Chapter 43

1748 Words
“Napakatuso pala ng Sebastian na iyan,” iyon lang ang nasabi ko kay Aling Lusing ng matapos niyang ikwento sa akin ang dahilan kung bakit siya nakulong. Isang mayaman na negosyante noon si Aling Lusing. Naging mayabong ang negosyo niya sa isla ng Batangas at doon niya nakilala si Sebastian. Binata pa ito noon at walang asawa. Pinaibig siya ni Sebastian ngunit lingid sa kaalaman ni Aling Lusing, unti-unti na palang sinusulot ni Sebastian ang lahat ng investors niya at binibili ang mga shares nito. Nang nagkaroon ng malaking porsyento sa kompanya si Sebastian ay nagkaroon ng major voting sa kanilang dalawa ni Aling Lusing. Mas pumanig kay Sebastian ang natirang investors dahil karamihan sa kanila, hindi naniniwala na kaya ng isang babae ang pamunuan ang isang matibay na kompanya. Natalo si Aling Lusing sa botohan at wala siyang naging laban dahil mas malaki na ang porsyento ni Sebastian kaysa sa kanya. Tuluyang sinamsam ni Sebastian ang lahat ng yaman ni Aling Lusing pati na rin ang kaisa-isa nilang anak. “Nasaan na po ang anak niyo?” tanong ko sa kanya at umiling lang siya. May hinala na ako kung sino ang kanyang anak ngunit ayokong sabihin sa kanya na si Kristina iyon. “Matapos kong manganak dito sa selda ay kinuha sa akin ni Sebastian ang bata. Sinabi niyang hindi ko kayang palakihin ang bata dito sa loob at hindi niya rin gustong lumaki ang bata dito sa loob ng kulungan,” sagot niya sa akin at napatango na lang ako. “Hindi niyo po ba naisip na gamitin ang natitira niyong pera para makahanap ng lawyer at mapalaya kayo?” tanong ko sa kanya. Tumayo siya at kinuha ang isang kahon. May mga laman iyong lumang dyaryo at agad niyang binigay sa akin. “Isang abogado ang tinambangan ng mga hindi pa kilalang goons,” mahina kong pagbabasa at iyon na ang naging sagot sa aking tanong. Pinapatay ni Sebastian ang abogadong humawak sa kaso ni Aling Lusing. “Ayoko naman na may isang buhay pa ang mawala dahil sa pagiging gahaman ni Sebastian kaya tiniis ko na lang ang makulang at magdusa. Hindi ko kasi ginamit ang utak ko noon at hinayaan ang emosyon na mangibabaw sa akin,” bulong ni Aling Lusing at mabilis na pinunasan ang kanyang luha. “Aling Lusing, kung sasabihin ko po ba na maaaring buhay ang anak niyo, magkakaroon po ba kayo ng lakas ng loob na lumaban?” mahinahon kong sab isa kanya at agad siyang napatingin sa akin na may halong pagsusumamo para sabihin ang ilang detalye tungkol sa kanyang anak. “Ilan taon na po ba dapat ang anak ninyo?” tanong ko kay Aling Lusing at matagal bago siya nakasagot sa akin dahil sa pagbibilang ng taon. “Nasa trenta na siguro siya ngayon,” sagot niya sa akin at natigil ang pag-uusap namin dahil lumapit ang isang pulis sa selda at hinampas ng hawak niyang batuta ang rehas. “Oras na para matulog,” bulong ni Aling Lusing sa akin at tinuro nila kung saan ang pwesto ko. May binigay na rin silang mga unan at kumot para sa akin. Tanging kahon lang ang sapin namin sa loob. Napahinga ako ng malalim dahil kailangan kong tiisin ito. Hindi naman ako magtatagal at umaasa akong hindi ako pababayaan ni Max na makulong dito ng matagal. ‘EVA! May bisita ka!” sigaw sa akin ng isang pulis. Dahil sa ginawa niyang iyon ay nagising na rin ang mga kasamahan ko. Habang naglalakad ako ay kasunod ko ang isang pulis at dinala ako sa isang kwarto na tanggapan ng mga taong may bisita. Agad kong nakita si Max at may benta sa kanyang mukha. Malungkot siya ng makita ako at agad niyang hinawakan ang aking kamay. “Bawal hawakan ang preso!” sigaw ng pulis pero tumayo si Max at hinarap siya. “Hindi niyo pa napapatunayan na may kasalanan si Eva! Wala kang karapatan sabihin na isa na siyang preso!” galit niyang sigaw sa pulis at hindi na ito sumagot pa. Patuloy kaming magkahawak-kamay bago nagsalita si Max. “Kinausap ko na ang lawyer ko at inaasikaso na ngayon ang lahat ng sinabi ni Kristina sayo. Hindi ko hahayaan na makulong ka dahil alam nating pareho na wala kang kasalanan,” bulong niya sa akin at dinikit ang kamay ko sa kanyang mukha. Napaluha na lang ako dahil sa ginagawa ni Max ngayon. Alam kong hindi niya kakayanin ang lahat dahil labis rin siyang nasaktan sa ginawang pagta-traydor ni Kristina sa kanya. “Patawarin mo ko at humantong sag anito ang lahat. Hindi ko alam na may masama na palang balak si Kristina,” bulong niya at umiling ako saka hinawakan ang kanyang pisngi. “Wala kang kasalanan. Hindi mo ginusto ang nangyari at hindi mo rin maaaring madiktahan ang takbo ng isip ni Kristina,” sagot ko sa kanya. Ilang segundo kaming natahimik kaya naman agad nilang inilabas ang ilang mga supot na nakalapag sa sahig. “Nga pala, pinapakain ka ba nila dito? Kung hindi, heto at pinamili kita,” sabi niya sa akin at nilapag sa lamesa ang lahat ng plastic bag na dala niya. Hindi ko alam kung pwede ba sa loob ang mga iyon pero dahil nagawa naman ipasok ni Max ay tingin ko, pwede iyong dalahin sa loob ng selda. “Max, totoo ba ang nangyari kay Sebastian? Patay na ba talaga siya?” tanong ko sa kanya at tumango siya sa akin. Nanglumo ako sa aking nalaman pero mas nangibabaw ang aking pagtataka sa kung papaano ito namatay. “Papaano namatay ang isang kagaya niyang masamang tao?” tanong ko sa kanya. Ayon kay Max, binaril ang matanda sa ulo ng dalawang beses kasama ang ilang mga bodyguards niya bago kami umalis sa lugar na iyon. “Pero buhay na buhay siya nang umalis tayo diba?” “Si Kristina ang may gawa noon sa kanya. Ayon sa balitang nakarating sa akin. Binayaran niya ang ilan sa mga tauhan ni Sebastian para palihim itong patayin.” “Max, may nakilala ako sa loob ng selda at si Sebastian ang may sala kung bakit siya nakulong. Ngayon, gusto kong sagutin mo kung may alam ka sa pagkatao ni Kristina? Kaano-ano niya si Sebastian?” seryoso kong tanong sa kanya at tumikhim si Max bago sumagot. “Pinaimbestigahan ko na rin kung ano ang relasyon nilang dalawa. Inampon ni Sebastian noon si Kristina at pinalabas niyang apo niya ito,” iyon ang sagot sa akin ni Max at napapikit ako. Sigurado na ako ngayon na si Kristina ay anak ni Aling Lusing. “Ang taong nakilala ko dito ay si Aling Lusing,” sabi ko kay Max at nagtaka siya ng husto sa sinabi kong pangalan. “Lusing? Si Luisiana Lorenzo? Isa siyang alamat noon at nabalitang biglang naglaho na lang,” sabi ni Max sa akin at umiling ako. “Kasama ko si Aling Lusing sa selda at sabi niya, tinakas ni Sebastian ang kanyang anak. Ngayon, dahil sa sinabi mong iyan, malakas ang kutob ko na si Kristina ang kanyang anak,” sabi ko kay Max pero umiling lang siya. “Hindi rin maaari iyan. Sabi ko sayo, kasabay kong lumaki si Kristina at nakita kong hindi si Sebastian ang kanyang ama. Matanda na si Sebastian ng nagkaroon ako nang sariling pag-iisip,” sagot niya sa akin. Napakagat-labi ako dahil sa sinabi niyang iyon. Kung gano’n, hindi talaga magkadugo si Kristina at Sebastian? “Table 5, tapos na ang oras ng bisita!” sigaw ng pulis at lumapit na siya sa amin. “Mag-iingat ka palagi, Eva!” bulong sa akin ni Max nang tumayo na ako at lumakad papalayo sa kanya pero hindi nagawang pigilan ng mga pulis si Max at agad niya akong niyakap ng mahigpit. Yumakap ako pabalik sa kanya at doon ko nilabas ang mga luha kong hindi nagpapagil na dumaloy. Pinunasan ko agad iyon bago kami pinaghiwalay ng mga pulis dahil ayokong makita ni Max na mahina ako. “Pangako, makakalabas ka diyan!” sigaw niya at agad siyang hinawakan ng isang pulis pero nagpumiglas siya sa mga ito. “Huwag niyo kong hawakan!” sigaw niya dito. Hinila na nila papalayo si Max sa akin at kinuha ko na rin ang mga pagkain na dinala niya Pagdating ko sa selda, agad kong pinamahagi ang ilan sa mga pagkain na dinala ni Max sa akin at labis na natuwa sila Aling Lusing at Berta. Hindi naman nakikihalobilo ang isang babae sa amin at tahimik lang itong nakatingin sa pader. “Anong mayroon sa kanya? Simula ng dumating ako ay hindi ko pa naririnig ang boses niya,” bulong ko kay Berta habang kinakain na namin ang isang supot ng tsitsirya at si Aling Lusing naman ay masayang inuubos paunti-unti ang softdrinks na binigay ko sa kanya. “Naku huwag mong pansinin iyan si Lina at hindi mo kayang pakalmahin iyan,” bulong sa akin ni Aling Lusing. Naisip kong magtabi ng ilang pagkain para sa kanya kung sakali ay pansinin niya na ako. “Eva, pwede bang akin na lang ito?” tanong ni Berta sa akin pero agad siyang pinalo ni Aling Lusing sa balikat. “Hoy, Berta. Mahiya ka naman. Binigyan ka na nga, gusto mo pang humirit. Hindi sayo iyan at hayaan mong magkusa si Eva na bigyan ka ng pagkain,” saway ni Aling Lusing at napakamot na lang sa ulo si Berta. Hindi ko naman magawang ibigay sa kanya ang hiniling niya dahil labis akong natatakam sa pagkain na iyon. “Bigtime siguro ang bisita mo, Eva. Lahat ng pagkain dito, hindi pipitsugin,” sabi ni Berta sa akin at ngumiti lang ako sa kanya sabay sumubo ulit ng pagkain. “Matanong ko lang, Eva. Kung kilala mo si Sebastian, ibig sabihin, galing ka rin sa mayamang pamilya, diba? Maaari ko bang malaman kung sino ang naging bisita mo?” tanong ni Aling Lusing sa akin at uminom muna ako ng tubig bago sumagot sa kanya. “Si Max Barrientos po, ang aking nobyo,” sagot ko at nagtaka ako dahil sa nanglaki ang mata ni Aling Lusing at tumawa bago sumagot. “Kaya naman pala mainit ang dugo sayo ni Sebastian. Nobyo mo ang anak ng kanyang mortal na kaaway,” sagot ni Aling Lusing sa akin at tumawa na lang rin ako kahit na hindi malinaw para sa akin ang totoong ugat ng alitan sa pagitan ni Sebastian at nang pamilya ni Max.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD