BINALIKAN ni Piper ang mga naiwang kagamitan sa malaking puno ng acacia kung saan madalas siyang tumambay ng mag-isa at magpinta. Ito lamang kasi ang siyang pinagkakaabalahan niya sa buong araw pagkatapos ng trabaho sa tahian. Bukod sa ginagawa niyang pagtulong sa sakahan ay ume-extra pa siyang mananahi ng mga sako. Malaking bagay rin ang kinikitang roon pantustos sa pang-araw-araw nilang gastusin. Pabagsak siyang naupo sa damuhan at inayos ang mga gamit sa eco bag na dala-dala. Talagang magaling siya sa pagguhit at pagpinta ngunit hindi niya ipinapaalam sa lahat. Bukod tangi ang kaniyang mga magulang na sinosuportahan naman siya sa nais na gawain. Ang totoo pa nga’y isinasabit niya sa kanilang bahay ang kaniyang mga nilikhang artwork.
“Piper! Sabi ko na nga ba’t narito ka.” Lumapit sa kaniya ang kaibigan na si Ising. Maiksi ang itim nitong buhok, hindi man katangusan ang ilong at may kayumangging balat, si Ising ang nag-iisa niyang kaibigan. Mailap kasi siya sa mga kaedaran sa bukid, lalo na sa mga lalaki.
“Bakit?” tanong niya at tumayo nang maayos niyang tuluyan ang mga gamit. “May problem aba? Hindi mo naman ako madalas hanapin.” Mahinhin siyang tumawa at iniipit sa likuran ng tainga ang ilang hibla ng kulot niyang buhok na humaharang sa kaniyang mukha. Si Ising lamang din ang nakaalam kung saan siya dapat hanapin sa oras na nakalabas na siya ng tahian.
“Ito!” Iniabot sa kaniya ng kaibigan ang hawak nitong papel. “Hindi mo pa ba ‘yan nababalitaan?”
Kumunot ang kaniyang noo at tinanggap ang papel. Pinasadahan niya ito ng tingin at binasa. “Sagala?”
“Oo, ‘di ba’t malapit na ang fiesta? Kaya ayan, nag-uumpisa na silang humanap ng reyna’t hari.” Tumawa ito. “Aba’y kung maganda lang ako, ako na ang sasali riyan. Kaya lang ay hindi ako biniyayaan ng kagandahan katulad mo.”
“Ano naman ang pakialam ko riyan?” Ibinalik niya ang flier sa kaibigan. Hindi siya interesado roon.
“Seryoso ka ba? O talagang nahihibang ka lang?” Sumimangot si Ising. Hindi makapaniwala sa kaniya.
“Bakit?”
“Sira ka ba? Kaya ko nga ipinakita sa ‘yo, bakit hindi ka sumali? Hindi ‘yan boluntaryo aba! Ang mapipiling reyna at hari ay makatatanggap ng sampung libo. Binigyang pansin talaga iyan ng Don Alejandro. Lahat ng lalahok ay may premyo. Talagang bongga ang piyesta sa ‘tin ngayon.” Bahagya pa itong kinilig.
“Ano naman?”
Sumimangot si Ising. “Ang hirap mo namang silawin sa pera. Aalukin sana kitang sumali, dahil sayang naman ang premyo. Isa pa’y sigurado akong malaki ang pag-asa mong mapili. Bukod sa ‘yo wala na akong makitang kahit sino rito sa hacienda ang mas gaganda pa sa ‘yo.”