Chapter 3
“Baka mahuli tayo, ano ka ba.”
“Hindi ‘yan. Suotin mo yung uniform ko sa PE tapos magsumbrero ka lang. Di ba sa labas naman gagawin iyon? Kailangan lang ni Sir makita yung dribble at shooting sa basketball at kung paano mag-serve ng bola sa volleyball?”
Napabuntong-hininga ako. Kinakabahan ako. Paano kung mahuli kami. Paniguradong babagsak kaming magkambal pero nang nakita ko si Brent na mataas ang lagnat at ubo ng ubo ay hindi na ako nagdalawang isip pa. Nagpalit ako suot ang kanyang uniform. Isinuot ko rin ang kanyang ID. Itinali ko ang buhok ko pataas at itinago ko iyon sa madalas na suot ni Brent na sumbrero.
“Ano Brent, kamukha na ba kita? Hindi kaya ako mahalata?”
“Hindi. Parang ikaw rin naman talaga ako. e.”
At iyon, iyon ang unang pagkakataon na naging ako si Brent. Simula ng pagpapanggap kung kinakailangan. Siya ako kung di ko kaya at ako sa kanya kung alam naming hindi tagilid at kayang lusutan.
Kinakabahan ako habang naglalakad ako mag-isa papunta sa gym namin. Inisip kong mabuti kung paano nga ba kumilos at magsalita si Brent. Araw-araw kaming magkasama kaya alam ko yung mga kilos niya. Sa boses naman hindi kami nagkakalayo. Gusto kong maging astig tulad ng kakambal ko. Patalon-talon pa nga ako nang may biglang humila sa akin at tinakpan ang mga mata ko. Dama ko ang mainit-init at malambot na pisngi na dumikit sa aking pisngi. Naramdaman ko rin ang parang tumutubong balbas na kumikiliti sa aking leeg. Pinigil ko ang sarili kong hindi matawa.
Mabango ang estrangherong gumawa no’n sa akin. Mabango din naman ako dahil sa pinaliliguan ko ang sarili ko kanina ng cologne na ginagamit ni Brent para magkaamoy kami ngunit iba ang amoy niya. Bangong parang binata. Pilit na tinanggal ng maliit kong kamay ang nakatakip sa aking mga mata ngunit hindi ko kinaya. Nandiyang sipain ko siya at suntukin ngunit sadyang maagap siya kaya hindi ko siya natatamaan ngunit hindi niya tinatanggal ang pagpiring sa aking mga mata.
"Bahhhh!" sigaw nang pumiring sa akin nang tinanggal niya ang kamay niya sa mga mata ko.
Pagdilat at pag-angat ko ng mukha ko ay si Kuya Ar-ar ang nakita ko. Katulad ko, naka-school-uniform din lang siya ng pang PE. Maluwang ang pagkakangiti. Nakasukbit ang backpack sa isa niyang balikat.
"Brent, hindi ba? Ikaw si Brent?”
Sasagot sana ako ng hindi ngunit naisip kong nagpapanggap nga pala akong si Brent.
“Papasok ka na sa klase mo?" muli niyang tanong sa akin.
Tumango lang ako.
"Kala mo na kung sino ako no? Hindi mo nahulaang ako ‘to.”
Tumango muli ako. Ngumiti.
“Ano pupunta ka ba sa gym?"
Sasagot sana ako pero parang walang boses na lumalabas sa akin. Hindi ko alam kung bakit ko nagawang mahiya noon sa kaniya samantalang gustung-gusto ko na sana pansinin niya ako. Gusto ko nga sanang magpapaturo sa kaniya sa paglalaro ng basketball e. Pinag-uusapan namin ni Brent na ipakilala niya ako kaso nahihiya rin daw siya. Lalo na ako. Hindi nga niya ako kilala e. Hindi niya alam na may kakambal ang kapatid ko.
"Pupunta rin ako sa gym, tara sabay na tayo." hindi ko alam kung inakbayan niya ako noon o dahil sa liit ko ay mas puwedeng sabihing ipinatong lang niya ang palad niya sa balikat ko.
"Sige!" nakangiti na ako. Ayaw kong gumamit ng po at opo sa kaniya. Hindi ko kasi matandaan kung gumagamit si Brent ng po at opo no’n. Gusto kasi ng kakambal kong maging astig. Isa pa tingin ko rin naman sa kanya noon ay isang isang malaking barkada. Astig kasi 'yun. Kasama ko ang idol ko sa paglalaro ng basketball. Kasama ko ang pinaka-astig sa campus namin.
"Mahilig ka bang basketball?" tanong niya habang naglalakad kami.
"Oo naman!" sagot ko.
"Gusto mong matuto?"
"Tuturuan mo akong maglaro?" balik tanong ko.
"Oo."
"Talaga?"
“Oo pero sa isang kondisyon."
"Ano yon?"
"Dapat tawagin mo akong kuya at dapat matuto kang gumamit ng po at opo."
"Yun lang pala e! Kayang-kaya yun!"
Hinawakan niya ang balikat ko. Hindi tuloy ako makahakbang dahil sa lakas ng pagpigil sa akin.
"Kasasabi lang ih, Po at Opo! Ano, deal ba?"
"Opo!"
“Hayon marunong ka naman palang mag-po at opo e.” Tinapik niya pa ang sombrero ko. Kinabahan ako baka matanggal iyon at mabuking akong hindi si Brent.
"Sige, magkita tayo sa may park, sa gilid no’n may basketball court, alam mo ba ‘yon?."
"Doon po bas a plaza?”
“Oo ‘yon nga, malapit sa plaza.”
“Sige po. Anong oras?”
“Sandali, may paglalaruan ba sa inyo?”
"Wala po eh! Pero di ba sa malapit sa plaza may mga basketball court doon?" Nagsinungaling ako. Baka kasi mabuking kami ni Brent. Hindi niya pwedeng malaman na hindi si Brent ang kausap niya ngayon.
"So paano, do'n na lang tayo magkikita mamayang hapon? Basta Brent ah, magpaalam ka sa inyo ha?"
"Opo Kuya Ar-ar." sagot ko.
"Ayos!" umupo siya sa harap ko at nagtapat ang aming mga mukha. Natitigan ko siya. Bakit ganoon? Bakit parang bumilis ang t***k ng aking puso. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Muli niyang tinapik ang sumbrero ko. Hinigpitan ko ang hawak. Kinakabahan ako na baka tanggalin niya iyon sa ulo ko. Gaganti din sana ako kaso maagap niyang inilayo ang kaniyang ulo sa akin. Di ko tuloy siya nagantihan.
Kinahapunan, tumakas ako ng bahay. Suot ko ang binili ni Daddy kay Brent na basketball uniform na matagal na niyang hindi nagagamit. Basta iyon ang tawag ko noon sa jersey. Pambasketball na uniform. Nagdala rin ako ng sarili kong bola. Isinuot ko ang sombrero ni Brent. Hindi rin naman siya makasama kasi mataas pa rin ang lagnat niya.
Pumayag si Mommy na lalabas ako ng bahay ngunit hindi niya alam na lumabas ako ng bakuran namin. Lakad-takbo ang ginawa ko makarating lang sa kung saan ako tuturuan ni Kuya Ar-ar. Naabutan ko na siya noon na naglalaro. Nakahubad siya ng pang-itaas. Kumikislap ang kaniyang pawis sa tama ng noon ay palubog ng araw. Paikot-ikot siya sa pagdi-dribble. Sa tuwing itinitira niya ang bola ay palaging pasok. Lalo akong humanga sa galing niya.
Nainip tuloy ako sa paghihintay na malapitan siya. Hindi kasi ako makatawid agad-agad dahil sa mga mabibilis na sasakyang dumadaan.
"Kuya Ar-ar!" sigaw ko sa kaniya habang inumpisahan ko na ring maglakad palapit sa kaniya.
Nilingon niya ako.
Nakangiti siyang tumingin sa akin. Kumaway pa siya at mabilis ang kaniyang mga paang humakbang para salubungin ako.
Lumingon siya sa bahaging kanan ko at nakita kong nanlaki ang kaniyang mga mata.
Nasa gitna na ako ng daan at sa kaniya lang ako nakangiting nakatingin.
Tumakbo na rin ako para lapitan siya.
"Brent!" nagulat ako sa sigaw niya. “Yung sasakyan! Breentttttt!”
Tumakbo na siya palapit sa akin.
Parang isang iglap lang ang lahat. Naramdaman ko ang mabilis na pagyakap at pagkarga sa akin ni Kuya Ar-ar at ang sabay naming pagbagsak sa lansangan. Sa pagkagulat ko noon ay napatitig lang ako sa hugis pusong iyon sa dibdib niya. Ilang sandali din kasing nasa ibabaw niya ako at natapat ang mga mata ko sa bahanging iyon ng kaniyang dibdib.
"Okey ka lang?" pabulong lang iyon.
Mula sa pagkakatitig ko sa hugis pusong balat na iyon ay lumipat ang aking mga mata sa kaniyang guwapo at makinis na mukha.
"Opo." mahina kong sagot ngunit lalo akong napatitig sa kaniya dahil halatang may masakit sa kaniya. May dugo na gumuhit mula sa kaniyang noo.
Nang bitiwan niya ako at mabilis akong tumayo ay nakita ko ang pag-agos ng dugo sa sementadong lansangan.
Si Kuya Ar-ar ang nabundol noon sa pagliligtas sa akin.
Dumami ang tao noon sa paligid. May mga sumisigaw! Marami ang mabilis na tumulong sa amin at dahil sa pagkabigla ay hindi ko nagawang magsalita. Ni hindi ako makakilos sa aking kinatatayuan. Natatakot ako lalo pa't nakita ko ang kalagayan ni idol. Mabilis akong tumakbo palayo. Takot na takot ako sa dugo.
"P're, parang namumukhaan na kita." boses iyon ni Arwin. Natigil ako sa pagbalik ko sa nakaraan.
Kinabahan ako. Naaalala na ba niya ako?
Ito na ba ang muling pagsisimula ng naudlot naming pagkakaibigan noon?
Paano namin dudugtungan ang nakaraan ngayon? Paano kung may isang damdaming uusbong kahit pa gaano namin iyon itatanggi at paglabanan?