CARSON
"FVCK!" inis kong sigaw saka malakas na sinipa ang ATM.
Hindi ko mapigilang mainis dito kahit pa wala naman dito ang problema kung 'di nasa akin. Sinubukan ko kasing hulaan ang password ng ATM card ni Avery. Natatandaan kong sabi ni Angela ay mayroon daw ipon si Avery. Ibig sabihin ay maaari akong makakuha ng pera mula rito upang magamit ko pansamantala. Papalitan ko naman ang lahat nang nagastos ko kapag bumalik na sa dati ang lahat.
Ang kaso nga lang ay hindi ko naman alam ang password ng kaniyang ATM card. Sinubukan kong gamitin ang kaniyang birthday bilang password ngunit hindi iyon tinanggap. Tatlong beses lamang akong maaaring magkamali kaya kailangan kong mag-ingat. Dahil kung hindi maaaring ma-block ang card na ito.
Dito sana ako kukuha ng pamasahe patungo sa Sandejas Construction ngunit mukhang malabo na iyong mangyari.
Agad kong kinuha ang card matapos iyong iluwa ng ATM. Ibinalik ko iyon sa loob ng pulang pouch saka muling tiningnan ang laman noon. Bukod sa ID, USB, at ATM card ni Avery ay mayroon ding iilang perang papel sa loob. Ngunit hindi ako sigurado kung kakasya ba iyon pambayad sa taxi. Hindi ko naman magawang mag-commute dahil hindi ko pa iyon nagawa sa tanang buhay ko.
"Argh! Bahala na nga!" turan ko sa aking sarili.
Wala akong cellphone kaya wala rin akong matawagan upang mahingan ng tulong. At kung mayroon man, wala rin naman akong kilala na maaaring maniwala sa kalagayan ko ngayon. The only thing that's left for me are the things that Avery has. I need to think of ways on how can I use these resources to my advantage.
Agad akong pumara ng taxi at dali-daling sumakay roon. Makalipas ang ilang minuto ay sinimulan ko nang bilangin ang ilang pirasong tigbebente sa loob ng pouch. Maya't maya ang sulyap ko sa metro ng taxi habang taimtim na nagdadasal na sana ay umabot ang perang dala ko para pambayad sa taxi. Isinama ko na rin ang ilang pirasong barya sa pagbibilang.
Napahilot na lamang ako sa aking sintido nang hindi mang lang umabot nang dalawang daan ang perang dala ko. Tila mas lalo lamang sumakit ang aking ulo nang sumulyap ako sa metro ng taxi at makitang lampas na sa dalawang daang piso ang numero roon.
"Andito na po tayo, ma'am," turan ng driver nang huminto ito sa tapat ng gusali ng Sandejas Construction Corporation.
Mariin kong kinagat ang aking pang ibabang labi habang pilit na nag-iisip kung paano ko lulutusan ang kasalukuyang sitwasyon.
Napapitlag ako nang may biglang kumatok sa bintana ng taxi na aking sinasakyan. Napakunot ang aking noo nang makita kong nakaunipormeng guard ang kumatok sa bintana. Agad kong ibinaba ang salamin ng bintana upang marinig ang sasabihin nito.
"Ma'am Avery, nakalabas na po pala kayo ng ospital. Bumalik na po pala kayo sa trabaho?" saad nito.
Saglit akong nakatitig dito habang pilit kong iniitindi ang tinutukoy nito. Agad kong sinunggaban ang pagkakataong iyon upang makalusot sa sitwasyon ko.
"Ah–oo. M-May kukunin lang ako sa opisina dahil may pinapagawa si boss."
"Napakasipag n'yo po talaga, Ma'am Avery. Akalain mong trabaho agad ang inatupag mo pagkagaling mo sa ospital," natatawang turan nito.
Pilit lamang akong ngumiti bilang tugon saka humanap nang tamang pagkakataon upang makahiram ng pera rito.
"Ahm...kuya, may extra ka ba riyan? Nakalimutan ko kasi 'yong wallet ko sa bahay. Babayaran na lang kita bukas," wika ko.
Mga ilang segundo itong nag-isip bago ngumiti at nagsalita. "Opo, ma'am. Walang problema." Bumunot ito mula sa kaniyang bulsa saka inabot ang limang daang piso. "Ayos na po ba ito?"
