Habang pinaghahalikan ng matanda ang mga apo ay bigla siyang tumingin kina Joshua at Lilia.
"Halikayo at may sasabihin akong mahalaga sa inyong dalawa," wika ng nanay ni Lilia.
"Okay, kids, maglaro muna kayo sa labas may pag-uusapan lang kami ng lola n'yo," utos ni Joshua sa mga anak.
Nang nasa kusina na sila ay nag-umpisa nang magsalita ang matanda. "Masaya ako at nagawan n'yo ng paraan ang sitwasyon mo, anak. At ang maganda pa nito ay nakakatulong kayo sa bayan na 'to dahil sa clinic n'yo."
"Kaya nga po. Mabait lang talaga ang Diyos, inay," sabi ni Lilia sabay ngiti sa ina.
"Ano po pala ang mahalaga n'yong sasabihin sa amin, inay?" tanong ni Joshua.
"Nagkita kami ng tatay ni Lilia na si Kasyo at tinatanong kayo. Sabi ko ay hindi ko alam. Narinig siguro niya ang patungkol sa apo niya kaya balak niyang pasahan ito ng pagiging aswang niya gaya ng ginawa niya sa 'yo, Lilia."
Biglang naghawak-kamay ang mag-asawa at natakot para sa kanilang mga anak ngunit ngumiti na lang ang matanda.
"Huwag kayong mag-aalala. Wala akong sinabi ni isa mang impormasyon tungkol sa inyo."
Ngumiti naman sila ngunit may pangamba pa rin na namuo sa dibdib ng mag-asawa.
"Ako na muna ang magluluto para sa apo ko ng kakainin mamayang gabi."
"Okay po, ipapasayal muna namin kayo sa resort namin para naman makapag-bonding pa tayo nina Ella at Romulo," masayang sabi naman ni Joshua.
Maya-maya ay nag-impake na sila ng mga gamit para pumunta sa may kalayuang resort sa Tagaytay na pagmamay-ari ng pamilya ni Joshua.
Naligo sila roon, kumain, at naglaro ang mga bata. Nakilala rin ng mga magulang ni Joshua ang nanay ni Lilia.
Hanggang sa hindi nila inakala na pati si Stan Lee ay napadalaw sa resort nila para kumustahin ang mag-asawa.
"Doc Stan Lee! Hindi ko akalain na dadalawin mo ako sa resort namin," masayang sabi ni Joshua habang naliligo naman sa swimming pool ang mga anak niya sa kanilang harap.
"Wow! It's great meeting you. Ang lalaki na ng mga anak mo, Joshua. Hindi ko akalaing na magkakaanak pa ang misis mo," nagtatakang sabi ni Doctor Stan Lee.
"Sinabi mo pa! Ang laki nga ng naitulong mo sa aming mag-asawa. So, puwede ko na bang bilhin ang formula na gamot ni misis?" bulong ni Joshua na tila ayaw niyang iparinig sa asawa kaya hinila niya si Stan Lee sa walang nakakakita.
Pagkatapos bilhin ni Joshua ang formula kay Stan Lee ay tila abot langit ang kanyang ngiti. Sinorpresa pa niya ito kay Lilia na mas ikinatuwa ng buong pamilya. Lalong-lalo na ang inay ni Lilia.
Nang malapit na silang kumain habang nagluluto ang mambabarang na ina ni Lilia ay may inilagay siya sa pagkain ng apo niya at binasahan ito ng ritwal, ngunit hindi niya akalaing mahuhuli siya ni Lilia.
"Nay, please lang, huwag n'yong idamay ang mga bata!" galit na sabi ni Lilia.
"Sa kapakanan ito ng anak mo, Lilia! Mahirap na."
"Para saan ba 'yang inilagay ninyo? Akin na nga 'yan!"
Biglang hinila ito ni Lilia kaya isa lang ang napatakan ng gayuma na gawa ng kanyang ina. At iyon ang napunta kay Romulo.
~~~
Nang pauwi na sila ay tila may naamoy silang napakabahong amoy na sumasabay sa ihip ng hangin.
Nangamba na ang nanay ni Lilia pero di na niya ipinahalata.
Pagkarating nila sa clinic kung saan sa loob ay katabi ng kanilang napakagandang bahay ay agad silang binati ng lahat ng mga nagtatrabaho roon.
Mula receptionist hanggang sa mga nurse na kahit busy ay nakuha pa rin silang ngitian ng mga ito at batiin ng "Magandang hapon, Doc. Lilia at Doc. Joshua." Kaya ngumiti na lang silang mag-asawa bilang tugon sa pagbati ng kanilang mga trabahador.
"Magandang gabi naman. Trabaho na kayo," nakangiting wika ni Joshua.
Nakatingin naman sa kanila ang mga pasyente na may dala-dalang mga prutas na sariwa para lang ibigay sa mga janitor na nginingitian din sila.
Nang papalapit na sila sa pinto ay bigla silang sinalubong ni Mang Isko. Ang chief ng mga security guard ng kanilang clinic.
"Dumating na ba ang mga night shift na guard, Mang Isko?" nakangiting tanong ni Joshua.
Sumagot naman ito ng, "Oo boss."
Hinawakan naman ni Lilia at Joshua si Mang Isko sa braso at nagsabi ng, "Huwag mo na kaming tawaging boss. Okay na yung doktor."
Lumapit naman si Lilia sa mga teaboy ng hospital at inabot ang isang kape kay Mang Isko na sobrang ikinatuwa ng matanda.
Pagpasok ng pamilya sa loob ay masaya ang nanay ni Lilia sa nakikita niya. Masyadong maalaga sa mga trabahador ang mag-asawa, at higit sa lahat ay marami rin silang naitulong. Pati mga anak nilang sina Ella at Romulo ay close na sa lahat.
Buhay na buhay rin ang clinic kahit gabi. Mas close sila kay Joshua kaysa kay Lilia dahil sa iniinom nitong gamot. Ni wala silang kaalam-alam na aswang ito. Ang alam lang nila ay di sila naaasikaso ni Lilia dahil tulog ito kapag gabi.
~~~
Pagsapit ng kabilugan ng buwan ay papainumin sana ni Joshua si Lilia ng gamot nang biglang nag-brown out.
"Lintik na 'yan!" galit na sabi ni Joshua nang may kumatok sa kuwarto nila. Pagkabukas nito ng pinto ay ang nanay ni Lilia ang nabungaran niya.
"Pakiramdam ko ay nasundan tayo ni Kasyo!" takot na sabi nito.
"Imposible 'yon, inay. Ang dami nating guard. Tiyak na di niya tayo magagambala."
"Huwag mong mamaliitin ang kakayahan ng tatay ni Lilia. Siya ang pinakamatandang aswang at malakas siya kumpara sa iba."
Ngumiti na lang si Joshua sabay hinawakan din sa braso ang matanda. "Pupuntahan na lang namin kung ano ang nangyari at biglang nawala ang ilaw. Tatawagan ko si Mang Isko. Pakialalayan na lang po si Lilia sa basement at kadenahan n'yo para pagbalik ko ay saka ko na lang siya paiinumin ng gamot para makatulog siya. Mahirap hanapin yung gamot kasi madilim."
Nang pagbaba niya ay sinalubong siya ng tatlong sekyu na pinangungunahan ni Mang Isko habang may dala-dalang flashlight.
"Doc Joshua, tinawagan namin ang Meralco ngayon lang. Mukhang dito lang yata sa area natin ang walang ilaw."
"Tara, puntahan natin ang main circuit!" sabi ni Joshua sabay bukas ng kanyang flashlight.
Pagkalabas nila sa bahay ay dumiretso sila sa main circuit. Nang ilawan nila ay nakababa pala ang safety box at mukhang may gumalaw.
"Kaya pala nawalan tayo ng kuryente," ani Joshua at nang itaas niya ang switch ay hindi ito bumukas.
Biglang sumigaw si Mang Isko. "Doc, tingnan n'yo 'to!"
Pagkalapit nila ay tila isang halimaw ang sumira sa generator ng kanilang clinic.
"Guards! Ihanda n'yo ang baril n'yo," utos ni Joshua at sumunod naman ang tatlo. Biglang may narinig silang mga sigaw galing sa clinic lobby. "Kayong dalawa. Puntahan n'yo si Lilia at ang mga bata habang kami naman ni Mang Isko ay didiretso sa loob ng clinic," natatarantang dagdag pa niya.
"O-okay boss," sagot ng isang guard na kulang na lang ay maihi na sa pantalon pero pinilit pa ring maglakad.
Sinundan na ng dalawa ang ingay. Pagkadiretso nina Joshua at Mang Isko sa clinic entrance ay gulat silang nakabukas ito habang wala pa ring ilaw sa loob.
Dahan-dahang pumasok si Joshua at pinahiram siya ni Mang Isko ng shotgun habang sa kanya naman ay pistol.
Pagkapasok na pagkapasok nila ay may mga dugo na sa dingding na sumalubong sa flashlight nila. Biglang may nakita silang parang hugis ng tatlong daliri na maliliit na nakabahid sa duguang dingding.
"Doc Joshua, parang hindi pangkaraniwang tao ang nakapasok sa clinic natin. Kuwento-kuwento sa amin ng matatanda. I-iyong ganito na tatlong daliri lang na parang paa ng palaka ay hindi hayop at hindi rin isang tao," takot na sabi ni Mang Isko.
"E ano?" nanlaki ang matang tanong ni Joshua.
"Daliri ng isang aswang!"
Pagkasabi na pagkasabi ni Mang Isko ay agad na naman nilang narinig ang nagsisigawang mga tao na tila nasa isang impyernong pinaparusahan nang lubos ang mga ito sa loob ng madilim na daan ng clinic papasok sa lobby. Wala man lang ilaw kundi ang flashlight ang gamit nila.
Tumakbo silang dalawa sa may reception at masuka-suka sila nang makita nila ang receptionist na wala nang ulo at laman ng tyan. Nakahandusay ito roon nang marinig na naman nila ang mga nagsisigawan sa unahan pang sulok ng lugar na kinatatayuan nila.
"Ayoko na, boss. Ayokong pumasok pa diyan," iyak ni Mang Isko.
"Hindi, sasamahan mo ako. Hindi maaaring pabayaan natin mga natitirang pasyente at mga nurse sa loob. May baril ka naman kaya huwag kang matakot," ani Joshua.
Dahan-dahan silang naglakad papunta roon sa loob na halos lahat ng naiilawan ng flashlight nila ay may mga dugo, putol na parte ng katawan, mga buhok, at iba pang kagimbal-gimbal na itsura.
Hanggang sa mailawan nila ang kakaibang likod ng isang nilalang na kinakain ang isang patay na katawan ng tao. Maya-maya ay bigla itong humarap sa kanila kaya't binaril ito ni Mang Isko ngunit parang hindi ito tinablan ng isang pistol lamang.
Inatake nitong bigla si Mang Isko at saka ito kinagat sa ulo.
Sinabayan naman itong pagbabarilin ni Joshua. Ngunit pagkatapos niyang barilin ay dahan-dahan itong humarap sa kanya at tumingin sa kanyang ID.
"Ikaw pala si Joshua!" sabi ng matandang aswang at binitiwan ang kagat-kagat na ulo ng matandang sekyu.
Pinagbabaril pa rin ito ni Joshua habang nanginginig at natatakot sa maaaring mangyari sa kanya.
Naglakad pa rin ang nilalang na iyon palapit sa kanya nang biglang lumapad ang napakalaki nitong pakpak na parang isang paniki gaya ng kay Lilia.
Nang malapitan na nito si Joshua ay bigla siyang nagpalit anyo bilang isang matandang lalaki. Bigla niyang sinakal ang binata at itinaas pa niya ito sa ere. "Ako si Kasyo, ang ama ng asawa mo. Naparito ako para bawiin ang mga apo ko. Nasaan sila?"
Tinitigan siya nito na tila nanggagalaiti sa galit. "Ano'ng akala n'yo? Mabubura n'yo na sa mundo ang lahi ng mga aswang?
Ibinagsak niya sa bakal na drawer ang ulo ni Joshua nang di kalakasan para maipakita at iharap ang pugot na ulo ni Stan Lee pagkatapos niyang sumunog ng mga papel para mailawan ito. "Iyan na ba ang pinagmamalaki mong doktor na makakapaghinto sa mga lahi ng aswang?" ani Kasyo sabay tumawa nang malakas.