CHAPTER 2
Sampung taong gulang lang ako noon. Maaring may mga detalye akong nakalimutan o kaya mga detalyeng naidagdag ngunit sigurado akong nangyari ang lahat iyon nang paslit pa ako. Sa isang Private School kami noon nag-aaral ni Brent. Iisang campus lang kami ng mga High School na kinabibilangan naman ni Arwin. Malapit sa playground kung saan kami naglalaro magkambal at iba pa naming kaklase ng habulan ang basketball court kung saan naglalaro ang mga High School na kinabibilangan ni Arwin. Pagkatapos kasi ng aming klase sa hapon habang hinihintay ang flag retreat, madalas kaming naglalaro sa tabi mismo ng basketball court. Nakatalikod ang kambal ko noong si Brent at hindi siya puwedeng gumalaw dahil nahuli na siya ng taya sa laro namin. Nakalimutan ko na kasi ang pangalan ng larong iyon. Yun bang kapag natapik ka ng taya, hindi ka na maari pang gumalaw maliban na lamang kung may tatapik sa'yo na kalaro mo at puwede ka na muling tumakbo para i-save din ang ibang natapik ng taya. Pareho kasi kaming natapik na ni Brent noon kaya hindi ko na rin siya mase-save pa. Malikot ang mga mata ko noon, nag-aabang ng mag-se-save sa akin para ma-save ko rin ang kambal kong noong ay mas sakitin sa aming dalawa. Hanggang sa bigla na lang may tumamang bola sa kanyang ulo dahilan para matumba siya.
Gusto ko sanang tulungan siya ngunit hindi kasi pwedeng gumalaw kaya nakatingin lang ako sa kanya. Hindi pa man siya nakakatayo nang biglang may lumapit sa kanya na nakasando ng puting jersey at pulang short. Inalalayan niyang tumayo ang kakambal ko.
Itinulak ni Brent ang lalaki. Siguro kasi ayaw ng kakambal kong isipin ng mga kalaro namin na lampa siya. Hindi siya gano’n pero iyon kasi ang tingin sa kanya ng mga pinsan namin. Lagi siyang binibiro na mas astig at malakas pa raw akong babae kaysa sa kanya. Lampa siya dahil hindi siya naglalaro sa mga nilalaro namin. Lampa siya dahil bukod sa payat ay mas bansot pa siya sa akin. Lampa siya dahil madalas siyang madulas at ako ang umaalalay para tumayo siya. Siya ang madalas mahulog sa tuwing umaakyat kami sa mga puno ng bayabas. Lampa siya dahil hindi nakakapag-shoot ng bola kapag naglalaro kami ng basketball.
"Okey ka lang?" tanong ng binatilyo iyon sa kakambal ko.
Tumango si Brent sabay kamot sa kanyang ulo na tinamaan ng bola.
"Sigurado ka ba?" nakangiti ito. Halatang napawi na yung pag-aalala sa mukha nito.
"Oo nga, kulit naman e," matapang na sagot ni Brent.
"Sige nga, kung talagang okey ka na, kunin mo nga ang bola at i-shoot mo sa ring?" ipinatong ng binatilyo ang kamay niya sa balikat ng kakambal ko.
Tumingin muna ako sa akin ang kakambal ko. Tumango ako. Muli siyang tumingin sa binatilyo.
Naaalangan si Brent alam ko. Hindi kasi siya masyadong naglalaro ng basketball kagaya ko kahit pa sabihing siya ang madalas i-ensayo ni Daddy sa paglalaro. Medyo mahina kasi ang kanyang braso kaya mas marunong pa ako sa kanya.
“Sige na, tara. I-shoot mo lang ‘tong bola sa ring.”
"Ayaw ko nga,” sagot ni Brent.
"Kung hindi ka lampa, dapat matibay yang katawan mo."
Tumingin si Brent sa mga mga kalaro namin na noon ay tumigil sa laro nilang takbuhan. Lumapit na sila kay Brent. Ako naman ay nasa likod lang ng mga kalaro namin.
“Lampa ka naman yata e!”
Alam kong ayaw ni Brent na sinasabihan siya no’n. Lalo pa’t sa harap ng mga kalaro namin.
“Hindi ah!”
“E kung hindi, ipakita mo. I-shoot mo ‘to.”
"Sige ba! Yun lang pala eh!" sagot ng kambal ko.
Ikinabigla ko iyon.
"Yan dapat! Astig!" tinapik ng binatilyong iyon ang pawisang pisngi ng kakambal ko.
"Ano ba 'yan tol? Abala lang 'yan!" sigaw ng kalaro ng binatilyo nang makitang hawak ng kambal ko ang bola at pinapa-shoot ito sa kanya imbes na ituloy na nila ang paglalaro.
"Tumahimik ka nga diyan. Tamaan ka sa akin!" singhal ng binatilyo.
Napabilib ako kay kuyang binatilyo. 'Yun kasi ang gusto ko, yung lalaking palaban!
"Sige na. Huwag mo silang pansinin," kindat ng lalaki kay Brent.
Tumitig ako sa lalaking iyon. May kung ano akong naramdaman paghanga. Bigla kasing bumilib ako sa tapang niya at kabaitan.
Sumunod kaming magbabarkada nang tinungo na ni Brent ang basketball court. Kinakabahan ako para sa kapatid ko. Baka kasi lalo siyang mapahiya sa lahat. Nagdadasal ako nasa makapg-shoot siya.
"Habang nagdi-dribble ka ng bola, dapat tinatantiya mo na rin ang layo mo sa ring para bago mo i-shoot ay alam mo na kung aabot ang ipupukol mong bola," nakayukong bilin ng lalaking iyon sa kakambal ko. Nagkainteres ako. Sana ako rin tinuturuan. Pero hindi naman ako pinapansin ng binatilyong iyon. Hindi niya nga ako napansin e.
Sa tingin niya noon sa kambal ko ay parang siya yung unang naniniwalang kaya ni Brent ang humawak ng bola. ‘Yun bang kaya niyang maglaro. Malayo-malayo siya sa ginagawa ng mga pinsan namin sa kanya na pangkukutya sa tuwing naglalaro kami ng basketball. Kaya naman dahil madalas siyang makantiyawan, iniiwasan na nang maglaro pa kasami kami. Naihahambing kasi ako sa kanya at awang-awa ako kapag nakaupo siya sa gilid at nakikita ko ang inggit sa kanyang mga mata. Hanggang sa tuluyan na nga siyang nawalan pa ng interes sa paglalaro.
Ngunit si kuyang binatilyo, nakita kong para bang bilib na bilib sa kakayahan ng kambal ko. Gusto ko ‘yon. Sana may magbabalik sa interes ng kambal kong maglaro para muli na naman kaming maglalaro na dalawa. Matagal na kasi yung panahong nakapaglaro kami at nami-miss ko na iyon.
"Sige, kaya mo yan kid!"
Huminga ang kakambal ko ng malalim. Sinulyapan niya ako. Sinenyasan ko siya na kaya niya.
"Sige na! Itira mo na!" si Kuyang Binatilyo. Nakikita ko sa mata niya ang tiwala kay Brent.
"Baka mapilayan 'yan!" sigaw uli ng nagtatawanang mga barkada ni Kuya.
Huminga ako nang malalim. Tumigil sa pagdi-dribble si Brent. Ako ang kinakabahan sa kanya.
"Huwag mo kasi silang pansinin. Ganyan din ako noon. Inaalaska. Inaasar na lampa pero tignan mo ako.”
Tumigil ang kakambal ko. Nakita ko ang takot sa kanyang mukha.
“Sige, ganito na lang, bubuhatin kita ta's kapag sinabi kong shoot! Itira mo na agad ang bola ha?"
Tatanggi palang sana ang kakambal ko ngunit nang binuhat na niya ito ay wala na siyang nagawa pa. Kasabay ng pagtalon niya ang pagsigaw niya kay Brent ng shoot! Tinira din ni Brent ang bola at kitang-kita ko ang pag-ikot-ikot muna ng bola sa ring bago ito tuluyang pumasok.
"Naks! Galing ah! Apir!" nakatawang wika ng lalaki sa kakambal ko nang naibaba na niya ito.
Natuwa ako para kay Brent lalo na nanng nakatawa na ito.
Nag-apir sila nang lalaki. Unang pagkakataon noon na naramdaman kong sobrang saya ni Brent.
"Sige na, bumalik ka na sa mga kalaro mo." kindat niya sa kakambal ko.
Ang dati'y asiwang ngiti ni Brent ay lumuwang.
Pakiramdam ko nakahanap na ang kapatid ko ng kakampi na mas malaki sa kanya at magtuturo sa kanya kung paanong maging astig.
Tatakbo na sana siya pabalik sa amin nang tinawag siya no’ng lalaki.
