C3-Pananakit‼️

2010 Words
Habang wala ang pamilya ko ay pansamantala muna akong nagtrabaho sa bahay nina Aling Nita at Mang Arturo. Hindi nila ako inuutusan na maglaba at maglinis dahil baka raw magkasakit na naman ako. Pero, nakiusap ako sa kanila na hayaan nila akong magluto para naman kahit papaano ay hindi ako mahiya na tanggapin ang perang ibinabayad nila sa akin. Nagluluto lang naman ako pero ang laki ng ibinibigay ni Aling Nita sa akin kaya sa loob ng dalawang buwan ay medyo nakaipon ako ng kaunti. Nakapag-enroll na rin ako sa kolehiyo sa tulong ni Aling Milagros. Ang sabi niya, kapag nagsimula na raw ang pasukan ay dapat doon na ako tumira sa bahay niya. Sa ngayon daw ay hahayaan niya muna akong makapag-adjust sa sitwasyon kaya hinayaan niya muna ako na gawin ang mga bagay na gusto ko. Next week ay pasukan na pero hindi pa rin umuuwi ang mga kamag-anak ko. “Aling Nita, Mang Arturo, kain na po,” yaya ko sa mag-asawa na nanonood ng pelikula sa telebisyon dito sa may sala. Kaming tatlo lang ang madalas na tao rito. Nagkakaroon lang kami ng kasama kapag magpapalaba sila o ‘di kaya'y nagpapalinis ng bahay. “Kakain na ba?” tanong ni Mang Arturo sa akin. “Ano ba ang niluto mo, Hija?” “'Yong request po ninyo na Igado,” sagot ko. “Sabi po kasi ninyo ay iyon ang gusto ninyong ulamin ngayong hapunan kaya iyon po ang niluto ko.” “Aba’y mapaparami ang kain ko nito!” sagot sa akin ni Mang Arturo at nauna nang pumunta sa dining room. Simula nang ako ang magluto sa kanila ay marami ang nauubos ng matanda. Lahat ng ulam na nire-request niya ay talaga namang niluluto ko lahat. Naging magana siyang kumain kaya naman tuwang-tuwa si Aling Nita dahil tila bumabalik na sa dati ang pangangatawan ng kaniyang asawa. “Loko talaga iyang matanda na iyan! Aba'y, iniwan ako!” nagtatampong wika ni Aling Nita kaya natawa ako. Inalalayan ko ang matanda at sabay na kaming pumunta sa dining room. Pagdating namin roon ay nagsasandok na ng pagkain si Mang Arturo at pagkatapos ay nag-umpisa na rin itong kumakain kaya naman masamang tumingin si Aling Nita sa mahal niyang asawa. “Aba'y nauna ka pa sa akin!” reklamo ni Aling Nita sa asawa niya. “Hindi mo man lang ako hinintay! Pambihira ka talaga! Wala ka na talagang pakialam sa akin!” “Aling Nita, ‘wag na po kayong magtampo,” wika ko. “Habang nandito po ako ay aasikasuhin ko po kayo.” “Paano kapag umuwi ka na?” tanong niya sa akin habang nakasimangot. “Sana naging anak na lang kita, Kaycee. Sana kami na lang ang naging mga magulang mo. Kung kami ang naging mga magulang mo, hindi ka namin pahihirapan hindi tulad ng ginagawa sa iyo ng pamilya mo.” Hindi ko alam ang isasagot ko kay Aling Nita. Kahit naman kasi naman ganoon ang ugali ng pamilya ko ay pamilya ko pa rin sila. Kahit hindi maganda ang trato nila sa akin ay hindi ko sila kayang tiisin. “Kumain na po kayo,” sa halip ay sabi ko. Nilagyan ko na ng pagkain ang plato niya at ipinagtimpla ko na rin ng gatas bago ako umupo para para saluhan sila. “Marami po akong niluto kaya hindi po kayo mabibitin.” “Ang sarap mo talagang magluto, Kaycee,” puri sa akin ni Mang Arturo. “Suwerte ng mapapangasawa mo.” “Sinabi mo pa,” sang-ayon ni Aling Nita. “Kung may anak sana tayong lalaki ay baka inutusan ko na siya na ligawan itong si Kaycee dahil wala na siyang hahanapin pa sa batang ‘to. Sayang at wala tayong anak na lalaki. Mahina ka kasi Arturo.” “Aba't! Paano ako naging mahina? Nakukulangan ka pa ba sa anim? Aba'y pagkatapos nating kumain ay gagawa tayo ng bata.” “Sa tingin mo may mabubuo pa tayo gayong matanda ka na?” “Subukan natin. Malay mo naman.” Nakangiti ako habang nakamasid sa mag-asawa. Kahit nagbabangayan sila ay mapapansin mo na mahal talaga nila ang isa't isa. “Malandi ka talaga,” parinig ni Aling Nita sa asawa niyang si Mang Arturo. Habang kumakain ako ay nakamasid ako sa dalawa. Halatang mahal nila ang isa't isa kahit pa may edad na sila. Hinihiling ko na sana ay makahanap din ako ng tulad ni Mang Arturo na mahaba ang pasensiya at lagi lang na nakangiti. “Oh, Hija? Kain lang nang kain,” wika ni Mang Arturo sa akin. Marahil ay napansin niya na palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang mag-asawa na paminsan-minsan ay nagsusubuan pa. “Aba'y, tulala ka na.” “Natutuwa lang po ako sa inyong mag-asawa,” wika ko. “Kapag bumalik na ang pamilya mo, malabo nang makapunta ka rito, Hija,” wika ni Mang Arturo. “Tiyak na bahay at eskwelahan na lang ulit iikot ang buhay mo.” “Oo nga po, eh,” tugon ko. “Teka, ‘di ba si Milagros na ang magpapaaral sa iyo?” tanong ni Mang Arturo. “Kung ganoon, lumipat ka na sa bahay niya tutal naman siya na ang magpapaaral sa iyo. Kapag may free time ka, makakapunta ka rito kahit kailan mo gusto. Oh, ‘di ba? Magaan na ang buhay mo hindi kagaya kapag kasama mo ang pamilya mo.” “Kailangan ko po munang magpaalam sa Nanay at Tatay ko,” wika ko. “Pagdating po nila ay sasabihin ko agad ang magandang balita.” “Tiyak na matutuwa sila dahil hindi sila maglalabas kahit piso,” sabi ni Aling Nita. “Ang iniisip ko lang ay baka hindi ka nila payagan na doon tumira kay Milagros.” “Kakausapin ko po sila,” wika ko pero sa kaloob-looban ko ay medyo alanganin na payagan ako ng mga magulang ko na doon tumira sa bahay ni Aling Milagros. Puwede siguro akong dumalaw pero ang tumira roon ay mukhang mahihirapan ako na mapapayag sila. “Sana lang talaga pumayag sila.” “Sana nga talaga dahil sayang iyon, Hija.” “Kapag po ba hindi ako tumira sa bahay ni Aling Milagros ay hindi na po ba niya ako tutulungan, Aling Nita?” tanong ko. “Ang gusto kasi niya ay ‘yong may makakasama siya sa bahay niya, Hija. Ayaw niya kasi kumuha ng kasambahay dahil lagi siyang ninanakawan. Ang sabi niya, kung may kilala raw ako na mapagkakatiwalaan ay ipaalam ko agad sa kaniya. Ang problema, ‘yon talaga ang kondisyon niya at hindi na natin mababago iyon. Tutulungan ka pero kailangan doon ka lang sa bahay niya para may makasama siya. Kumbaga, para kayong mag-ina. Pero, mabait si Milagros kaya wala kang magiging problema sa kaniya. Madalas din kaming pumupunta ni Arturo sa bahay niya kaya tiyak na mapupuntahan ka namin doon madalas.” “Nag-aalala po ako na baka hindi ako payagan ng mga magulang ko,” wika ko sabay buntonghininga. “Ano? Ba't naman hindi sila papayag?” “Wala na po kasing gagawa ng mga gawaing bahay.” “Ano? Eh, ‘di kumuha sila ng kasambahay!” inis na wika ni Aling Nita. “Pumayag man sila o hindi ay wala kang magiging problema dahil hindi ka naman mawawalan lalo pa't hindi mo naman sila kailangan sa buhay mo. Eh, ano ngayon kung hindi ka nila payagan? Hindi ka nila puwedeng takutin ngayon dahil si Milagros na ang bahala sa iyo, Hija.” Sa totoo lang, kinakabahan ako. Hindi kasi malabong awayin ng mga magulang ko si Aling Milagros. Ang malala pa ay baka sugurin nila ako sa university na papasukan ko at baka ipahiya ako roon kapag hindi ko sinunod kung ano man ang magiging pasya nila. Sana lang talaga pumayag sila. “Kakausapin ko po ang mga magulang ko pati na si Aling Milagros, Aling Nita. Kakausapin ko po si Aling Milagros na kung puwede sana ay umuwi ako sa amin tuwing sabado at linggo. Sa tingin niyo po kaya, Aling Nita? Papayag po kaya si Aling Milagros?” “Hindi ako sigurado, Hija. Pero, wala namang masama kung susubukan mo, ‘di ba? Hayaan mo, sasamahan kita sa kaniya. Pakikiusapan natin siya ng maayos hanggang sa mapapayag natin siya.” “Salamat po. Tatanawin ko po itong malaking utang na loob, Aling Nita.” “Naku! Hayan ka na naman sa utang na loob!” wika niya sa akin. “Sabi ko nga sa iyo, dalangin ko na yumaman ka para makaalis ka na sa lugar na ito lalong-lalo na sa pamilya mo.” Nginitian ko lang si Aling Nita. Napuno ng kasiyahan ang aming hapunan. Pero, ang kasiyahan na inaakala ko ay hindi magtatagal nang marinig ko ang boses ni Nanay habang sumisigaw sa labas ng pinto nina Aling Nita. “Lumabas ka riyan, Kaycee!” sigaw ni Nanay mula sa labas kaya sunod-sunod akong napalunok. Hindi ko akalain na ngayon na pala sila uuwi. “Punyeta ka talaga! Kabilin-bilinan ko na ‘wag kang aalis sa bahay, ‘di ba?” Nang simulan nitong sipain ang pinto nina Aling Nita ay bigla akong napatayo. “Kaycee! Masasaktan ka talaga sa akin kapag hindi ka pa lumabas!” “Walanghiya talaga iyang nanay mo! Sobrang kapal ng mukha! Saan kaya siya kumukuha ng kapal ng mukha para magsisisigaw sa labas gayong gabi na?” Nang tumayo si Aling Nita ay kinabahan ako dahil baka kung ano ang gawin ni Nanay sa matanda. “Aling Nita, ako na lang po ang lalabas,” pigil ko sa kaniya at mabilis na hinawakan ang braso niya. “'Wag na po kayong lumabas dahil baka masaktan po kayo ni Nanay.” “Subukan niya para malaman niya kung paano maghimas ng rehas.” Habang papunta siya sa direksyon ng pintuan ay nakasunod agad ako. Kinakabahan talaga ako dahil nakikita ko na ang mga mangyayari. Pagbukas niya ng pintuan ay mabilis akong pumunta sa harapan ni Aling Nita para harangin siya. “N-nanay, anong oras po kayo dumating?” kinakabahan kong tanong. “Ngayon lang po ba–” Nabitin sa ere ang mga sasabihin ko pa sana nang hatakin niya ang buhok ko. “Hayop ka talaga! Paulit-ulit ako ng bilin sa iyo na ‘wag kang aalis sa bahay, ‘di ba? Ang tigas talaga ng ulo mo!” “Nanay, kakapunta ko pa lang naman dito. Maya't maya ay sinisilip ko po ang bahay natin. Araw-araw po ay tinitiyak ko na hindi po tayo mananakawan kahit alam ko na wala naman pong mananakaw sa bahay natin," paliwanag ko. “Anong wala?” Habang sinasabunutan niya ako ay sinasampal niya rin ako. “So, sinasabi mong tanga ako? Walanghiya ka! Pilosopo ka! Porque walang mananakaw sa bahay, eh, may karapatan ka na para umalis-alis kung kailan mo gusto!” “Hoy, Santa! Bitiwan mo nga siya!” singhal ni Aling Nita kay Nanay. “Kung makapanakit ka kay Kaycee, parang hindi siya nanggaling sa iyo, ha! Ikaw lang ang kilala kong ina sa sobra kung makapanakit sa anak. Wala kang puso!” “Hoy, Tanda! Manahimik ka kung ayaw mong madamay, ha? Gusto mo bang sa iyo ko ibaling ang galit ko sa babaeng ‘to?” “Nanay, umuwi na po tayo,” awat ko sa nanay ko dahil baka kung ano'ng gawin niya sa mag-asawa. Matanda na ang dalawa kaya alam ko na kahit magtulong pa sila ay wala silang magagawa sa lakas ni Nanay. “Nanay, tara na po dahil nakakahiya po sa mga kapitbahay nina Aling Nita.” “Talagang uuwi na tayo at pagdating natin sa bahay ay tiyak na gugulpihin ka rin ng ama mo!” Habang papauwi kami ay hawak hawak niya ang buhok ko kaya sobrang sakit na ng anit ko. Bago kami lumiko ay nagawa ko pang lingunin ang mag-asawa. Kinawayan ko sila at pilit na nginitian para iparating sa kanila na ayos lang ako. Humihingi rin ako ng pasensiya dahil muntik na silang masaktan ng dahil sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD