka ba nag-aalala? Hindi mo ba alam kung gaano kasakit tanggapin itong pangyayaring ito na nagkaroon ka ng anak sa iba?"
"Yumi... wag mo nang damdamin yun please, alam mong hindi yan makabubuti sayo..."
"Alam mo naman palang hindi makabubuti sa akin pero ginawa mo pa rin!" talagang nag-hysterrical na si mommy.
Biglang nag-collapse si mommy kaya pareho kaming nataranta ni daddy. Binuhat niya si mommy at agad sinugod sa ospital. Habang inilalabas ni daddy si mommy sa Imperial palace ay nilapitan ako ng mga pinsan ko na sina ate Ira, ate Megan, Phoebe at Eris.
Niyakap ako ni ate Ira mula sa likuran at sabay naming tiningnan ang papalayong kotse nina daddy.
"Ate, magiging okay lang kaya si mommy?" nag-aalala kong tanong.
"Oo naman... tiwala akong magiging maayos siya kase pareho kayong matapang na dalawa, yun ang namana mo sa kaniya."
Matapos umalis sina mommy ay pumunta ako sa kwarto kung saan mahimbing na natutulog ang sanggol na si Azalea.
Dahil bata pa lang ay hindi ko pa alam kung ano ang tama at mali kaya akala ko ayos lang kung kumuha ako ng unan at takpan nun ang mukha ng half-sister ko.
Muntik ko nang mapatay si Azalea ng mga panahong iyon kung hindi lang dumating ang mga pinsan ko.
Sinampal ako ni ate Ira at doon na ako nahimasmasan.
Hinding-hindi ko malilimutan ang mga sinabi noon ni ate Ira na walang kasalanan si Azalea. Bago ko ito husgahan ay ilagay ko daw muna ang sarili ko sa kinalalagyan niya. Doon ko malalaman kung tama ba ang binabalak kong gawin sa kaniya.
Nakaluhod ako noon sa sahig at umiiyak habang nakahawak sa higaan ng aking kapatid. "I'm sorry... I'm sorry... natatakot lang kasi ako na baka lumala ang sakit ni mommy dahil sa batang iyan."
"Ang batang iyan ay kapatid mo pa rin Rue, dapat mo siyang mahalin katulad ng pagmamahal ng mama ko sa mommy ni Phoebe na si tita Crystal at sa pagmamahal ni tita Crystal sa mga half siblings niya na sina tito Kelvin at tito Arthur" paliwanag sa akin ni ate Ira.
Tandaan mo Rue, magkakapatid tayong lahat dito... kahit anong mangyari ay hindi natin dapat pabayaan ang isa't-isa."
"I'm sorry ate Ira, pangako ko na hindi na mauulit-ito. Kahit anong mangyari ay mamahalin ko si Azalea katulad ng pagmamahal ko sa inyong lahat na mga pinsan ko."
Lumapit din sina ate Megan, Phoebe at Eris at nagyakapan kaming lahat.
"Walang iwanan sa Imperial Ladies!" sigaw ni ate Ira.
"Walang iwanan!!!" koro naman naming lima.
Nagtawanan kami ng mag-baby talk si Azalea at mukhang ginagaya niya ang mga naririnig niya mula sa amin. Kahit wala pang muwang ay tila nakikiisa din siya sa aming sisterhood.
Kinabukasan ay dumating si daddy at agad niya akong kinarga palabas ng kwarto ko.
"Daddy saan po tayo pupunta?"
"Shhh... babalik na tayo ng Madrid, doon na tayo titira..." Tila masayang-masaya ang itsura ni daddy habang sinasabi iyon.
"P-pero pano ang kapatid ko?"
Agad napanis ang kaniyang ngiti. "Halika, samahan mo ako at magpaalam na tayo sa kapatid mo."
Sandaling kinarga ni daddy si Azalea at napaiyak siya habang karga-karga ito.
"I'm sorry..." sabi ni daddy pagkababa niya sa sanggol.
Habang naglalakad palabas ng kwarto ay bumitaw ako kay daddy at tumakbo pabalik sa kapatid ko at niyakap ko ito at hinagkan. "Babalik si ate, promise yan!"
Pagkabalik ko kay daddy ay ngumiti siya at tila nagpapahiwatig na tama ang ginawa ko.
Nang makarating na kami nina mommy at daddy sa Madrid ay doon ko nalaman ang dahilan ng pagpunta namin doon ng palihim. Dahil ipinagbubuntis na ni mommy ang batang makapagpapagaling sa sakit niya at ang siyang pag-asa ng lahi ng mga Imperial.
Sa wakas ay lalake na rin ang pinagbubuntis ni mommy ngunit dahil galit pa rin siya sa ginawa ni lolo na paghahanap ng surrogate mom para sa kapatid kong si Azalea ay inilihim niya dito ang tungkol sa bunso kong kapatid. Hanggang sa pagsilang niya ng anak na lalake na pinangalanan niyang Light Artemi Imperial ay inilihim pa rin niya maging sa mga tiyo at tiya ko.
Yun ang kasunduan nina mommy at ng daddy ko upang hindi sila maghiwalay na hindi muna nila ipapaalam ang tungkol sa kapatid kong lalake.
Bukod kasi sa galit niya kay lolo ay gusto niya ding ilayo si Light Artemi sa pagmamanipula ni lolo Zheng.
#ImperialLadies