HINDI NAALIS sa isip ni Liam ang madungis na dalagang humarang sa kanilang daraanan kanina nang dahil sa alaga nitong biik. Kung wala lamang doon si Dylan ay hindi niya ito uurungan at ipakikita sa babae kung sino ang sinagot-sagot nito nang pabalang. Talagang iritable siya sa mga dukhang katulad ng babaeng iyon, mga mahihirap na hindi marunong lumugar at mas lalo pang binababa ang sarili dahil hindi man lamang marunong mag-ayos upang kahit papaano ay maging kaaya-aya ang hitsura sa kabila ng kahirapan ng buhay ng mga ito.
“Rafael, sino ang babaeng iyon at saan nakatira?” tanong niya sa mayordomo dahil sa inis pa rin na nararamdaman. Tiyak siyang tauhan lamang ito sa hacienda at mukhang trabahador sa koral.
“Nasisiraan ka na talaga, Liam. Pati ba naman ang babaeng ‘yon tuturuan mo ng leksyon.” Napailing na lamang si Dylan sa kaniyang kalokohan.
“I just wanted to know, tiyak na magkikita kami ulit. At talagang mapapahiya siya sa oras na ‘yon.” Umismid siya at pinag-ekis ang braso sa dibdib. Ang pagiging matapobre ni Liam ay isa sa ugaling kinaiinisan sa kaniya ng kaniyang ama. Kahit saan siya nito dalhin ay bitbit niya ang masama niyang pag-uugali.
“Si Piper po. Anak siya ng mga mambubukid sa farm. Mabait na bata ho iyon, Senyorito. Hayaan n’yo po at kakausapin ko. Mukhang nanibago lamang po sa inyo dahil ito ang unang pagkakataon na nakita at nakaharap niya ang anak ng Don,” paliwanag ni Rafael na hindi pa rin sinang-aayunan ni Liam.
“Tsk! Wala siyang modo, don't tell me na hindi niya ako nakilala. Sakay ako ng mamahaling sasakyan kasama mo. Isn’t it obvious?” Kinalakihan na ni Liam ang pang-aalipusta sa mga taong batid niyang mas mababa sa kaniya. Napakarami niyang kakaibang katangian na malayong-malayo sa kaniyang ama. Si Don Alejandro Villarama ay napakabait at matulungin. Malayong-malayo sa kasalukuyang pag-uugali ng nag-iisa nitong anak na si Liam.
“Stop it, Liam. Bababa talaga ako sa sasakyan na ‘to at uuwi na sa Maynila.” Napailing na lamang si Dylan at tumingin sa magandang tanawin sa labas ng sasakyan. Talagang napakaganda ng Hacienda Villarama. Mula sa itaas o sa baba man, sakay ng sasakyan ay hindi maitatanggi ang karangyaan ng malawak na bukid at ang masaganang mga tanim at alagang mga hayop doon. Hindi lubos maisip ni Dylan kung paano ipinagkatiwala ni Don Henry ang ganito kalaking property sa pasaway nitong anak. Mabuting kaibigan naman si Liam, ngunit napapaisip si Dylan kung sakaling hindi siya ipinanganak na mayaman at sopistikado ay tiyak na mamaliitin lamang din siya nito kung nagkataon. Napakaarugante ni Liam at marami pang pangit na ugali, ngunit sapat na kay Dylan ang pagiging mabuti niyang kaibigan dito. Hindi na nito pinakikialamanan ang pag-uugaling mayroon siya sa harap ng ibang tao.
“Fine, bilisan mo na lang ang pagmamaneho Rafael. Hinihintay na ako ng abuelo at abuela ko.”