By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
-----
Mistulang may isang malakas na bombang sumabog sa aking harapan sa pagkarinig ko sa kanyang sinabi. Hindi na ako nakakibo. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Nakatitig na lang ako sa kanya.
“A-alam mo… matagal ko nang alam na ganyan ang pagkatao mo. One week pagkatapos kitang tanggapin sa trabaho mo sa akin, gumawa ako ng isang proxy account gamit ang profle picture ng isang guwapong lalaki at hinanap ko ang f*******: mo. Noong una ay hindi ko siya ma-search. Naka-set yata ang account mo sa friend of friends lang ang puwedeng mag add sa iyo. Nang isang beses ay tinanong kita kung sino ang best friend na sinasabi mo sa school, sinabi mo ang pangalan niya sa akin at siya hinanap ko, si Chan. Inadd ko siya. Tinanggap niya ang friend request ko. Doon kita nakita sa listahan ng friends niya. Inadd kita at tinanggap mo ang friend request ko. Then nag-pm ako sa iyo ng thank you. Tinanong mo ako kung ako nga iyong nasa profile picture. Sabi ko ako... Natuwa ka. Marami kang tanong sa akin. Doon ko naramdaman na bakla ka dahil sa mga tanong mo, like kung single ba ako, kung hindi ba magagakit ang girlfriend ko na heto nakikipagchat ako sa hindi ko kakilala, at na lantarang sinabi mo na guwapo ako, na maganda ang mga mata ko… Doon na rin ako nagkaroon ng pagkakataon na silipin ang mga posts mo. Nababasa ko ang mga shoutouts mo. ‘Di ko malilimutan iyong mga pasaring mo, lalo na iyong sinabi mong, ‘Think I’m in love again… with my roommate.’ Tapos may post ka pa ng lyrics ng kantang ‘Think I’m In Love Again.’”
Hindi pa rin ako makapagsalita sa hiya. Mistula akong natutunaw sa kanyang mga sinabi. Sa wall ko lang kasi ako nagpapalabas ng mga saloobin, sa pamamagitan ng pasaring na mga shoutouts at random thoughts. Yumuko na lang ako, itinakip ko sa aking mukha ang aking mga palad.
Nagpatuloy siya. “Noong una ay gusto kong magalit sa iyo dahil nagsinungaling ka sa akin. Ngunit sa kalaunan ay natatawa na lang ako sa iyong mga posts. Iyong mga pa-kwela mo, gaya ng, ‘Tapos nang maglaba, tapos nang maglinis ng bahay, tapos nang maghanda ng hapunan. Maliligo na lang ako dahil darating na siya. Malay natin, yayayain niya ako sa kama. Hirap kaya kung hindi ready...” Tawa nang tawa ako noon.
“Grabe ka! Kakainis ka!” ang pagmamaktol ko pa.
“Hayaan mo na. Tapos na iyon. Hindi naman ako galit eh,” ang sabi niya.
“Pero sorry talaga, nagsinungaling ako sa iyo. Gusto ko kasing maka-libre lang sa boarding dahil kapos talaga ako sa pera.”
“Okay lang iyon. Naintindihan kita.”
“Salamat...”
Naubos na ang laman ng buong pitsil na aming inumin. Sya namang pagdating ng aking Ninang at dinalhan kami ng pagkain. Inilagay niya sa mesa ang ulam na niluto niya. “May kanin ba kayo?” ang tanong niya.
“H-hindi po ako nakapagluto Ninang eh. Pero magsaing na lang ako.”
“Ah… may kanin pa sa bahay, dalhin ko na lang dito.”
“Huwag na po. Magkukuwentuhan na lang muna kami habang hihintayin naming maluto ang aming sinaing.”
“Busog pa rin po kami dahil kumain kami ng buko kanina,” ang pagsingit naman ni Ezie.
“O siya, uuwi na lang ako Jim.”
“Sige po Ninang. At salamat sa pag-assist sa akin.”
Paalis na si Ninang nang nagsalita naman si Ezie. “Uuwi na lang din ako. Gabi na pala at may pasok pa ako bukas.”
“Ay hindi ka puwedeng umuwi,” ang pagsingit ng aking ninang. “Gabi na, at walang tricycle na dadaan dito patungong terminal sa ganitong oras. At walang street lights dito. Madilim ang kalsada. Delikado. Magpabukas ka na lang.”
“Tama si Ninang, Ezie. Dito ka na matulog. Bukas ka na umuwi. Mag-absent ka na lang sa work mo, o ‘di kaya ay mag half-day ka bukas. Ikaw kasi, alanganin ka kung pumunta rito, eh,” ang paninisi ko pa.
“Sino ba kasing mag-aakalang ganito kalayo ang sa inyo?”
Natawa na lang ako. Tumawa na rin siya.
Sa bandang huli ay napilitan ding sumang-ayon si Ezie na doon matulog sa bahay. Imbes na magsaing pa sana ako ng kanin, ang Ninang ko na ang naghanda. Marahil ay naawa siya sa akin na may bisita pa kaya siya na ang nagkusa. Ganyan naman talaga ang Ninang ko. Bagamat may sariling bahay at may pamilya rin, palagi niya akong binibisita at tinutulungan kapag nariyan ako sa bahay. Hindi iba ang turing niya sa akin dahil sa pangako niya sa aking inay bago ito binawian ng buhay na aalagaan niya ako at hindi pababayaan.
Ang ginawa namin ni Ezie ay bumili uli kami ng mainom. Sa pagkakataong iyon ay taya na ni Ezie ang aming inumin. Gustong-gusto niya ang emperador na hinaluan ng kape, coffeemate, at condensed milk. Iyon ang aming binili.
Nang nakabalik na kami ng bahay ay tapos na si Ninang sa pagsaing. Nakahanda na rin sa mesa ang aming hapunan. “O sya, uuwi na talaga ako, Jim! Ikaw na ang bahala sa bisita mo ha? Nagdala na rin ako ng extrang unan at kumot para sa kanya.”
“Opo Ninang, maraming salamat po.”
Habang kumain kami ng hapunan, binuksan naman niya ang kanyang cp at pinatugtog ang isang kanta –
Here I go again, drifting on my own feet
Lately it seems I've been, being old foolish me
Mumble when I try to talk, stumble when I try to walk
Like I'm in a state of shock when I'm with you.
Here I go again, looking just like a clown
Everything I say is wrong whenever you're around
Somehow I got kind a shy and I can't look you in the eye
I come all apart inside when I'm with you.
Think I'm in love again, grinning that silly grin
Look what a fool I've been, think I'm in love again
Lately I lost my mind and I do it everytime
Yes I know all the signs of being in love…
Napatingin ako sa kanya. Seryoso at kunyari ang aking mukha at walang alam. “Anong meron?”
“Wala. May nabasa lang ako sa f*******: ng kaibigan ko at iyang kanta na iyan ay naroon.”
“Salbahe ka! Lagi mo na lang akong ginaganyan ah!” ang sambit ko sabay tampal sa kanyang kamay.
“Ay ikaw ba iyon?” ang dugtong pa niyang biro.
Pagkatapos naming kumain ay itinuloy namin ang aming pag-inom. Lampara lang ang aming ilaw dahil hindi pa naaabot ng kuryente ang aming sitio. Hindi masyadong maliwanag ngunit sanayan lang. Pati ang aming mga mata ay nasanay na rin sa ganoon.
Halos maubos na naman namin ang aming inumin nang naging seryoso na naman ang aming pag-uusap.
“Salamat sa pagbisita mo sa akin,” ang sambit ko.
“Salamat din sa pag-intindi mo sa akin.”
“Pag-intindi? Saan?” ang tanong ko.
“Iyong kahit sinasaktan na kita, kahit alam mong hindi ko sinusuklian ang pagmamahal mo, inintindi mo pa rin ako. Sorry sa sakit na naidulot ko sa iyong puso.”
“Okay lang iyon. Ganyan naman talaga, ‘di ba? Minsan ay masakit magbiro ang tadhana. Atsaka, siguro ay dapat ko nang sanayin ang aking sarili na hanggang sa pagtanda ko, ganito na lang talaga ako, nag-iisa...”
Tiningnan niya ako atsaka hinawakan ang aking kamay.
“Aaminin ko, noong naramdaman ko ito para sa iyo, nagalit ako sa aking sarili, nagalit din ako sa iyo. Kasi, iyong feeling na ayaw ng isip mo dahil nga hindi naman puwede ngunit iba ang gusto ng iyong puso. Sobrang sakit. Paulit-ulit na sakit,” ang sabi ko.
“Sorry…”
Tahimik.
“Iyong nangyari sa atin habang nalasing ka, alam mo?”
Tumango siya. “Ginusto ko iyon dahil alam kong may nararamdaman ka sa akin, at naawa ako sa iyo.”
Doon na ako humagulgol. Sobrang naawa ako sa aking sarili dahil alam na pala niya ang lahat tungkol sa akin at pagkatapos ay parang lalo pa niya akong inaakit, pinapaasa. Tapos... awa lang pala ang lahat.
Tumabi siya sa akin sa pag-upo, inakbayan niya ako. “Sorry na. Kasalanan ko ang lahat. Hindi ako naging open sa iyo.”
“Alam mo, sobrang napakaliit na rin ng pagtingin ko sa sarili sa ginawa mo. Para bang wow… hindi ako tao? Hindi mo ba naisip na may damdamin din ako? O sadyang manhid ka lang? O isang sadista? Sana lang ay kung wala kang naramdaman para sa akin, hindi mo na lang pinaglaruan ang damdamin ko. Hindi mo na lang sana ako tinukso. Tapos ngayon, handa na sana akong kalimutan ka, pero heto nagpakita ka uli sa akin. Ano ba talaga ang gusto mo Ezie? Gusto mo bang magpakamatay ako sa matinding pagkahabag sa sarili? Wala ka bang puso? Lahat ng taong mahal ko ay nawala sa akin. Alam mo iyan. At ngayon, heto, nananadya ka? Bakit? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo?” ang sabi kong patuloy pa rin sa pag-iyak.
Hindi umimik si Ezie. Tumayo ako at akmang mag-walk out, lalabas ng bahay nang hinawakan niya ang aking kamay. “Makinig ka sa sasabihin ko…” ang sabi niya.
Bumalik ako sa aking upuan. Nang tiningnan ko ang mukha niya, napansin kong umiiyak rin siya.
“Hindi lang ikaw ang nagdusa, Jim. Hindi lang ikaw ang naghirap ang kalooban. Ako rin. Hindi mo alam ang pinagdaanan ko. Hindi ako nagpunta rito para akitin ka. Hindi ako pumayag na may mangyari sa atin kung sa tingin mo ay tinutukso lang kita. Kung ikaw ay nalilito, kung ikaw ay hindi malaman ang gagawin, pareho tayo ng nararamdaman! Buntis si Pam, at pini-pressure ako ng mga magulang ko na magpakasal na kami. Si Pam ay naroon sa apartment ngayon, naghihintay sa akin. Bakit nandito ako sa iyo? Bakit ikaw ang pinuntahan ko imbes na sa kanya upang maghanap ng kalinga? Bakit sa iyo ako lumapit ngayon na gulong-gulo ang isip ko? Hindi mo ba naisip iyan? Dahil nalilito ako. Dahil hindi ko alam ang aking gagawin. Dahil hindi kita matiis na hindi makapiling. Dahil hinahanap-hanap kita. Hindi mo pa ba nakikita iyon??? Hindi mo ba napansin na halos lahat ng mga lalaki na lumalapit sa iyo ay pinagbabawalan ko? At iyong mga tao na tumatawag at nagti-text sa iyo ay tinatanong ko kung sino ang mga iyon? Dahil nagseselos ako! Tangina na yan!!!” at siya naman itong humagulgol. “Hindi kita pinaglalaruan, Jim. Never kitang paglalaruan. Alam ko ang mga pinagdaanan mo, at nasasaktan din ako sa mga nangyari sa iyo. Kung napansin mo, nitong huli, hindi na ako nagpapagawa sa iyo ng assignments? Dahil nakita ko sa iyo na kahit busy ka, kahit marami kang ginagawa, kaya mo pa ring gawin ang mga bagay. Tumatak sa aking isip ang kasipagan mo. Na kung kaya mo ang ganoon, dapat ay kaya ko rin. Nahiya ako sa aking sarili. Sobrang tinitingala kita dahil sa kabaitan mo, sa galing mo sa lahat ng bagay, sa pagkamapagkumbaba mo. Idol kita! Kaya kung napansin mo rin, tumutulong na ako sa iyo sa paglalaba at paglilinis ng apartment sa lahat ng gawain na kahit wala ka na roon, palagi ko nang ginagawa. Nakita mo bang naninigarilyo pa ako? Hindi na. Alam mo kung bakit? Dahil sa iyo. Dahil alam kong ayaw mo ang amoy ng sigarilyo. Dahil ang gusto mo sa isang tao ay hindi naninigarilyo. Ikaw lang ang nakapagpabago sa akin. Hindi ang mga magulang ko. Hindi si Pam. Ikaw lang! Kaya huwag mong sabihin na pinaglalaruan ko lang ang damdamin mo. Hindi mo alam ang nasa isip ko. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin, Jim. Sobrang sakit…”
Mistula naman akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi na ako nakapagsalita pa. Nilapitan ko siya at niyakap. “S-sorry. S-sorry Ezie. Hindi ko akalain. Hindi ko alam. Sorry.”
Niyakap niya rin ako. Nagyakapan kami. Ewan, hindi ko lubos maintindihan ang aking naramdaman. May inis pa rin ako sa kanya ngunit mas nanaig sa pagkakataong iyon ang saya na kahit papaano ay may naiambag ako sa pagbabago ng buhay niya. Na tinitingala niya ako, na sinunod niya ang mga gusto ko, na hindi niya ako matiis, na kahit papaano ay may puwang din ako sa puso niya.
Maya-maya ay kumalas ako sa aming yakapan. Tiningnan ko ang mukha niya atsaka pinahid gamit ang aking kamay ang mga luha mula sa kanyang mga mata.
“Nandito ako dahil gusto kong malaman kung papayag kang magpakasal ako kay Pam,” ang sabi niya.
Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti habang hinawakan ang dalawa niyang pisngi. “P-payag ako, Ezie. Payag na payag,” ang nasambit ko sa gitna ng pagpatak ng aking mga luha.
Pinahid niya ang aking mga luha. “Alam mo, ngayon ko lang sasabihin sa iyo ito. M-mahal kita. Iyan ang totoo. Ayaw ko lang sabihin sa iyo dahil sa sarili ko ay hindi ko rin kayang aminin na heto ako, lalaki ngunit nakaramdam ng ganito sa kapwa lalaki. Litong-lito ako. Hindi ko alam kung paano tatanggapin.”
“Mahal mo ba si Pam?”
Tumango siya. “Kaya litong-lito ako dahil kahit kapiling ko si Pam, nariyan ka pa rin sa aking isip.”
“Kung mahal mo si Pam, pakasalan mo siya. Malilimutan mo rin ako.”
Niyakap niya ako. At marahil ay upang mabasag ang aming iyakan, biniro niya ako. “Alam mo, kahit umiiyak ka, ang cute-cute mo pa ring tingnan.”
“Baliw!” ang sagot ko naman.
Tawanan. Tapos, naging tahimik at seryoso uli. Tinitigan niya ako. Tinitigan ko rin siya. Habang nagtitigan kami, ang aking mga daliri ay abala sa paghaplos sa kanyang pisngi. Ibinaba ko pa ang paghagod ng aking mga daliri sa kanyang mga labi. Doon ay pinaikot-ikot ko ang aking daliri, habang naka-pokus dito ang aking tingin. Pinaglaruan ng aking daliri ang kanyang mga labi. Pinisil-pisil, hinagod-hagod, hinila-hila. Iyon kasi ang pinaka-gusto kong parte ng kanyang mukha. Hanggang sa hindi ko na nakayanan pa ang sarili at siniil ko iyon ng halik.
Hinawakan niya ang aking ulo at at idiniin ang mga labi niya sa mga labi ko. Nang nilaro ng aking bibig ang kanyang bibig, tinugon niya ito ng mas maalab pang halik. Naghalikan kami na parang wala nang bukas...
(Ituutloy)