Nang lalapitan sana niya ang asawa niya ay bigla siyang pinigil ng ina ni Lilia sabay pinagtago sa ibaba ng lamesa at kinausap ito.
"Dito ka muna, Joshua. Huwag na huwag ka riyang aalis," sabi ng ina ni Lilia kay Joshua at sumunod naman ang binata.
"Ina, akin na ang langis," utos ni Lilia habang nakaharap pa rin sa lababo kaya agad iniwan muna panandalian ng matanda si Joshua sa loob ng mesa at iniabot sa anak ang langis.
Nanonood naman nang mabuti si Joshua pero hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa niyang magtago.
Nang pagkaabot ni Lilia ng langis ay dahan-dahan na niya itong pinahid sa buong katawan niya. Pagkatapos niyang hubarin ang damit at bra niya sa nakakapang-akit na galaw ay mas nahumaling si Joshua.
Inabot na nang ilang minutong ganoon pa rin ang ginagawa ni Lilia at di na nakapagtiis si Joshua. Aalis na sana siya sa pinagtataguan niya nang agad ulit siyang napigilan ng matanda.
Biglaang nahati ang katawan ni Lilia nang dahan-dahan at tinubuan ng malaking pakpak ang likod na tila isang pakpak ng paniki sabay humaba ang mga kuko nito at sumigaw.
Namutla si Joshua sa kanyang nakita at binalot ng takot. Mas lalo na noong tinubuan ng pangil ang ngipin ni Lilia at kumapal ang kilay niya't kumulubot ang noo sabay namula ang mata. Nag-iba rin ang kanyang boses na may kakaibang huni.
Di na mapigilan ni Joshua ang takot. Nang sisigaw na siya dahil sa di-maipaliwanag na nakita ay agad tinakpan ng ina ni Lilia ang kanyang bibig.
"Sino 'yon, inay? May tao ba riyan?" tanong ni Lilia sa sobrang nakakatakot na boses.
Biglang tumayo ang nanay niya galing sa mesa. "Wala Lilia, may daga lang. Papatayin ko sana kaso nakawala."
"Buksan n'yo na ang bintana, inay."
"Lilia, huwag kang lumibot sa buong lugar. Baka may makakita sa iyo. Ito, may hilaw pa akong manok na kabibili lang para 'yon na lang ang kainin mo."
"Ayoko!" galit na sabi nito.
Lumipad na si Lilia sa buong kusina at naitapon ang mga kaldero. Lahat ng mahanginan ay nalalaglag kaya walang ibang magawa ang inay niya kundi buksan na lang ang bintana at doon na dumaan ang manananggal niyang anak.
Gulat na gulat si Joshua sa kanyang mga nakita. Hinintay niya muna ang asawa na mawala saka siya umalis sa pinagtataguan at ipinaliwanag na rin sa kanya ng ina ang lahat.
~~~
Habang nagmamadaling ayusin ni Joshua ang mga damit at gamit niya sa maleta para lisanin ang bahay ay biglang tinabihan siya ng ina ni Lilia.
"Pasensya ka na. Hindi ba't sinabihan na kita noon pa na huwag mo nang patulan si Lilia pero ipinagpatuloy mo pa rin," malungkot na sabi ng matanda.
"Mahal ko po siya e," sagot naman ni Joshua.
"Kung mahal mo talaga siya, dapat di mo siya iiwan, di ba? Lalo na ngayon na kailangan na kailangan ka niya."
"Kailan ba siya nagkaganito? Bakit niya itinago sa akin. I never knew of dating a monster. I didn't wish this thing could happen. But I love her. I am confused if I should leave or not," pasaring na sabi ng binata nang biglang narinig na naman nila ang malakas na hampas ng tela sa labas.
"Nandyan na siya," galak na sabi ng ina ni Lilia sabay takbo sa kusina. Sumunod naman si Joshua kaso nagtatago pa rin.
Inabangan ng ina ang anak nang nakarating ito't dumaan sa bintana. Bumalik sa hati ng katawan kaya buo na ulit ang katawan nito. Balik sa dati ang lahat ngunit duguan ang bibig ni Lilia habang may kagat-kagat pang maliit na ulo ng kambing. Maya-maya pa'y hinimatay na siya.
"Joshua, tulungan mo ako, dali!" sigaw ng matanda at binuhat nila si Lilia sa banyo.
Habang pinaliliguan si Lilia ng ina nito at wala pa ring malay ang dalaga ay pinanonood lang sila ni Joshua habang napapaiyak na lang ito sa mga nangyayari.
Pagkatapos nilang paliguan si Lilia ay binuhat muli ito ni Joshua pahiga sa kama saka tinabihan niya. Iniwan na sila ng kanyang ina hanggang sa makatulog na sila. Napayakap na lang siya nang mahigpit sa asawa habang tulog ito.
~~~
Kinaumagahan ay nagising si Lilia. Dahan-dahan siyang lumabas sa kuwarto nila ng kanyang asawa. Nang madatnan niya ang asawa ay tinabihan niya ito sa panonood ng TV.
"Sorry, mahal. Di ko talaga mapigilan ang antok kagabi kaya nawalan ako nang malay at nakatulog," nakangiting sabi ni Lilia habang naglalambing.
Nang dumating galing sa labas ang ina niya na galing sa palengke upang mamili ay tumayo si Lilia at nagmano. Ngunit sinilayan ng mata si Joshua ng ina at nagbigay ng senyas na puwede na.
Nagkataon ding naibalita na naman sa TV ang patungkol sa gumagalang aswang sa bayan nila.
Biglang natawa si Lilia sabay hinalikan at niyakap niya ang asawa niyang si Joshua habang nakaupo sila. "Tingnan mo sila. Naniniwala pa sa ganyan."
Agarang pinatay ni Joshua ang TV at tumingin mata sa mata sa asawa.
"Bakit ganyan ka makatitig, mahal?"
"Lilia, mahal, look at me. Hindi ka normal."
"Ha? Hindi kita maintindihan?"
"Look, let me ask you something. What was your dream last night?" seryosong tanong ni Joshua sa asawa.
"Lumilipad ako tapos kumain ng masasarap na pagkain gaya ng kambing. Imposible na para akong si Supergirl. Nandoon pa nga raw si inay tapos ayaw niya akong lumipad pero pasaway daw ako e," nakangising kuwento pa ni Lilia.
"Lilia, huwag ka sanang magugulat sa sasabihin ko at ng iyong ina," sabi ni Joshua.
Nagtataka naman si Lilia ngunit lumapit sa kanila ang kanyang ina.
"It's about time for you to know," ani Joshua sabay dinugtungan naman ito ng inay niya.
"Lilia, 'yong lagi mong nababalitaan sa TV na aswang, ikaw 'yon, anak. Nawawalan ka ng malay nang hindi mo alam. Pagkatapos mong matulog ay nagigising ang katawan mo at naglalakad ka. Pagkatapos ay nagsisimulang mahati ang katawan mo."
"Ano'ng ibig n'yong sabihin, inay? Ano 'to?"
"Lilia, hindi panaginip ang lahat. Totoong lumilipad ka, anak. At isa kang manananggal. Ikaw ang naging tagapagmana ng ama mong aswang," umiiyak na sabi ng kanyang ina.
"Yes, mahal. You can't control yourself. I don't know why it's happening to you. Dumadaan na lang sa panaginip mo lahat-lahat ng pangyayari."
"Ma, ano 'to? Akala ko, mambabarang ka lang at tinigilan mo na dahil sa akin pero . . ." sumisigaw na sabi ni Lilia habang umiiyak.
"Hindi ko alam, Lilia. Oo, totoong mambabarang ako at tinigilan ko. Pero yung patungkol sa aswang? Dahil sa umabot ka sa edad na disi-otso ay natupad ang sinabi sa sumpa na magiging aswang ka. Ang tatay mo ang nagbigay ng sumpa sa 'yo at hindi ako."
Biglang umiyak si Lilia nang malakas saka sumigaw. "Hindi! Hindi ako aswang!" sigaw nito sabay tumakbo papalayo sa dalawa hanggang sa makalabas siya ng bahay.
Hinabol siya ni Joshua at ng kanyang ina.
~~~
Sumapit na ang dilim ngunit hirap na hirap pa ring maghanap si Joshua at ang ina ni Lilia.
Nang may makita si Joshua na isang grupo ng taong nagpupulong-pulong sa isang kubo ay sumingit siya.
"Dapat mamatay na ang aswang na 'yan. Nakapatay na naman ng isang buntis kagabi," sabi ng isang galit na galit na barangay kapitan.
Nagtaka tuloy si Joshua dahil kagabi lang, hindi tao ang kinain ni Lilia kundi kambing dahil sa nakita niya kagabi na kagat-kagat ng kanyang asawa.
"Ako din naman. Yung alaga kong kambing. Dinatnan na lang namin na walang laman ang tiyan at wala nang ulo! Pesteng aswang na 'yan, namemerwisyo," hirit pa ng isa. Agad silang nagulat at kinilabutan nang may makita sila sa bubong na tila naglalaway at mapula ang mata. Hanggang sa nagkagulo na sa loob ng kubo. Kinuha ng kapitan ang baril niya sabay bumaril sa itaas. May narinig silang kakaibang boses na sumigaw sabay tila isang malaking pakpak ang sumunod na tila mahina sa tainga ngunit papalakas nang papalakas.
"Iyon yata ang aswang, kapitan. Kapag mahina sa tainga pakinggan ang ingay, ibig sabihin ay malapit 'yan at kapag malakas ay malayo naman. Kaya ano pa'ng hinihintay natin? Habulin at patayin natin ang aswang."
Agad lumabas ang grupo at nakita nilang lumipad ang manananggal kaya hinabol nila kung saan ito pupunta.
Samantala ay sumama naman sa kanila si Joshua hanggang sa naghiwa-hiwalay na ang bawat grupo para hanapin at patayin si Lilia.
Habang kunwari ay nakikisama sa kanila si Joshua ay agad tumawag ang ina ni Lilia sa kanya.
"Hello, ang asawa mo, nakita na namin ang kalahati ng katawan niya. Nandito lang sa likod ng bakuran ng bahay natin. Pumunta ka na rito at itakas mo na ang asawa mo, Joshua!"
Biglang nakahinga nang malalim si Joshua sabay tiningnan niya ang mga kasamahan niya na papatay kay Lilia.
Nang papunta na sana sila sa bahay ni Lilia ay nagkunwaring sumigaw si Joshua. "Hindi siya riyan pumunta. Doon sa bandang kaliwa. Doon kayo pumunta. Doon dumaan ang manananggal. Kitang-kita ko," sabi niya para iligaw ang mga ito sabay pinuntahan niya si Lilia na nakabalik na ang kalahati ng katawan nito.
"Tumakas na tayo at umalis dito bago nila mapatay ang anak kong si Lilia," iyak na sabi ng ina ni Lilia.
Agad binuhat ni Joshua ang tulog na katawan ng asawa at isinakay sa kotse niya. Kinuha lang nila ang iilang gamit at umalis na sila sa bayan ng Capiz.