C4-Pag-alis‼️

1612 Words
Sobrang sakit ng ulo ko ngayon dahil sa ginawa ni Nanay kahapon. Ang dami ring sugat ng mukha ko at saka ng katawan ko dahil pinagkukurot ako nina Ate Annika at Ate Andrea. Ipinaliwanag ko sa kanila na kaya ako naroon sa bahay nina Aling Nita ay dahil nagtatrabaho ako roon at hindi tumatambay lang. Kung totoo daw na nagtatrabaho ako, nasaan daw ang kinita ko? Ipinakita ko sa kanila ang perang kinita ko at lahat iyon ay kinuha ni Nanay sa akin. Hindi man lang ako binigyan kahit isang daan para may pambili man lang sana ako ng napkin. “Kaycee,” tawag sa akin ni Tatay nang pumasok siya rito sa kusina. Kasalukuyan akong naghahain ng magiging almusal nila. “Hindi ka muna mag-aaral ngayong pasukan at sa mga susunod pa, ha?” “P-po?” “Patapusin mo muna iyong mga kapatid mo sa pag-aaral at kapag tapos na sila ay puwede mo nang ipagpatuloy ang pag-aaral mo. Medyo, kapos kasi tayo ngayon kaya kailangan may magsakripisyo muna sa inyo.” “Tatay, nakapag-enroll na po ako sa university,” sabi ko. “Scholar po ako kaya wala po akong babayaran. Pagdating naman po sa daily expenses ko ay sagot na po ni Aling Milagros kaya wala po kayong gagastusin sa akin kahit piso.” “'Wag kang maging makasarili, Kaycee!” inis na sabi ni Nanay na kapapasok lang. “Paano iyong mga kapatid mo?” “Ano'ng paano ang mga kapatid ko, Nanay? Hindi ko po kayo maintindihan.” “Huminto ka na muna dahil bata ka pa naman. Sina Ate Andrea at Annika mo ay medyo may edad na kaya kailangan hindi na sila huminto sa pag-aaral.” “Ano? Kasalanan ko po ba kung mas inuuna nila ang pagbobolakbol imbes na mag-aral? Nanay, ilang taon na ang sinayang nila sa pag-aaral dahil lagi silang bagsak. Ano iyon, ako na naman ang magpaparaya? Isa pa, hindi naman kayo ang gagastos sa akin kun'di si Aling Milagros kaya hindi ko kailangan huminto para sa mga kapatid ko–” Napahinto ako sa pagsasalita nang sampalin ako ni Tatay. “Kailan ka pa natutong sumagot-sagot? 'Yan ba ang nakukuha mo sa pagtatrabaho mo kay Nita? Tinuturuan ka ba nila kung paano lumaban sa amin ng Nanay mo?” “Magulang ko nga ba kayo?” puno ng hinanakit na tanong ko. “Halos salit-salitan kayo kung saktan ako samantalang sina Ate na puro kapalpakan ang ginagawa ay hindi man lang nakakatikim ng masasakit na salita at pananakit mula sa inyo ni Nanay.” “Magbihis ka dahil dadalhin kita sa kapatid ko,” wika ni Tatay. “Malaki ang magiging suweldo mo kaya tiyak na malaki ang maibibigay mo sa amin kapag nagkataon.” “Ano? Ba't ko naman po gagawin iyon? Kung gusto ninyo, sina Ate ang dalhin n'yo roon para magtrabaho nang sa ganoon ay mapaaral nila ang mga sarili nila! Wala na kayong magiging problema sa akin dahil sa ibang bahay na ako titira! Doon sa taong magpapaaral sa akin!” Hindi ko na napigilan na hindi pagtaasan ng boses si Tatay dahil buong buhay ko ay lagi na lang akong nagbibigay. Kapag kinakapos sila ay hindi nila ako binibigyan ng baon pero ang dalawa kong kapatid ay kailan man ay hindi nawawalan ng baon. Ngayon naman kailangan magsakripisyo ako para tulungan ang mga kapatid ko! Hindi naman kasi kami mayaman pero nagawa pa nilang magbakasyon sa America imbes na inipon na lang sana. “Hindi ako hihinto sa pag-aaral dahil ayaw kong magsayang ng taon lalo pa't may magpapaaral naman sa akin. Sina Ate, sila ang pahintuin niyo–” Napahinto ako sa pagsasalita nang makita ko na kumuha si Nanay ng kutsilyo sa may lababo at pagkatapos ay inilang hakbang niya ang pagitan naming dalawa. “Malaki na ba ang ulo mo, ha, Kaycee?” tanong niya sa akin habang nakatutok na ang talim ng kutsilyo sa leeg ko. Imbes na awatin ni Tatay si Nanay ay hinawakan pa nito ang balikat ko para hindi ako makagalaw. Sobra-sobra na talaga itong ginagawa nila sa akin. Hindi maabot ng utak ko kung bakit pinapahirapan ako ng sarili kong mga magulang. “Susunod ka ba sa gustong mangyari ng tatay mo o hindi?” Hindi ako sumagot. Ang mga luha ko ay saganang tumutulo dahil sa sitwasyon na kilalagyan ko ngayon. “Sumagot ka! Susunod ka ba sa gusto ng tatay mo o hindi?” “S-susunod po, Nanay.” “Mabuti naman kung ganoon.” Inalis na ni Nanay ang kutsilyo sa leeg. Si Tatay naman ay pabalya akong binitiwan kaya napasubsob ako sa kanto ng lamesa dahilan para dumugo ang noo ko. “Mag-impake ka na dahil aalis agad tayo,” imporma ni Tatay sa akin. “Malayo ang magiging biyahe natin kaya maghanda ka na. Magdala ka ng