By Michael Juha
----------------------
KINABUKASAN ay may nagdeliver ng kama sa aming apartment. Nagtaka lang ako kasi, wala namang sinabi si Ezie na nag-order siya ng kama. Pero may kaba akong naramdaman. Naisip ko kasi na baka lilipat na ang girlfriend niya at sa apartment na rin niya tumuloy. May kirot akong nadarama sa aking puso. Iyong insecurity, iyong takot na baka hindi ko ma-handle na nariyan, kasama namin ang girlfriend niya sa apartment.
Pero may isang bahagi din naman ng isip ko na nanatiling positive pa rin. Kasi nga, ang relasyon lang naman kasi namin ni Ezie ay iyong sa apartment rule niya. Ang gumawa ng assigments na ipapagawa, magluto, maglinis ng bahay, at maglaba. Siguro naman ay hindi na lugi si Ezie niyan at siguro naman ay walang rason na magdududa ang girlfriend niya nang kung anu-ano. Pero syempre, kailangan ding klaro kung gusto pa ba ako ni Ezie na manatili naroon. Baka kasi ang girlfriend niya na ang gagagawa sa mga ginagawa ko.
Nang dumating si Ezie, agad din niyang tinanong kung dumating ang kama na inorder niya. Sinabi kong nasa sitting room lang ito dahil hindi ko alam kung para saan at kung saan ilalagay.
“Sa kuwarto ko siya, Jim.” Ang sagot niya habang dire-diretso lang siya sa kanyang kuwarto.
Doon na nakumpirma ng utak ko ang aking takot. Hindi naako kumibo. Nalungkot man ay sinasarili ko lang ito. Nang lumabas siya ng kuwarto, nakapambahay na siya, naka-shorts at sando. “Halika, tulungan mo akong ipasok ito sa loob.” Ang sambit niya.
Dali-dali akong pumuwesto sa kabilang gilid ng kama at binuhat iyon at ipinasok. Nang mailagay na ito sa tamang puwesto, tinanong niya ako. “O, di ba? Swak na swak siya rito?” ang sambit niya.
“O-oo. Maganda ngang puwesto rito.” ang sagot ko sabay tungo sa pintuan upang lumabas na. “Handa na pala ang hapunan mo. Nakahain na sa mesa.” Ang pahabol ko.
“Bakit hapunan ko lang?"
“Sa labas ako kakain…” ang sagot ko.
“At bakit? Di ba sabi ko, sabay na tayong kumain palagi. At wala kang alalahanin sa pagkain dahil sagot ko ito? Halika na. Ito naman o…” ang sambit niya.
Sumunod ako sa kanya sa hapag kainan. Nang umupo siya ay umupo na rin ako. Nalungkot lang kasi ako sa maaaring paglipat ng girlfriend niya sa apartment kaya parang di ko feel na sabayan siya sa pagkain.
Nang nagsimula na kaming kumain, hindi ko rin mapigilan ang aking sarili na magpalabas ng saloobin. “K-kapag magsama na kayo ng girlfriend mo… d-dapat siguro ay hihiwalay na ako, maghanap na ako ng ibang matutuluyan.”
Tila nagulat siya sa kanyang narinig. “A-ano?”
“Iyong girlfriend mo, k-kung lilipat na siya rito, maghahanap na ako ng ibang malilipatan. Mahirap eh, baka maka-istorbo pa ako sa inyo.”
“Ano ba iyang pinagsasabi mo, Jim?”
“D-di ba lilipat na siya rito?”
“Sinong nagsabi sa iyo?”
“Iyong kama? Di ba kaya ka bumili noon?”
“Ay tange! Hindi para sa kanya iyon kundi para sa iyo! Doon ka na rin sa kuwarto ko matulog para mas makapagkuwentuhan pa tayo.”
Parang hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Tila nagtatalon sa tuwa ang aking puso. “G-ganoon ba? Kala ko naman...” ang sagot ko.
Napangiti na lang siya.
Iyon ang simula nang pagiging mas close pa namin ni Ezie. Lagi siyang umuuwi ng maaga at wala kaming gagawin kundi magkuwentuhan sa lawn, o sa kuwarto. Kapag wala naman siyang pasok ay tumutulong siya sa akin sa paglilinis ng apartment, sa paglalaba, sa lahat ng gawain. Kahit nga ang lawn ay mas lalo pa naming napaganda. Malinis, maayos ang mga halaman, may mga lilim ng kahoy at palms, may mga bagong ornamental na pananim dahilan upang mas lumamig pa ang lilim, mas nakakarelax. At kinabitan din namin ng mga lightings. Kaya sa gabi, magandang mag-estambay.
Napansin ko rin na hindi na ako masyadong binibigyan ni Ezie ng mga assignments. Nang tinanong ko siya tungkol dito, ang sabi lang niya ay ginawa na niya sa opisina. Natuwa naman ako. Hindi dahil wala na akong gagawin kundi feeling ko ay naging mas responsable siya. Iyan lang pagtulong niya ng paglinis ng apartment, ramdam kong may pagbabago sa kanya. At masaya rin siya na nakikita ang resulta ng aming paglilinis at pagpapaganda ng apartment at paligid nito.
Isang araw na walang pasok, habang naglilinis kami ng kuwarto nakita niya ang pendant na kalahating puso na ikinabit ko sa aking key chain. Ipinatong ko lang kasi sa ibabaw ng mesa ang mga susi ko. Kinuha niya ito at binasa ang nakasulat. Iyong nahating “I Lov” lang kasi ang “e You” ay na kay Joseph.
“Nasaan ang kalahati nito?”
“Nasa kanya...” ang sagot ko.
“Itinago niya ba?”
“Hindi ko alam.”
“Paano ka maka move on kung iyong mga alaala ninyo ay itinatago mo pa?” ang sambit niya sabay tanggal sa pendant saka ibinalik sa akin ang key chain. “Akin na ‘to.”
“Woi! Ibalik mo sa akin iyan ah!” ang pagtutol ko.
“No problem. Pero dito ko muna siya ilagay.” ang sabi niya sabay hugot sa drawer at kinuha ang isang maliit na garapon. Ipinasok niya roon ang pendant atsaka ibinalik sa ilalim ng drawer.
“Anong gagawin mo riyan?”
“D’yan lang iyan. Paglipas ng isang linggo tatanungin pa rin kita kung gugustuhin mo pa siya o itapon na lang natin sa dagat o susunugin.”
“Hmmm.” Ang sagot kong napaisip. “Okay...”
Simula nang doon na ako natutulog sa kuwarto ni Ezie halos lahat na yata ng bagay sa kanya ay alam ko na. Pati mga hilig at ayaw niya. Ganoon din siya sa akin... maliban na lang sa tunay kong pagkatao na inililihim ko sa kanya. Ngunit para sa akin, hindi naman ako nababahala dahil alam kong hindi mabubuyag ang aking sikreto. Isa pa, bagamat sobrang na-attached na ako sa kanya, wala akong balak na jowahin siya, o pagsamantalahan siya. Bagamat naghihirap ang aking kalooban, kaya ko pa naman itong kontrolin.
Ngunit iyon ang akala ko.
(Itutuloy)