ANG BUONG akala ni Piper ay nagbago na ang lalaking kaharap. Ngunit nagkamali siya. Hanggang ngayon ay pilyo pa rin ito at nakasisira ng araw. “Ano ho ang ihihingi ko ng tawad, Señiorito? Alam kong mahirap lamang ako, pero hindi ako humihingi ng pasensiya sa taong wala naman akong ginawang mali.”
Liam’s forehead knotted. “Wala? Talaga?”
Tumaas ang kanang kilay ni Piper. Hindi siya magpapatalo sa lalaking ito. Batid niya kung ano ang tama at mali, at nananamantala ang binatilyo. Talagang napakasama ng ugali nito gaya ng kaniyang madalas na naririnig na bulungan ng mga tagabaryo hanggang dito sa pamilihan. Ang lalaking kaharap ay walang sinasanto. Totoo nga ito dahil minsan na silang nagkadaumpalad at hindi niya nagustuhan ang pag-uugali na ipinakita nito. Napakalayo sa ugali ng sariling ama. “Wala ho akong ihihingi ng tawad,” matigas niyang tugon.
“Seriously? Dinumihan mo ang sasakyan at pakalat-kalat ka sa daraanan. Was it not enough to say sorry?” Naglaho ang ngiti ni Liam. Napalitan ito ng pagkabagot. Sumikat ang init ng araw na kanina ay natatakpan ng makapal na ulam, ngayon ay nasa ilalim na siya ng initan.
“Wala akong kasalanan, Señiorito. Kung may dapat ka mang sisihin, siguro ay ang biik ‘yon.” Nag-irap siya ng mga mata at humarap sa ginang. “Sandali lamang po, Aling Karmen, may titignan lamang ako sa may likod.”
Tumango lamang ang ginang.
Kaagad siyang naglakad paalis at iniwan ang lalaki na nabababad ang kaputian sa ilalim ng sikat ng araw.
“Damn you,” mahinang sambit ni Liam at tumalikod na rin. Naglakad siya pabalik sa sasakyan at mahinang napahampas sa manibela. “Siraulong babaeng ‘yon, humanda siya sa ‘kin!”
Hinayaan na lamang ni Piper ang lalaki. Mas mahalaga ang kaniyang trabaho kumpara sa pakikipagtalo rito. Ngayon ay sabado kaya naman sarado ang tahian na kaniyang pinapasukan. Kapag ganitong araw naman ay nagbabantay siya ng tindahan ni Aling Karmen sa pamilihan upang kahit papaano ay may kitain. Mas gugustuhin pa niyang magtrabaho kaysa makipagtalo sa walang modong lalaking iyon. Kahit anak pa ito ng presidente ng bansa ay hindi niya sasantuhin.