"Oo, kuya. Maraming salamat. Hulog ka talaga ng langit," nagagalak kong turan dito.
Isang matamis na ngiti lamang ang tinugon nito sa akin bago niya ako pinagbuksan ng pinto ng sasakyan.
Bago bumaba ay inabot ko ang pera sa driver. Hinintay ko muna ang sukli bago ako tuluyang bumaba. Hindi ko alam kung kailan ako makakahanap ng pagkukunan ng pera dahil sa kalagayan ko ngayon kaya kailangan kong itabi ang sukli mula sa limang daang piso na aking hiniram mula sa guwardiya.
Inalalayan ako ng guard hanggang sa tuluyan kaming makapasok sa loob ng gusali. Nagmamadali akong naglakad patungo sa elevator. Ngunit bago pa man ako tuluyang makalayo ay agad kong naalala na wala pala akong ideya kung nasaang palapag ang opisina ni Avery.
Dali-dali akong bumalik at muling lumapit sa guwardiya.
Tumikhim ako bago nagsalita, "Ahm, kuya pasensya na sa abala, ha? Medyo hindi pa ata ako nakakabawi mula sa pagkakaospital kaya medyo magulo pa ang utak ko. Itatanong ko lang kung saang palapag nga pala ang opisina ko?"
Saglit itong tumitig sa akin habang mariin ang pagkakakunot ng kaniyang noo. Maya-maya pa ay tila naman naintindihan nito ang aking sitwasyon. Ngumiti ito bago nagsalita.
"Sa top floor po ang opisina n'yo, ma'am. I-tap n'yo lang po ang ID n'yo para ma-access n'yo 'yong floor," paliwanag nito.
"Maraming salamat, kuya." Abot-abot ang aking pasalamat sa guwardiya dahil sa mga tulong nito. I'll make sure to pay him back for his kindness once I get my life back.
Mabibilis ang mga hakbang akong nagtungo sa elevator at agad na pinindot ang buton. Hindi naman nagtagal at bumukas ang pinto ng elevator. Nagmamadali akong pumasok saka kinuha ang aking ID mula sa pouch na aking dala. Mabilis kong idinikit iyon sa sensor ng elevator kaya agad naman itong sumara. Sumunod kong pinindot ang pinakamataas na palapag.
Ilang minuto rin akong nanatili sa loob bago ko tuluyang narating ang tuktok ng gusali. Agad akong lumabas ng bumukas ang pinto ng elevator. Bumungad sa akin ang isang mahabang reception table. Mabilis akong lumapit doon. Agad kong nakita ang ilan sa mga gamit na may pangalan ni Avery. Mukhang ito ang opisina niya. Mayroong ilang litrato ni Avery roon. Ngunit kataka-takang tanging litrato lamang ni Angela ang naroon at wala ang kaniyang ina at nakatatandang kapatid.
Matapos kong tingnan ang lamesa ni Avery ay saka ko pinagtuunan ng pansin ang paligid. Mabuti na lamang at walang ibang opisina roon kung 'di ang opisina ng boss. Tamang-tama itong lugar na ito upang pansamantala kong tuluyan sa gabing ito. Sisiguraduhin ko na lamang na makakaalis ako bukas ng maaga bago pa man dumating ang boss.
Tumalikod ako at bumungad sa akin ang pinto. Lumapit ako roon at saka marahang pinihit ang busol ng pinto. Hindi na ako nagtaka nang mabungaran kong bukas ang ilaw sa opisina. Madalas din kasi akong makalimot ng ilaw sa aking opisina noong bago pa mangyari ang lahat ng ito kaya hindi na bago sa akin iyon. Inisip ko na lamang na baka sadyang nakalimutan na patayin ang ilaw.
Tumambad sa akin ang malaki at magarang opisina. Sa bandang kaliwa ng silid ay makikita ang malaking executive table habang sa harap nito ay matatagpuan ang dalawang single couch na nasa makabilang parte ng lamesa. Sa may 'di kalayuan, sa bandang kanan ng silid, ay matatagpuan ang mahabang meeting table na mayroong tigtatlong upuan sa magkabilang bahagi ng lamesa. Sa kabilang bahagi naman ng silid ay matatagpuan ang isang mahabang couch at isang maliit na center table.
