AFTER three months.
Napaangat ng tingin si Erra nang may maglapag sa ibabaw ng table niya. Bumungad ang nakabusangot na mukha ng kaniyang kaibigan.
"Ano meron diyan?" tanong ng dalaga sa inilapag nitong iced coffee na may note pa sa ibabaw. Umikot ang mga mata ni Blessy at padabog na umupo sa tabing upuan nito.
"Ewan ko ba kung bakit palagi niyang dinadaan sa akin yung pagbibigay ng pagkain sa iyo. Ano akala niya sa akin delivery man?" reklamo ni Blessy. Tinawanan naman siya ni Erra at tinignan ang note na nakadikit doon. Sa sulat kamay pa lang ay alam na kaagad ni Erra kung kanino nanggaling ang inumin na 'yon.
"Eh, ikaw lang naman kasi ang kaibigan ko na madaling utuin," pang-aasar ni Erra dahilan ng lalo pang pagbusangot ng mukha ni Blessy. Hinarap naman siya ng kaibigan at napangisi.
"Maka-ikaw lang, ah. Akala mo naman napakarami mong kaibigan. For your information, Miss Erra Nagata, ako lang ang tanging kaibigan mo na tumagal sa iyo. Baka gusto mo pang isa-isahin ko 'yong mga kaibigan mo noon na pina-plastic ka lang naman," paalala ng dalaga. Inabot naman ni Erra sa kaniya ang iced coffee na ikinakunot noo ni Blessy.
"Oh, ayan inumin mo para naman lumamig ang ulo mo. Napakaaga pero nakabusangot na kaagad 'yang mukha mo. Hindi na nakapagtataka kung bakit palagi kang pinagkakamalan na masungit."
Hindi nag-abalang kunin ni Blessy ang inumin at sumandal sa kaniyang upuan. Ibinaba naman ni Erra ang hawak na inumin sa lamesa.
"Paano ba naman kasi iniwan mo ako sa condo tapos pagdating ko pa rito ay magdadala lang ako ng inumin mo?" reklamo ni Blessy. "Sabihin mo nga sa akin, girl. Kailan mo ba balak sagutin 'yang manliligaw mo at para naman tumigil din sila sa pangungulit sa akin?"
Natigilan si Erra at hindi makasagot. Last year na nila sa college at alam ng dalaga na apat na taon niya na ring bina-busted ang manliligaw niya, pero sa apat na taon na 'yon ay hindi pa rin ito tumitigil. Ayaw niyang magka-boyfriend dahil alam niyang dagdag lang 'yon sa problema niya. She's an independent woman. Kailangan niyang magsumikap para sa sarili niya.
Ngunit ang tanging paraan lang para tigilan siya ng manliligaw ay kapag may naipakilala na siyang boyfriend, pero ang tanong... ay paano ito titigil kung ayaw niya ngang magka-boyfriend? Mukhang wala na talaga siyang takas.
"Tameme ka, girl? Hindi ka masagot? Huwag mong sabihin na balak mong paabutin 'yan hanggang apocalypse?" tugon ni Blessy. Nagkibit balikat naman ang dalaga. "Kung balak mong paabutin, sabihin mo lang sa akin para maaga pa lang ay ako na ang tatapos sa'yo."
"Kaya mo ba?" paghahamon ni Erra. Lumapit naman si Blessy sa kaniya at para bang aamba na hahampasin si Erra dahilan ng pag-ilag nito. Agad naman nag-peace sign si Erra at ngumiti. "Sabi ko nga at kaya mo."
"Tsk," singhal ni Blessy at umayos ng upo. Inilabas niya ang phone sa bag at may tinignan doon bago niya ipakita ito kay Erra. "Remember her?"
Napatitig naman nang maigi si Erra sa pinakita sa kaniya ng kaibigan. Napatango naman si Erra nang mapagtanto na ito 'yong babae na nakasalubong nila noong nakaraang linggo na madumi ang suot at umiiyak sa terminal ng jeep.
"Is that Maria Ghay?" paninigurado ni Erra. Tumango naman si Blessy at tinago na ang cellphone sa bag. "Ano meron sa kaniya?"
"Nakasalubong ko siya kanina sa gate and she was asking for help," pagkuwento ni Blessy.
Naalala ni Erra 'yong araw na nalaman niya kung bakit ganoon na lang nila nadatnan si Maria sa terminal. Napalingon ang dalaga sa kaniyang paligid at dahil hindi pa naman ganoon karami ang tao ay binalik niya ang tingin kay Blessy.
"Ang kuwento niya sa akin ay pinalayas na daw siya ng tita niya sa kanila. Wala siyang ibang mapuntahan lalo na ngayon na kailangan niyang tapusin ang pag-aaral niya dahil doon na lang siya umaasa," patuloy ni Blessy. Napaisip naman si Erra at hindi naman siya ang klase ng tao na hahayaan na lang ang ganoong bagay. "Balak ko rin sana siyang ipasok sa milktea shop ko since balak na rin umalis ni Jovy next month. Ano sa tingin mo?"
"'Yong gamit mo ba sa stock room, nakuha mo na?" tanong ni Erra. Tumango naman agad si Blessy. "If you are okay with this set up. Puwede muna siyang tumuloy sa atin habang naghahanap pa siya ng matutuluyan. Tutal ay isang taon na lang din naman ay ga-graduate na tayo."
"Are you sure? Sa akin okay lang din naman. Naaawa rin kasi ako sa kaniya," tugon ni Blessy at sumang-ayon naman agad si Erra. Inilabas muli ni Blessy ang kaniyang cellphone na may ngiti na sa labi. Napangiti naman din si Erra nang makita ang reaksyon ng kaibigan.
Kahit na halata sa mga mukha nila ang pagiging masungit ay hindi pa rin nawawala ang ugali nila na pagiging matulungin. Kung alam lang ng maraming tao kung anong ugali ang pinapakita nila ay baka patayuan pa sila ng rebulto.
Ilang minuto ang nakalipas ay dumating na rin ang iba nilang classmate at may kaniya-kaniya nang diskusyon. Napatigil lang ang lahat nang marinig nila ang isang kaklase na nagsisigaw na pumasok sa loob ng silid.
"Guys, may transferee sa block natin," kuwento ng isang lalaki pagkapasok ng classroom. Agad naman na nagkatinginan sina Blessy at Erra na para bang nag-uusap.
"Puwede pa ba 'yon? Hindi ba at last year na natin sa college?" tanong ng isa nilang kaklase.
"Hindi ko alam, pero narinig ko kasi kanina sa office na matataas daw ang grades niya kaya pumayag na 'yong dean," sagot ng lalaking nagkuwento, "isa pa ay magkakilala yata 'yong parents niya at 'yong may-ari ng school na 'to kaya hinayaan siyang lumipatt dito kahit alanganin na."
Hinampas naman siya ng babaeng kausap.
"Chismosa ka talaga, Ian," wika ng dalaga at napapakamot naman sa ulo ang lalaki. Sunod-sunod naman ang bulungan ng mga estudyante sa loob ng room at pinag-uusapan ang bagong lipat na tinutukoy ng kaklase nila.
May ibang humihiling na sana lalaki ang bagong transfer na student at may itsura para daw magkaroon sila ng inspirasyon na pumasok. May iba naman na hinihiling na sana matalino para maasahan sa mga group work. At may ilan naman na walang pakialam kung sino ang transferee lalo na ang magkaibigan.
Mayamaya pa ay nagulat ang lahat nang pumasok ang dean at professor nila. Sabay-sabay naman na nagsipagtayuan ang lahat para bumati. Nang makaupo ay nagtataka na ang lahat kung bakit nandirito ang dean nila. Madalas kasi ay nasa office lang naman ito at nakikita lang ang dean kapag may event ang school nila.
Lahat ay nagsipaglingunan nang pumasok ang isang lalaki na naka-school uniform. Walang reaksyon ang mukha nito, pero mas nakadagdag pa yata ang ganoong look para maintriga ang mga babaeng kilalanin siya.Kung ihahalintulad ang itsura nito sa hollywood actors ay parang si Manu Rios.
"OMG, girl!" gulat na sabi ni Blessy nang mapagtanto kung sino 'yong lalaking nasa harapan. Sunod-sunod naman ang mga bulungan ng mga estudyante sa loob ng silid.
"Is that—-" Hindi na natapos ni Blessy ang sasabihin nang sumagot si Erra.
"Yes, the one that I told you about before. The one who pulled me at the mall. And the one who introduced me as his fake girlfriend."
"Good morning, everyone. I'm Reed Vielle," pakilala ng lalaki sa harapan.