"Kidddd!" sigaw niya, "Anong pangalan mo?"
"Brent ho!"
"Ako naman si Kuya Arwin mo, Kuya Ar-ar na lang.”
“Salamat po kuya Ar-ar.”
“Sige na. Ingat sa paglalaro, okey?"
Tumango si Brent at lumapit sa akin.
“Kita mo ‘yon Brean? May kaibigan na akong astig!”
“Oo nga, nakita ko. Saka ang galing ng shoot mo kanina.”
Masayang naglakad si Brent at sumunod ako sa kanya. Bago kami tuluyang nakalayo ay nagawa ko pa din lingunin si Kuya Ar-ar na noon ay nagsimula na sa paglalaro ng basketball.
Mula nang araw na iyon, pagkatapos ng klase ko ay nagpupunta na kami sa basketball court ni kambal kasama ng iba pa naming mga barkada. Gustung-gusto ko siyang panoorin. Gusto kong makuha ang technique niya sa paglalaro. Yung liksi niya at galing sa pag-shoot ng bola. Minsan kinikindatan niya si Brent kapag nakikita niya ito ngunit madalas abala siya sa kaniyang paglalaro. Basta ang alam ko lang noon, tinitilian siya ng mga babae. Idol ng mga mahilig sa basketball at kilala sa buong campus namin. Lahat noon ng makakasalubong niya, tinititigan siya. Nililingon kahit pa nakalagpas na siya sa kanila. May mga sandaling nakakasalubong ko siya ngunit nahihiya akong tignan siya. Sa dami ng kakilala niya, pa'no pa ba niya ako mapapansin.
Gusto ko, maging kagaya niya. Kahit babae ako, gusto kong magaling sa larangang iyon. Kahit ayaw ni Mommy na maging basketball player ako, si Daddy ang nagpu-push sa amin para galingan. Ako, bilang makapasok sa Perlas Pilipinas at si Brent naman sa PHILIPPINE BASKETBALL GUILD. Dahil dating sikat na basketbolista ang aking ama kaya gusto niya may magmamana sa kanyang dating sport.
Hanggang sa nakita nga namin ni Brent si Kuya Ar-ar. Sa dalas ng aming panonood sa paglalaro niya, naging idol na namin siya.
“Pagdating ng araw, dapat kasing astig ko siya!” Pagbibida sa akin ni Brent.
“E, di dapat kumaing kang marami saka lagi kang uminom nong vitamins mo para hindi ka na nagkakasakit. Tignan mo ako, babae ako pero mas malakas pa yata ako sa’yo.”
“Yabang mo naman. Basta, maging magka-astig din kami no’n balang-araw.”
Isang umaga ay hindi na naman maganda ang pakiramdam ni Brent. Kung hindi siya makakapag-final exam sa kanyang Physical Education ay paniguradong babagsak na siya. Ako kasi tapos na sa lahat ng klase ko. Wala na si Daddy noon at si Mommy naman ay maagang pumasok sa kanyang opisina.
“Paano ‘yan? Baka babagsak ka sa PE niyan. Last day of exam na raw ngayon sabi ni sir.”
“Hindi ba pwedeng ikaw na lang ang pupunta doon sa kailangan na performance task ko sa PE?”
“Baka mahuli tayo, ano ka ba.”
“Hindi ‘yan. Suotin mo yung uniform ko sa PE tapos magsumbrero ka lang. Di ba sa labas naman gagawin iyon? Kailangan lang ni Sir makita yung dribble at shooting sa basketball at kung paano mag-serve ng bola sa volleyball?”
Napabuntong-hininga ako. Kinakabahan ako. Paano kung mahuli kami. Paniguradong babagsak kaming magkambal pero nang nakita ko si Brent na mataas ang lagnat at ubo ng ubo ay hindi na ako nagdalawang isip pa. Nagpalit ako suot ang kanyang uniform. Isinuot ko rin ang kanyang ID. Itinali ko ang buhok ko pataas at itinago ko iyon sa madalas na suot ni Brent na sumbrero.
“Ano Brent, kamukha na ba kita? Hindi kaya ako mahalata?”
“Hindi. Parang ikaw rin naman talaga ako. e.”
At iyon, iyon ang unang pagkakataon na naging ako si Brent. Simula ng pagpapanggap kung kinakailangan. Siya ako kung di ko kaya at ako sa kanya kung alam naming hindi tagilid at kayang lusutan