Narinig ng matandang aswang ang boses ng mga apo niyang sina Romulo at Ella kaya tumalikod siya't nakita niya ang ina ni Lilia kasama ang dalawang bata at si Mang Isko at isa pang sekyu.
"Nandiyan na pala kayo mga apo ko."
Lalapit na sana si Kasyo kaso ay biglang may pumalo sa kanyang ulo. Mas lalo siyang nainis nang pagkaharap niya ay si Joshua ito.
Kahit duguan ito ay pinilit pa rin ang katawan na bumangon alang-alang sa mga anak.
Agad namang tumakbo ang lima at natira lang sina Kasyo at Joshua. Muling niyang sinakal sa ere ang binata.
Minadali ring dukutin ni Joshua sa kanyang bulsa ang formula na gamot sana ng kanyang asawa habang sakal-sakal siya ng matandang aswang.
Pilit niyang itinapon sa bunganga ng matandang aswang ang formula ni Stan Lee kahit hirap na hirap ang katawan niya. Agad ding sinugod ni Lilia si Kasyo kaya tumilapon ito at bumagsak naman si Joshua.
"Ang mahal kong anak. Paano mo ba nagustuhan ang mortal na 'yan?" ani Kasyo nang bigla siyang nag-iba ng anyo at nagkapakpak. Naging ganap na ghoul ang itsura nito.
Hindi rin nagpatalo si Lilia at naging manananggal na rin siya. Agad silang naglaban at dumiretso ang matatalas niyang kuko papunta sa mukha ng ama.
"Iyan lang ba ang kaya mo? Isang kalmot lang?" natatawang wika ni Kasyo na mala-demonyo ang boses.
Halos malakas na hangin ang bumalot sa lobby ng kanilang clinic na tila nagsisigawang mga hayop.
Nangilabot na rin si Joshua sa kanyang pinanonood. Kahit hindi makalaban-laban si Lilia ay pilit pa rin niyang ginagawa para maipagtanggol ang mga anak. Habang si Kasyo naman ay nakakadikit sa pader habang nagmamasid.
Hindi nagtagal ay di na makalaban ang babaeng aswang kaya't agad na naman itong nasakal sa ere ng kanyang ama.
"Iyan lang ba ang kaya mo anak? Kailangan mo pa ng kapangyarihan ko. Magpakadami na tayong mga aswang. Aanakan kita. Ipasa mo ang pagiging aswang mo sa anak mong babae habang ipapasa ko naman sa anak mong lalaki ang pagiging aswang ko. Para siya na ang pinakamakapangyarihang aswang sa buong daigdig. Bubuo tayo ng panibagong mundo. Hindi tayo mga tao, anak, kaya puwede kitang gahasain at anakan sa ayaw at sa gusto mo," paliwanag ni Kasyo at humaba ang dila nito.
Nang gagahasain na niya si Lilia ay biglang may sumaksak sa likod niya ng isang injection. Ito ang formula galing kay Stan Lee. Hawak-hawak ito ni Joshua ngunit kalahati lang ang naiturok niya.
Bigla na lang siyang sinalubong ng mapupulang mata at hinagis gamit ang malalakas na braso. Nauntog ang ulo ni Joshua at nawalan ng malay. Gumulong ang injection.
"Joshuaaa!" sigaw ni Lilia habang umiiyak. Hindi man lang niya ito mayakap dahil sa kalahati lang ang katawan niya at hindi pa siya marunong magpalit ng anyo ng isang tao.
Biglang bumangon si Kasyo. "Babalikan kita, Lilia!"
Lumipad ito't tumakbo sa magkabilang pader para habulin ang mga apo.
~~~
Mabilis na tumakbo ang lima sa mahabang hallway ng clinic na binalot nang madilim na gabi.
Kusang tumulong ang dalawang guwardiya habang hawak-hawak ang flashlight, lalo na ang guwardiyang si Mang Isko. Malaki kasi utang na loob niya sa mag-asawa.
Pagtalikod ng isang guard habang tumatakbo ay nagulat siya. Tumatakbo rin habang nakadikit sa kisame si Kasyo. Bigla itong tumalon sa kanya at kinagat siya na ikinagulat ng apat. Tumatakbo pa rin si Kasyo para habulin sila.
"Lola! Lola, ang bilis niya! Hindi ba 'yan 'yong nakita natin kanina? Para siya yung monster sa Jeepers Creeper," wika ng batang si Romulo habang tumatakbo.
Saglit silang huminto at inilawan ng flashlight ni Mang Isko ang pinto. Nabasa nila ang nakasulat: DEAD END.
Biglang namang tumulo ang dugo ni Isko na ikinagulat ng ina ni Lilia at ng dalawang bata. Nakita nilang nabutas ang tiyan nito't lumabas ang nakapaninindig-balahibong kamay na may matatalas na kuko. Halos ugatin na rin at nagkulay bughaw na ito. Umalingasaw ang masangsang na amoy na tila kamay ng isang demonyo.
"Kasyo?" mahinang sabi ng matandang mambabarang.
Agad na hinablot ni Kasyo ang kamay sa katawan ng matandang guwardiya at itinumba ito.
"Akin na ang mga apo ko. Magpapakarami kami rito sa mundo. Kayong mga mortal ang hindi puwedeng mamalagi dahil lahat ng gawin n'yo ay puro salot at kapahamakan sa mundo!" sigaw ni Kasyo sa kanyang asawa.
Agad namang niyakap nang mahigpit ng ina ni Lilia ang mga apo.
Nang susugod na ang matandang aswang at aatakihin sila ay bigla siyang napahinto nang ipakita ng ina ni Lilia ang mga bawang at isang agimat.
Agad na lang siyang nagpalit ng anyo. Mula sa isang asawang ay naging isang matandang lalaki—tila kinukuha ang loob ng dalawang bata.
"Lumapit kayo sa akin, mga apo ko. Romulo at Ella, ako ang lolo n'yo. May ibibigay ako sa inyong mga regalo."
Binulungan naman agad ng matandang mambabarang ang mga apo niya. "Huwag na huwag kayong makinig sa kanya."
Biglang naramdaman ni Mang Kasyo na nanghihina na siya at umeepekto nang kaunti ang kalahating naiturok na formula ni Joshua sa kanya.
"Huwag!"
Nagulat sila. Paparating si Lilia na uugod-ugod na sa paggalaw ng pakpak at duguan ang bibig kaya biglang ngumiti si Kasyo at inapakan niya ang flashlight na tanging ilaw sa lugar na kinatatayuan nila.
Makalipas ang ilang minutong katahimikan, nagulat ang tatlo nang may dalawa nang Lilia na nakikiusap sa kanila.
Parehong-pareho na nakikiusap na kunin ang mga bata. Nalito na ang ina ni Lilia kung sino sa kanila ang totoong anak niya dahil nakakapagpalit ng anyo si Kasyo na kawangis ng kanyang anak.
Agad silang lumapit pero sa kasawiang-palad ay nakalapit sila sa impostor ni Lilia na si Kasyo kaya't sinakal nito agad ang ina Lilia.
"Huwag . . . huwag n'yong gawin 'yan sa inay ko!" sigaw ni Lilia habang nagmamakaawa kay Kasyo na nakadapa na't wala ang kalahati ng katawan.
"Pakakawalan ko lang ang ina mo kung ipapasa mo ang pagiging aswang mo kay Ella!" ngising sabi ng matandang aswang pagkatapos nitong magpalit sa anyo ng isang mortal para di matakot ang mga apo.
Takot na takot naman ang magkapatid sa inang si Lilia dahil naaninag nilang kalahati lang ang katawan nito.
Hindi makapili si Lilia kaya sumunod ito kahit pinipigilan siya ng ina na huwag gawin ang gusto ni Kasyo. Sinabayan pa ito ng kidlat pagkatapos niyang ipasa ang tila isang hugis holen na isinuka niya't ipinalunok sa anak na babae.
"Akin na si Romulo," ani Kasyo. Ngumiti naman ang ina ni Lilia nang ipinasa ang apo sa matandang aswang.
Nang gawin ni Kasyo ang ginawa ni Lilia sa anak ay bigla itong hindi gumana kaya't sumigaw at nagwala nang malakas ang matandang aswang bago magpalit ulit ng anyo. Sa sobra niyang galit sa matandang mambabarang na may dala-dalang bawang at mga agimat ay napagdiskitahan niya si Lilia kaya't pinugutan niya ito ng ulo.
Nakatakbo na rin sina Romulo at Ella sa matandang mambabarang dahil sa takot sa itsura ng matandang aswang.
"Akala mo, lahat ng gusto mo ay makukuha mo, Kasyo? Alam kong binuntis mo ako dahil akala mo ay aswang din ako, pero hindi na muling mauulit 'yon sa anak mo. May ipinainom ako kina Ella at Romulo na ritwal ngunit kay Romulo lang tumalab dahil nahinto ako pagkatapos akong kausapin ni Lilia. Pero alam kong di ka pa rin mananaig at babalik pa rin sa normal si Ella. Magiging magkapatid silang dalawa at ako ang mag-aalaga sa kanila," wika ng ina ni Lilia.
Biglang narinig nila ang tilaok ng manok kaya naging itim na usok na lang si Kasyo at umalis pagkatapos masilaw sa sikat ng araw.