tubig para hindi ka mauhaw sa biyahe.” Pikit-mata akong sumagot. “Opo.” “Kumilos ka na kung ayaw mong masaktan ulit!” pasigaw na utos ni Tatay sa akin kaya mabilis akong tumayo para magtungo sa stock room kung saan naroon ang mga gamit ko. Pagdating ko sa stock room ay doon ko ibinuhos ang sama ng loob ko. Umiiyak ako habang inilalagay ko sa sako ang mga gamit na dadalhin ko. Wala naman kasi akong bag na matino kaya para magkasya ang mga gamit ko ay sa sako ko na lang inilagay. “Tatay, paano na tayo kapag umalis si Kaycee?” narinig kong tanong ni Ate Annika sa ama namin. Nag-uusap ang dalawa sa loob nang kuwarto ng mga magulang namin. “Wala ng magluluto, maglalaba at maglilinis dito sa bahay kapag umalis siya.” “'Wag kayong mag-alala dahil kukuha tayo ng kasambahay.” “Saan po tayo kukuha ng perang ibabayad sa kasambahay natin?” “Galing sa sahod ni Kaycee!” sagot ni Tatay kaya napailing ako. “Malaki ang magiging suweldo niya sa kapatid ko kaya kahit hindi kami magtrabaho ng nanay niyo ay makakapag-aral pa rin kayo.” “Talaga, Tatay?” “Oo, Anak.” “Mabuti naman,” sagot ni Ate Annika. “I-advance mo na ang isang buwan niyang sahod para may pera na agad tayo, Tatay.” “‘Yon nga ang plano ko,” wika ni Tatay habang nakangiti. “Dalawang buwan ang hihingiin kong advance sa kapatid ko para hindi tayo mahigpit.” “Sige po, Tatay.” Sa mga oras na ito ay ipinagdadasal ko na sana mabait ang kapatid ni Tatay para hindi mahirap para sa akin ang magtrabaho sa kaniya. Kailan ko lang nalaman na may kapatid pala si Tatay dahil ang pagkakaalam ko ay nag-iisa lang siyang anak. Habang nag-iimpake si Tatay ay pumunta muna ako sa kusina para kumain dahil hindi pa ako kumakain. Wala rin akong kapera-pera para ibili ng pagkain kung sakaling magutom ako sa byahe dahil tiyak na hindi naman ako bibilhan ni Tatay ng pagkain. Nang buksan ko ang mga kaldero ay wala nang natirang pagkain sa mga niluto ko kanina. Napakalinis ng kaldero na animo'y hinugasan na. Wala akong ibang magawa kun'di ang mapapikit na lang at lulugo-lugong lumabas para doon na lang hintayin si Tatay. Nang makita ko si Aling Nita na papalapit sa akin ay mabilis akong napatayo para salubungin siya. “Aling Nita, kumusta po? Ano po ang sadya ninyo?” “Totoo ba ang narinig ko na hindi ka na mag-aaral, Hija?” “Po? Paano niyo po nalaman?” “Si Isabel ang nagbalita sa akin. Narinig daw niya na sinasaktan ka ng mga magulang mo dahil sinabi mo na doon ka na titira kay Milagros. So, ano? Totoo ba, Hija?” Marahan akong tumango. “Ang sabi po ni Tatay, huminto na raw po muna ako sa pag-aaral dahil kailangan ko raw pong magtrabaho sa kapatid niya para matulungan ko ang mga kapatid ko. Aling Nita, ayaw ko po sana kaya lang wala po akong magawa dahil sinasaktan po nila ako palagi. Sa katunayan nga po niyan, iuuwi ako ni Tatay sa probinsya ngayon. Ihahatid niya po ako sa kapatid na kahit minsan ay hindi ko pa nakita.” Hinawakan niya ang mga kamay ko. “Tutulungan kitang tumakas. Halika na. Walang magagawa ang lintik na iyan kapag umalis ka rito.” Umiling ako dahil may CCTV dito sa bahay kaya tiyak na mapapahamak sina Aling Nita at Mang Arturo kung sakaling tatakas ako dahil si Aling Nita ang makikita nila na huli kong nakausap bago ako mawala kung saka-sakali. "Hindi po puwede, Aling Nita. Hindi po puwede dahil ayaw ko po na madamay kayo." "Wala ba talaga akong magagawa para matulungan ka, Hija? Sa totoo lang, nalulungkot ako, Hija. Naaawa ako sa kalagayan mo." "'Wag po kayong mag-alala dahil kaya ko pa naman. Ipinapasa-Diyos ko na lang po ang lahat. Alam ko pong malalampasan ko ang lahat ng 'to." Nagulat ako nang pasimple niya akong abutan ng pera. “Ibili mo ng pagkain kapag nagutom ka. May kaperasong papel akong inilagay diyan. Numero ko iyan. Tawagan mo ako kapag hindi maganda ang lagay mo doon dahil ako mismo ang susundo sa iyo.” Tumango ako. “Salamat po,” madamdamin kong wika. “Mami-miss ko po kayo. Hayaan niyo po, tatawagan ko po kayo agad kapag nagkaroon ako ng pagkakataon. Salamat po, Aling Nita.” “Walang anuman, Hija. Dalangin ko na sana ay yumaman ka para makaalis ka sa mga hayop mong pamilya. Araw-araw ay ipagdadasal kita para sa kaligtasan mo dahil iyon lang ang magagawa ko sa ngayon para matulungan ka.” Sa halip na sumagot ay niyakap ko na lang ng mahigpit ang kaisa-isang tao na nagmamalasakit sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD