Panimula
Namulat akong nasa madilim ang paligid, doon ko naisip na nasa gitna ako ng kagubatan dahil tanging liwanag galing sa buwan ang nagsisilbing liwanag ko. Natatakpan pa ito ng mga kahoy kaya hindi ko rin maaaninag ang iilan sa paligid. Naramdaman kong malagkit ang aking kaliwang kamay at masakit ang braso ko, Nakaramdam din ako ng kirot sa aking ulo at nang hawakan ko ito, may mainit at malagkit na likido akong nahawakan. Humiga na muna ako ng ilang minuto dahil pilit kong inaaalala ang mga nangyari bago ako humantong sa ganitong sitwasyon.
Nagbalik sa aking memorya na pilit akong hinahabol ng isang lalaki, isa sa mga bodyguard ni Maxim, ang taong sobrang galit sa akin. Biglang umalingawngaw sa tenga ko ang malakas na tunog pero nang lumingon ako sa paligid para alamin kung saan ito galing ay wala naman ako nakita na pwedeng panggalingan ng malakas na putok.
Nagpahinga muna ako sa paligid dahil nakaramdam na ako ng sakit sa ilang bahagi ng aking katawan. Habang nagpapahinga, nakarinig ako ng isang kotseng huminto sa di kalayuan. Naaninag ko rin ang mga ilaw ng flashlight kaya dahan dahan akong umupo at tinitigan ang pinanggagalingan ng ilaw.
Pinilit kong bumangon kahit nasa gitna ako ng dilim. Habang kinakapa ko ang nasa paligid, may nahawakan akong malamig na bagay. Unti - unti kong nilapitan ito at patuloy na inaalam kung ano ito, natatakpan ng ilang mga tuyong dahon ang bagay na ito kaya mabilis kong hinawi ang mga ito. Ayokong takutin ang sarili ko pero ng mahawakan ko ang ilang bahagi nito, nabuo na sa isip ko ang bagay na ito.
Halos masuka ako ng maisip ko ang bagay na kanina pa nasa tabi ko. Pinakalma ko ang sarili ko dahil sa takot dito at naisip ko kung bakit may ganoong bagay sa aking tabi. Agad akong tumayo at nagsimulang tumakbo, hindi ko na inalintana ang mga sanga at bato na naaapakan dahil gusto kong lumayo sa bangkay na katabi ko.
Huminto na muna ako para makapagpahinga ng makita ko na naman ang mga ilaw ng flashlight at tunog na rin ng motor kaya tumakbo ulit ako nang tumakbo kahit sobrang hapdi na ng aking talampakan. Gusto kong iligtas ang sarili ko sa kamay ni Maxim. Hindi pa ito ang katapusan ko kaya hanggat kaya kong iligtas ang sarili ko, gagawin ko.
"Sige, Eva, tumakbo ka, Eva at takasan mo ang kasalanan mo!" sigaw ng isang lalaki pero hindi ko pinansin ang sigaw niya dahil ang gusto ko lang ay makaalis sa lugar na iyon. Hindi ko rin alam ang sinasabi niyang kasalanan dahil wal akong natatandaan sa mga bagay na iyon. Narinig kong malapit lang siya sa akin kaya binilisan ko pa ang pagtakbo ko paalis sa lugar na iyon. Walang kasiguraduhan pero tumakbo lang ako ng tumakbo.
Huminto na ako at hinintay ko na silang matunton nila ako dito. Gusto kong malaman kung bakit sobrang galit sa akin ng taong ito, alam kong hindi maganda ang nakaraan ko pero nakaraan ko na iyon. Nakasakay sila ng motor at angkas siya ng kanyang bodyguard. Pagkakita sa akin, agad silang huminto at itinutok agad ni Maxim ang kanyang baril sa akin. Nilingon ko ang mga pwede kong takbuhan pero tanging bangin na ang nasa pinakadulo nito.
"Pinatay mo ang isa sa mga bodyguard ko, sa tingin mo papayagan kitang makatakas?" sigaw niya sa akin at unti unting lumapit sa akin. Bawat pag abante niya, siya namang pag atras ko dahil pag nakalapit siya sa akin, katapusan ko na rin ito.
"Wala akong alam sa pinagsasabi mo, hindi ko matandaan na may pinatay akong tauhan mo," sagot ko sa kanya habang unti unti akong umaatras sa kanya. Desidido na ako sa gagawin ko at wala na rin naman akong ibang pwedeng gawin kung hindi ang tumakbo.
Hindi siya nagsasalita at ganoon rin ako pero patuloy siya sa paglapit sa akin. Ilang sandali pa, nakarinig kami ng putok ng baril at nakita kong si Max ito. Inihinto niya ang kanyang motor at binaril ang bodyguard ng kanyang ama. Bumaling siya sa akin at binaril muli ang lalaki, kitang kita ko pa ang pangingisay nito at ang pag - agos ng kanyang dugo. Bumulwak ang dugo sa kanyang bibig at ilang sandali pa, huminto na ang paghinga nito.
"Run, Eva, run!" narinig kong sigaw niya sa akin at walang pagdadalawang - isip akong tumakbo papalayo sa kanila. Nakapagpagaan ito ng loob ko pero pagkatapos kong marinig iyon, naramdaman kong lumutang ako ng ilang segundo dahil alam kong hindi ako papabayaan ni Max at gagawin niya ang lahat para maligtas ako. Narinig ko ulit ang tunog ng motor ni Max pero gusto ko nang lumayo sa lugar na yon, gusto kong malayo sa kanilang mag - ama kaya tumakbo ako hanggang sa marating ko na ang dulo ng bangin. Huminto ako at nakita kong malapit na sa akin si Max. Umiling ako at sumenyas na huwag siyang lalapit sa akin. Ayoko na sanang maabutan niya pa ako pero hindi pa rin pala sapat ang ginawa kong pagtakbo palayo sa kanya.
"I'm sorry..." sabi ko sa kanya at tuluyan na akong tumalon. Alam ko naman sa sarili ko na mahahanap ako ni Max. Magiging ligtas kami pareho kung gagawin ko ito. Sa mga susunod na araw, magkakasama rin kami uli at malalagpasan ko ito. Kung mamamatay man ako sa ginawa kong ito, sa susunod na buhay, alam kong magkikita ulit kami ni Max. Dahil ang buhay ko ang karugtong ng buhay niya. Ito na ang huling pagkakataon na hihiling ako bago pa man matapos ang buhay ko ngayong gabi. Kung pagbibigyan, gusto kong si Max ulit ang makilala ko sa susunod na buhay ko.
"EVA!!!" narinig kong sigaw ni Max, ang aking asawa pero huli na ang lahat. Tumalon na lang ako sa bangin kaysa mahuli ako ng kanyang ama at baka iyon pa ang ikamatay ko. Nakaramdam ako ng pagpapanic habang naririnig ko ang alon at naamoy ang simoy ng tubig. Matapos ang ilang segundo, naramdaman ko na ang lamig ng binagsakan ko hanggang sa nawalan na ako ng hangin sa katawan.