3: NOT IN THIS LIFETIME

2001 Words
"NAKAKALUNGKOT naman pala kung gano'n." Pagak na tumawa si Monaliza. "Huwag kang malungkot para sa 'kin, ano ka ba, tapos na 'yon," aniya na lang kay Kate. Napagk'wentuhan kasi nila ngayong araw na 'to habang naglalaro sila ang tungkol sa kaniyang mga magulang. "Kahit na! Nalulungkot akong isipin na habang ako ay masaya sa piling ng mga magulang ko, may mga bata na tulad mo na iniwan ng mga magulang sa ampunan na 'to. Na ni hindi na matandaan ang itsura ng mga magulang nila dahil baby pa lamang ay narito ka na," malungkot nitong sabi. "Ayos lang, heto pa rin naman ako at buhay pa kahit wala sila at hindi ko na alam kung nasaan na," pagbibiro niya. Hindi naman 'to natawa. "Nalulungkot ako para sa 'yo, Mona." Tipid na lang siyang ngumiti. Lalo na nang yakapin siya nito. Naipikit na lang niya ang kaniyang mga mata at ninamnam ang yakap na 'yon. Buong buhay niya ay sa ampunan na 'yon na umikot. Hanggang sa abutin na siya ng edad na walo at halos malapit nang mag-siyam ay naroon pa rin siya at wala pa ring pumipili na pamilya upang ampunin siya. Ang mas nakakalungkot, ni hindi rin siya nagkaroon ng kaibigan sa ampunan na 'yon dahil kinaiinggitan at kinaiinisan ng ilan sa mga batang naroon ang talino niya. Pero sa katauhan ni Kate ay nagkaroon siya at naranasan niya ang magkaroon ng matatawag na kaibigan. Sa katauhan ni Kate, siya ang mas inggit. Paanong hindi, napakaganda nito. Ang mga bestida na parating suot sa tuwing dadalaw ang pamilya nito ro'n at ang iba't-ibang kulay ng laso sa ulo nito ay nakakainggit. Pero ang mas kinaiinggitan niya rito ng lubos ay ang pamilya nitong kumpleto. Gaya nga ng naikuwento niya rito ay sanggol pa lamang siya nang iwan siya ro'n ng mga hindi na niya nakilalang mga magulang. Dahil average lang ang ganda na mayroon siya at tamad pa siyang maligo, wala rin namang umampon sa kaniya palabas ng ampunan na 'yon kahit na sobrang nais niyang makaalis do'n dahil naniniwala siyang mas maganda ang naghihintay sa kaniya sa labas. "Hayaan mo, ngayon na narito na 'ko ay hindi ka na mag-iisa, Mona." Napangiti na lang siya sa sinabing 'yon ni Kate. Sa totoo lang ay nakakagulat din na naging kaibigan niya ang tulad nito na maganda at mayaman. Nakakagulat na napakabait din nito at aaminin niyang hindi niya 'yon inaasahan. Karaniwan kasi sa mga anak ng mga mayayaman na pamilya na palaging nagpupunta sa ampunan ay mayroong mga anak na hindi magaganda ang asal. "Salamat, Kate. Salamat din at narito ka't kinaibigan ako." Kate chuckled. "Ang drama mo!" panunukso nito sa kaniya na kinatawa niya lang habang pareho naman sila nito na nagpahid ng mga luha nila. "Ikaw kasi e!" kunwari ay paninisi niya pa rito. "Pero seryoso, Mona, hindi na kita hahayaan na mag-isa mula ngayon. Itatak mo 'yan sa isip mo." Napatda siya. Mukha kasing may laman ang mga salita nito ngayon. Nang hindi siya kumibo ay nagsalita ulit si Kate, "Sa susunod na linggo ay babalik kami rito nila Dad." "Masaya ang balitang 'yan!" natuwa naman siya kaagad sa narinig, "Pasalubong ko ah, 'yong paninda niyong polvoron. Ube flavor!" Humagikgik 'to. "Ikaw talaga. Kaya natutuwa sa 'yo si Dad e. Gustong-gusto mo ang paninda niya!" Sabay silang naghagikgikan sa tinuran nito. Naging constant na talagang pasalubong sa kaniya nito ang negosyo ng mga 'to na mga matatamis na pasalubong pero ang pinakanagustuhan niya sa mga 'yon ay ang ube flavor na polvoron. K'wento nito sa kaniya ay negosyo raw ng mga 'yon ang mga pinapasalubong sa kaniya nito. Dahil na rin sa mga k'wento nito kaya parang nakalalabas na rin siya sa loob ng ampunan na 'yon kaya masuwerte siya na naging kaibigan niya 'to. Nagkakilala sila nito isang araw ng Linggo at may misa. Namataan niya 'tong sinusumpong no'n ng sakit daw nito at sapo ang sariling dibdib. Sa kalagitnaan ng misa no'n habang kumakanta ang lahat ng Ama, Namin ay sumigaw siya ng tulong. Bagay na ayaw raw gawin nito dahil malapit naman na raw na matapos ang misa no'n. 'Yon ang simula ng pagkakakilala nila at pagiging mabuting magkaibigan. "Masarap naman talaga, Kate, hindi ako nagbibiro!" "Haha! Oo na!" "Teka, bakit linggo-linggo naman yatang nadalaw kayo rito? Hala ka, baka kinukulit mo na ang mga magulang mo ah..." Ayon kasi rito ay wala naman daw 'tong kaibigan din kung hindi siya. Tumango-tango 'to. "Nire-request ko talaga na dumalaw kami rito." Nanlaki ang mga mata niya. "Kate—" "Pero kung kilala mo lang sana si Dad, hindi 'yon papayag sa munting request, which is means na gusto rin niya na nalilibang akong kasama ka." "Kate, pinatataba mo naman ang puso ko e!" Pagkatapos ng hagikgikan na pinagsaluhan nila ay sumeryoso na 'to. "Sa susunod na linggo ay hindi na tayo magkakahiwalay, Mona. Gusto kong habang nabubuhay kasi ako ay kapiling kita para marami tayong oras—" Mas namilog ang mga mata niya sa narinig. "A—Ano?! Anong habang nabubuhay? Nababaliw ka na ba?!" hindi niya napigilang bulalas. Umiling 'to at ang luha na kanina ay pinahid, umagos na lang kusa ulit sa mga pisngi nito... "Kate, ano ba..." "Thirty years old," sisigok-sigok na nitong sabi, "'yon na lang ang mayroon sa 'kin, Mona..." "Ano?! Sino ang may sabi? Diyos ba sila?!" "Sabi ng mga duktor—" "Hindi 'yan totoo! Hindi sila Diyos, huwag kang maniwala!" Pagpipilit niya, dahil sa pagkakaalam niya ay Diyos lang ang bumabawi sa buhay ng isang tao dahil ito rin naman ang nagpahiram niyon. "Ayoko sanang umiyak. Gusto ko ay masaya tayo dahil sa ibabalita ko kaya huwag na lang natin 'yong pag-usapan." "Kahit pag-usapan pa natin. Hindi ako naniniwala. Hindi 'yon totoo! Saka ang alam ko sa isang duktor ay nagpapahaba sila ng buhay. Tumutulong sila na mabuhay pa ang pasyente, bakit nila sinasabi ang gano'n sa 'yo?!" galit na niyang turan. "I heard them talking by an accident..." "MAAGA kayong maligo, darating ang mga Olivarez ngayon." Nagkagulo ang mga bata sa bahay ampunan na 'yon nang marinig ang apelyido ng mabait na mag-asawang Olivarez. Ang lahat ay halatang masaya sa narinig at nagligalig. Ang mga Olivarez ang pamilyang parating tumutulong do'n. Palagi rin na nagbibigay ang mga 'to ng laruan at pagkain sa ampunan kaya kilalang-kilala na nila talaga ang mga 'to. Kamakailan lang ay nag-anunsyo ang mga madre na may aampunin na bata ang mga Olivarez sa ampunan dahil nais ng mga anak nito ng kalaro sa tuwing naiiwan 'yon mag-isa sa malaking bahay ng mga 'to. Ang lahat ng bata ay natuwa sa balita dahil sobrang bait ng mag-asawang Olivarez maging ang nag-iisa nilang anak na si Kate. "O, Monaliza, ikaw ay kumilos na rin. Maligo ka na.", "Opo, sister. Papatapusin ko lang po silang mga naroon sa banyo." Ayaw naman niya na may makasabay pa sa banyo at magugulo ang mga kapwa niya bata sa tuwing nagkakasama-sama. "Ikaw ang bahala. Basta mag-ayos ka, 'yong maganda mong bihis, Mona." Nginitian niya't tinanguan ang madre nang haplusin nito ang kaniyang mga pisngi. Excited din naman siyang makita ulit si Kate. Kalaro niya kasi 'to. Kaya oo, magbibihis siya ngayon dahil magbabakasakali siyang siya ang mapili ng mag-asawang Olivarez na maisama pauwi sa bahay ng mga 'to. Hindi naman siguro masamang umasa. Lalo at sabi naman ni Kate noong nakaraan ay gandahan din niya ang bihis. At nang araw na rin 'yon nga ay hindi siya nabigo. Sinama nga siya ng mga Olivarez pauwi sa bahay ng mga 'to. Nang araw na rin 'yon ay nagkaroon siya ng pamilya, at ang lahat ng 'yon ay dahil kay Kate Olivarez... KAAGAD na pinahid niya ang mga luha na sumungaw sa kaniyang mga mata nang dahil sa mga alaala na naglaro sa isipan niya nang mga oras na 'yon. Alaala na hindi na mabubura pa sa kaniya sa kahit saan man siya magpunta at makarating, alam 'yon ni Monaliza sa sarili niya. Napabuntonghininga siya na kinalma ang sarili. Kumuha na rin siya ng disposable tissue sa bag niya upang ma-wiped out niya ang mga luha na nagbabadya pang sumungaw, mahirap nang masimulan siya ng iyak at tuloy-tuloy na 'yon. Nang mapahid niya ang mga luha ay malungkot na tumanaw na lang siya sa bintana ng lulan niyang eroplano na maghahatid sa kaniya sa bansang Norway. Oo, nasa eroplano na nga siya at hindi man niya masasabi na hindi niya 'yon mapaniwalaan, kailangan pa rin na magulat siya sa sarili niya. Nagawa niya. Simula pa lamang 'to. Oo, bansang Norway, doon kasi ay libre siyang makakapag-aral. Scholarship grant. Doon kasi ay libre na ang pag-aaral, de kalidad, at kung huhusayan mo pa ay kaagad kang makakapagtapos with flying colors sa maiksi lang na panahon. Malaking tipid na sa gastos. Sobrang tipid. Para sa 'yo ang mga 'to, Kate. Nang tulungan siya ni Kate na makaalis sa ampunan at nang iparamdam nito sa kaniya na hindi na siya kailan man mag-iisa, isinumpa na niya sa sarili niyang gagawin niya ang lahat upang madugtungan ang buhay nito. Hindi siya makakapayag na magkatotoo ang hinuha ng mga doktor na hanggang thirty years old na lang ang buhay nito. "Magkakaroon ka pa ng asawa at mga anak, Kate. Gagawin ko 'yong posible. Kung kinakailangan nga na ipagnakaw kita ng puso ay gagawin ko..." tanda niya pang sabi niya rito sa araw ng debut nila, tatlong taon na ang nakalilipas. Sabay rin kasi sila nito ng kaarawan. Oo, gano'n sila ka-soulmate ni Kate para sa kaniya. Soulmate, sa dinami ng mga bilyong tao sa mundo ay akalain momg may isa na para sa 'yo para maging katuwang mo sa habang buhay at napakasuwerte niya to have Kate before anything else. Yes, before Marco Polo Sandoval came. Kaya alam niya, hindi pa 'to mawawalan ng buhay sa pagtuntong nito sa edad na trenta. Hindi 'yon mangyayari. Hindi niya 'yon hahayaan na mangyari. Napakarami pang dapat na intindihin kaysa ang maniwala sa kasabihan na 'yon ng mga duktor na kung makapagtaning naman sa mga pasyente ay gano'n na lamang. Ah, alam niyang trabaho ng mga 'to 'yon, kasama sa trabahong sinumpaan na hinding-hindi magbibigay ng false hope sa mg taong may sakit lalo na ang katulad kay Kate, ngunit sana naman ay hindi pinangunahan ang future. Napakarami pang puwedeng mangyari sa loob ng mga taon na nabanggit ng mga 'to. Hindi dapat huminto ro'n ang pag-iisip ng matalik niyang kaibigan na masaya pa rin ang mabuhay. Walang taong deserve na mataningan at mahinto ang inog ng mundo sa taning na 'yon. She gritted her teeth. She also clenched her fist in anger nang maalala niyang tuloy ay dahil do'n, dahil sa taning na 'yon, natakot si Kate na magmahal na. Ni hindi nag-entertain ng mga manliligaw sa takot na maiiwan din lang nito ang lalaking mamahalin. Ni ayaw na rin bumuo o mangarap ng matalik niyang kaibigan ng pamilya. Ah, pamilya na kung tutuusin naman ay hindi pinagkait dito pa nga, kaya sana naman ay magbago pa ang isip nito. Gagawin niya ang lahat upang magbago pa ang isip nito kung tungkol sa pagmamahal ng opposite s'x at pagbuo ng pamilyang magmamahal dito ang pag-uusapan. Deserve ng lahat ng tao sa mundo, deserve ng babae ang mahalin at magmahal. Deserve ng lahat na maranasan ang pagmamahal na regalo ng Diyos sa lahat. Pagmamahal na siyang pinakamagandang regalo ng buhay. Oo na, pagmamahal na tinakasan lang niya ngunit nangangako siyang babawi naman sa iniwan na nobyong si Marco Polo Sandoval. In time. 'Yong maging si Kate ay may Marco Polo Sandoval na rin sa future. Mas masayang magmahal kung ang mga taong mahal ay nakakaranas na magmahal at mahalin din. Yeah, not in this lifetime, Kate. Not in this lifetime, hintayin mo ako. Hintayin niyo 'ko ni Marco Polo, babalik ako at sa pagbabalik ko ay nasisiguro kong wala na ang sakit na nagpapahirap sa 'yo. Gagawin natin ang lahat upang humaba pa ang buhay mo. Gagawin ko ang lahat, para lang sa 'yo...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD