MALALIM siyang napabuntong hininga. “Hindi naman sa mahirap akong silawin. Nagdadalawang isip lang ako dahil hindi ko pa nararanasan sumali sa ganiyang mga palahok. Alam mo naman kahit noon pa’y hindi ko naranasan sumali sa ganiyan. Wala rin akong kapal ng mukha at lakas ng loob.” Totoo ang kaniyang mga tinuran. Aminado siyang may hitsura at madalas siyang puriin ng mga tao sa hacienda na siya nga raw ay maganda, binansagan pa nga siyang ‘Marimar’ ng mga ito dahil sa kulot niyang buhok at magandang mukha. Subalit hindi iyon sapat. Kulang ang lakas sa kaniyang dibdib upang sumali sa ganoong patimpalak.
“Tutulungan kita riyan.” Ngumisi si Ising. “Dapat mo lang isipin ang tungkol sa premyong maaari mong matanggap. Malaking bagay iyon para sa maintenance na gamot ng mga magulang mo.”
May kung anong humaplos sa kaniyang puso. Tama nga ito. Talagang gipit sila sa pera lalo na ngayong nagkakasakit na ang kaniyang mga magulang at may mga gamot nang kailangan inumin araw-araw. Napakagastos. Ngunit paano kaya iyon? Mahina ang kaniyang loob patungkol sa ganoong bagay.
“Akong bahala sa ‘yo. Susuportahan ka ng lahat dito sa bukid.”
“Malabo iyan. Nakalimutan mo na yata si Aling Flor na ayaw na ayaw sa ‘kin dahil nga sa anak niyang si Ruben. Akala mo nama’y papatulan ko ang anak. Wala naman akong balak.” Sumimangot ang kaniyang mukha at pinag-ekis ang palad sa dibdib. Hindi nagtagal sa pagsusungit sa kaniya ng ginang na binanggit ay kinaiinisan niya na rin iyon. Galit ito sa kaniya at minsan siyang tinawag na malandi nang dahil sa pagkakagusto ng ilang mga kalalakihan sa kaniya. Ganoon pa man, wala siyang balak na magpaligaw kahit kanino pa man. Saka niya na lamang iisipin ang tungkol sa bagay na iyon sa oras nakapagtapos na siya ng pag-aaral.
“Hayaan mo siya.” Humagikgik si Ising. “Ano payag ka na ba? Tutulungan kitang gumawa ng gown mo. Ang sabi kasi ay dapat yar isa recycle.”
Tumango siya. “Oo, sige. Kailangan ko ng pera.”
“Yehey!” Tumalon-talon si Ising at niyakap siya. Hindi niya alam kung bakit mas tuwang-tuwa ito kaysa sa kaniya. Isa pa’y talagang pinilit pa siya nito. Ngunit kahit ganoon pa man wala siyang pakialam doon, ang tanging bagay na iniisip niya ay tungkol sa premyong maaaring matanggap sa oras na siya ang mapili.
“Halika nan ga. Magpapakain pa ako ng mga baboy.”
“Ang sipag mo talaga. O siya’t tar ana. Excited ako, Piper, alam mo ba?”
Nagsimula na silang maglakad pauwi ng kani-kanilang bahay.
“At bakit naman?”
“Pangarap ko kasi iyan, pero hindi naman ako maganda—”
“Maganda ka! Sinong nagsabing hindi?”
Tumawa si Ising. “Kaya kahit sa kaibigan ko man lang makita. Okay na ako.”