Dumating sila sa bayan ni Joshua sa Probinsya Luisita.
Biglang nagising si Lilia dahil sa sikat ng araw na tumama sa kanyang mukha pagkatapos buksan ni Joshua ang kurtina sa malaking bintana. Kaso bigla niyang pinandilatan ang asawa.
"Oh! Bakit mahal?" nakangiti namang tanong ni Joshua.
Agad na lang tumulo ang luha ni Lilia sa kanyang mga mata kaya nilapitan siya ng asawa at dahan-dahang pinunasan ang kanyang luha.
"Nanaginip ulit ako na hinahabol ako ng mga tao na tila gusto nila akong patayin," ani Lilia na wala pa ring imik pagkatapos magsalita.
Natulala si Joshua na tila wala siyang masabi.
"Ano ba'ng nangyari, Joshua? Sabihin mo sa akin? Aswang pa ba ako? Aswang ba talaga ako? Hihiwalayan mo ba ako dahil hindi ako normal na tao?" naiiyak na sigaw ni Lilia habang pilit siyang bumabangon ngunit bigla siyang nasaktan.
"Huwag kang gumalaw, may sugat ka. Natamaan ka ng baril ng kapitan habang nasa bubong ka," kalmadong sinabi ni Joshua nang biglang kumatok ang inay niya.
Binuksan ito ng kanyang asawa saka pinapasok sa kuwarto nila.
Lumapit ang ina sa anak. "Lilia, anak. Babalik na ako sa probinsya natin."
"Nay, huwag! Ayoko po na kayo ang pagdiskitahan ng mga tao roon dahil nasundan nila ako papunta sa bahay natin."
Ngumiti naman ang ina nito. "Huwag kang mag-aalala. Niligaw sila ni Joshua. Siya rin ang nagtakas sa 'yo. Kaya ko na rin ang sarili ko. Sasabihin kong wala ako sa oras na 'yon dahil inihatid kita sa Maynila kasama ang asawa mo."
"Nay, iiwan n'yo na ba ako sa kanya?" sabay tingin ni Lilia kay Joshua.
"Anak, asawa mo siya at alam kong mas ligtas ka sa kanya. Di ka niya pababayaan. Hanggang tatlong araw lang ako rito kasi madami pa akong kailangan tapusin sa bayan natin. Huwag kang mag-alala kay Joshua dahil malaki ang tiwala ko sa kanya at sana sa 'yo rin dahil nangako kayo sa Diyos," paliwanag pa nito. Agad naman silang nagyakapang mag-ina.
~~~
Simula nang magsama sina Joshua at Lilia sa iisang bubong ay mas lalong nabuo ang pagmamahalan nila sa isa't isa dahil parang si Lilia ang minimithing asawa ni Joshua.
Marunong ito sa lahat ng gawaing-bahay. Magaling magluto, maalagang asawa, mabait, maganda, at malambing. Marunong ring makisalamuha sa ibang tao at lahat na yata ng katangiang gusto ni Joshua sa isang babae ay nasa kanya na.
Nagtahulan na naman ang mga aso.
Nagising bigla si Joshua. "Lilia!" sigaw niya dahil nakalimutan niyang ngayon pala ang kabilugan ng buwan.
Biglang may kumatok nang malakas sa pintuan ng mansyon nila kaya agad siyang tumakbo para buksan ito.
"Huwag mo na siyang itago, Joshua. Dito dumiretso yung manananggal sa mansyon n'yo!"
"Nagkakamali ka!" sigaw na sabi ni Joshua nang itulak siya ng mga tao at dumiretso papasok lahat sa bahay niya.
Nauntog siya at natumba sa drawer na naging dahilan kung bakit nabasag ang salamin. "Aray! Lilia!" sigaw pa ulit ni Joshua. Bumangon pa rin siya kahit masakit ang likod at ulo niya. Sinundan niya ang mga mamamayan na tila gigil na patayin ang kanyang asawa.
Bawat kuwarto sa mansyon ay pinasok nila. Hanggang sa noong pinasok na nila ang huling kuwarto ay nagulat silang nandoon si Lilia na nakahiga na tila masarap ang tulog habang nakakumot.
Hindi sila nakapagsalita nang biglang nagpakita ang ina nito. "Ano'ng ginagawa n'yo rito? Puwede namin kayong kasuhan lahat ng trespassing."
Sabay dumating din si Joshua na hawak ang sugatang ulo.
Di makapagsalita ang mga tao na tila tulala silang lahat. Hanggang sa isa-isa silang umalis sa mansyon.
~~~
Habang nasa kuwarto ang magmanugang . . .
"Paumanhin, inay, at nakalimutan ko si Lilia dahil nakulangan ako ng tulog dala na rin ng pagod. Buti na lang at nagawan n'yo ng paraan ang anak n'yo na matubos sa kapahamakan. Malaking utang na loob ko ho ito sa inyo. Kung wala kayo ay baka napatay na nila si Lilia," malungkot na sabi ni Joshua.
Hindi nagsalita ang ina ni Lilia habang nakatalikod na nakatingin sa malaking bintana pero may itinaas siyang isang malaking bagay na pilit niyang ipinakita sa lalaki.
Isang matigas at malaking bakal na hindi pangkaraniwan na itsura ng kadena.
"Para saan ho 'yan?" tanong na sabi ni Joshua.
"Ikadena mo si Lilia tuwing bumibilog ang buwan para hindi na siya makalabas ng bahay. Ikulong mo siya kung maaari para di na ulit maulit ang pangyayari kanina."
"Maaari n'yo po ba sa aking ikuwento ang lahat kung pano n'yo nagawan ng paraan na itago si Lilia?" hirit pa rin ni Joshua sa kanyang biyenan.
"Kumatay ulit ako ng tatlong hilaw na manok at may binasa akong ritwal para ito ang puntahan ni Lilia para kainin. Nang kinakain na niya ito ay nagpakita sa tabi ang kalahati ng katawan niya. Sinabi ko na kung hindi siya bumalik sa dati niyang anyo ay lalagyan ko ng asin ang kalahati ng katawan niya para di na siya makabalik pa. Sumunod si Lilia sa sinabi ko dahil nangangamba siya na gawin ko iyon. Hanggang sa nabuo ulit ang katawan niya at may binasa ulit akong ritwal para di na siya manlaban at makatulog na siya agad."
"Ano ho bang ritwal yon?"
"Sa mga mambabarang lang gumagana ang ritwal na 'yon at hindi sa mga tao. Kaya ibinigay ko sa 'yo ang kadenang 'yan dahil 'yan lang ang tanging paraan, Joshua. Wala ka kasing kapangyarihan para kontrolin si Lilia."
~~~
Dumating ang ikatlong araw nang magpaalam na ang ina ni Lilia sa kanila.
Gabi-gabi na lang ay ikinukulong ni Joshua si Lilia sa basement ng mansyon at doon siya kinakadena para lang di makawala at sa umaga naman ay balik sa normal ang lahat.
Habang nanonood si Joshua sa TV ay dahan-dahang lumapit si Lilia.
"Mahal, napapagod ka na ba sa akin?"
Walang sagot si Joshua at ininom na lang ang alak sabay hinalikan sa noo ang asawa. "Hindi naman. May nakilala akong pinakamagaling na doktor, mahal. Galing America," ani Joshua.
"Halos lahat yata ng magagaling na doktor sa Pilipinas ay napuntahan na natin, mahal. Pero hindi nila maintindihan itong nangyayari sa akin," malungkot na sabi ni Lilia.
"Huwag kang mag-alala. 'Yong business partner ko, kaibigan niya si Doc. Stan Lee. Magaling daw siyang doktor dahil matalino raw talaga at nakapagtapos pa sa Harvard. Isa rin daw siyang retired scientist sa America. Marami na siyang karanasan."
"Magkano ang sisingilin nila mahal?"
"Isang milyon ang ibabayad natin sa kanila. Kahit magkano. Basta lang gumaling ka na mahal at matigil na ang nangyayari sa 'yo gabi-gabi!"
~~~
Nang pagbisita ng mag-asawa sa malaki at magarbong hospital, na-meet na rin nila si Doctor Stan Lee.
"Doc, gabi-gabi, nakakatulog siya at may nangyayari sa katawan niya. Nagsi-sleep walking din siya palagi at nawawala sa sarili," paliwanag ni Joshua.
"Can you give some specimen of your spouse? Baka magawan natin ito ng paraan," wika ng doktor.
"Doc, naniniwala ho ba kayo sa aswang?" hirit na sabi ni Lilia.
"Nope, kuwentong pangmatanda lang 'yan," sagot ni Doctor Stan Lee.
Kaya nagkatinginan sina Lilia at Joshua sabay napangiti. Pagkatapos nilang maghintay ng result ay ipinatawag ulit sila ng doktor sa loob.
"Hindi ko maintindihan kung ano'ng klaseng cells mayroon ang asawa mo," nalilitong sabi nito sabay hawak nito sa ulo at hinihilot pa ito.
"Bakit, doktor? Wala na bang paraan," tanong ni Joshua.
"Well, since sabi mo, sleep walking lang ang problema ng asawa mo ay may ibibigay ako sa 'yong gamot. Saan ka nga pala nakatira?" ani Doctor Stan Lee.
"Sa Probinsya Luicita. Wala ako sa city. Pumunta lang kami rito dahil sa asawa ko. Hindi lang basta sleep walking ang problema naming dalawa. Kahit gisingin siya habang tulog ay di nagigising ngunit gumagalaw ang katawan nito!"
"Okay, that's nice. May clinic na ba sa lugar n'yo, Mister Joshua?"
Medyo kumunot noo ni Joshua dahil sa mga walang kuwentang tanong ng doktor kaya siniko ito ni Lilia at siya na sumagot. "Ah . . . wala pa nga e. Kaya nga pumunta kami rito. Di ba nasabi na namin 'yan sa inyo."
Agad may inabot ang doktor sa drawer niya pagkatapos ay ibinigay nito kay Joshua kaya nagulat ang mag-asawa.
"'Pag ininom mo ang gamot na 'yan ay mapa-paralyze ang utak mo. In that case ay hindi ka na magigising kahit ano pa ang gawin sa katawan. Kahit bugbugin ka pa. Within 7 hours, parang patay ang utak mo pero yung katawan mo ay nagsa-cycle pa rin. Itong gamot na 'to ay hindi mabibili basta-basta sa mga pharmacy. Isa ito sa mga expirement namin sa America noong ako'y isang scientist pa lang. Naalala ko pa ang formula nito kaya ipinagbabawal itong ibenta kahit saan. Sa hayop lang namin ito nasubukan at ako lang ang puwedeng gumawa ulit ng panibagong gamot gaya nito."
Biglang napangiti ang mag-asawa at kinuha ito sa galak. Nang paalis na sila ay biglang nagsalita muli ang matandang doktor.
"Hindi 'yan libre."
Napatalikod si Joshua dahil sa sinabi ng doktor. "Magkano? Kaya kong bayaran kahit isang milyon pa 'yan."
Ngumiti ang doktor. "Iyan ang gusto ko. Hindi ka mahirap kausap. I just want my clinic sa lugar mo sa Probinsya Luisita."
Tumingin si Lilia kay Joshua sabay hinawakan ito nang madiin sa kamay.
"Gusto kong ikaw ang gagastos ng lahat para maipundar ang kauna-unahang clinic ko rito sa Pilipinas. I know you're a very well-known businessman. Gusto ko, maging the best ang clinic na gagawin mo. Gamitin mo lahat ng pera mo to hire doctors pero bare in mind na akin ang clinic na ipapatayo mo, Mister Joshua, and I will be using my surname. Iyan lang ang bayad sa gamot mo sa asawa mo. Kung ayaw mo naman ay di rin ako gagawa ng another formula for the medicine of your wife. Maliwanag ba?"
Agad tumingin si Joshua sa kanya. "Kung 'yan ay kung gumana!"
"Tsk! Wala ka talagang bilib sa abilidad ko," sabi nito sabay ngiti.
Nang pag-alis ng mag-asawa ay biglang nagsalita ang doktor. "Madami nang hayop ang namatay dahil sa gamot na 'yan. Masuwerte ka kung mabuhay pa ang asawa mo."
~~~
Gabi na at natatakot na rin si Lilia dahil malapit na mag-alas dose. "Inumin mo na 'to, mahal."
Pagkatapos niya itong inumin ay tinabihan siya nito saka niyakap ni Joshua at hinalikan siya sa noo. Hanggang sa nakatulog na silang dalawa. Makalipas ang pitong oras ay nagising sila na parang walang nangyari. Natuwa nang sobra ang mag-asawa at nagyakapan.
Bumalik ulit sila kay Doctor Stan Lee para magpagawa ulit ng bagong gamot. Gulat na gulat naman si Stan Lee sa resulta.
Simula noon ay araw-araw nang umiinom ng gamot si Lilia. Gawa rin naman ng gawa si Doctor Stan Lee ng gamot niya at halos naibigay na ni Joshua lahat para lang maitayo ang kaisa-isang clinic sa kanilang probinsya.
Pinasa rin ni Doctor Stan Lee sa America yung gamot at nang maaprubahan ay ginamit niya ang mag-asawa bilang sample na gumana ang gamot.
Hanggang sa yumaman si Stan Lee dahil doon. Kaya di na niya tinanggap ang clinic at ibinigay na lang niya sa mag-asawa bilang pasasalamat nang sumikat ang medisina niya.
Masayang nagsasama na sina Joshua at Lilia. Hanggang sa magkaanak na sila ng dalawang mumunting anghel at ito ay sina Ella at Romulo.
Ang clinic nila ay nakatulong din sa bayan nila.
Nag-aral din ng pagmemedisina sina Joshua at Lilia hanggang sa nakapagtapos sila, ngunit may hindi sila inaasahang dumating sa kanilang buhay.
Nang dalawin sila ng lola nilang mambabarang—ang ina ni Lilia—nasa edad na labing-isa si Romulo habang limang taon naman si Ella.