Ang Pagibig ng Aswang ending(Chapter 11)

1987 Words
Agad hinanap ng ina ni Lilia ang formula na naitapon ni Joshua hanggang sa pinagpalang nahanap niya ito kaya't itinago niya agad. Pinapasok niya ang dalawang apo sa loob ng bahay. "Mga apo, huwag n'yo sanang isumbong kahit kanino ang mga nakita n'yo ngayon sa loob ng clinic. Lalong-lalo ka na, Romulo. May isip ka na." "Opo, lola. Sina Mama at Papa po? Makakabalik pa po ba sila?" tanong ni Romulo nang napahagulgol si Ella. "Hindi na, apo. Kinuha na sila ng Diyos," sagot nito at niyakap sila ng matanda para pagaanin ang kanilang loob habang umiiyak. Lumipas ang araw ay ipinasara niya ang clinic. Nilagyan ng karatula para walang makapasok. Nag-arkila din sila ng mga tauhan para linisin ito. Nilinis ng sampung tao ang clinic. Inalis lahat ng bangkay ng mga nagtatrabahong nurse, guwardiya, at mga pasyenteng pinaslang ni Kasyo. Mga pugot na ulo't katawan ay siniguro ng lola nina Romulo na wala man lang makikitang bahid ng ebidensya, kaya't inilibing lahat ng bangkay sa basement ng clinic. Kapalit din niyon ay ang pagbabayad ng malaking halaga sa sampung taong naglinis ng iniwang gusot ni Kasyo. Ngunit dumating din ang araw na napansin niyang nagdududa ang isa sa mga naglinis ng clinic. Tila ikakalat na may nangyaring kababalaghan at hindi lang haka-haka na may m******e na nangyari roon dahil sa mga walang laman na tiyan at putol-putol na katawan ng mga namatay na pasyente at mga nurse. Kaya napilitan din ang lola nina Ella at Romulo na gamitin ang pagiging mambabarang nito para patayin ang sampung taong inarkila niyang maglinis sa clinic. Sa pamamagitan ng itim na pambabarang niyang ritwal ay pinatay niya ang mga ito isa-isa. Dahil nakuha ng matanda ang lahat ng ari-arian ng dalawa niyang apo ay pinabuksan ulit niya ang clinic para may mapagkakitaan sila. Mahal na mahal niya ang kanyang mga apo kaya't di niya masyadong ginastos ang pera nina Joshua at Lilia. Naglakbay pabalik sa bayan nila ang matanda kasama ang mga apo nito upang hingin sa angkan nilang mambabarang ang isang agimat kung saan hindi siya puwedeng hawakan man lang ng aswang o ano mang mabangis na hayop o tamaan lang ng bala. Hindi rin ito mawawalan ng bisa kumpara sa formula. Ibinigay niya ito kay Romulo dahil alam niyang kahit anong oras ay babalikan sila ni Kasyo, lalo na't gustong-gusto ng matandang aswang na ipasa ang pagiging pinunong aswang sa kanyang apong lalaki. ~~~ Makalipas ang ilang taon ay inabot na ng disi-otso si Romulo at tumatanda na ang lola nito. Patuloy pa rin ang clinic at marami na rin ang nagtatrabaho roon na tumutulong sa mga maysakit sa bayan ng Luisita. "Romulo at Ella, mga apo ko. Puwede na ninyong makuha ang mana n'yo dahil umabot na ang isa sa inyo ng disi-otso," wika ng matanda. "Romulo, dahil graduate ka na ng high school, gusto kong kunin mo ang kursong pagdodoktor o kahit Pharmacist. Para mapag-aralan mo ang formula ng gamot na ipinaiinom ng tatay mo sa nanay mo. Para alam mo rin kung paano kontrolin si Ella kapag nagdisi-otso na siya. Mahihirapan siyang kontrolin ang katawan niya kapag umepekto na ang pagiging aswang niya. Huwag na huwag mong pabayaan ang kapatid mo." Biglang umiyak si Ella at nag-walk-out kaya sinundan ito ni Romulo. "Ella, ano ba? Bakit ganoon ka kay lola? Wala kang respeto." "Kuya, kasi. Sa dami ng mga tao rito sa mundo, bakit ako pa ang naisumpa sa ganyang mga bagay? Ayaw kong maging aswang!" pasigaw na sabi ng dalaga habang umiiyak. "Tahan na. Gagawin ko ang lahat para makaiwas ka sa sumpang 'yan," sabi ni Romulo at niyakap si Ella. Bumalik sila sa kuwarto kung saan naroon ang lola nila. Nakahiga ito habang nakatingin sa may bintana. Umupo ang magkapatid sa harap ng lola nila. "Romulo, kapag may nagsabi sa 'yong hubarin mo 'yang agimat na suot-suot mong ibinigay ko sa 'yo ay huwag na huwag mong gagawin dahil mamamatay ka. Isa lang ang puwedeng gumawa at umutos niyan sa 'yo. Walang iba kundi si Kasyo," habilin ng lola nila. Lumapit ang dalawa at niyakap siya nang mahigpit. "Makakaasa ka, lola." ~~~ Lumipas ang ilang taon, maganda pa rin ang pamamalakad ng clinic sa probinsya ng Luisita. Nakapagtapos na rin ng pagkadoktor si Romulo sa Pilipinas at Pharmacist naman sa Amerika. Siya na rin ang namahala ng clinic. Kaya gaya ng ama niyang si Joshua ay madalas siyang batiin ng mga nagtatrabaho roon sa clinic nila. Mas lumawak pa ito dahil may ER na at mga ambulansya. Ang mga inilibing na bangkay sa may basement ay ginawa na rin niyang mga kuwarto kaya't hindi na mahahalatang may inilibing doon at siningitan pa ng parking lot. Dahil malapit nang magdisi-otso si Ella ay mas inigihan ni Romulo na pag-aralan ang formula ng gamot ng kanyang ina para magamit sa kapatid. ~~~ Dumating na rin ang araw na bumalik si Kasyo sa lugar ng Probinsya Luisita. Tinitingnan niya ang clinic at pagkatapos ay nag-anyong guwardiya habang pinagmamasdan ang maraming taong nagtatrabaho roon at mga pasyente. "Iba rin kayo at ipinagpatuloy n'yong muli ang paglarga ng clinic na 'yan." Agad niyang tinawag ang dalawa pa niyang kasamang mga aswang at nagpalit-anyo rin sila bilang tao bago pumasok sa loob. Habang nasa loob ng clinic lounge ay biglaan niyang nahagilap ang amoy ng lola nina Romulo. "Tara! Doon tayo!" utos nito sa dalawa niyang kasamahan. Pagpasok nila sa kuwarto ng lola nina Romulo ay agad nilang isinara ang pinto. "Sino kayo? Ano'ng ginagawa n'yo rito?" nagtatakang sabi ng matandang mambabarang. Sa kasawiang-palad ay di na ito makatayo dahil na rin sa katandaan kaya nilapitan ito ni Kasyo. "Hindi mo ba ako naaalala?" sabi ni Kasyo at tinanggal ang sombrerong pangguwardiya na suot-suot kaya nagulat ang matandang mambabarang. "Kukunin ko ang apo kong si Romulo dahil napag-alaman kong nawawalan ng bisa ang ritwal at gayumang ipinainom mo sa kanya noon. Di ba, tama ako?" ngising sabi ni Kasyo. "Kahit ano'ng gawin mo, Kasyo, ay di ka magtatagumpay! Ano'ng akala mo? Maipapasa mo na sa kanya ang pagiging pinuno ng mga aswang? Pero hindi, dahil wala ka nang magagawa pa!" malakas na tawa ng matandang mambabarang kaya napikon si Kasyo at sinakal ito. "Bakit mo nasabi 'yon? Sabihin mo, bakit? Kung hindi, mamamatay ka ngayon din!" sigaw ni Kasyo. Namula ang mga mata niya at humaba ang mga pangil dala na rin ng galit. "Dahil binigyan ko siya ng agimat para hindi mo na siya mahawakan o magambala pa!" Sa sobrang pagkapikon ni Kasyo ay mas lalong napalakas at napadiin ang kanyang sakal. Hindi na iyon kinaya ng matandang mambabarang hanggang sa mawalan na ito ng hininga bago bitiwan ni Kasyo. "Boss, patay na siya? Puwede na ba namin siyang kainin?" sabi ng isa niyang kasamang aswang. "Huwag muna kayong manggigil. Itago n'yo muna ang bangkay niya. May plano ako," ngisi ni Kasyo. Biglang may kumatok kaya nagambala silang tatlo. Pagkabukas ng pinto ay sina Romulo at Ella ang bumungad pagpasok ng kuwarto para bisitahin ang lola nila. Nilagay ni Ella mga prutas sa taas ng mesa malapit sa lola niya. "Mano po, Lola. Kumusta na ang pakiramdam n'yo?" ani Romulo at may in-inject siya sa dextrose ng matanda. Ngunit nagtaka siya dahil hindi ito nakasaksak. "'La, inalis n'yo ba ang turok ng dextrose?" tanong ni Romulo. "Ah . . . Oo, apo. Nanaginip kasi ako nang masama kaya naalis ko. Kumusta na kayo?" Ngumiti naman si Ella at niyakap siya. "Mabuti naman, Lola. Bakit parang malakas na kayo?" Biglang humiga kuno ang matanda sabay tumingin kay Romulo. "O, ikaw, Romulo. Ang ganda sana ng porma mo, lalo na ang laboratory cloth mo ngunit bakit may suot-suot kang kuwintas na pilak. Tanggalin mo nga 'yan, apo." Doon pa lang ay nabahala na si Romulo. "Di na, Lola. Ito kasi ang ibinigay sa akin ni itay na hindi ko puwedeng basta-basta alisin," walang katotohanang sagot ni Romulo dahil nakahalata siya. "Kung 'yan ang gusto mo, sige, pagbibigyan kita. Siya nga pala, dumalaw rito si Kasyo. Nag-usap kami at nagkasundo na, sa wakas. Pinatawad ko siya sa lahat ng mga nagawa niya. Dahil matanda na ako at alam kong malapit na akong magpaalam sa mundong ito, sa kanya kayo sumama at siya ang mag-aalaga sa inyo. Lalo na sa 'yo, Ella." Pagkatapos ay biglang nagpanggap na namatay ito. Ngunit ang totoo ay si Kasyo lang ito na nagpalit anyo bilang lola nina Romulo. Agad nagulat sina Ella at Romulo nang may nakatayo sa likod nila na dalawang doktor. "I-che-check namin kung patay na siya. Paraanin mo muna kami!" "Saan po kayo nanggaling?" nagtatakang tanong ni Ella. "Hindi n'yo ba napansin? Nasa likod n'yo lang kami kanina pa. Puwede na kayong umalis dahil aasikasuhin namin ang bangkay ng lola n'yo." Pagkasara ng pinto ay inilagay nina Kasyo ang totoong patay na katawan ng matandang mambabarang sa higaan. ~~~ Pagkatapos nilang ilibing ang lola nila ay sobrang lungkot ang nadarama ng magkapatid habang tinitingnan ang puntod nito. Natigilan sila nang may humawak sa baywang ni Ella. "Huwag kayong mag-alala, mga apo. Simula ngayon ay ako na ang makakasama n'yo habambuhay," ngising sabi ni Kasyo. "At simula ngayon, tawagin n'yo akong Lolo Kasyo. Tayo-tayo lang naman ang magkakakampi sa huli dahil wala na kayong ibang kamag-anak kundi ako lang. At kabilin-bilinan din 'yan sa inyo ng lola n'yo." Naiinis at galit ang pagmumukha ni Romulo. Alam niyang may maling nangyari. Kinagabihan, sumugod ang mga aswang pagkatapos dalawin ni Kasyo nang mag-isa ang puntod ng matandang mambabarang. Sumigaw siya ng nakakakilabot para lang tawagin ang mga kalahi niyang demonyo. "Sige, magpakarami kayo at hukayin 'yang bangkay ng matandang 'yan! Kainin n'yo hanggang sa gusto n'yo. Siya ang lahat ng sumira sa mga plano ko kaya wala kayong ititira kahit isa!" Pinag-agawan ng mga aswang ang katawan ng matanda sa ilalim ng bilog na buwan habang humahalakhak si Kasyo. ~~~ Makalipas ang ilang linggo habang pinag-aaralan ni Romulo sa laboratory niya ang formula ay bigla siyang nagulat pagkatapos magpakita ni Kasyo sa kanya. "Ano'ng ginagawa mo, apo?" "Gumagawa ako ng formula para kay Ella dahil nagiging aswang na siya at ayaw niyang mangyari 'yon," sagot ni Romulo. "Alam mo, kung ako sa 'yo, hindi na kailangan 'yan. Ako ang magtuturo kay Ella kung paano kontrolin ang sarili niya para magpalit-palit siya ng anyo bilang aswang o tao. Manhid kasi ang inay mo, Romulo. Walang alam sa pagiging aswang. Ayaw niya ng kapangyarihan kaya umalis sila ng lola mo dati kaya hindi ko siya naturuan kung paano kontrolin ang sarili. Kaya bitiwan mo na 'yan at ako na ang bahala sa kapatid mo. Basta ipangako mo sa aking tatanggalin mo 'yang kuwintas na suot-suot mo." Hindi na nagsalita si Romulo at nilisang mag-isa sa kuwarto ang matandang si Kasyo. Habang tumatagal ay si Kasyo na ang humahanap ng doktor at nurse para sa clinic. Ngunit lahat ng mga ito ay mga aswang. Sa di-inaakalang pangyayari ay laging may nawawalang pasyente o trabahador sa loob ng clinic dahil kinakain na ito ng mga aswang, kaya't sinugod ng taumbayan sina Romulo. "Ako ang anak ng isa sa mga tumulong sa lola mong linisin ang clinic, at sabi ng ama ko bago siya mamatay ay may aswang daw sa loob ng clinic mo! Kaya dumadami ang nawawala dahil malamang kinakain ng aswang!" sabi ng isang lalaki na gustong sumugod. Noong una ay ayaw niyang maniwala dahil patong-patong na rin ang problema niya. Nguni't ipinanood sa kanya ni Ella ang CCTV kaya't ipinalayas niya ang lahat ng mga dotor at nurse na aswang ngunit nawalan din ng pasyente ang clinic nila at humina ang kita. Ang mga natitirang tao sa Probinsya Luisita ay nagkaisa't naging mga rebelde dahil ayaw nilang iwan ang lupang kanila sa mga taong aswang. Kada may bagong dayo ay kini-kidnap na lang nila dahil ayaw silang pakinggan ng gobyerno. Tinatawag sila nitong mga baliw dahil wala namang naniniwala sa aswang. Ngunit lingid sa kaalaman ng mga ito, ang Probinsya Luisita ay tinirhan na ng mga nilalang na aswang dahil sa pinuno nilang si Kasyo. Tanging hinihintay lamang nito ay maipasa na niya kay Romulo ang sumpa. Kada may naliligaw sa lugar nila ay iniipon ni Kasyo at kinukulong sa basement. Ngunit kapag sinabihan siya ni Romulo o ni Ella na huwag galawin ang mga dayo sa lugar ay hindi ginagalaw ng aswang ngunit ang mga rebelde naman ang kumi-kidnap nito kaya tinaguriang haunted city ang Probinsya Luisita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD