CARSON
"I'M your what?" ulit kong tanong dito. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala hanggang ngayon sa mga nangyayari sa akin.
"Bitawan n'yo na s'ya. Ako nang bahala sa kaniya," turan nito sa dalawang lalaking nakahawak sa aking magkabilang braso.
Agad namang sumunod ang dalawa saka magalang na nagpaalam. Naiwan akong nakatayo sa harap nang matipunong lalaki na matalim ang pagkakatitig sa akin.
Who would have thought that something peculiar such as this will happen to me. If not because of what I saw in the mirror, I would never believe that this is real. Walang matinong tao ang maniniwala na ang tanging tagapagmana ng Prime Construction & Development Corporation ang nasa loob ng katawang ito.
Bahagya akong napalunok nang matalim niya akong titigan dahil sa paraan ng aking pagsagot.
"Considering what you've been through, Miss Sarmiento, I'll let this slide. But the next time I'll see you, I want you in your A game," malamig nitong turan bago bumaling sa lalaking katabi niya. "Attend Avery's needs then you can go home," turan nito sa lalaking nakatayo sa kaniyang tabi. Hindi na nito hinintay pa ang sagot ng lalaki at mabilis na tumalikod bago nagsimulang maglakad papalabas ng gusali.
"I'm on it, sir." Bahagya pang yumuko ang lalaki kahit pa may kalayuan na ito. Nang masiguro nitong wala na ang kaniyang boss ay saka lamang niya ako pinagtuunan ng pansin. "What's your game, Avery?" inis nitong baling sa akin.
"You know me also?" kunot-noong tanong ko.
"Of course! Ikaw lang naman ang dahilan kung bakit tatlong buwan na akong nagdurusa sa piling ng suplado nating boss."
Bahagya pa akong nagulat sa biglaang pagpilantik ng mga daliri nito at pag-usli ng kaniyang baywang. Malayong-malayo ito sa matikas niyang tindig habang nasa harap ng kaniyang boss kanina. Sayang at guwapo pa naman sana ito pero mukhang guwapo rin ata ang hanap.
"Sorry, but I don't follow you," saad ko.
"Huwag mo akong ma-english-english d'yan bruhilda ka. Kailan mo ba balak bumalik at nang matapos na ang kalbaryo ko?"
Wala pa rin akong kahit isang naiintindihan sa kaniyang mga sinasabi. Pero mukhang hindi naman niya ininda iyon dahil patuloy lamang ito sa pagsasalita kahit na halos sumabog na ang aking ulo sa dami ng impormasyong sinasabi niya.
"At s'yanga pala, ano 'yong drama mo kanina? Kailan ka pa naging tagapagmana ng Prime Construction and Development Corporation? Ilusyonada much?"
Ang huli niyang sinabi ang tanging rumehistro sa aking utak mula sa dami ng kaniyang sinabi.
"The truth is, I suffered from a complete loss of memory because of the accident. As a matter of fact, I just got out of the hospital," palusot ko.
"O-M-G! Katulad ba 'to no'ng mga napapanood ko sa mga koreanovela? 'Yong mga nababagok ang ulo pagkatapos ay marunong na silang magsalita ng iba't ibang lenggwahe at mayroon na rin silang bagong set of skills? Omaygash! It's so exciting! Kaya pala ang galing mo nang mag-english ngayong, 'day!" Tumili pa ito at saka iniligay dalawang palad sa kaniyang mga pisngi.
I almost cringe at his comparison, but come to think of it, it's the easiest way to explain my situation. Wala naman kasi talagang scientfic basis ang nangyari sa akin.
"Yeah...yeah...that's right," sakay ko tinuran nito saka pilit na ngumiti. Buong akala ko ay tunay ngang naniniwala ito sa aking sinabi. Ngunit ganoon na lang ang gulat ko nang tumaas ang kilay nito.
