PAGKIKITA
CHAPTER 1
“Paano ‘yan ngayon? Kung kailan abot mo na ang pangarap mong maging bahagi ng pinakasikat na koponan sa Philippine Basketball Guild saka naman nangyari ‘yan.” Bumuntong hininga si Daddy na tumingin sa kakambal kong si Brent. Nakataas ang isang nakasementong paa ni Brent at bali rin ang kamay niya bukod sa mga gasgas na natamo siya sa aksidente sa motor. Mabuti nga at naka-helmet siya nang nangyari iyon.
“Ako Dad, ako na lang muna ang magpapanggap na siya habang nagpapagaling pa,” sabad ko. “Malayo pa naman yung try-out namin sa Perlas Pilipinas e.”
“Ikaw Breana, huwag mo nga akong pinagluluko? Philippine Basketball Guild itong pinag-uusapan dito at hindi ang Philippine Team na Women’s Division ha? Anong gagawin mo, ro’n e mga lalaki yung mga nandoon.”
“Oh e, bakit? Noong ako nga ang nabalian, si Bret ang sumalo sa akin. Nagpanggap na babae. Hindi naman nahalata? E sa lalaki pa kaya?”
“Oo, Dad, kaya ni Brean ‘yan.”
“Ako ba’y pinagluluko ninyo?”
“Dad, noong bata kami, madalas nga ‘yan na nagiging ako di ba? Kapag may sakit ako noon siya ang pumapasok bilang ako, nahalata ba ng teacher namin? Hindi. Kaya alam kong kaya rin niya ‘yan Dad,” suporta sa akin ng kakambal kong noon pa man ay lagi na kaming nagtutulungan.
“Paano mo mababago ang boses mo, ang katawan mo, yung dibdib mo at kilos?”
Huminga ako nang malalim. Inisip ko kung paano kumilos at magsalita ang lalaking-lalaki kong kakambal. “Oh ano Dad, yakang-yaka ‘yan. ‘La kasi kayo kabilib-bilib sa akin e,” wika ko sa tono at boses ni Brent. Itinaas ko ng bahagya ang manggas ng t-shirt ko saka ko sinuklay ang buhok ko patalikod. Brent na Brent ang datingan.
Napangiti si Daddy. Hindi siya makapaniwala.
Natawa si Mommy na kanina pa sa amin nakikinig.
“Oo nga ‘no, ang galing. Gayang-gaya mo nga anak.” Tumayo si Mommy at tinapik ang balikat ko.
“See, sabi ko sa’yo Dad e.”
“Hindi. Hindi ka pupunta ro’n para magpanggap na si Brent. Baka ma-technical lang ang kapatid mo o ikaw at lalong hindi na kayo makakalaro pa sa mga malalaking koponan kapag nabuking ka diyan sa ginagawa mong ‘yan.”
“Pero Dad!”
“Kapag sinabi kong hindi pwede! Hindi! Okey?”
“Paano ang pangarap ninyo kay Brent? Dad, trust me.”
“Breana, ano ba! Nakikinig ka ba? Kahit pa halos pinagbiyak kayo ng bunga at alam kong hindi mapapansin ng iba, hindi pa rin ako papayag. Maliwanag ba?”
Halos sabay kami ni Brent na napailing. Nakita ni Daddy ang lungkot sa mukha ni Brent. Nalungkot din ako para sa kakambal ko.
“Bart, sa labas nga muna tayo. Mag-usap lang tayo sandali,” bulong ni Mommy kay Daddy.
Nagkatinginan kami ng kakambal ko. Mukhang may pag-asa pa.
Nang lumabas ang dalawa sa kuwarto ng hospital ay nagkindatan kaming magkapatid. Alam na namin agad ang resulta. Panalo kami. Wala pa kasing ipakiusap si Mommy na hindi pinagbibigyan ni Daddy.
“Ayos brad. So, alam mo na ang gagawin do’n ha?”
“Ako pa ba.”
“Babawi ako sa’yo, pangako ‘yan.”
“Ano ka ba? Dati na nating ginagawa ito.”
“Paano si Carlo? Tingin mo papayagan ka?”
“Akong bahala sa boyfriend ko. Wala naman ‘yon magagawa e.”
“Salamat kambal. Pasensiya ka na ha?”
“Ano ka ba? Di pa nga ako nakababawi sa mga ginawa mo noong High School at College tayo e. Basta gagalingan ko ang paglalaro at pagpapanggap para sa’yo.” Pangako ko sa kabal ko. Alam kong muli bata kami ito na ang pangarap niya at gagawin ko ang lahat para hindi ko siya mabibigo.
***
Unang araw ng pagpapanggap. Magkahalong kaba at saya ang aking nararamdaman. Kaba dahil maaring mabuko ako peo saya dahil sa wakas muli ko nang makikita at makakasama ang dating hinahangaan kong manlalaro.
"Arwin, pare!" Inilahad niya ang kamay niyang naunang ipinunas niya muna sa puwitan ng kaniyang boxer brief. Basa pa ang maskuladong katawan niya dahil katatapos lang niyang magshower at kalalabas lang niya sa shower room nang makasalubong niya kami ni Coach. Agad kasi akong ipinakilala ng Coach namin sa sikat na basketbolista.
Hindi agad ako nakapagsalita. Nahihirapan kasi akong gayahin ang boses ni Brent pati ang astig niyang kilos at lakad ngunit kailangan. Hindi ako dapat pahalata na nagpapanggap lang ako. Nakakatakot at mahirap ngunit kailanga kong gawin para sa pangarap ng aking kambal.
Hindi ang maputi, makinis at maskuladong katawan niya ang pumukaw sa aking atensiyon kundi ang hugis pusong balat sa ibabang bahagi ng kaniyang dibdib. Maliit lang iyon ngunit dahil iba ang kulay no'n sa maputi niyang kutis kaya litaw na litaw iyon bukod pa sa isang alaalang kahit pa ilang taon na ang nakakaraan ay sadyang dumikit na rin sa aking isipan.
"Kilala nga kita!" hindi ko tuloy napigilang masambit iyon kasabay ng pagtanggap ko sa kanyang palad. Nang makita ko kasi ang hugis pusong balat na iyon ay bumalik ang lahat ng alaala. Parang kahapon lang nangyari ang lahat.
Napangisi siya kasabay ng marahang pag-iling-iling.
"Oo naman, bakit mo nga naman ako hindi makikilala."
Nakuha ko kaaagd ang ibig niyang sabihin nang sinabi niyang "Oo naman.”
'Lang 'ya naman kasi talaga oh. Sikat na Philippine Basketball GuildPlayer si Arwin. Ilang beses na din siyang nag-MVP kaya sino ang hindi nakakikilala sa kaniya? Huli na nang bawiin ko ang nasabi ko. Dapat pala ang sinabi ko, magkakilala kami. Magkakilala kami, noon pa.
Hinugot niya ang kamay niyang noon ay mahigpit ko pa ring hawak.
Medyo namula ako sa pagkapahiya.
"Brean… sorry Brent nga pala pare." Pahabol kong pagpapakilala sa aking sarili. Muntik ko pang nasabi ang pangalan kong Breana. Nandito ako bilang si Brent at hindi si Breana. Dapat iyon ang lagi kong isisiksik sa isip ko.
Tumango lang siya kasunod ng pagngiti.
Tumalikod siya at kinuha niya ang puting tuwalya na isinabit niya malapit sa pintuan ng shower room saka siya nagpunas.
"Doon na muna tayo Brent, nang makapagpalit muna si Arwin. Ipapakita ko lang muna sa'yo ang magiging locker mo." Pamamasag ni Coach sa sandaling katahimikan.
"Sige p're." Kumindat ako kay Arwin. Umaasang maalala niya ako.
Tumango lang siya muli sa akin. Bago ako tumalikod ay napansin ko ang pagsenyas niya sa isang magandang babae na kumaway sa kaniya na sandaling sumilip sa pintuan. Kilala ko ang napakagandang babaeng iyon. Walang hindi nakakakikilala sa sikat na artistang si Anne. Totoo nga pala ang napababalitang sila na. Bigla ko tuloy naalala ang boyfriend kong gustong sumama kanina pero pinagbawalan ko dahil ayaw ko namang may makahalata sa paglilihim at pagpapanggap kong ito. Ano ang iisipin nila kung nagdala ako ng lalaki sa try out at ensayo e lalaking-lalaki ang pormahan ko bilang si Brent. Kontra si Carlo, ang boyfriend ko sa pagpapanggap kong ito ngunit wala naman siyang magagawa. Ako pa rin naman ang nasusunod. Ganoon niya ako kamahal. Ganoon kalawak ang kanyang pang-unawa.
Nang naituro sa akin ni Coach ang locker ko ay mabilis kong inilagay doon ang mga laman ng nakasukbit sa balikat kong backpack. Malayo sa dating laman ng bag ko, ang lahat ay mga gamit ni Brent. Dahil magkasingtangkad kami halos at pareho ang sukat ng baywang ay ginamit ko na lang lahat ang gamit niya sa paglalaro. Kailangan, maging ako siya.
Habang naglalagay ako ng mga gamit ko ay hindi ko maiwasang silipin muli si Arwin na noon ay nagpapalit. Magandang lalaki nga talaga siya. Napakaganda ng kanyang katawan. Astig pa rin tulad noon. Napabuntong-hininga ako.
Bago niya maisuot ang kaniyang t-shirt ay muli kong napagmasdan ang balat niya na kulay puso. Ngayon ay mas sigurado na ako sa matagal ko nang hinala kahit noong napapanood ko lang siya sa laro niya sa TV. Siya iyon. Hindi ako maaring magkamali na ngayon. Bahagi siya ng aking kabataan. Malaking bahagi siya ng aking nakaraan.
Bago niya ako mapansing nakatitig sa katawan niya at mapagkamalang bakla o babae ay mabilis kong binawi ang tingin ko ngunit hindi ang paglakbay ng mga alaala. Kilala ko siya, maaring siya sa akin, hindi pero nag-krus na ang landas namin noong bata pa kami ni Brent. Isang pagku-krus ng landas na nagdala kay Arwin ng matinding kapahamakan.