Inilapag ni Charlie May si Charrie sa foam kung saan ang higaan nila. Narito sila sa dating apartment na inuupahan ni Charlyn noong nabubuhay pa ito.
Kakauwi lang nila galing sa sementeryo kung saan hinatid sa huling hantungan ang huli. Ngayon pa lang ay sobrang nangungulila na si Charlie May sa kapatid.
Tumulo na lang ang mga luha niya sa isipin na habang buhay na niyang di makakasama ang kapatid. Naawa din siya sa pamangkin niyang walang ina na mamumulatan. Hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanag dito na wala na ang ina niya pagdating ng panahon.
Umupo si Charlie May sa gilid ng pamangkin at pinunasan ang tumutulong laway mula sa bibig nito. Pinagmasdan niyang maigi ang pamangkin.
Napakaganda ng sanggol na ito. Maputi din at matangos ang ilong. Hindi niya matukoy kung may lahi ba ito. Ang tanging alam lang niya ay bibig at ang kulot nitong buhok ang namana nito mula sa ate niya.
Kulot din ang buhok ni Charlie May kaya alam niya sa kanila nagmana ang pamangkin. Napangiti na lang si Charlie May.
“Ang ganda mo naman, baby. Sigurado ako na kapag nabuhay ang mama mo ay talagang magagandahan din siya sayo,” sabi niya sa sanggol na natutulog.
Magsasalita pa sana siya ng makarinig ng katok mula sa labas ng apartment. Nilagyan muna niya ng unan ang gilid bilang harang para hindi mahulog ang pamangkin. Bago niya silipin kung sino ang nasa labas.
“Ate Elaine, Ikaw pala,” bati niya sa taong nasa labas na walang iba kundi ang kaibigan ng namatay niyang ate.
“Inihatid ko lang ang box na laman ay mga gamit ng ate mo,” sabi niya sa akin.
Saka lang naalala ni Charlie May ang box na ito. Ito daw ang mga personal na gamit ng kapatid niya sa bar.
“Salamat, ate,” sabi ni Charlie May dito at kinuha ang box. “Pasok ka muna. Ipagtimpla kita ng kape.”
“Hindi na. May ibang lakad pa ako. Pero sigurado ka bang kaya mong mag-isa dito?” nag-alalang tanong ni Elaine kay Charlie May.
“Opo, ate Elaine. Sanay naman akong mag-isa. Lalo na noong nasa Cebu pa ako,” sagot ni Charlie May.
“Okay, sige. Alis na ako, tawagan mo ako kapag may kailangan ka,” bilin nito kay Charlie May.
“Opo. Ikaw din po, mag-ingat ka,” sabbi naman ni Charlie May.
Tumango lang si Elaine at tuluyan ng umalis. Napa buntong hininga naman si Charlie May at muling sininara ang pinto. Binitbit niya ang box at inilagay sa paanan ng higaan na kinahihigaan ng pamangkin.
Napa buga na lang ng hangin si Charlie May. Nagdadalawang isip siya kung bubuksan ba niya ang box o hindi. Sa huli ay mas nanaig ang kagustuhan niyang malaman kung ano ang laman.
Akmang bubuksan na sana niya ito ng mag-ring ang cellphone niya sa loob ng packback bag niya. Saka lang niya naalala na hindi niya ito na tingnan simula ng dumating siya dito sa Manila. Pang-limang araw na ito ngayon.
Dali-dali niya itong kinuha baka magising ang pamangkin niya. Nakita niyang si Caley ang tumatawag. Akmang sasagutin niya ng tuluyang nag-shutdown ang cellphone niya. Muli siyang napa buntong hininga at kinuha ang charger at isinaksak sa saksakan upang ma-charge ang cellphone niya.
Muli niyang binalikan ang box tuluyang binuksan. Agad bumalaga sa kanya ang mga maiiksing damit ng ate niya. Napailing na lang si Charlie May dahil hindi niya naisip na kayang magsuot ng ganito ang kapatid niya.
Ang alam niya ay T-shirt at jogging pants ang hilig ng ate niya kaya nakapagtataka na may mga ganito itong damit. Ipinagpatuloy niya ang pagkalkal sa mga gamit ng ate niya.
Wala namang siyang mahalagang bagay na nakikita. Mga personal hygiene lang naman, underwear, damit at pang-kolorete sa mukha. Hanggang sa may nakita siyang isang di kalakihang pouch. Na-curious siya sa laman kaya binuksan niya ito.
Inisa-isa niya ang laman. May nakita siyang passbook na hindi tataas two hundred thousand ang laman. May nakita din siyang card holder na may lamang atm card. May nakaipit pang maliit na papel na may nakasulat na pin code sa likod nito.
Pati cellphone ng kapatid niya ay nasama na din sa pouch. Lowbat nga lang kaya hindi niya makotingting. Akmang ibabalik na niya ang mga gamit sa box ng may nahulog na parang laminated picture. Kaya kinuha niya ito at tiningnan.
Isa itong picture ng lalaki. Sa tindig at pananamit pa lang ay masasabi niya na mayaman ang lalaki. May itsura at halatang galing sa mayaman na angkan.
Tinitigan lang niya ito ng mabuti hanggang sa mapapansin niya ang pagkakapareho nila ng mukha ng pamangkin niya. Itinapat pa talaga niya ang picture sa natutulog na pamangkin.
“Magkakaparehas talaga sila maliban sa bibig at buhok,” sabi ni Charlie May sa sarili.
“Ikaw kaya ang tatay ng pamangkin ko? Pero bakit wala ka sa tabi ng kapatid ko? Diba kapag tatay kana, ay magiging excited ka na magkaroon ka ng anak? Bakit iba ang nakikita ko? Wala ka bang pakialam sa kanila?” parang batang nag-mo-monologue na sabi ni Charlie May na akala ay sasagot ang picture sa kanya.
“Nakakainis ka alam mo ba yon? Kung hindi dahil sayo buhay pa sana ang kapatid ko. Kasama ko pa sana siya ngayon. Pero dahil sayo, nawala siya sa akin.”
Napahagulhol na naman sa iyak si Charlie May ng maalala ang sinapit ng kapatid niya. Nasaksihan pa nga niya kung paano bawian ng buhay ang kapatid niya dahil hindi nakayanan ang panganganak nito.
“Si ate Charlyn na lang ang meron ako…Siya na lang at ako ang naiwan dito sa mundo… Pero bakit pati siya ay nawala sa akin… Bakit pati siya ay iniwan ako…” Naghihinagpis na wika ni Charlie May habang humahagulgol.
Napayakap na lang si Charlie May sa mga tuhod niya habang umiyak. Ibinaon pa niya ang mukha sa mga tuhod niya upang pigilang ang sariling umiyak ng malakas. Hanggang sa makarinig siya ng iyak ng sanggol.
Saka lang niya na-realize na hindi pala siya nag-iisa. May pamangkin pa siyang pwedeng makakasama sa buhay. Tinapik-tapik niya ng mahina ang pamangkin ngunit hindi man lang tumahan.
Kaya kinuha niya ito at kinalong. Saka pa lang tumahan ang bata. Naluluhang napangiti na lang si Charlie May at napakanta na lang ng mahina.
“Thank you, baby, for staying with me. Mula ngayon ikaw at ako laban sa lahat,” sabi niya sa bata.
Para namang nakaintindi ang sanggol at inabot pa ang mukha niya. Hinalik-halikan na lang ni Charlie ang maliit na kamay nito. Tuwang-tuwa naman ang sanggol dahil ngumingiti pa ito.
“Pangako, gagawin ko ang lahat para sayo. Wala man akong karanasan sa lahat lalo na sa pag-aalaga ng isang katulad mo pero sisiguraduhin kong aalagaan kita, mamahalin at higit sa lahat, pro-protektahan sa sinomang gustong manakit sayo. Gusto mo ba yon? Hmmmm?”
Pangiti-ngiti lang ang sanggol sa sinabi niya. Kaya napangiti na lang si Charlie sa pamangkin. Mukhang makulit ang isang to paglaki nito. Hinalikan niya ito sa noo bago hinihili muli para makatulog pa.
Nang makatulog ang pamangkin ay muli niyang inilapag ito sa higaan. Naalala niya ang cellphone niyang naka-charge. Nang tingnan niya ay nakakalahati na ang battery nito. Ini-on niya ito at hinihintay na mag load ang ang apps.
Hinanap niya ang contact ni Caley dahil paniguradong nag-aalala na ito sa kanya. Hindi man lang niya naalala na tawagan ang kaibigan. Dina-dial niya ang numbbber nito at wala pang sampung sigundo ay sumagot na ito.
“Bakla, bakit ngayon ka lang tumawag. Ng-alala ako sayo, alam mo a yon?” bungad ni Caley kay Charlie May.
“Sorry, marami kasing nangyari dito kaya nakalimutan kong tawagan ka,” malungkot na sabi ni Charlie May.
“May nangyari ba?” tanong ni Caley sa kanya.
“Wala na si ate,” tanging sagot ni Charlie May. Nagsimula na namang nag-uulap ang mga mata niya.
“Hindi kita maintindihan, bakla. Anong wala na?” tanong pa ni Caley.
“Patay na si Ate,” pumiyok na wika ni Charlie May.
Pinipigilan lang niya ang sariling mapaiyak muli ng malakas. Baka magising pa ang pamangkin.
“Ano?! Paano patay? Malala ba ang sakit niya? Pero ang sabi mo ay hindi naman grabi?” sunod-sunod na tanong ni Caley.
“Hindi siya namatay dahil nagkasakit siya, namatay siya sa panganganak,” mahinang sagot ni Charlie May.
“Ano? Nanganak si ate Charlyn? Eh, kumusta ka naman? Ang anak ni ate Charlyn, okay lang ba?” nag-alala rin na tanong ni Caley.
“Ito, pinipilit magpakatatag para sa pamangkin ko,” sagot ni Charlie May.
“Anong plano mo ngayon?” tanong ni Caley.
“Hindi ko pa alam. Basta alam ko lang ay kailangan kong alagaan ang pamangkin. Dahil kapag hindi ko yon gagawin, sino na lang ang gagawa non para sa kanya?”
“Tama, wag mo munang isipin ang mga bagay na hindi pa nangyayari. Ang isipin mo ay ang ngayon, kung paano ka, kayo ni baby maka-survive,” sabi ni Caley.
Napa buntong hininga na lang si Charlie May.
“Wag kang mag-alala, may awa ang Diyos, alam niya kung anong kailangan natin kahit hindi natin yon hihilingin sa Kanya. Magtiwala at manalig lang tayo na gabayan Niya tayo sa lahat ng pagkakataon. Ang kailangan lang natin ay dapat maka-survive sa lahat ng pagsubok na naranasan natin,” mahabang wika ni Caley.
Napatango na lang si Charlie May. Tama ang kaibigan niya. Pagsubok lang ang lahat ng ito. Ang kailangan lang niyang gawin ay ang maka-survive at manalig sa Maykapal dahil alam niyang hindi Niya pababayaan ang sinumang magtitiwala sa kanya.