"Anong tingin mo sa akin, uto-uto? Hoy, bruha! Tigilan mo nga 'yang kahibangan mo. Umuwi ka na sa inyo at magpahinga ka nang bumalik ka sa tamang huwisyo," wika nito.
Napabuntonghininga na lamang ako nang mapagtanto kong hindi ko pa rin pala ito lubusang nakumbinsi tungkol sa nangyari sa akin. I think I have no other choice but to choose the more logical part of this charades. Mas kapani-paniwala siguro kung sasabihin ko na lamang sa kanila na wala akong maalala.
"I-I don't know where to go. Hindi ko alam kung saan ako nakatira," malungkot kong tugon dito.
Nanlaki ang kaniyang mga mata saka mabilis na natuptop ang kaniyang bibig. "Ibig sabihin totoong may amnesia ka?"
"Yes, I don't really remember anything. I don't even know your name," giit ko.
Saglit niya akong tiningnan at tila sinukat kung nagsasabi ba ako nang totoo. Makalipas ang ilang saglit ay tuluyan ko rin itong nakumbinsi.
"I'm sorry. Mukhang malala nga ata ang pagkakabagok ng ulo mo dahil sa aksidente," turan nito. "By the way, I'm Andrew. I'm a HR Assistant in Sandejas Construction Corporation. Ako muna ang tumatayong sekretarya ni Sir Connor habang nagpapagaling ka pa. Ayaw rin kasing kumuha ni sir nang kapalit mo."
"A-Aksidente? Anong aksidente?" takang tanong ko.
"Hindi mo rin natatandaan ang nangyari sa 'yo?"
Isang mabilis na tango ang tangi kong naging tugon.
"Nasagasan ka habang papasok sa opisina. Ang huling balita ko ay na-comatose ka."
"Yeah. I just woke up in a hospital," sang-ayon ko.
"At ang una mong ginawa ay ang magwala rito sa Prime Construction?" natatawang saad nito.
Natahimik na lamang ako. Hindi rin alam kung paano sa kaniya ipapaliwanag ang biglaan kong pagsugod sa gusaling ito.
Tila napansin naman ni Andrew ang biglaan kong pananahimik.
"I-I'm sorry. I didn't mean to..."
"It's fine. I'm not myself recently. Maybe because of the memory loss."
Bumuntonghininga muna ito bago muling nagsalita. "Ihahatid na lamang kita sa bahay mo. Sigurado akong nag-aalala na rin ang pamilya mo sa 'yo."
"Now that you mention, I know this is too much. But could you lend me some money? Kailangan ko lang bayaran ang taxi na naghatid sa akin dito. Don't worry. Babayaran kita agad kapag nagkapera ako," wika ko.
"Ano ka ba, wala 'yon. Ire-reimburse ko naman 'to sa boss natin. Halika ka na at ihahatid na kita sa bahay mo, baka maligaw ka pa pauwi," pabiro pa nitong turan.
Hindi ko man masyadong naintindihan ang huli niyang tinuran ay pinagwalang-bahala ko na lamang iyon at sinabayan itong maglakad palabas ng gusali. Nagtungo kami sa taxi driver na naghihintay sa akin sa labas.
Muli kaming sumakay roon at si Andrew na ang kumausap sa taxi driver para sa daan pauwi. Bahagya pang nag-alinlangan ang lalaki. Ngunit agad namang umaliwalas ang mukha nito nang abutan siya ni Andrew ng buong isang libo. Dali-dali nitong binuksan ang sasakyan at pinaandar iyon.
Habang binabaybay namin ang kahabaan nang EDSA ay hindi ko maiwasang pagmasdan ang bawat lugar na aming madaraanan. Tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang mangyari ang pagsabog ngunit pakiramdam ko ay tila kay haba na nang panahong iyon.
Sa loob lamang nang ilang buwan ay nawala ang pinakamamahal kong ama. Gayon na rin ang lalaking tangi kong pinag-alayan ng pagmamahal. Sa loob lamang nang tatlong buwan ay nawala ang lahat sa akin. Maging ang aking pagkatao ay tila ninakaw sa akin nang wala akong kalaban-laban.
Panay ang kuwento ni Andrew tungkol sa buhay ni Avery. Pilit niyang pinapaala ang buhay na mayroon ako noon bago ang aksidente. Ngunit kahit anong pilit ko ay hindi ko magawang maging interesado sa kaniyang sinasabi. Dahil hindi naman ako ang taong tinutukoy niya. Paano ko nga ba haharapin ang buhay ko ngayon?
"Avery, nakikinig ka ba?" untag ni Andrew sa akin.
"Ha? Ah–eh...p-pasensya na. Medyo sumakit kasi ang ulo ko," pagdadahilan ko. "Ano nga ulit 'yong sinasabi mo?"
"Sabi ko, kailan mo ba balak bumalik sa trabaho?" ulit nitong tanong.
"Hindi ko pa alam. Wala akong ideya kung paano ba ako babalik sa buhay na wala akong ni katiting na ideya. Daig ko pa ang bulag na nangangapa sa dilim."
"Kaya nga mas dapat na pumasok ka na sa trabaho. Malay mo, iyon ang mag-trigger para bumalik na ang mga alala mo," wika nito.
Gusto kong sumang-ayon sa kaniya. Ngunit maliwanag sa akin na hindi iyon ang sagot upang manumbalik ako sa dati kong buhay. Dahil hindi alaala ang nawala sa akin, kung 'di buong pagkatao ko.
Napabuga na lamang ako ng hangin saka mas piniling manahimik. Muli kong ibinalik ang aking tingin sa labas ng bintana.
Sibukan kong umisip nang paraan kung paano susolusyonan ang aking problema ngunit tanging sakit lamang ng ulo ang aking nakuha. I have no other logical way on how to solve this.
Dahil sa lalim ng aking pag-iisip ay hindi ko namalayan nang huminto kami sa tapat nang isang maliit na eskinita. Napatuwid ako nang upo nang mapagmasdan ko ang paligid kung saan kami huminto.
"What are we doing here?" takang tanong ko kay Andrew.
"Ano pa nga ba? Eh, 'di ihahatid ka pauwi," tugon nito.
"What?" Napasigaw ako dahil sa pagkagulat. I never thought that this situation could get any worse. I don't think I could even stay in this kind of place, even for a night. "Dito ako nakatira? No! It can't be! I can't stay in that filthy place!" reklamo ko.
"Girl, sa sitwasyon mo ngayon wala kang sa lugar para maging choosy. Sige, saan mo balak tumira, sa kalsada?"
"Can't I just stay at your place?"
"Gustuhin ko man, walang lugar sa bahay. Anim kaming magkakapatid at kasama ko pa ang mga magulang ko. Ikaw na lang ang bahala kung paano namin pinagkakasya ang mga sarili namin sa bahay," paliwanag nito.
Napahugot na lamang ako nang isang malalim na buntonghininga saka wala sa loob na bumaba ng taxi. Ayaw ko mang manatili rito ngunit dahil sa mga nangyari ay wala akong ibang pagpipilian. Hindi ko rin magawang humingi ng tulong sa aking mga kaibigan dahil siguradong hindi rin maniniwala ang mga iyon sa akin. Kung ang lalaking nakasama ko nang ilang taon at babaeng itinuring ko na parang tunay na kapatid ay hindi ako nagawang paniwalaan, paano pa ang mga taong hindi ko naman araw-araw nakakasama?
"Uy! Nakalabas na pala ng ospital ang muse ng Kalye Tumbok!" kantiyaw ng isang lalaki habang nasa harap ng isang lamesa at may alak sa kanilang harapan habang nagkukumpulan sa tapat ng maliit na tindihan. Sinegundahan naman iyon nang malakas na tawa ng mga kaumpukan nito.
Pinili ko na lamang huwag pansinin ang mga iyon.
"Hoy, mga batugan! Tigilan n'yo nga ang pang-aasar d'yan kay Avery. Kita n'yo nang kakalabas lang n'yan sa ospital, eh!" sayaw nang matandang babae na sa wari ko'y siyang may-ari nang maliit na tindihan.
"Ito naman si Aling Chami napaka-KJ. Pa-welcome party nga namin 'to para kay Avery, eh." Muling sinundan nang malakas na halakhak ng kaniyang mga kasama ang kaniyang sinabi.
"Naku! Ginawa n'yo pang dahilan si Avery sa paglalasing n'yo!"
Malutong na halakhak ang tanging isinagot ng mga lalaki sa matanda.
"Halika ka na. Gan'yan lang talaga 'yang mga kapitbahay mo, pero harmless naman 'yang mga 'yan," turan nito Andrew saka marahan akong hinila upang muling magsimulang maglakad.
Ilang minuto rin naming binaybay ang maliit na eskinita hanggang sa tuluyan naming narating ang dulo noon. Mula roon ay matatanaw ang isang maliit na bahay. Kulay maputlang berde iyon at napapaligiran nang mumunting halaman ang harapan noon. Marahan kaming naglakad patungo roon hanggang sa marating namin ang pinto ng bahay.
It was a decent house compare to the most of the houses around the area. Kahit papaano ay konkreto ang mga dingding noon hindi katulad nang mga nasa tabi nito na tila isang ihip na lamang ng hangin ay tutumba na.
Marahang kumatok si Andrew. Makalipas ang ilang minuto ay wala pa ring nagbukas ng pinto kaya muling sinubukang kumatok ni Andrew. Ngunit bago pa man lumapat ang kaniyang kamay sa pinto ay bigla na lamang itong bumukas.
Pero ang mas lalo kong ikinagulat ay ang biglaang paglabas ng isang matangkad na lalaki habang tila suray-suray ito sa paglalakad.
"Albert, ano ba! Akin na ang pera na 'yan. Pambili 'yan ng gatas at diaper ng anak mo!" hiyaw nang babae sa kaniyang likuran habang karga-karga nito ang isang bata na walang tigil sa pagpalahaw.
"Oh! Andito na pala ang magaling mong kapatid, eh. D'yan ka na lang humingi ng pambili ng gatas at diaper. Nagkakasarapan kami ng inuman nila Dennis do'n, eh. Mahirap nang mabitin kami sa inom," turan ng lalaki. Namumungay na ang mga mata nito sa kalasingan habang tila hirap na rin iyong makatayo nang diretso.
"Albert, ibalik mo sabi 'yong pera!" muling hiyaw nito.
"Hindi mo ba narinig ang sinabi ko?" ganting hiyaw nito. "Gusto mo ba talaga akong mapahiya sa mga kainuman ko? Wala ka na ngang silbi, napakabungangera mo pa! Kapag hindi ka pa tumigil, talagang sasamain ka sa 'kin!" Iniamba nito ang kaniyang kamay na akmang sasampalin ang babaeng may hawak na sanggol.
Napapikit na lamang ang babae saka mahigpit na niyakap ang sanggol sa kaniyang mga bisig upang protektahan ito.
"Lay a finger on her and I'll make sure that you'll never see the light of day," banta ko sa lalaki dahilan upang hindi nito ituloy ang balak nitong pananakit sa babae.
"Anong sabi mo?" galit na baling nito sa akin. "Hoy! Huwag mo akong ma-ingles-ingles d'yan at baka ikaw ang tamaan sa 'kin!" Nanlilisik ang mga mata nito nang humarap sa aking gawi.
"Try it. And we'll see about that," hamon ko rito.
Inaangat nito ang kaniyang kamay saka akma akong sasampalin ngunit mabilis kong inabot ang kaniyang hinliit at saka mariin iyong pinilipit. He may be big, but I'm smarter than him. I'm a blackbelter in Taekwando and Karate, so I know how to take down this kind of man.
Napahiyaw ito sa sakit saka biglang napaluhod dahil sa panghihina. Iniamba ko ang aking kamay upang sampalin ito nang matigilan ako dahil sa malakas na hiyaw.
"Avery!"
Napalingon ako sa gawi ng babae na may kargang sanggol habang patakbo itong lumapit sa amin.
"Avery, ano bang ginagawa mo? Bitiwan mo ang Kuya Albert mo!" saway niya sa akin na labis kong ipinagtaka.
Siya na nga itong ipinagtanggol ko ngunit bakit parang ako pa ang may kasalanan?
"Avery! Sinabi nang bitiwan mo ang kuya mo!" muling nitong saway sa akin saka malakas na hinampas ang aking braso dahilan upang mabitawan ko ang pagkakahawak sa hinliliit ng lalaki.
Dali-dali naman itong tumayo saka madalim ang mukhang lumapit sa akin. "Pasalamat ka at nagmamadali ako dahil naghihintay na sa akin ang mga kaibigan ko!" wika nito habang nakaduro sa akin ang kaniyang hintuturo. Matapos sabihin iyon ng lalaki ay mabilis na itong umalis at naiwan kaming tatlo roon.
"Oh, tapos na ang drama! Ano pang tinitingin n'yo r'yan? Magsiuwi na kayo at bukas na ang next episode!" sigaw ng babae habang inililibot ang paningin sa paligid.
Noon ko lamang napagtanto na may iilang tao na pala ang nakadungaw mula sa kani-kanilang bahay at pinapanood ang eksena namin kanina.
"Ikaw naman babae ka, pumasok ka na nga dito sa loob. Hindi ko maintindihan kung anong pumasok sa kukote mo at ginawa mo 'yon sa kuya mo," baling nito sa akin.
"A-Ate Amy, hinatid ko lang po si Avery. Mauuna na po akong umalis dahil baka abutin pa ako ng gabi sa daan," paalam ni Andrew.
"Pasensya ka na, Andrew. Hindi na rin kita naalok nang maiinom dahil wala rin naman akong maibibigay sa 'yo kung 'di tubig."
"Wala 'yon, ate. Naiintindihan ko naman. Maiwan ko na po si Avery sa inyo," saad nito saka marahan akong kinalabit. "Mauna na ako sa 'yo, ha. Quota na ako sa drama ngayong araw," dagdag pa nito.
"Sige, mag-iingat ka. Maraming salamat sa lahat ng tulong mo."
"Wala 'yon, ano ka ba? Ito number ko. I-text o tawagan mo ako kapag may problema. Lalo na do'n sa bayaw mong hilaw. Kahit dati pa wala akong tiwala do'n, eh."
"Maraming salamat dito. Huwag kang mag-alala, kaya kong ipagtanggol ang sarili ko."
"Oh, s'ya sige. Mauna na ako sa 'yo. I-text mo na lang din ako kapag nakapagdesisyon ka nang pumasok sa opisina."
"Sige, salamat."
Matapos naming makapagpaalam sa isa't isa ay umalis na rin si Andrew. Muli akong sumulyap sa kabuuan nang lugar saka marahas na bumuga ng hangin.
Maya-maya pa ay sumunod na ako sa babaeng tinawag ni Andrew na Ate Amy. Sa palagay ko ay ito ang nakatatandang kapatid ni Avery.
Hindi ko sigurado kong handa na ba akong tanggapin na ito na bagong buhay na mayroon ako. Hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat dahil hindi ako namatay sa pagsabog. Ngunit ang mas lalong nakakapagpagulo ng aking isip ay ang tunay na dahilan kung bakit na nangyayari ang lahat ng ito.
***********************