Hindi maipagkakaila ang ganda at karangyaan ng silid na iyon. Halatang bawat gamit na naroon ay hindi biro ang halaga. Nananabik akong nagtungo papalapit sa sofa saka pagbagsak na humiga roon.
"Aaahhhh...I miss my bed!" turan ko nang lumapat ang aking likod sa malambot na sofa. "Hmmm...." mahina kong ungol habang ibinabaon ang aking mukha sa malambot na upuan. I didn't even tried to supress my excitement thinking that I have the room for myself. "Ooohhh...fvck! I'm so tired!" wika ko bago umayos nang higa.
Kakagising ko pa lamang mula sa tatlong buwan na pagkakaratay sa ospital ngunit pakiramdam ko ay kay dami nang nangyari sa akin sa loob lamang ng isang araw. Sa kabila nang mga nangyari, ipinagpapasalamat ko pa rin na kahit papaano ay makakapaghinga ako nang maayos ngayong gabi.
Sinimulan kong ipikit ang aking mga mata at sinubukang matulog. Ngunit ilang minuto pa lamang ang nakakalipas nang bigla na lamang mag-ingay ang aking tiyan dahil sa gutom. Nawala na sa isip ko na wala pa nga pala akong kinakain na kahit ano simula nang magising ako sa ospital.
Bumalikwas ako ng upo saka iginala ang aking mga mata sa kabuuan ng silid. Labis naman akong nagalak nang dumako ang aking mga mata sa isang maliit na ref na naroon. Abot-abot ang aking panalangin na sana ay mayroong pagkain sa loob noon. Dali-dali akong lumapit doon at mabilis na hinawakan ang pinto noon. Saglit pa akong pumikit upang manalangin na sana ay may matinong pagkain sa loob noon.
"Thank you, Lord!" Napasigaw ako nang bumungad sa akin ang loob ng ref na punong-puno ng pagkain. "Hindi naman siguro nila mapapansin kung babawas ako ng kaunti rito," turan ko sa aking sarili.
Kumuha ako ng tig kakaunti sa bawat pagkain na naroon. Sinigurado ko na hindi masyadong halata ang ginawa kong pagbawas. Una kong kinuha ang tray ng lasagna at saka humiwa roon kapiraso. Mayroon ding mga cutleries at platito sa may gilid ng ref kaya agad ko iyong kinuha upang gamitin para sa mga pagkaing aking kinuha.
Matapos makakuha ng isang hiwa ng lasagna ay sinunod ko ang pagpitas ng ilang pirasong grapes mula sa bungkos na naroon. Kumuha rin ako ng isang pirasong mansanas at saka ilang pirasong breadsticks.
Matapos kong makuntento sa aking mga kinuha ay agad kong ipinasok ang lasagna at breadsticks sa loob ng microwave upang iinit. Matapos iyon ay agad ko nilantakan ang mga pagkain. Dali-dali kong dinala iyon at ipinatong sa maliit na center table na nasa harap ng malaking sofa.
Marahil sa labis na gutom ay tila dinaanan lamang ng hangin ang mga pagkaing kinuha ko. Hindi man lamang tumagal ng sampung minuto ay naubos ko na agad ang mga pagkain.
"Aahhhh! I'm so full," turan ko habang hinihimas ang aking tiyan.
Dahil sa labis na kabusugan ay agad akong dinalaw nang antok. Mabilis akong umayos ng higa at isinandal ang aking ulo sa arm rest ng sofa. Nagsisimula nang bumigat ang talukap ng aking mga mata. Ilang saglit lamang ay hinayaan ko na ang aking sarili na hilahin ng antok.
Marahil dulot ng labis na pagod at kabusugan ay hindi ko na magawang idilat ang aking mga mata. Ipinagsawalang-bahala ko na lamang ang mahinang yabag na aking narinig. Sinubukan kong idilat ang aking mga mata upang masigurong walang ibang tao roon maliban sa akin ngunit hindi ko na magawa. Sa huli ay mas nanaig sa akin ang labis na antok at tuluyan nang nakatulog.
Bukas ko na lamang poproblemahin kung mayroon nga bang ibang tao sa loob ng opisina maliban sa akin.
*******************