C2-Good news‼️

1514 Words
“Aling Nita, magandang umaga po!” masaya kong bati sa kapitbahay namin na medyo may kaya sa buhay. Tatanungin ko siya kung magpapalinis ba siya ng bahay niya o 'di kaya'y magpapalaba ng mga damit para ako na lang ang gumawa para magkaroon ako ng pera. Kapag hindi kasi ako kumilos ay tiyak na mapuputulan kami ng kuryente at saka ng tubig. Siguradong papatayin ako ni Nanay kapag nabalitaan niya na hindi ako gumawa ng paraan man lang. “Oh, Kaycee? Ano'ng sadya mo, Hija? May kailangan ka ba?” “Gusto ko po sanang itanong kung magpapalaba po kayo,” tanong ko. "At kung magpapalinis na rin po." “Bakit? Balak mo bang kumuha ng labada?” “Opo,” magalang kong sagot. “Malaki po kasi ang bayarin namin sa kuryente at saka sa tubig kaya kailangan ko pong maghagilap ng pambayad.” “Ano? Nasaan ba ang Nanay at Tatay mo? Bakit ikaw ang magbabayad ng mga bayarin ninyo sa bahay?” “Nasa bakasyon po sina Nanay at Tatay,” wika ko. “Kasama po nila sina Ate Andrea at Annika kaya mag-isa lang po ako sa bahay namin ngayon.” “Ano? Iniwan ka nilang mag-isa? Nagawa nila iyon sa iyo? Pambihira naman sila! Natiis nila na iwanan ka ng mag-isa habang sila ay magsasaya sa pupuntahan nila?” Hindi ako sumagot. “Kumain ka na ba?” “O-opo. Tapos na po,” pagsisinungaling ko pero ang totoo ay hindi pa ako kumakain simula pa kagabi. “Sigurado ka? Sa nakikita ko ngayon ay mukhang hindi ka pa kumakain simula kagabi,” aniya sabay iling. “Ibang klase talaga ang pamilya mo. Halika nga muna sa loob. Kumain ka muna para hindi ka mahimatay.” Hinawakan niya ang kamay ko at iginiya niya ako papasok sa kusina nila. “Maupo ka na riyan.” “Salamat po.” Mabait si Aling Nita. Lahat ng anak niya ay nasa abroad kaya medyo nakakaangat sila sa buhay. Dalawa lang silang mag-asawa na nakatira sa bahay nila ngayon. May edad na rin sila pareho kaya kumukuha na lang sila ng mga taong p’wedeng magtrabaho para sa kanila. Marami ang inilagay niyang pagkain sa plato ko kaya napatulala ako. Ipinagtimpla na rin niya ako ng kape at may kasama pang dessert kaya naman napaiyak ako. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag pinagsisilbihan ka. Kahit kasi may sakit ako ay hindi ko man lang naranasan na pagsilbihan ako ng sarili kong pamilya. “Teka, may sakit ka ba, Kaycee?” Bigla akong nag-angat ng tingin nang mahimigan ko ang pag-aalala sa boses ni Aling Nita. Nang hindi agad ako sumagot ay sinalat na niya ang noo ko. “Naku! Ang taas ng lagnat mo!” hiyaw ni Aling Nita sa natatarantang boses. “Ano ka bang bata ka!” Hinawakan ko ang kamay niya at pilit na nginitian para hindi siya mag-alala. “Ayos lang po ako, Aling Nita. Wala po ito. 'Wag ko kayong mag-alala sa akin dahil simpleng sinat lang po ‘to.” “O siya, kumain ka na. Dalian mo.” “Opo.” Iniwan ako pansamantala ni Aling Nita dahil may kukunin lang daw siya sandali. Pagbalik niya ay may dala-dala na siyang gamot at inilapag iyon malapit sa kinaroroonan ng baso ko. “Salamat po, Aling Nita.” “Bilisan mong kumain para makainom ka na agad ng gamot! Diyos ko namang bata ka! Ba't ba pinapabayaan mo ang sarili mo? Mahalin mo ang sarili mo dahil walang ibang magmamahal niyan kun'di ikaw lang.” “O-opo.” Nang bumaba ang tingin niya sa kamay ko ay kumunot ang noo niya. “Ang lala ng sugat mo pero gusto mo pa ring tumanggap ng labada.” Hindi ko kasi alam kung bakit ang selan ng kamay ko. Kahit kaunti lang ang nilalabhan ko ay nagkakaroon agad ako ng sugat. “Matapang po kasi ang sabon na nagamit ko no'ng nakaraan," pagdadahilan ko. “Magkano ba ang dapat mong bayaran sa kuryente at saka sa tubig?” “Fifteen thousand po lahat-lahat,” sagot ko. “Dalawang buwan po kasi iyon, Aling Nita.” “O siya, bibigyan na lang kita,” wika niya dahilan para mapatitig ako sa mukha ng matanda. “Sa totoo lang, gusto kitang kunin sa kanila kaya lang alam kong hindi sila papayag. Kilala ko kasi ang pamilya mo na mahilig sa gulo kaya umiiwas kami ni Arturo.” “Babayaran ko po kayo paunti-unti, Aling Nita,” sabi ko. “Mag-aaral po akong mabuti sa kolehiyo para po makabawi ako sa lahat ng atraso ko sa inyo. Pangako po, magiging matagumpay ako at babalikan ko po kayo. Ako naman po ang manlilibre sa inyo,” dagdag ko pa. Hindi ko na mapigilan ang pagtulo ng masagana kong luha kasabay ng panginginig ng mga kamay ko. “Ano ka ba! Hindi mo kailangan bumawi sa akin! Ang makita kang magtagumpay sa buhay ay sapat na sa akin, Hija!” aniya na ngayon ay naluluha na rin. “Kapag may maganda ka nang trabaho, bumukod ka na sa kanila. 'Wag mong hayaan na alilain ka nila, Hija. Paminsan-minsan ay lumaban ka rin.” Hindi ako sumagot. Sa halip ay tipid lang akong tumango. Kapag lumaban ako ay siguradong pagtutulong-tulungan nila akong apat. Ang masaklap pa ay baka hindi ako tigilan hanggang sa hindi ako namamatay. Tahimik kong inubos ang pagkain ko habang si Aling Nita ay tahimik na nakamasid sa akin. “Pagkatapos mo niyan, uminom ka ng gamot tapos magpahinga ka. Doon ka na lang sa kuwarto ni Angela matulog.” Ang Angela na tinutukoy niya ay ang kuwarto ng isa sa mga anak niya na nasa abroad. “Wala naman ang pamilya mo kaya puwede kang magpahinga rito hangga't gusto mo.” “Salamat po talaga, Aling Nita. Matutulog po ako sandali, paggising ko po ay lilinisin ko po itong bahay ninyo.” “Naku, ‘wag na. Marami akong puwedeng utusan para maglinis nitong bahay. Ang gawin mo, magpahinga ka para gumaling ka na dahil kapag nakauwi na naman ang pamilya mo ay tiyak na doble-doble na naman ang pagod mo.” “Salamat po talaga, Aling Nita. Makakabawi rin po ako sa inyo balang araw. Hinding-hindi ko po kayo makakalimutan.” “Ano ka bang bata ka!” sita niya sa akin. “Tama na nga iyan! Bilisan mo napara makainom ka na ng gamot. 'Wag ka na muna magsalita para matapos ka na riyan.” “Opo.” Mabilis kong tinapos ang kinakain ko at pagkatapos ay ininom ko na agad ang gamot na ibinigay sa akin ni Aling Nita. Nang dadalhin ko na sa lababo ang kinainan ko ay inunahan niya ako at sinabing pumunta na raw ako sa room ni Ate Angela para makapagpahinga na ako. Pagpasok ko sa kuwarto ni Ate Angela ay dumiretso agad ako sa kama niya. Dahan-dahan akong sumampa at humiga roon. Napangiti ako dahil sobrang lambot ng kama niya. Hindi kagaya ng higaan ko na sobrang tigas kaya masakit sa likod. Ngayon lang naging payapa ang pakiramdam ko dahil wala akong iniisip. Hindi ako magkukumahog para magluto, maglaba at maglinis. Imbes na matulog ay biglang sumagi sa isip ko na maghanap ng trabaho habang wala ang pamilya ko. Kapag makahanap ako ng trabaho ay hindi ko na kailangan manghingi ng baon sa kanila. Ang problema, baka hindi ko na magawa ang tungkulin ko sa bahay namin. Kapag nangyari iyon ay tiyak na sa kalsada ako matutulog. Napailing-iling ako. Kolehiyo na ako ngayong pasukan. Kaunti na lang ay makakaraos din ako. Kapag nagkaroon ako ng maayos na trabaho at kapag may naiambag na ako sa bahay ay tiyak na magiging mabait na sila sa akin. Habang nagmumuni-muni ako ay may biglang kumatok sa pinto kaya mabilis akong napabangon at tinungo agad ang pinto. “Matutulog ka na ba?” bungad na tanong sa akin ni Aling Nita. “Hindi pa naman po. Bakit po?” “May maganda akong balita sa iyo, Hija!” wika niya sa akin habang nakangiti. “Naku! Tiyak na hindi ka na mahihirapan kapag nag-aral ka sa kolehiyo!” “Po? Ano po ang ibig ninyong sabihin?” “Nakausap ko si Milagros. Iyong kaibigan ko na walang anak. Ang sabi niya, naghahanap daw siya ng batang gustong mag-aral pero walang kakayahan na makapag-aral dahil sa hirap ng buhay. Naku! Naikuwento kita sa kaniya! Ang sabi niya, sagot na raw niya lahat ng gastos sa pag-aaral mo hanggang sa makapagtapos ka ng pag-aaral!” “T-talaga po?” hindi makapaniwala kong tanong. “Totoo po?” “Oo, Hija!” sagot sa akin ni Aling Nita. “Marahil ay gusto niya lang na may makakasama sa buhay kaya ganoon! Galingan mo, ha? Pagbutihin mo ang pag-aaral mo para makaalis ka na sa poder ng pamilya mo.” “Makakaasa po kayo, Aling Nita!” ani ko sa matanda sabay yakap ng mahigpit sa kaniya. Isa itong magandang balita! Tiyak na matutuwa ang nga magulang ko dahil wala silang ilalabas kahit piso para sa pag-aaral ko sa kolehiyo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD