By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
-----
Kinabukasan ay nagising ako nang narinig ang ingay ng kanyang pagbalikwas mula sa aming higaan. Nakita kong inabot niya ang kanyang cp na nasa gilid lang niya. Binuksan niya ito at nagbasa ng mga message. Pagkatapos ay tumayo siya, tinumbok ang mesa at inilatag ang cp niya sa ibabaw nito. Dumiretso siya sa kusina at sumalok ng tubig mula sa tapayan. Inilagay iyon sa palanggana. Sinundan ko siya ng tingin. Naka boxer shorts lang siya at bakat na bakat dito ang kanyang matambok na puwet. Naghilamos siya.
Bumalikwas ako. “Good morning!” ang sambit ko habang dumiretso sa saingan.
Nilingon niya ako. “Good morning too!” ang sagot niya. Binitiwan niya ang isang matipid na ngiti at nilapitan ako. Hinalikan niya ako nang mabilisan sa aking bibig. “I love you…” ang bulong nya.
Hindi ko sinagot ang “I love you” niya. Kinuha ko ang takure, nilagyan iyon ng tubig at isinalang sa pugon. Bumalik naman siya sa lagayan ng palanggana.
Nang matapos na siya sa paghilamos ay mui siyang lumapit sa kain. Niyakap niya ako mula sa likod habang nakatayo akong abala sa pagpapaapoy at paghihip sa panggatong ng pugon. Sumasagi pa sa aking likuran ang malaking bukol ng kanyang pagkalalaki. Huminto ako sa aking ginagawa at hinawakan ang kanyang dalawang braso na nakalingkis sa aking pang-itaas na katawan.
Maya-maya ay naramdaman ko ang halik niya na dumampi sa likod ng aking tainga. “Aalis na ako mate…” ang bulong niya.
“Kumain ka muna ng agahan,” ang sagot ko naman.
“Naghintay na sa akin si Pam. Nag-alala siya sa akin.”
Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga. “Kahit magkape ka na lang muna?”
“O-okay,” ang sagot niya.
Kumalas ako sa kanyang pagkayakap at ipinagpatuloy ang paghihip sa panggatong upang umapoy ito. Nang nagsimula na itong umapoy, muli na naman niya akong niyakap. Hinarap ko siya. Naghalikan kami.
Maya-maya ay tinumbok ko ang istante at kumuha ng dalawang baso. Inilagay ko iyon sa ibabaw ng mesa. Habang nakaupo at hinintay ang pagkulo ng tubig, sinamahan niya ako roon. Naupo siya paharap sa akin.
“N-nagtext sa akin ang mama ko…” ang malungkot niyang sabi.
“A-anong sabi?”
“Pinapauwi na ako. G-gusto raw nilang pag-usapan ang kasal namin ni Pam sa lalong madaling panahon. Ang dami pa ngang tanong. Nagalit. Bakit daw ako umalis sa apartment samantalang alam kong dadalaw si Pam. At bakit ko raw pinatay ang cp ko. Natakot daw si Pam na baka tinakasan ko siya. Marami ring texts si Pam, nag-alala.”
Tila tinusok ang aking puso sa matinding sakit sa pagkarinig ko sa kanyang sinabi. Ramdam ko ang pangingilid ng aking mga luha. Ibinaling ko ang aking paningin sa bintana. “A-ano ang sagot mo?”
“H-hindi ko pa sinagot eh.”
“Sagutin mo…”
“Anong isasagot ko?”
“Ikaw… iyan naman ang gusto ng mga magulang mo, ‘di ba? Mahal mo si Pam, mahal mo lalo na ang iyong ina. Pagbigyan mo sila.”
“Paano ka?”
“Pinag-usapan na natin ito…”
Hindi na siya nakaimik. Binitiwan niya ang isang malalim na buntong-hininga at ibinaling ang kanyang tingin sa labas ng bintana. “Alam mo, hindi ko talaga maimagine na makaramdam ng ganito sa iyo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang nandito ako, tinawid ang layo ng lugar mo, nilakad ang putiking daan patungo rito.”
“Ako man ay ganoon din eh. Hindi ko akalain na ma inlove ako sa iyo. Sinabi ko na sa aking sarili na tama na ang nangyari sa amin ni Joseph. Parang ilang beses akong pinatay sa sakit noon. Ngunit heto, naulit na naman.”
“Ikaw kasi… nag-apply ka pa sa akin,” ang paninisi niya.
“Ikaw kasi… sobrang guwapo mo,” ang pabiro kong sagot.
Napangiti siya. Kinilig. Kinurot ang aking pisngi.
Tahimik.
“Seryoso... Huwag mo na akong intindihin. Tanggap ko ang role ko sa mundo. Kung ang buhay ng tao ay isang pelikula at tayo ang mga artista, kaming mga bakla ay supporting actors lamang. Either kontrabida, kaibigan ng leading man o woman, kabit, third party, ninang ng mga anak, NGO, charity, o insurance. Mga ganyan. Kayo talaga ni Pam ang mga leading stars. At love story ninyo ito. Kaya huwag kang mag-alala. Hindi ko sisirain ang love story ninyo. May award din naman ang supporting star, kapag magaling, ‘di ba? Marahil ay may dahilan din ang paghihiwalay namin ni Joseph dahil parang practice lang iyon. Ngayon sa nangyari sa atin, kaya ko na ito. Matatag na ako.”
Bintiwan niya ang isang pilit na ngiti.
Tumayo ako at kinuha ang takure. Nagsalin ako ng mainint na tubig sa mga baso namin. Inabot niya ang isang baso na puno ng mainit na tubig at nilagyan iyon ng kape at asukal. Hinalo. Ganoon din ang ginawa ko.
Hinigop ko ang tinimplang kape ko. “Anong plano mo? Kailan kayo magpakasal?” ang tanong ko.
“H-hindi ko pa alam. Pero the soonest ang gusto ng mama ko, eh.”
Nang maubos na namin ang aming kape, naligo muna siya sa banyo. “Jim, wala nang tubig ang balde, puno ng sabon ang aking mga mata,” ang sigaw niya.
Nang buksan ko ang banyo, bigla niyang hinawakan ang aking kamay, hinila ako sa loob atsaka sinabuyan niya ako ng tubig. “Salbahe ka! Mababasa ako!”
Tumawa lang siya nang malakas.
Natawa na rin ako. “Uy… alam ko ang style na iyan!” ang biro ko.
“Alam mo na pala eh, ‘di gawin na natin,” ang sagot din niyang biro. Naghalikan kami. Ipinalabas namin ang ibayong init at kasabikan na naramdaman namin para sa isa’t isa.
Nang matapos na kaming maligo, kumuha ako ng masusuot niya. Ipinasuot ko sa kanya ang aking brief dahil wala siyang dalang brief, pantalon, at T-Shirt. Naputikan kasi ang mga ito, dagdagan pa sa pawis niya nang magpunta kami sa niyogan.
Hinatid ko siya sa terminal. Naglakad kami ng may isang kilometro patungo sa kalsada at doon ay sumakay kami ng tricycle patungo naman ng bus terminal. Eksaktong may paalis na bus nang narrating naming ang terminal. Hinatid ko siya sa mismong pinto ng bus.
“M-magkita pa kaya tayong muli?” ang tanong ko.
Humarap siya sa akin, may hinugot mula sa kanyang sling bag, “Buksan mo ang palad mo,” ang sabi niya.
Binuksan ko ang aking palad. Inilagay niya rito ang susi. Tiningnan ko siya.
“Bayad na ang apartment sa buong taon. Kapag pupunta ka ng syudad, puwede mo siyang dalawin o puwede kang tumira roon kung gusto mo,” ang sambit niya. Pagkatapos ay may hinugot uli siya mula sa kanyang bag. Lumantad sa aking mga mata ang pulseras, iyong kapareha ng sa kanya na binili niya para sa amin. Iyon iyong inilagay ko sa garapon sa kanyang drawer. Hinawakan niya ang aking kamay at ipinasok iyon sa aking pupulsuhan. “Ingatan mo siya, kagaya ng pag-ingat ko sa partner niya na nasa akin. Kapag iningatan mo siya, parang iningatan mo na rin ako,” ang sambit niya. At nang maisuot na ito, doon na ako nagulat. Bigla niya akong hinalikan sa bibig, iyong mabilisan na halos hindi na ako nakapagreact. Kagaya ng mablisan niyang halik, mabilisan din ang kanyang pagpasok sa loob ng bus.
Ewan kung may nakakita sa kanyang paghalik sa akin ngunit wala na akong pakialam. Natulala na lang ako na nakatingiin sa bus sa pag-andar nito. Pati ang alikabok na kumalat at mistulang bumalot sa akin dahil sa biglaang pagtakbo ng bus ay hindi ko alintana. Nakatutok lang ang aking paningin sa palayo nang palayo na sasakyan. Hanggang sa tuluyang nawala ito sa aking paningin.
Binuksan ko ang aking palad at tiningnan ang susi na ibinigay niya. Tiningnan ko rin ang pulseras sa aking pupulsuhan. Binasa ko ang nakasulat doon, “I’m yours”.
Nang makabalik na ako sa bahay, nag-ring ang aking telepono. Si Ezie. “Kumusta ka na? Nasa bahay ka na ba?” ang tanong niya.
“Oo. Kararating ko lang,” ang sagot ko rin.
“Gusto ko lang sabihin sa iyo na masayang-masaya ako na nakapiling ka. At gusto kong magpasalamat sa iyo sa lahat-lahat na ginawa mo para sa akin. Ikaw ang pinakabest na taong nakilala ko sa buong buhay ko,” ang sabi niya.
“A-ako rin Ezie. Hindi ko alam kung paano ako mag move-on sa pangalawang pagkakataon na nabigo ako. Ikaw ang pinaka the best para sa akin dahil kahit alam mong masakit, pinilit mo pa ring gawin ang lahat upang mapagaan ang aking kalooban,” ang sagot ko.
“H-hindi ko alam kung magkita pa tayo, mate… Masakit para sa atin. Pero sana, kung tuluyan mang mawala ako sa puso mo, at makapag move on ka na, makahanap ka ng isang taong maging para sa iyo, at makapiling mo habambuhay. Hindi ka nararapat sa isang supporting role lang, mate… isa kang star, superstar. Deserving kang magkaroon ng leading man at sariling love story na may happy ending.”
Hindi na ako kumibo. Naramdaman ko na lang ang pag-agos ng akig mga luha.
“Paalam, mate. Idalangin ko na sana, darating din sa iyo ang kaligayahan. At sana ay soon na ito. Mag-ingat ka palagi…”
“Mag-ingat ka rin, Ezie. Hangad ko ang iyong kaligayahan.”
At narinig ko na lang ang pagpatay niya sa kanyang cp. Hindi ko naman mapigilan ang pag-agos ng aking mga luha. Muling naalala ko ang sinabi niya sa akin sa gabing nagdaan, “Kapag nasa Maynila na ako, i-delete ko na ang contact mo sa aking cp. Pipilitin kong burahin ang ating nakaraan upang pareho tayong makapagsimula na walang malaking bagahe na dinadala…”
Binuksan ko ang aking cp at hinanap ang pangalan ni Ezie. Nang mahanap ko na ito, dinelete ko ang pangalan at contact niya.
(Itutuloy)