“Aaaaah!”
Nabitiw si Lyra, sumalo sa hangin ang kanyang mga luha. Bumagsak siya sa lupa kaya napaigik siya sa sakit. Pero laking gulat niya nang huminto rin ang asong lobo na kanina ay isang goblin. Hindi ito lumilingon sa kanya pero mukhang naghihintay ito.
Pilit tumayo si Lyra kahit masakit ang kanyang tuhod at katawan. Muli siyang lumakad patungo sa asong lobo at sumakay uli rito. Nang ganap niyang mayakap uli ito ay nagsimula na itong tumakbo uli. Pero sa pagkakataong ‘yon mas mabagal na ito kompara sa mala-kidlat na pagkilos nito noong umpisa.
Hindi alam ni Lyra kung bakit may tila salamin silang tinalon at malamig ang dantay no’n sa buo niyang katawan pero wala namang nabasag ng pumasok sila. Nawala ang pagtataka niya nang unti-unting bumagal na ang asong lobo at matanaw na niya si Crescent na nakahinto at may tila tinitingnan sa ibabang bahagi ng kinatatayuang batuhan.
“Hindi ko inaasahan na makararating ka nang maayos.”
Binuhat siya ni Crescent at marahang ibinaba.
“Ito ang lugar namin, Lyra. Nagustuhan mo ba?”
Napalunok si Lyra nang makita ang nasa ibaba. May malaking kastilyo. Masisiglang punong kahoy. Mga tahanan. Sa pinakamadaling salitang kaya niya ‘yong ilarawan, “Napakaganda. Parang isang tunay na paraiso!” namamangha at namimilog ang kanyang mga mata.
“Bumaba na tayo.” Hinawakan ni Crescent ang kanyang palad.
Sa isang iglap nabigla si Lyra na nasa ibabang bahagi na sila ng lugar.
Napakabango ng paligid. Nagsasabog ng napakababangong amoy ang mga bulaklak at hinog na mga bungang prutas. Nakatayo sila ngayon na magkahawak ang palad sa labas ng kastilyo.
“Napakalaki. Totoo ba ito?”
Nginitian siya ni Crescent, “Pansamantala, mananatili ka sa lugar na ito habang hindi mo pa naaalala ang tungkol sa ‘yo. Hindi sila pangkaraniwang tao mga katulad ko silang taong-lobo. Ganoon pa man, para rin silang mga tao, kabilugan ng buwan lang ang panahon na kailangan mong magtago sa kanila.”
Hindi nakaramdam ng takot si Lyra. Iniikot niya ang paningin. Ang mga naroon ay napahinto at tila nagtataka sa kanyang pagdating. Tumungo ang mga batang katulad niya sa kanilang harapan bilang paggalang kay Crescent. Ang pagtataka rin sa mukha ng mga naroon ay napalitan ng mga ngiti at tila pagtanggap sa kanya. Humanay ang mga ito sa magkabilang daanan at marahang tumungo.
“Maligayang pagdating sa kaharian ng Wolveus.”
Napasinghap si Lyra sa narinig.
“S-salamat.” Hindi niya mapigil sumagot.
“Lyra, nagustuhan mo ba ang bago mong tahanan?”
Naluluhang tumango siya. Napakasaya ng nararamdaman niya para siyang inilulutang sa ere.
“Salamat, pangako magiging kapakipakinabang ako!”
Pumasok sila sa loob nang kastilyo at higit na namangha si Lyra. Maraming unipormadong tagasilbi ang nakahanay ng maayos at sabay-sabay na tumungo habang dumaraan sila sa carpet. Ginto’t pilak ang nangingibabaw na mga kagamitan.
“Kamahalan, inihanda na namin ang paliguan at kasuotan para sa iyong bisita.” Isang babaeng may katandaan at kasungitan ang anyo ang nagsalita.
“Lyra, sumama ka sa kanila para makapaglinis ka na.” Hinawakan ni Crescent ang kanyang buhok.
Sa isang iglap may dalawa ng babae ang lumapit sa kanya. Habang si Crescent at Tomo ay nagpatuloy sa paglalakad. Anyong Goblin na uli si Tomo.
Dinala siya ng dalawang babae sa isang silid. Kasunod nito ang matandang babae. Namangha siya sa silid dahil naparaming pabango at pampaganda sa loob.
“Kung haharap ka kay Panginoong Crescent dapat ay maayos ka maging ang buhok ay hindi maaaring magulo o may mga tira-tirang pirasong bumabagsak sa iyong mukha.” Nakahalukipkip na sabi ng matandang babae. “Paliguan ninyo na siya at ako na ang bahalang humanap ng kanyang susuotin.”
“Masusunod po, dama Elisa.” Sabay na sabi ng dalawa.
Pinaliguan nga siya ng dalawang babae. Mabibilis ang pagkilos ng mga ito. Ilang beses din siyang sinabon ng mga ito. Nang matapos ang pagpapaligo ay naamoy niya ang napakabango ng mga balat. Nahugasan na rin maging ang marurumi niyang talsik sa katawan.
“Napakaganda naman pala ng batang ito.”
Nahiya si Lyra nang sabihin iyon ni Dama Elise. Pero lihim siyang natuwa. Ganoon din kaya ang maasasabi ni Crescent?
“Bibihisan na kita.” Naupo ito sa isang upuan at pinalapit siya.
“Kapag po ba natapos na ako rito ay puwede ko nang makita si Crescent?”
Nangunot ang noo nito, “Sa kastilyo na ito ay dalawa lang ang puwede mong itawag sa kanya. Iyon ay ang kamahalan at Panginoon. Hindi mo siya maaaring tawagin sa kanyang pangalan, isa ‘yong kalapastanganan.” Isinuot nito sa kanya ang puting bulaklaking bestida.
Inayusan din siya ng dalawa pa ng buhok. Siniguro na ipon na ipon ang tila bulaklak na ginawa ng mga ito sa kanyang buhok.
“Hindi ba at napakaganda mo? Kaya hindi dapat nakaharang ang buhok mo. Mas maganda kung ipakikita mo ang iyong mukha sa mga kausap mo.” Nakangiting sabi sa kanya ni Lilia, ang isa sa babaeng umasikaso sa kanya.
Nangiti siya dahil totoo nga na maganda siya. Hindi niya rin alam ang hitsura niya kanina pero sa pagkakita sa sariling repleksiyon parang gusto niya kaagad makita si Crescent.
“Lilia, ihatid mo na si Lyra sa Kamahalan.”
“Masusunod, Dama Elise.”
Inihatid siya ni Lilia sa silid na may malaking pintuan. Kumatok ito ng tatlong beses bago binalingan si Lyra.
“Pumasok ka na sa loob,” ngiti ni Lilia.
Ito ang pumihit sa pintuan at hinayaan siyang makapasok bago nito iyon isara at umalis.
“Cres—“
Bumaling ito sa kanya.
Pakiramdam ni Lyra, siya ang nasorpresa. Nakatayo si Crescent suot ang tila robang kasuotang kulay abo at ang buhok nito ay nakatirintas at nakalagay sa kaliwang bahagi. Naroon ito sa bahagi ng bintana at may nakadapo pa sa palad nito na isang maliit na ibon.
“Tama ako, bagay sa ‘yo ang kasuotan na ‘yan.”
Lumipad ang ibon at lumapit ito sa kanya. Naupo ito sa gilid ng malaki nitong kama at inaya siyang lumapit.
“Nagustuhan mo ba, kamahalan?”
Namangha si Crescent sa kanyang sinabi pero hindi na ito nagsalita pa tungkol do’n.
Natutulala si Lyra, para namang hinulma si Crescent na masyadong perpekto.
“Lyra, para kang manyika. Nakatutuwang gumagalaw ka sa ganyang kaliit na katawan,” anito na mukhang aliw na aliw. “Marahil nasa limang taong gulang ka lang. Kaya doon na lang tayo bumase, limang taong gulang at ngayong katapusan ng disyembre ang araw ng kaarawan mo.”
Nagliwanag ang mukha ni Lyra at hindi mapigil ang ngiti.
“S-salamat. Napakaganda ng kasuotan na ito, kamahalan.”
“Ginawa ‘yan ng aking ina para sa ‘king magiging anak.”
Nadismaya bigla si Lyra.
Pinangalanan na parang isang magulang. Ngayon naman suot niya ang kasuotang para sa anak nito.
Hindi ko gustong maging anak ni Crescent.
“Hindi ko gustong magsuot ng ganito kagarang damit,” walang kangiti-ngiting aniya.
Nagtaka naman si Crescent.
“Pero bagay sa ‘yo.”
“Hindi ko talaga gusto.”
Kabaligtaran iyon dahil gustong-gusto niya naman talagang magsuot ng ganoon kagagandang bestida upang magmukha siyang maganda sa paningin nito. Hindi niya rin alam kung bakit.
“Gusto kong maging Alipin ng kastilyo. At kahit anong klaseng alipin ay walang kaso iyon sa ‘kin,” tama mas gusto niyang maging alipin kaysa ituring nitong anak o kapatid.
“Sayang naman kung gan’on, marami kasing nakatagong damit na kasukat mo,” ani Crescent na nahihiwagaan kay Lyra. Pero naroon pa rin sa kanyang paningin ang kagustuhang iupo na lamang ito sa ibabaw ng mesa na parang isang manyika.
“Isa pa, hindi naman ito ginawa para sa ‘kin.”
Hindi na sumagot si Crescent. Pero hinawakan nito ang maliit na mukha ni Lyra.
“Nakatutuwa na tunay kang gumagalaw sa maliit na katawan.”
Nangiti si Lyra dahil ngiting-ngiti ito. Lalo itong nagmumukhang anghel sa kanyang paningin.
“Inihahanda na ang makakain mo. May kailangan akong tapusin kaya hindi kita masasabayan. Magpahinga ka pagkatapos mong kumain. Gusto mo ba talagang maging tagasilbi?”
Tumango si Lyra nang may ngiti.
“Kung ganoon, tagasilbi ka na ng kastilyo. Pero sa ‘kin lang, nauunawaan mo ba?”
Tumango uli si Lyra.
Tagasilbi lang ni Crescent.
Nag-usap pa sila saglit bago kumatok si Lilia at kunin si Lyra. Nang makalabas si Lyra ay dumating naman si Dama Elise dala ang tsa’a ni Crescent.
“Kamahalan,” Ibinaba nito sa maliit na mesita malapit sa kama ni Crescent ang tsa’a.
“Napakaliit ni Lyra, hindi ba? Para siyang manyikang gumagalaw at nagsasalita.”
“Iyon ba ang dahilan mo kamahalan para dalhin siya sa ating lugar?”
Kahit paano ay may kakayanan naman siyang magtanong kay Crescent dahil inilagaan niya ito sa panahon na dumating ito at tumapak sa kastilyo.
“Iniligtas ko siya sa kagubatan. Sayang naman kung pababayaan ko rin lang.” Nangingiting sabi ni Crescent habang iniaangat ang tasa ng tsa’a.
Hindi inaasahan ni Dama Elise ang sagot nito.
“Hanggang kailan ang plano mo na panatilihin siya rito, kamahalan? Hindi siya puwedeng abutan ng Hari.”
“Hangga’t gusto ni Lyra na manatili rito. Maging ang hari, hindi puwedeng paalisin si Lyra.” Biro ni Crescent.
Pero para kay Dama Elise, alam niyang hindi iyon isang biro. Alam niya higit kanino man ang kakaibang pag-uugali nito lalo na ang palaging pagpayag nang hari sa mga desisyon nito. Minsan ang biro ni Crescent ay may halong katotohanan.
Samantala, napakaraming nakain ni Lyra dahil sa mala-handaan na inihanda para sa kanya. Tuwang-tuwa siyang nagpasalamat sa pag-aasikaso ni Lilia at ng isa pang babaeng kasama nito rin kanina sa pag-aayos sa kanya na si Connie.
Nahinto si Lyra sa pagnguya nang makita ang isang batang nasa walong taong gulang. Lalaki ito at nakatitig lang sa kanya. Base sa kasuotan nito ay isa rin itong prinsipe.
“Young Master, Riel. Halika, ipakikilala kita kay Lyra.” Si Lilia iyon.
Pumayag naman itong lumapit sa kanya pero nanatiling nakatitig lang ito sa kanya at hindi ngumingiti. Nag-aalala si Lyra na baka natatakawan ito sa kanya.
“Young Master, Riel. Si Lyra ang bisita ng kamahalang Crescent. Sana ay maging magkaibigan kayo.”
“A-ako si Lyra.”
Tumalikod na ito at lumakad na paalis.
“Ganoon talaga siya, Lyra.” Ngiti ni Lilia.
Kompara sa pilak na buhok ni Crescent, puti naman ang sa Riel na ‘yon.
“Anak siya ng panganay na kapatid ng Panginoong Crescent. Nauna lang siya nang anim na buwan sa ‘yo.”