Chapter Twelve

1639 Words
Nagising si Savannah na mag-isa sa loob ng ward at agad na pumasok sa alala niya ang naganap na aksidente. Inilibot niya ang paningin sa malawak na kwarto pero walang bakas na may kasama siya roon. Bigla siyang nakaramdam ng kahungkagan. Pakiramdam niya ay mag-isa lang siya sa buhay but she still has Dos pero maging ito ay wala sa tabi niya. Hinawakan niya ang tiyan nang biglang kumalam iyon. Kasunod noon ang ilang katok sa pinto pero bago pa siya makasagot ay tuluyan na iyon nagbukas. Pumasok mula roon ang isang lalaki na pamilyar sa kanya pero hindi niya matandaan kung saan ito nakita kasunod nito ang isang babae na tingin niya ay nasa edad singkwenta na noon niya lang nakita. Bumaba ang tingin niya sa hawak nitong mga paper bag na ang ilan ay may tatak na pangalan ng isang sikat na restaurant. “Good morning, Ms. Savannah.” Tumayo ito sa gilid ng kama niya at nakangiting nagpakilala. “I’m Jeff, Dos’ executive assistant. And this is Manang Sol.” Turo nito sa matanda na nakatayo sa tabi nito. “Good morning po, Ma’am Savannah,” nakangiting bati ng matanda. Bahagya siyang ngumiti at tumango sa mga ito. “Good morning din po.” Kinuha ng matanda mula kay Jeff ang bitbit nitong paper bag at nagpaalam na ihahanda sa mesa ang mga laman noon pagkatapos nitong sabihin na si Manang Sol ang makakasama niya at mag-aalaga sa kanya habang nasa hospital siya. “Nasaan si Dos?” nagtatakang tanong niya. Hindi naman niya kailangan nang mag-aalaga sa kanya at tingin niya ay hindi na rin niya kailangang magtagal sa ospital base sa kondisyon niya. Pero bago pa ito makasagot ay tumunog ang cellphone niya. Sinagot niya ang tumatawag nang makita ang pangalan ng nobyo. “Good morning, baby!” “Hmm.. good morning!” Hindi nakalampas sa pandinig niya ang mahinang pagbuntong hininga nito sa kabilang linya. “Sorry, hindi na ako nakapagpaalam sa ‘yo bago umalis—“ “Bakit? Nasaan ka? Saan ka pupunta?” she asked, feeling anxious. Tumingin siya kay Jeff na tahimik lang na nakatayo sa may tabi ng bintana. Bahagya itong ngumiti nang mahuli niya itong nakatingin sa kanya saka iniiwas ang tingin. “M-may emergency sa kumpanya. Kaya… kailangan kong bumalik sa Italy… But I’ll be back within a week… For the mean time, si Manang Sol muna ang makakasama mo.” Bahagya niyang kinagat ang labi at napatango-tango. In less than two weeks ay kasal na nila, nasa ospital siya at muntik nang manganib ang buhay at ngayon naman ay nasa ibang bansa pala ang nobyo niya. Pinilit niyang iwinaksi ang lungkot at tampo na nararamdaman niya sa nobyo. Napaka-espesyal para sa kanya ng araw na iyon para magpa-apekto siya sa mga nangyayari. Kilala niya si Dos at naniniwala siya sa pagmamahal nito sa kanya. Sigurado siya na sadyang malaki ang problema sa kumpanya kaya hindi pwedeng ipagpaliban at kailangang ito mismo ang magresolba noon at iwan siya sa mga oras na iyon. “If you need anything, just tell Jeff and Manang Sol, okay?.. About sa wedding.” Huminto ito na tila nag-aalangan sa susunod na sasabihin. Napalunok siya. “M-may problema ba—" He cut her off before she could sense that something was off. “I have people to organize it habang wala ako. But I make sure to look into details of the wedding kaya all you need to do is take a rest and prepare yourself for the wedding.” Awtomatikong napangiti siya sa narinig. Sapat na sa kanya na kahit busy ito sa trabaho ay nagagawa pa rin nitong isabay ang pag-aasikaso sa kasal nila. Pagkatapos nilang mag-usap ay lumapit sa kanya si Manang Sol at iginiya siya papunta sa kitchen ng private ward niya. Si Jeff naman ay nagpaalam na sa labas maghihintay. Mabilis siyang kumain pagkatapos ay lumabas upang alamin ang kalagayan ng babaeng nagligtas sa kanya. Pagkatapos malaman ang numero ng ward nito ay dumiretso siya roon. She felt relieve nang malaman na ligtas na ito at kasalukuyan na rin nagpapagaling mula sa operasyon. Pagtapat sa pinto ng ward ay kusang bumukas iyon at lumabas mula roon ang isang nurse. “Good morning, Doc Sav. Kayo po pala,” nakangiting sambit ng nurse na kakilala niya. “Kumusta na po ang pakiramdam mo, Doc? Nabalitaan ko ang nangyari sa inyo kahapon. Mabuti na lang po at walang nangyaring masama sa inyo.” Isa ito sa mga nurse na minsan na niyang nakasama sa medical mission na sinalihan niya. “Thank you, Roxanne. Medyo maayos na ang pakiramdam ko,” nakangiting sagot niya. “Bibisitahin ko lang sana ‘yong pasyente sa loob. Gising na ba siya?” “Hindi pa rin, Doc. Pero anytime daw po ay pwede na siyang magkamalay.” Tumango siya at nagpasalamat. “Sige po, Doc. Mauna na ako sa inyo. Tawagin niyo na lang po ako kapag may kailangan kayo,” anito saka tuluyang tumalikod. Huminga siya nang malalim saka hinawakan ang doorknob. Tahimik siyang pumasok sa kwarto at maingat na naglakad upang hindi makagawa ng ingay nang makita ang pasyente. Tumigil siya sa gilid ng kama nito at pinagmasdan ang maputlang mukha ng babae habang mahimbing itong natutulog. May kapayatan ang mukha nito pero bakas ang taglay nitong ganda kahit nakapikit. Matangos ang ilong, mahaba ang mga pilik-mata at manipis ang mapuputlang labi nito. May benda ang ulo nito at may nakadikit na band-aid sa kanang bahagi ng pisngi. Tingin niya ay mahigit kwarenta na ang edad nito. Bumaba ang tingin niya sa payat nitong katawan at sa mga galos sa braso nito. Napalunok siya at hindi mapigilan ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng mga luha niya sa pisngi. Sobra siyang nakokonsensya habang pinagmamasdan ang kaawa-awang kalagayan ng pobreng babae. Kung hindi siya nito itinulak para iligtas ay hindi sana nito sinapit iyon. Siya dapat ang nakaratay doon at hindi ang babaeng iyon. Pinahid niya ang luha nang gumalaw ang kamay nito at unti-unting iminulat ang mga mata. Sylvia’s eyes were blurry and when she finally adjusted her sight to the light, unang bumungad sa paningin niya ang maamong mukha ng anak. “S-sav…” mahinang sambit niya. Lumunok siya at pilit na ngumiti habang pilit na inaabot ang kamay nito. Hindi niya alam kung nananaginip lang siya o baka patay na siya. Pero alinman sa dalawa ay masayang masaya na rin siya na makita ang anak sa malapitan sa unang pagkakataon pagkatapos ng napakahabang panahon na iniwan niya ito. Kusang tumulo ang luha niya habang nakatingin sa dalaga. Napakaganda nito kahit sa simpleng bestida na suot nito. Mag-ina sila pero alam niya na magkaibang magkaiba sila sa halos lahat ng aspeto sa buhay. Hindi man niya nasubaybayan ang paglaki nito dahil sa pagiging makasarili niya ay sapat na ang mga sinabi at ibinalita sa kanya ni Lucille para malaman niyang mabuting tao ang anak niya at tama lang ang desisyon niya na hindi siya ang nagpalaki rito. Mabilis na tinawag ni Savannah ang doctor nang muling pumikit ang pasyente habang patuloy ang pag-agos ng luha nito. “Doc, anong nangyayari sa kanya?” Hindi niya namalayan ang pagkataranta sa kilos at boses niya. Sobra siyang nag-aalala sa kalagayan ng babae na inakala niya na ang nangyaring aksidente at pagliligtas sa kanya ang tanging dahilan ng sakit na nakabalatay sa mukha nito. “Pwede ko bang makita ang medical records niya?” Tumango ito at iniabot sa kanya ang clipboard na hawak nito at agad na binasa iyon. “May leukemia siya?” patanong na sambit niya habang binabasa ang medical record sa harap niya. Nakasaad doon lahat ng medical treatment na ginawa rito sa buong magdamag mula nang ipasok ito sa hospital. Lalo naman siyang naawa sa pasyente matapos basahin ang lahat ng nakasulat doon. Sa palagay niya ay hirap sa buhay ang babae kaya’t hindi nabigyan ng proper treatment ang sakit nito at maging ang kalusugan nito na lumalabas sa mga diagnosis ay bunga ng malnutrition. “Wala pa po bang dumadalaw sa kanya?" tanong niya na sandaling sinulyapan ang doctor. Nilingon niya ang kwarto at napansin na walang bakas doon na may bumisita rito. "Mga kamag-anak?” “According to police investigation, walang kamag-anak ang pasyente. She was recently arrived from Italy and living in a cheap hotel in Sampaloc. Madalas din siyang nakikita na umaaligid sa St. Augustus Hospital na parang may hinahanap.” Napakunot ang noo niya sa narinig. Kung lagi itong nasa labas ng hospital na iyon, bakit ni minsan ay hindi niya ito nakita? Hindi kaya humihingi ito ng tulong para magamot ang sakit nito? Bumalik siya sa loob ng ward pagkatapos nilang mag-usap ng doctor. Umupo siya sa tabi ng kama ng pasyente at tahimik na pinagmasdan ang babae. Kung tama ang imbestigasyon ng mga pulis ay pareho lang pala silang solo sa buhay. Ang pagkakaiba lang nila ay matanda na ito habang siya ay may bata pa at hindi magtatagal ay bubuo na rin ng sariling pamilya. Lalo siyang nakaramdam ng habag para sa babae. Ano kaya ang dahilan kung bakit mag-isa lang ito sa buhay? Pinabayaan kaya ito ng mga anak? Iniwan ng asawa? O sadyang choice nito ang mag-isa? Mariin niyang pinaglapat ang mga labi. At pinakatitigan ang mukha nito. Hindi niya alam kung bakit siya nito iniligtas. Kung nagkataon man iyon o sadyang mabuti lang itong tao ay lubos niyang ipinagpapasalamat iyon. At gagawin niya ang lahat para tulungan itong gumaling sa sakit nito. Napangiti siya nang muling magising ang pasyente at mabilis na nilapitan ito. Huling huli niya ang pagkagulat sa mga mata nito nang makita siya kaya’t napatigil ang kamay niya na akmang hahawakan sana ang kamay nito. “A-ako po si Savannah. Ako po ‘yong iniligtas niyo kagabi sa aksidente. Naalala niyo po ba?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD