“If you make a DEAL, you complete an agreement or an arrangement with someone.”
“Teka nga lang, Miss!” mariing wika ni Nicollo at huminto siya sa paglalakad kaya napahinto din sa paghila sa kanya ang babae. Bumalik na sa katinuan si Nicollo.
“Bakit mo ako hinalikan sa harapan ng maraming tao?” nagsusungit na tanong ni Nicollo sa babae.
Binitawan ng babae si Nicollo. Nagharapan sila Nicollo at ang babae. Nagbago ang expression ng mukha ni Nicollo. Naging inis at galit ang makikita ngayon sa mukha niya na kanina lamang ay parang tanga.
Pakiradam ni Nicollo ay pinagsamantalahan siya ng babae. Halikan ba naman siya sa labi gayong hindi naman sila magkasintahan at lalong hindi sila magkakilala. Sinong matinong babae ang gagawin ang ganoon? Kahit na maganda ang babae sa paningin ni Nicollo, hindi pa din tama na basta-basta ay halikan siya nito.
Nakaramdam naman ng takot ang babae sa ipinapakitang expression ng mukha ngayon ni Nicollo.
‘Kaloka! Nakakatakot naman siya! Tama nga ang sinasabi ng iba, may pagkasuplado at masungit ang pag-uugali ng lalaking ito,’ sa isip-isip ng babae habang diretsong nakatingin sa gwapong mukha ni Nicollo.
Nagsalubong ang kilay ni Nicollo dahil sa klase ng titig na ipinupukol sa kanya ng babaeng kaharap.
“Ano? Tititigan mo lang ba ako at hindi ka magsasalita?” masungit na pagtatanong pa ni Nicollo.
Nasa parking lot sila ng mall. Dito sila dinala ng kanilang mga paa. Walang masyadong tao sa kinalulugaran nila ngayon kaya malaya silang makakapag-usap ng walang istorbo.
Nakakaramdam naman ng pag-aalangan ang babae na sumagot.
“Uhm…k-kasi… uh… kailangan kita, eh,” maarte at nahihiyang wika ng babae. Yumuko pa ang ulo niya at pinaglalaruan ang mga daliri sa kamay na parang bata na pinapagalitan ng kanyang ama.
Lalong kumunot ang noo ni Nicollo.
“Ano? Ako? Kailangan mo?” magkakasunod na tanong ni Nicollo. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng babae. “Teka nga lang Miss, in the first place, I don’t even know you at alam ko na hindi mo din ako kilala so bakit ka sa akin manghihingi ng tulong? Bakit ako ang kailangan mo?” masungit na pagtatanong pa ni Nicollo. Ang lakas naman ng loob ng babaeng ito na manghingi nang tulong sa kanya. Pangalan nga nito hindi niya alam.
Mabilis na napatingin muli ang babae kay Nicollo with a curious expression on her face. Itinuro pa nito ang sarili.
“Me? You don’t know me? The ever gorgeous Eufritz Camille Villanueva? Hindi mo ako kilala? Huh? Seryoso ka ba?” hindi makapaniwalang wika ni Eufritz with a disgusting tone in her voice. “Hindi mo ako kilala samantalang ako ang pinakasikat na babae sa eskwelahan natin? Saan ka bang kweba nanggaling at hindi mo kilala ang magandang katulad ko?” mayabang na dagdag pa niya sa sinasabi.
Hindi na nakakaramdam ng takot si Eufritz kay Nicollo. Parang biglang nawala ang nararamdaman niyang takot para sa lalaking kaharap ngayon. Pagtataka na ang makikita sa expression ng mukha ngayon ni Eufritz. Totoo naman kasi ang sinasabi ni Eufritz, sikat talaga siya sa eskwelahang pinapasukan kung saan doon din pumapasok si Nicollo kaya hindi siya makapaniwalang hindi siya nito kilala.
Napaismid si Nicollo.
“Miss, wala akong pakielam kung sino ka at kung kilala ka man ng lahat ng tao sa mundo at ako hindi. Saka sinasabi mo ba na schoolmate tayo? So ibig sabihin ako, kilala mo?”
Humalukikip si Eufritz.
“Oo, were schoolmate and I know you since schoolmate tayo. Not literally na I know you talaga. Alam ko lang ang name mo dahil hindi mo ba alam, ikaw ang talk of the town lalo na sa mga babae sa school. Hindi ko nga alam kung ano bang espesyal sayo at kung anong meron ka kung bakit ang pangalan mo ang laging bukambibig nila. Marahil siguro kaya ka nila pinag-uusapan ay dahil sa gwapo ka pero bukod doon wala na akong nakikita pang dahilan para pag-usapan ka nila,” mahabang litanya ni Eufritz. Hindi naman ikakaila ni Eufritz na gwapo si Nicollo pero hanggang doon lang ang nakikita niya at wala ng iba pa.
Palaging nagtataka si Eufritz dahil laging nababanggit ng mga babae sa school nila ang pangalan ni Nicollo at halos magsawa na ang tenga niya dahil sa palagi niyang naririnig ang pangalan nito kaya nagpasya siyang alamin kung sino si Nicollo at ‘yun nalaman nga niya. Campus Crush ang taguri kay Nicollo. Minsan ay naiinis din siya sa mga talipandas na babaeng laging nag-uusap tungkol kay Nicollo. Palibhasa mga wala itong magawa sa buhay kundi pag-usapan lamang ang gwapo sa school nila.
Huminga nang malalim si Nicollo. Hindi niya inaasahan ang mga nalaman niya mula kay Eufritz. So lagi pala siyang laman ng usapan ng mga babae sa campus at wala man lang siya alam doon. Alam naman niya na gwapo siya pero hindi niya inaasahan na malaman na pinag-uusapan pala siya ng iba. Kunsabagay, wala naman din kasi talaga siyang pakiealam.
“Okay Miss, kung kilala mo nga ako-”
“Oo nga kilala na nga kita. Nicollo Iris Tolentino ang buo mong name, right?” pagtatanong ni Eufritz. Lalong nagsalubong ang kilay ni Nicollo habang diretso ang tingin kay Eufritz.
“Hoy! Huwag mong isipin na ni-research pa kita para malaman ko ang buong pangalan mo. Palagi ko lang yan naririnig kaya alam ko na,” dagdag pa ni Eufritz sa sinasabi. “Baka mamaya isipin mo na kabilang ako sa mga babaeng nagkakandarapa sayo. Hell no!” maarteng wika pa niya.
Napaismid si Nicollo. ‘Eh, ano bang ginawa niya kanina? Nagkakandarapa siya na habulin ako, ‘di ba?’ sa isip-isip niya.
Napailing-iling na lamang si Nicollo.
“By the way, bakit-” hindi na naman naituloy ni Nicollo ang sasabihin dahil muling nagsalita si Eufritz.
“I’m Eufritz Camille Villanueva, a fourth year beautiful college student taking a fashion designing course. Nineteen years of age. Rich and famous at hindi naman maikakaila ‘yun dahil kitang-kita naman sa itsura ko,” pagpapakilala ni Eufritz sa sarili with matching pamewang pa. “At ang pinakamahalagang sabihin sa lahat, ako ay isang magandang babae na nilikha ng ating Panginoon para tingnan ng mga kalalakihang katulad mo at gawing inspirasyon,” dagdag pa niya na parang kasali siya sa Miss U. Kinindatan pa niya si Nicollo.
Lumukot ang mukha ni Nicollo. Tiningnan niya si Eufritz mula ulo hanggang paa. Aminado naman si Nicollo na maganda nga ang babaeng kaharap niya ngayon. Mukha itong anghel. Kaya nga lang, kung ang anghel ay may halo sa tuktok ng ulo nito, si Eufritz naman ay hindi halo ang nasa tuktok ng ulunan nito kundi ay elisi ng electric fan dahil ang hangin nito. Ipangalandakan ba naman sa harapan niya ang kagandahang taglay nito? Hindi ba naman mayabang at ma-ere.
‘Grabe naman ito! Tingnan ba ako mula ulo hanggang paa?’ sa isip-isip ng medyong naiinis na si Eufritz. ‘If I know, nagustuhan mo ang nakita mo dahil maganda ako mula ulo hanggang paa,’ dagdag pa niya saka ngumiti.
Huminga nang malalim si Nicollo.
“Okay. Pwede ba patapusin mo muna ako sa sasabihin ko? Ang daldal mo sa totoo lang,” sarcastic na wika ni Nicollo kay Eufritz.
Nakangiti namang tumango-tango si Eufritz sa sinabi ni Nicollo. Iniwas naman kaagad ni Nicollo ang tingin mula kay Eufritz dahil parang may kakaiba sa bawat pagngiti nito. Parang nag-iba ang pakiramdam niya nang makita ang ngiti nito.
‘Sh*t! Umayos ka nga, Nicollo. Nababaliw ka na yata,’ sa isip-isip na sermon ni Nicollo.
Nang mapakalma ni Nicollo ang sarili ay muli niyang tiningnan si Eufritz ng diretso sa mukha.
“Anyway, bakit mo ba ako hinalikan? Sa harapan pa mismo ng maraming tao? Alam mo ba kung gaano ako naging tanga dahil sa gulat sa ginawa mo?” nagsusungit na naman si Nicollo.
“Kailangan nga kasi kita,” diretsahang pagsagot ni Eufritz.
Lalong nalukot ang makinis na noo ni Nicollo.
“Kailangan? Para saan?” nagtatakang tanong ni Nicollo. Hindi talaga niya maintindihan kung ano ang kailangan ng babaeng ito sa kanya.
Ngumuso si Eufritz.
“Gusto kong tulungan mo ako,” nagmamakaawang wika ni Eufritz. Pinagpatong pa niya ang dalawa niyang palad na parang nagdarasal.
“Tulungan?” lalong nagtataka si Nicollo.
Tumango-tango si Eufritz na parang aso.
“Oo,” wika ni Eufritz. “Gusto kong maging asawa ka kaya sana, pumayag ka,” diretsahang dagdag pa niya.
Nanlaki ang mga singkit na mata ni Nicollo dahil sa gulat sa narinig mula kay Eufritz.
‘Asawa? Nagbibiro ba siya?’ sa isip-isip ni Nicollo. Wala pa sa bokabularyo niya ang pagkakaroon ng asawa at sa tingin niya, hindi iyon masasama sa bokabularyo niya kailanman dahil mas gusto pa niyang mag-isa habang-buhay.
“What are you talking about? Are you joking? You know what? You’re talking nonsense,” hindi makapaniwalang wika ni Nicollo with matching pailing-iling pa ng ulo.
“Hindi ako nagbibiro, Nicollo. I need a husband right here and right now,” seryosong wika ni Eufritz. “Desperada na ako at wala na akong ibang maisip na paraan. My life is in danger now,” dagdag pa ni Eufritz with matching pang Best Actress na acting.
Umiling-iling si Nicollo.
“I don’t care kung nasa panganib pa ang buhay mo,” diretsahang sambit ni Nicollo.
“Honeylove naman, eh-”
“Don’t call me that way,” masungit na pagsaway ni Nicollo kay Eufritz.
“Please, help me,” pagmamakaawa pa ni Eufritz.
Todong umiling-iling si Nicollo.
“No. I will not help you,” madiin na bigkas ni Nicollo. “My life is in danger now daw. Bakit nanganganib ba talaga ang buhay mo?” pagtatanong pa ni Nicollo. Ginaya pa nito ang boses ni Eufrtiz ng sabihin niya yung huling linya na sinabi nito. ‘Niloloko ba ako nito. Baka naman scam,’ sa isip-isip pa ni Nicollo.
Tumango-tango si Eufritz. Ngumuso pa siya.
“Oo, nasa panganib ang buhay ko Nicollo. My Dad want me na ipakasal sa ex-boyfriend ko. Palibhasa close na close sila ng lalaking iyon. But I don’t want to. Ayokong magpakasal kung ang lalaking iyon lang ang makakasama ko for life.”
Ngumisi si Nicollo.
“So, wala naman pa lang masama. Ex-boyfriend mo naman siya at kilala niyo na ang isa’t-isa kaya pwede mo siyang mapakasalan. Boto pa ang daddy mo sa kanya kaya magiging happy kayong dalawa-”
“Anong walang masama? He’s a cheater! A playboy! A w***e! Lahat ng adjectives na pwedeng i-describe ang lalaking manloloko, dine-describe siya!” sabat kaagad ni Eufritz. “Ayokong makasama ang lalaking iyon!” nanggagalaiti na wika ni Eufritz.
Kitang-kita naman ni Nicollo sa expression ng mukha ni Eufritz na nasasaktan pa din ito dahil sa ex-boyfriend kaya mariin ang pagtanggi nito.
Napabuntong-hininga nang malalim si Nicollo.
“So, bakit naman ako ang naisipan mong gawing asawa? Kaya mo ba ako pinili kasi ang tingin mo sa akin, easy to get at papayag lang sa gusto mong mangyari, ganun ba?” magkakasunod na tanong ni Nicollo. May bigla namang sumagi sa isipan niya.”Teka nga lang… umamin ka nga sa akin,” dagdag pa ni Nicollo.
Nagulat na lamang si Eufritz nang biglang lumapit si Nicollo sa kanya. Inilapit din ni Nicollo ang mukha niya sa mukha ni Eufritz na natulala dahil sa kanya. Nagkatitigan sila sa mga mata. Halos magkalapit na ang distansya ng kanilang mga mukha kaya naman nakaramdam ng hindi maipaliwanag na kaba si Eufritz.
‘My gosh! Anong nangyayari sa akin? Bakit ako kinakabahan?’ sa isip-isip ni Eufritz.
Ngumisi naman si Nicollo saka itinapat niya ang kanyang bibig sa tenga ni Eufritz at may ibinulong.
“Sinusundan mo ba ako?” bulong ni Nicollo. Lumayo na din ito pagkatapos kay Eufritz.
Huminga naman ng malalim si Eufritz matapos niyang bumalik sa sarili. Grabeng kaba ang naramdaman niya.
“Uhm… eh … actually, oo,” pag-amin ni Eufritz.
Totoo ang sinasabi ni Eufritz. Lagi niyang sinusundan si Nicollo kahit saan man ito magpunta. Inaalam ang bawat kilos dahil ito ang perfect choice para maging asawa niya.
Simula nang malaman niya mula sa kanyang daddy na balak siyang ipakasal nito sa ex-boyfriend niya, nagmistula na siyang isang stalker ni Nicollo. Alam niyang hindi ito magkakagusto sa kanya at gayun din naman siya. Magkaibang-magkaiba ang mga pag-uugali nila kaya malabong magkagustuhan at mahalin nila ang isa’t-isa kahit one percent lang kaya si Nicollo ang napili niya para sa planong ito. Isang plano na binuo ni Eufritz para hindi matuloy ang pagpapakasal niya sa kanyang ex-boyfriend. Ramdam din naman niya na malapit ng maisakatuparan ang plano niyang ito. Konting push pa at bibigay din sa kanya si Nicollo.
“Bakit ako? Napakaraming lalaki dyan na pwede mong pakiusapan na maging asawa. I’m sure, papayag kaagad ang mga iyon,” wika ni Nicollo.
“Papayag kaagad sila dahil maganda ako, right?” nangingiting wika ni Eufritz with matching pag-taas-baba-taas-baba pa ng kilay at pagpapa-cute.
Lumukot naman ang mukha ni Nicollo dahil sa sinabi ni Eufritz.
“Conceited,” bulong ni Nicollo.
“Anong binubulong-bulong mo dyan?” pagtatanong ni Eufritz nang makita niya na parang may sinasabi si Nicollo pero hindi niya narinig.
Umiling-iling si Nicollo.
“Wala,” walang gana na wika ni Nicollo.
“Anyway, ‘yun nga ang ayaw ko sa ibang lalaki. Siguradong papayag kaagad sila na maging asawa ko dahil sa maganda ako at maaaring hindi na nila ako pakawalan pa oras na ipakasal kami,” pagdadahilan ni Eufritz. “Unlike you. Alam ko na hindi ka nagagandahan sa akin kahit na nagsusumigaw ang buong universe na maganda ako. Sigurado din na hindi mo ako magugustuhan kaya magiging madali lang ang lahat.”
Kumunot ang noo ni Nicollo dahil sa pagtataka.
“What do you mean na magiging madali lang ang lahat?” nagtatakang tanong ni Nicollo.
Nag-smirk si Eufritz.
“Hindi naman permanente ang kasal. Six months lang tayo magsasama bilang mag-asawa. In short, hihintayin lang na makalimutan na ni Daddy sa isipan niya na ipakasal ako sa ex-boyfriend ko and after nun, kapag nakalimutan na niya at wala na sa isipan niya ang balak niya na ipakasal ako, after din ng six months ay maghihiwalay din tayo. We will file an annulment and we will live happily ever after in our separate lives,” natutuwang wika ni Eufritz.
Napailing-iling si Nicollo. Nakikita sa mukha niya ang pagkadismaya.
“Ang dali lang sayo na sabihin ang lahat ng ‘yan. Ginagawa mong biro ang pagpapakasal. Isang sagradong seremonya ang kasal na ginagawa lamang sa dalawang taong may wagas na pagmamahal sa isa’t-isa. Pero ikaw, parang wala lang sayo ang paggamit ng kasal para lamang takasan ang kagustuhan ng daddy mo.”
Tumaas ang kilay ni Eufritz.
“Ganun din naman si Daddy, ginagamit niya ang kasal para ikulong ako sa taong hindi ko na gusto at hindi ko na gusto pang makasama hanggang sa dulo,” ani ni Eufritz. Sumeryoso siya. “Sa totoo lang, wala na talaga akong maisip na ibang paraan para hindi maikasal sa lalaking iyon. Unless, magpakasal ka sa akin at maging asawa ko. Wala ng problema. Iyon na lang ang paraan Nicollo. Ayokong masakal este makasal sa lalaking cheater na iyon,” madamdaming wika pa ni Eufritz habang ito’y nakatingin ng diretso kay Nicollo. “Hindi naman kita gagambalain kung may choice lang akong iba,” nanlulumong dagdag pa niya.
Umiwas kaagad nang tingin si Nicollo at ibinaling sa ibang lugar ang paningin. Napabuntong-hininga siya ng malalim.
“Pero ayoko talaga,” ani ni Nicollo. Muli niyang tiningnan si Eufritz. “Ayokong masali sa problema mo,” dagdag pa niya. “Maghanap ka na lang ng iba.”
Bumakas ang lungkot sa mukha ni Eufritz. Nagbuga siya ng hininga.
“Then, wala na kong magagawa kundi ang pumayag na magpakasal na lang sa lalaking iyon kahit ayaw ko. Magsasama kami sa impyerno habang-buhay,” madamdamin pa ring sambit ni Eufritz at halata ang lungkot sa boses. Nagpapaawa siya.
Huminga nang malalim si Nicollo. Hindi niya maintindihan pero nakakaramdam siya ngayon ng awa na dati ay hindi naman niya madaling maramdaman para sa iba.
“Bakit ba kasi ako ang napili mo? Marami naming iba dyan, ‘di ba?”
Umismid si Eufritz.
“Alam mo? Paulit-ulit ka sa tanong mo. Para kang sirang plaka,” naiinis na wika ni Eufritz. “Sige, once and for all sasagutin ko ang tanong mo na yan. Kaya ikaw ang napili ko dahil gwapo ka at maganda naman ako, in short, bagay tayo. Ano? Okay ba? Satisfied with my answer?” mataray na dagdag pa ni Eufritz.
‘Yabang,’ sa isip-isip ni Nicollo. Ngayon lang siya nakatagpo ng isang babaeng gaya ni Eufritz na obsess sa kagandahan niya.
Napailing-iling na lamang si Nicollo. May bahagi sa kanya na gustong pumayag sa alok ni Eufritz pero nag-aalangan din siya. Kung sakali mang papayag siya para maging asawa ni Eufritz, anim na buwan niyang titiisin ang hanging taglay nito at ang bibig nitong matabil.
Naramdaman ni Nicollo na humawak sa braso niya si Eufritz. Napapitlag si Nicollo kaya nabitawan nang nagulat na si Eufritz ang braso ni Nicollo. May naramdamang kakaiba si Nicollo kaya siya napapitlag sa paghawak sa kanya ni Eufritz. Parang nakaramdam siya ng kuryente nang dumampi ang palad nito sa braso niya. Mukhang magiging asawa pa niya ata ang kalahi ni Volta na may kapangyarihan na kuryente.
Napailing-iling naman si Eufritz at hindi na pinansin ang pagpitlag ni Nicollo.
“Please, pumayag ka na maging asawa ko. Six months lang naman ang hinihingi ko sayo. Actually, handa na ang lahat. ‘Yung pagdadausan ng kasal, ang reception. Ayos na ang lahat, ang kulang na lang ay ikaw, ang groom. Kaya please lang, kung ayaw mo pa akong mawala sa mundong ito at mabawasan ang magaganda dito, pumayag ka na maging asawa ko,” mariing pakiusap ni Eufritz. Talagang pipilitin niyang pumayag si Nicollo sa gusto niya hanggang sa huli. “Saka hindi ka na lugi kasi sobrang ganda at sexy ko. Pwede mo akong ipagmayabang sa iba, ‘di ba? Alam ko naman ang ugali ng mga lalaki, mahilig magpayabangan ng magandang jowa,” paawa-effect at may pagka-OA na sabi ni Eufritz habang nakatitig ang mga mata niya sa mga mata ni Nicollo.
Kaagad na iniwas ni Nicollo ang mata niya sa mga titig ni Eufritz. Bakit parang may kapangyarihan ang mga mata nito? Parang nahi-hypnotized siya? Kundi pa iniwas ni Nicollo ang tingin mula kay Eufritz, malamang ay wala siya sa sariling tumango-tango at pumayag sa kagustuhan nito. ‘Yung tingin ni Eufritz ay isang klase ng tingin na talagang makakapagpapayag ng kung sino man na ibigay ang hinihiling nito.
Nagbuga nang hininga si Nicollo. Kinalma niya ang sarili pagkatapos ay muli niyang tiningnan si Eufritz.
“Ano namang magiging kapalit kung sakaling papayag ako sa kagustuhan mo?” pagtatanong ni Nicollo.
Tumaas muli ang kilay ni Eufritz.
“Kapalit?” takang-tanong ni Eufritz.
Nag-smirk si Nicollo.
“Oo, kapalit,” saad ni Nicollo. “Sa mundong ginagalawan natin ngayon, lahat ng hinihinging pabor ay may kaakibat na kapalit. Dapat alam mo ‘yan,” dagdag pa niya. “Hindi ka lang dapat take nang take, dapat nag-gi-give ka din.”
Napatango-tango naman si Eufritz sa sinabi ni Nicollo. Naiintindihan niya. Tama si Nicollo, lahat nang hinihinging pabor ay may kapalit.
Nag-isip naman si Eufritz. Inilagay pa nito ang hintutrong daliri sa baba nito at parang seryoso sa pag-iisip.
“Alam ko na!” biglang sabi ni Eufrtiz at animo’y may lumabas na light bulb mula sa ulo nito. “Magiging slave mo ako hanggang sa matapos ang six months ng pagiging husband and wife natin. Ano? Deal or no deal?” nangingiting tanong ni Eufritz. Tumaas-baba-taas-baba pa ang dalawang kilay niya at mala-Kris Aquino na iminuwestra ang dalawang kamay kasabay nang pagkakasabi niya ng Deal or No Deal.
‘Slave? Hmmm… hindi na masama. May maganda na akong utusan na susunod sa mga ipag-uutos ko,’ sa isip-isip ni Nicollo. Napapangiti pa siya.
Iniimagine ni Nicollo na may suot siyang korona ng isang hari sa kanyang ulo habang nakaupo siya sa upuan na gawa sa ginto at pinupunasan ng alipin niyang si Eufritz ang kanyang mga paa. Feeling niya ay magiging hari na siya at si Eufritz naman ang dakilang alipin niya.
Pero naisip din ni Nicollo, saka na lang siguro niya sasabihin ang gusto niyang kapalit sa pabor na hinihingi nito. Mamaya, kapag inutos-utusan na niya ito, hindi nito magawa ang mga gusto niyang ipagawa. Saka wala namang mawawala kay Nicollo kung papayag man siya sa kagustuhan ni Eufritz. After six months, maghihiwalay din sila at magiging masaya sa kanya-kanya nilang buhay.
Muling tiningnan ni Nicollo si Eufritz.
“Sige at pag-iisipan ko na lang muna kung anong gusto kong kapalit ang nais kong makuha mula sayo,” wala namang ginagawa si Nicollo at boring ang buhay niya kaya papayag na lang siyang makipaglaro sa gustong laro ni Eufritz.
“Ganun? So ibig bang sabihin nyan, pumapayag ka na? It’s a deal na ba?” tanong ni Eufritz.
Nagtaas-baba ang ulo ni Nicollo.
“Oo. Deal. Pumapayag na ako basta ba tutuparin mo kung anuman ang hihilingin kong kapalit mula sayo-”
Nagulat si Nicollo ng bigla na lang siyang niyakap ni Eufritz. Tuwang-tuwa si Eufritz na marinig na pumayag na si Nicollo sa gusto niya. Hindi lang alam ni Nicollo pero napakahalaga para kay Eufritz ang pagpayag nito.
Natulala naman si Nicollo sa ginawang pagyakap sa kanya ni Eufritz.
“Thanks! Sa wakas at napapayag din kita. Hindi mo lang alam pero iniligtas mo ang buhay ko,” tuwang-tuwa na litanya ni Eufritz. “Hayaan mo, magiging mabuting asawa ako sayo for six months. Hindi ka magsisisi na pumayag ka sa kagustuhan ko. Hindi ka din magsisisi na si magandang si ako ang napangasawa mo,” masayang-masaya at may pagka-OA na sabi ni Eufritz. Akala naman niya ay mamamatay na siya oras na ipakasal siya sa ex-boyfriend niya. Napakalaki ng ngiti sa labi ni Eufritz.
Naramdaman ni Eufritz na hindi gumanti nang yakap sa kanya si Nicollo at parang hindi ito gumagalaw kaya bumitaw siya sa pagkakayakap dito. Nakita ni Eufritz na tulala si Nicollo. Kumunot ang noo niya.
“Hoy!” sigaw ni Eufritz sa harapan ni Nicollo. Bumalik naman sa katinuan si Nicollo nang magulat siya sa sigaw ni Eufritz. “Natulala ka na dyan?” dagdag na wika ni Eufritz.
Sumimangot naman si Nicollo dahil sa sinabi ni Eufritz. Hindi ba niya alam kung bakit ganito ang epekto sa kanya ng babaeng ito.
“Ngumiti-ngiti ka naman dyan. Kaya ka nababansagang suplado, eh. Hindi ka kasi palangiti. Siguro mas lalo kang ga-gwapo kung ngingiti ka dahil sabi nga ng iba, ang pagngiti ay nakakaganda at nakakagwapo kaya ngumiti ka na,” ani ni Eufritz habang nakatingin kay Nicollo. Ngumiti siya ng matamis.
Lalo namang sumimangot si Nicollo. Napaismid at napailing-iling na lang tuloy si Eufritz.
‘Kailan ko kaya makikita ang ngiti ng soon to be husband ko,’ sa isip-isip ni Eufritz. Gusto niya iyong makita kahit once lang.
“Anyway, ngayong pumayag ka na magpakasal sa akin. Ipinapaalam ko lang sayo na bukas… bukas na ang kasal natin. Bale, si Mayor na ninong ko ang magkakasal sa atin, okay? Kaya huwag na huwag kang mawawala at aatras dahil sinasabi ko sayo, hahantingin talaga kita. Hahanapin kita kahit sa north pole ka pa magpunta,” madiin na pagbabanta ni Eufritz with matching panlalaki ng mata.
Nanlaki naman bigla ang mga mata ni Nicollo.
“Ano?! Bukas na ang kasal natin?!” sigaw sni Nicollo dahil sa gulat sa narinig mula kay Eufritz.
Tumango-tango si Eufritz with matching big smile.
“Yes! Bukas na nga!” nangingiting sagot ni Eufritz.
Hindi naman makapaniwala si Nicollo na nanlalaki na lamang ang mga matang nakatingin kay Eufritz.