“A WEDDING is a marriage ceremony.”
“Sigurado ka na ba talaga dito Eufritz? Magpapakasal ka na ba talaga?” pabulong na tanong ni Mayor s***h Ninong Rod kay Eufritz. Hindi kasi ito makapaniwala hanggang ngayon na ikakasal na ang inaanak niya sa binyag na si Eufritz. Ang bata pa kasi ng inaanak niya para mag-asawa.
Tiningnan ni Eufritz ang ninong niya.
“Ninong, ilang beses niyo na kaya tinanong sa akin ‘yan at ang lagi ko namang sagot sa inyo ay yes. I’m very-very sure about this, Ninong. Gusto ko na kaya makasama for the rest of my life ang aking honeylove,” wika ni Eufritz at kunwari ay kinikilig. “Saka hindi naman ako magde-decide kaagad kung hindi ako sigurado. You know me, Ninong, hindi lang ako maganda kundi magaling din ako sa decision making,” pagmamalaki pang sambit ni Eufritz sa kanyang Ninong Rod.
Lumapit pa si Eufritz kay Nicollo at ipinulupot ang braso niya sa braso nito.
“Eh ‘yang mapapangasawa mo? Sigurado ka ba na gusto ka niyang pakasalan at mapangasawa?” pagtatanong ni Ninong Rod. Tiningnan niya si Nicollo. “Base kasi sa nakikita kong expression ng mukha niya, dinaig pa niya ang mga nagpepenitensya sa Mahal na Araw. Parang hindi naman siya masayang makasama ka habang-buhay,” pabulong pa niyang sambit kay Eufritz.
Napapansin ni Ninong Rod ang nakasimangot na mukha ni Nicollo at parang ipinapakita pa nito na ayaw nito ang nangyayari ngayong araw.
‘Hay! Nababaliw na ako. Bakit ba ako nandito? Dapat na ba akong umalis? Hays! Naba-blangko ang utak ko!’ sa isip-isip ni Nicollo na walang pakiealam sa pagbubulungan nila Ninong Rod at Eufritz.
Tiningnan ni Eufrtiz si Nicollo. Tama nga ang kanyang Ninong Rod, hindi gugustuhing ipinta ng kahit na sinong pintor ang expression ng mukha ni Nicollo. Ibinalik niya ang tingin kay Ninong Rod.
“Ninong, ganyan lang talaga si honeylove. Hindi talaga siya palangiti at hindi ipinapakita na masaya ang pakiramdam niya na ako ang mapapangasawa niya pero deep-inside, siya ang pinakamasayang lalaki ngayon sa buong mundo dahil magiging sa kanya na ang isa sa pinakamagandang babae at ako iyon,” pagpapalusot ni Eufritz. Ginagalingan niya ang pag-acting para hindi siya mahalata ng Ninong Rod niya na nagpapanggap lamang siya at si Nicollo.
Napatango-tango na lamang si Ninong Rod. Lalo namang ngumiti si Eufritz at kinindatan pa ang ninong niya.
Nasa munisipyo na sila Eufritz at Nicollo. Particular sa opisina ng Mayor s***h Ninong ni Eufritz na si Rod.
Si Mayor Rod ay matalik na kaibigan ng daddy ni Eufritz at malapit na Ninong ni Eufritz. Para na ding pangalawang daddy ni Eufritz ang ninong niya. Napakabait kasi nito sa kanya simula pagkabata pa niya at ramdam niyang itinuturing siya nitong parang anak.
May katandaan na din ang itsura ni Ninong Rod. Bukod sa pamilyadong tao na, marahil ay nakadagdag pa sa stress niya ang trabaho bilang Mayor ng lungsod ng Quezon City kaya ang resulta, hindi na nito naalagaan ang pisikal na anyo pati ang sarili. Marahil ay nahirapan din itong pagsabayin ang pagiging haligi ng tahanan at paglilingkod sa syudad. Nakasuot ito ng barong na siyang attire at simbolo ng isang pagiging kagalang-galang na Mayor ng lungsod.
“Anyway, ang Daddy mo ba? Darating din ba ngayon sa kasal mo?” pagtatanong ni Ninong Rod kay Eufritz.
“Uhm… tungkol dyan,” wika ni Eufritz at nag-isip ng idadahilan. Kaagad naman siyang nakaisip. “Sinabi sa akin ni Daddy na hindi siya makakarating dahil may mahalaga daw siyang lakad. Alam niyo naman po ‘yun, laging busy. Mas mahal pa nga niya ang work niya kaysa sa akin, eh. Pero nagsabi naman siya sa akin ng best wishes,” pagdadahilan pa ni Eufritz. ‘Sana maniwala ka, Ninong,’ sa isip-isip pa niya.
Tumango-tango si Rod.
“Eh, ang magulang ng mapapangasawa mo? Darating din ba?” pagtatanong pa ni Ninong Rod.
Umiling-iling si Eufritz.
“Hindi rin din, Ninong. Busy din kasi sila sa mga negosyo kaya ‘yun,” pagpapalusot pa ni Eufritz. Ang dami na niyang white lies na sinasabi.
Walang kaalam-alam ang lahat sa mangyayaring kasalang ito nila ni Nicollo. Pati ang dahilan ng kanilang agarang pagpapakasal. Kahit ang ama ni Eufritz at mga magulang ni Nicollo ay walang kaalam-alam tungkol dito. Nagsisinungaling siya at ipinapakita sa Ninong Rod niya na mahal niya si Nicollo at kahit wala ang mga magulang sa mismong araw ng kasal ay matutuloy pa din ang kasal. Para hindi rin sila mabuking na kakakilala lang talaga nila ng lalaking papakasalan. Mahirap na at baka magduda pa ito sa isang maling kilos lang at hindi sila nito ikasal ni Nicollo at ang maging ending, mapunta lang sa wala ang lahat at maikasal siya sa kanyang ex-boyfriend.
Napailing-iling na lang ng kanyang ulo si Ninong Rod. Hindi niya talaga akalain na magpapakasal na agad-agad ang pinakapaborito niyang inaanak at sa lalaking hindi pa niya lubusang nakikilala. Ngayon lang kasi nito nakita si Nicollo. Ayon sa kwento sa kanya ni Eufritz, matagal na raw silang may relasyon ng lalaking ito at lihim iyon at ngayon, siya pa ang magkakasal sa dalawa. Nabibilisan siya sa mga pangyayari.
“So, paano ‘yan? Ang tatlo mo lang na kaibigan ang magiging witness sa kasalang ito?” patanong na wika ni Ninong Rod kay Eufritz at tiningnan ang tatlong kaibigan ni Eufritz na parang mga baliw na ngiti nang ngiti.
Tumingin rin si Eufritz sa mga kaibigan at nginitian rin niya ang mga ito at kinawayan.
Nakasuot si Eufritz ng plain white dress at doll shoes. Simple lang ang suot ni Eufritz at ang ayos niya para sa okasyong ito pero lumabas ang natural niyang ganda. Hindi na niya kailangang magsuot pa ng bonggang dress dahil alam naman niya sa kanyang sarili na sobrang ganda pa din niya kahit simple lang ang isuot niya. Nag-uumapaw ang kanyang kagandahan, ka-sexyhan at charms.
Ang mga kaibigan naman ni Eufritz ay mga nakasuot rin ng white dress with high heels pa. Mabuti na lang at hindi ito pare-pareho ng suot. ‘Yung isa, white dress with floral design at three-inch high heels ang suot. Nakalugay ang mahaba nitong straight black hair.
Ang isa naman ay nakasuot ng white dress din pero may hati ang dress nito sa bandang hita kaya exposed ang makinis nitong hita with matching three-inch stilettos. Medyo maikli lang ang buhok nito na ang haba ay hanggang balikat at kulay light brown. Fierce ang itsura nito dahil may pagkamatapang ang make-up na inilagay sa mukha nito.
‘Yung isa naman at ang pinakahuli ay naka white dress din na suot pero sobrang conservative ang style ng dress nito. Actually hindi na mukhang dress ang suot nito kundi jacket dahil balot na balot ito. ‘Yung style ng dress niya ay may sleeves na mahaba kaya balot ang mga braso nito at ang haba ng kanyang dress ay abot hanggang tuhod. Nakasuot siya ng doll shoes na kulay puti din na may accent ng black at naka-ponytail ang black wavy hair nito. Manipis lang ang inilagay nitong make-up sa mukha katulad no’ng isang kaibigan ni Eufritz.
Magaganda naman ang mga kaibigan ni Eufritz. Hindi din naman kasi nakikipag-kaibigan si Eufritz sa hindi maganda katulad niya.
Si Nicollo naman ay nakasuot ng puting polo na bukas ang first two buttons kaya litaw ang upper chest niya, black semi-fit pants na tama lang ang yakap sa long legs niya at black top-sider shoes. Ang buhok niya ay nakaayos ng pormal at parang dinilaan ng baka. Kahit nakasimangot ay ang gwapo pa din ni Nicollo.
“Okay lang ‘yan Ninong, at least may witness pa din,” nangingiting wika ni Eufritz sa kanyang Ninong Rod.
Tumango-tango at napabuntong-hininga na lamang ng malalim si Mayor s***h Ninong Rod. Naglakad ito patungo sa office desk niya at may kinuha. Isang folder.
“Ikaw Eufritz, nakakairita ka na. Noong una tayong nagkita sa mall, tinawag mo akong honeylove. Hanggang ngayon ba naman ‘yun pa rin ang tawag mo sa akin? Ano ‘yun, call sign?” madiin na bulong ni Nicollo. Naiinis siya habang nakatingin nang masama kay Eufritz. “Saka akala mo ba hindi ko naririnig ang mga pinagsasasabi mo sa Ninong Rod mo na puro kasinungalingan? Mukha lang akong walang pakiealam pero hindi naman ako bingi,” dagdag pa niya.
Napangiti si Eufritz saka itinapat ang kanyang bibig sa tenga ni Nicollo para bumulong rin dito.
“Kailangan kong magsinungaling para hindi sila makahalata. Saka ‘yung pagtawag ko sayo ng honeylove, sanayin mo na ang sarili mo na marinig iyon mula sa akin dahil araw-araw mo nang maririnig mula sa labi ko ang mga salita na iyon. Honeylove ang magiging tawagan natin sa loob ng six months ng pagiging mag-asawa natin, intiendes?” pabulong na wika ni Eufritz. Nag-smirk siya. “Saka ang sweet kaya ng magiging tawagan natin, ‘di ba?” maarteng dugtong pa ni Eufritz sa sinasabi kay Nicollo saka ngumiti nang nagpakatamis-tamis.
Umirap naman si Nicollo. Talagang naiinis na rin siya kay Eufritz. Hindi ba niya kasi alam kung ano bang pumasok sa kokote niya at pumayag siya sa deal na ito. Ginayuma kaya siya ni Eufritz?
‘Sweet daw? Tsk!’ sa isip-isip ni Nicollo. Napailing-iling siya at lalong sumimangot.
“So, sisimulan ko na ang seremonyas ng kasal,” panimulang sambit ni Ninong Rod. Pumunta siya sa harapan nila Nicollo at Eufritz.
Nagsi-ayos naman na sa pagkakatayo ang lahat ng tao na nasa loob ng opisina ni Mayor. Umayos na rin sila Eufritz at Nicollo. Nakapalupot pa din ang braso ni Eufritz sa malaman na braso ni Nicollo. Naiinis tuloy si Nicollo. Hindi kasi ito sanay na may nakakapit sa kanyang babae o di kaya ay may humahawak sa kanya.
‘Parang may tuko na nakakapit sa akin. Kainis!’ sa isip-isip ni Nicollo na mas lalong nainis.
Nagsimulang magsalita si Mayor Rod. Ang dami-dami niyang sinabi na pinapakinggan naman ng lahat. Mga batas, guidelines at kung ano-ano pa na patungkol sa kasal na binabasa lang naman nito sa isang papel na nakalagay sa isang folder na hawak nito.
“Ikaw Eufritz, tinatanggap mo ba si Nicollo bilang iyong kabiyak, magkasama sa hirap at ginhawa, hanggang sa kamatayan. Mamahalin ninyo ang isa’t-isa habang kayo ay nabubuhay?”
Ngumiti nang sobrang tamis si Eufritz.
“Yes, Mayor,” maarteng sagot ni Eufritz sa tanong ni Mayor Rod.
Tumango-tango si Mayor Rod. Napabuntong-hininga ito ng malalim.
Tumingin naman si Mayor sa walang expression ngayon na mukha ni Nicollo. Hindi man lang ito ngumingiti. Ito lang ang groom na nakita niya na hindi nakangiti habang ikinakasal. Napailing-iling tuloy si Mayor Rod.
‘Itutuloy ko pa ba ito?’ sa isip-isip ni Mayor Rod. Muli na lamang siyang umiling-iling.
“Ikaw Nicollo, tinatanggap mo ba si Eufritz bilang iyong kabiyak, magsasama sa hirap at ginhawa hanggang sa kamatayan. Mamahalin ninyo ang isa’t-isa?”
Tila nablangko ang utak ni Nicollo at hindi kaagad siya nakasagot. Nakaramdam siya ng kaba.
Pamaya-maya ay lumunok ng tatlong beses si Nicollo at pagkalipas ng ilang segundo, sumagot si Nicollo. Kundi pa siya palihim na kinurot ni Eufritz mula sa tagiliran ay baka hindi pa ito magsalita.
“O-Opo… Mayor,” napipilitang sagot ni Nicollo. Wala man lang saya sa boses niya.
Muling kinurot ni Eufritz si Nicollo sa tagiliran dahil nakikita niya ang hindi maipinta na mukha ni Nicollo. Naiinis siya dahil sa ipinapakita ni Nicollo. Hindi nga dapat sila mahalata kaya nga pang-Famas ang acting niya.
Tiningnan naman si Nicollo kay Eufritz ng masama. ‘Bwisit ka!’ sinasabi nang tingin niya.
Pinanlakihan naman ni Eufritz ng mata si Nicollo at wari’y sinasabi ng mga mata nito na ‘ngumiti ka naman diyan!’.
Inirapan lang ni Nicollo si Eufritz at iniwas na ang tingin dito.
Hindi naman napapansin ni Ninong Rod ang mga kakaibang ikinikilos nila Eufritz at Nicollo sa harapan niya dahil nagpapatuloy ito sa pagsasalita. Mga patungkol sa pagiging mag-asawa.
Hanggang sa dumating ang seremonyas sa pagpapalitan ng vows.
“Alam ko sa sarili ko na ako ang pinakamagandang babae na nakilala mo sa buong buhay mo. Pero sabi nga nila, no one in this world is perfect, only God is. Kaya naman don’t expect too much na magiging perpekto akong asawa. Ang i-expect mo lang, ang maging maganda ako mula sa paggising sa umaga hanggang sa mahiga tayo para matulog sa gabi,” paunang sambit ni Eufritz at ngumiti nang matamis. “Anyway, hindi man ako perfect woman na siguradong hinihiling mo to be your wife, I will make sure naman na magiging mabuti akong wife for you. Mananatili akong maganda para maging pleasing sa mga mata mo, aalagaan kita hangga’t kaya ko at higit sa lahat, I will love you for the rest of my life. I promise,” dagdag pa niya saka kumindat.
Nangingiti naman ang mga kaibigan ni Eufritz dahil sa mga pinagsasabi niya sa vows. Napapangiti din si Ninong Rod na may kasama pang pag-iling-iling. Gusto na nga din nito tumawa.
‘Hay! Talagang naisali pa niya talaga ang pagiging maganda niya,’ sa isip-isip ni Rod.
Habang sinasabi ni Eufritz ang mga salitang iyon ay diretso ang tingin niya sa mga mata ni Nicollo. Mabuti na lang at hindi lang siya maganda kundi creative din pagdating sa paggawa ng vows.
Napatitig naman si Nicollo kay Eufritz. Hindi niya maikakaila na nagustuhan niya ang mga narinig mula sa labi ni Eufritz kahit na may himig iyon ng kayabangan.
Tipid na ngumiti si Nicollo.
“Hindi ko na papahabain ang sasabihin ko. Hindi naman kailangan ng mabulaklak na bibig para maiparamdam sayo ang wagas na pagmamahal. Sapat na ang walong letra at tatlong salita na ito na maririnig mo mula sa labi ko pero alam ko na ito ang pinakamagandang maririnig mo mula sa akin,” may pagka-seryosong wika ni Nicollo. Diretso ang tingin niya kay Eufritz. “I love you,” dagdag pa niya saka ngumiti nang matamis.
Natulala si Eufritz habang nakatingin kay Nicollo. Ramdam niya ang pagkabog ng kanyang puso.
Kinikilig naman ang tatlong kaibigan ni Eufritz sa mga sinabi ni Nicollo.
“Sana all!”
‘Sh*t! Nadala ba ako sa mga sinabi niya? Oh, no! Hindi iyon totoo, ‘no!’ sa isip-isip ni Eufritz. Pinilit niyang ngumiti. ‘Infairness, nakapag-isip siya kaagad nang sasabihin niya.’
Hindi dapat paniwalaan ni Eufritz ang mga sinabing iyon ni Nicollo dahil alam niya sa kanyang sarili na hindi iyon totoo. Ngumiti na lamang si Eufritz.
Pagkatapos nang pagpapalitan nila ng vows ay ang pagpapalitan at pasusuot naman ng singsing sa isa’t-isa. Pagkatapos ay nagpatuloy pa ang seremonyas ng kasal hanggang sa…
“Simula sa araw na ito, kayo Eufritz at Nicollo, bilang Mayor ng lungsod, binabasbasan ko na bilang ganap na mag-asawa. Congratulations!” masayang wika ni Mayor Rod at tumingin sa tatlong kaibigan ni Eufritz na nadoon at tanging witness sa kasalang iyon. “May I present to you, Mr. and Mrs. Tolentino,” dagdag pa niyang sambit.
Palakpakan naman ang tatlong kaibigan ni Eufritz.
“You may now kiss your wife,” wika ni Mayor Rod kay Nicollo.
Tumango-tango na lamang si Nicollo. Humarap siya kay Eufritz.
Nanatili namang nakatayo lamang si Nicollo at nakatingin kay Eufritz. Nagtatalo ang kanyang isipan kung dapat ba niyang halikan ang babaeng nasa harapan niya na ngayon ay asawa na niya. Hindi niya akalain na sa edad na bente-anyos ay magkakaroon na siya ng asawa.
Nakatingin naman si Mayor Rod at ang tatlong kaibigan ni Eufritz sa bagong kasal. Nagtataka kung bakit parang pinag-iisipan pa yata ni Nicollo na halikan na nito ang asawa.
Si Eufritz naman ay naiinis na sa kanina pang ikinikilos ni Nicollo. Paanong hindi siya maiinis? Parang ipinapakita pa ni Nicollo na ayaw talaga nitong magpakasal at parang napipilitan lang talaga ang itsura. So, bakit pa ito pumayag in the first place kung ganito lang rin naman ang ikikilos nito sa mismong kasal nila?
‘Hay! Bwisit na lalaki!’ naiinis na wika ni Eufritz sa isip niya.
Tiningnan ni Eufritz ang kanyang Ninong Rod at sa mga kaibigan niya at nagbigay ng isang pilit na ngiti. Ngiti na parang nagsasabing ‘Pasensya na sa asawa ko kung ganito ang ikinikilos niya’.
Dahil sa inis na nararamdaman at kainipan sa bagal ng kilos ni Nicollo, hindi na siya nakatiis at wala rin namang mangyayari kung tititigan lamang siya ni Nicollo kaya siya na ang gagawa ng first move.
Mabilis na kumilos si Eufritz. Bigla niyang hinawakan ang collar ng suot na polo ni Nicollo na nagulat naman at nanlaki ang mga mata.
Hinila ni Eufritz si Nicollo palapit sa kanya. Inilapit ang kanyang mukha saka ginawaran niya si Nicollo ng halik sa labi. Naramdaman ulit ni Eufritz ang malambot na labi ni Nicollo.
Nanlaki naman lalo ang mga mata ni Nicollo sa ginawa ni Eufritz na paghalik muli sa kanyang labi. Bakit ba ganito palagi ang nararamdaman niya sa tuwing magdadampi ang kanilang mga labi ni Eufritz? Parang kakaiba? Nakakapanlaki ng mata ang bawat pagdampi ng labi ni Eufritz sa labi niya.
‘Sh*t! Nababaliw na naman ako dahil nakakaramdam na naman ako ng kakaiba,’ sa isip-isip ni Nicollo.
Para naman kay Eufritz, normal na sa kanya ang halikan ang isang lalaki sa labi nito. Ewan ba niya kung bakit naging normal na para sa kanya iyon. Kunsabagay, sa ibang bansa nga, normal lang ang makipaghalikan sa kung sino-sinong tao.
Tumigil na sa paghalik si Eufritz sa labi ni Nicollo at lumayo ng bahagya rito. Ngumiti ito ng matamis sa asawang si Nicollo na ngayon ay nanlalaki pa rin ang mga matang nakatitig sa kanya.
“You like my kiss right, Honeylove?,” pabulong na sabi ni Eufritz kay Nicollo in a seductive tone.
Bumalik naman sa katinuan si Nicollo. Bumalik din sa dati ang expression ng mukha nito.
Narinig naman nila ang palakpakan ng mga taong nasa loob ng opisina ni Mayor Rod at naging saksi ng kanilang kasal. Panay ang ngiti ni Eufritz samantalang si Nicollo, poker face.
---
“Wow! Bestie! Hindi ko akalain na may lihim ka pala sa amin,” hindi makapaniwalang wika ni Jaime, the girl with straight black hair. Mas maputi ang balat ng kaunti kumpara kay Eufritz. Isa siya sa best friend ni Eufritz.
“Oo nga, Bestie! Akala ko ba kaibigan mo kami?” may himig ng pagtatampo na tanong naman ni Andi, the girl with short light brown hair.
“Lihim na pala kayong may relasyon ng tinaguriang campus heartthrob ng school natin at ngayon, asawa mo na siya,” sabat naman ni Sandra, the girl na nakaipit ng ponytail ang black wavy hair. Mas maputi kumpara kay Andi na morena.
Hindi makapaniwala ang mga kaibigan ni Eufritz sa biglaan at mabilis na pangyayaring ito.
“Kayo naman. Kaya nga tinawag na lihim, ‘di ba? Kasi lihim nga. Meron bang lihim na ilalabas kaagad?” sarcastic na pagtatanong ni Eufritz. “Saka, wag na kayong magtampo. Nandito naman kayo sa kasal ko at naging saksi pa kayo sa matamis naming pag-iibigan ni Nicollo,” ngumingiting sambit ni Eufritz sa mga kaibigang kausap ngayon dahil natapos na ang seremonyas ng kasal.
“Eh kasi naman, ngayon lang naming nalaman na may boyfriend ka pala. Hindi man lang naming nahalata,” ani ni Sandy.
“Oo nga. Tapos malalaman na lang namin na magpapakasal ka na. Galing mong magtago ng lihim, huh,” saad naman ni Andi.
Napapangiti naman si Eufritz. Syempre magaling siya. Siya kaya ang champion no’ng kabataan niya sa larong hide and seek. Hindi lang siya maganda, magaling din siya sa ibang bagay.
“Teka nga! Paano ba kayo nagkakilala ni Nicollo? Pinikot mo, ‘no?” bulong na tanong ni Jaime kay Eufritz.
Napataas naman ng kilay si Eufritz nang marinig ang tanong ng kaibigan.
“Ako? Mangpipikot? Sa ganda at sexy kong ito?” mataray na tanong ni Eufritz at itinuro pa nito ang sarili. “Hello! Hindi ko na kailangan mamikot ng gwapo para lang magkaroon ng asawa,” pagmamayabang na dagdag pa na niya.
“Oo na! Ikaw na maganda!” sarcastic na wika ni Jaime saka tumawa. “Pero paano nga kayo nagkakilala ni Nicollo?” pagtatanong pa niya.
Ngumuso si Eufritz at tiningnan ang mga kaibigan. “Secret,” nangingiting sagot niya. “Wait, ipapakilala ko kayo sa Honeylove ko.”
Iniwan muna ni Eufritz ang mga kaibigan at pinuntahan si Nicollo na ngayon ay nakaupo lamang sa isang upuan at nakadekwatro pa.
“Honeylove, halika at ipapakilala kita sa three beautiful best friend ko,” pag-aaya ni Eufritz kay Nicollo.
Tumaas ang magkabilang kilay ni Nicollo at tiningnan si Eufritz. “Ayoko,” malamig na sabi lang nito at iniwas na ang tingin kay Eufritz.
“Halika na!” pamimilit pa ni Eufritz. “Kailangan mo silang makilala, okay?” dagdag pa niya.
“Ayoko nga!” mariing pagtanggi muli ni Nicollo.
“Halika na,” pamimilit pa rin ni Eufritz.
Wala talagang balak sumama si Nicollo kaya si Eufritz, hindi basta-basta susuko at gagawa siya ng paraan. Hinawakan ni Eufritz si Nicollo sa kamay at hinila ito patayo kaya si Nicollo ay wala ng nagawa kundi ang mapatayo rin at sumama na lang kay Eufritz.
Napailing-iling na lamang si Nicollo. Mas lalo siyang nabwi-bwisit.
“Guys! He’s Nicollo. My handsome husband,” pagpapakilala ni Eufritz kay Nicollo sa mga kaibigan nito nang makalapit sila sa mga ito.
Para namang nagtwinkle-twinkle little star ang mga mata nila Jaime, Andi at Sandra. Wala ngang duda kung bakit tinaguriang Campus Heartthrob ng school si Nicollo. Napakagwapo nito kahit na sa tingin nila ay suplado ito. Mukha pa lang kasi, ulam na.
“Hoy! Kung may balak kayong pagnasahan ang honeylove ko, tigilan niyo na at kung wala kayong balak tigilan ang pagnanasa sa asawa ko, ngayon pa lang magtago na kayo dahil baka makalbo ko kayo,” galit-galitang pagbabanta ni Eufritz. “Parang gusto niyo pang maging kabit!” dagdag pa niya.
Bahagyang napangiti si Nicollo sa sinabi ni Eufritz.
“Ito naman! Hindi kaya namin pinagnanasahan ang asawa mo. Ina-appreciate lang namin ang kagwapuhan niya na tanging si Lord lamang ang may likha. Ito naman selos agad!” pagdepensa ni Jaime sa sarili.
“Che! Ina-appreciate ka dyan! If I know…” galit-galitan pa ring sabi ni Eufritz pero nangingiti ito. “Anyway, honeylove, sila ang mga best friend ko na may sayad. Si Jaime with straight black hair. Maganda at mayaman. Si Andi na morena pero maganda din at mayaman at si Sandra, ang conservative pero maganda at mayaman din. Friends ko sila since high school pa. Alam mo na, vibes na vibes kaming apat, eh,” pagpapakilala ni Eufritz sa mga kaibigan kay Nicollo.
‘Hay! Mayabang talaga. Kailangan talagang ipagduldulan sa akin na maganda at mayaman ang mga kaibigan niya? Tsk!’ sa isip-isip ni Nicollo.
Sabay-sabay na nag-Hi ang tatlong kaibigan ni Eufritz kay Nicollo.
Tumingin lamang si Nicollo sa mga kaibigan ni Eufritz saka ito bahagyang tumango. Ibinalik din nito ang tingin kay Eufritz. Ngayon lang napansin ni Eufritz na maganda pala ang mga mata ni Nicollo. ‘Yung tipo ng mata na parang nangungusap. Dagdagan pa na pure black ang kulay ng gitnang bahagi ng mga mata nito na parang may suot na contact lens.
“Sayo nagmana ang mga kaibigan mo,” pabulong na wika ni Nicollo.
Nagtaas ng kilay si Eufritz.
“Huh? Nagmana? Ng kagandahan ba?” magkakasunod na tanong ni Eufritz saka ngumiti nang matamis at nagpacute pa talaga kay Nicollo.
Umiling-iling si Nicollo.
“Hindi. Nagmana sila sayo sa pagkakaroon ng sayad,” sarcastic na wika ni Nicollo.
Natawa ang tatlong best friend ni Eufritz imbes na mainis sa sinabi ni Nicollo. Pati si Mayor Rod na nakaupo ngayon sa kanyang swivel chair ay natawa din sa narinig na sinabi ni Nicollo. Hindi naman nagjo-joke si Nicollo sa sinabi nito dahil normal pa rin naman ang boses niya na cold kung magsalita pero natawa pa rin sila.
Napasimangot naman si Eufritz at pinandilatan ng mata ang asawa na expressionless ngayon ang mukha na nakatingin sa kanya.
“Che! May sayad ka din naman! Mas may sayad ka pa sa akin,” naiinis na sabi ni Eufritz. Inirapan niya si Nicollo at tiningnan ang mga kaibigan niya. “Halina nga kayo, pumunta na tayo sa restaurant na pina-reserve ko para makakain na! Nakakagutom pala ang magpakasal!” maarteng wika pa ni Eufritz.
Ang tinutukoy nito ay ang restaurant na magsisilbing reception ng kasal nila. Since konti lang naman sila, hindi naman niya pina-reserve ang buong restaurant.
“Okay!” sabay-sabay na sagot ng tatlong best friend ni Eufritz.
Tumingin si Eufritz sa kanyang Ninong Rod. “Ikaw, Ninong? Hindi ka ba sasama sa amin?” pagtatanong pa ni Eufritz sa kanyang Ninong na busy ngayon sa kung anong ginagawa.
Napatingin si Ninong Rod sa inaanak nang marinig ang tanong nito. “Hindi na. Padeliver ka na lang ng pagkain dito sa opisina, pwede ba?”
Ngumiti si Eufritz.
“Of course Ninong, pwedeng-pwede ‘yan!” wika ni Eufritz.
Ngumiti ang kanyang Ninong Rod sa kanya. “Salamat… and congratulations.”
Lalong napangiti si Eufritz.
Nagpaalam na ang lahat sa butihing Mayor s***h Ninong ni Eufritz. Nang makalabas na sila sa opisina nito, naglakad na sila sa may kahabaang hallway ng city hall. Papunta na sila sa elevator kung saan doon sila sasakay para makababa na. Nasa third floor sila at doon ang opisina ni Mayor Rod kung saan ginanap ang kanilang civil wedding.
“Oo nga pala bestie, bakit civil wedding lang ang naging kasal ninyo ng honeylove mo? Pwede namang church wedding, huh kasi your rich naman,” maarteng wika ni Jaime. Minsan talaga may pagka-maarte magsalita si Jaime, yung conyo language. Sila ang halos magkalapit ni Eufritz pagdating sa pagsasalita.
“Saka na ang church wedding. Alam niyo na… blah… blah… blah…” nagsalita na si Eufritz ng walang humpay na pinapakinggan naman ng kanyang tatlong best friend.
Napapailing na lamang si Nicollo habang nakatingin ng diretso at sumusunod sa nag-uusap na magkakaibigan. Hindi niya akalain na magkakaroon siya ng asawang napakadaldal at may sayad pa.
At simula sa araw na ito, Its official, mag-asawa na sila Eufritz at Nicollo.