Chapter 2 - Juanito

1579 Words
PAGSASALIN durungawan/window(bintana) banyera/bath tub panggugo/shampoo ❣︎ ASUNCION ❣︎ (1900) Sinag ng sikat ng araw ang gumising sa aking mahimbing na pagtulog. Minulat ko ang aking mga mata at dinama ang simoy ng pang-umagang hangin, na malayang nakapasok sa nakabukas na durungawan ng aking silid. Bumangon ako at tinanaw ang nasa labas ng aking durungawan. Abala na ang mga trabahador sa rancho. "Senyorita Asuncion?" Isang katok ang pumukaw sa aking diwa, si Anda na iyon. "Tuloy ka, Anda." Bumukas ang pinto at niluwa niyon ang aking personal na tagapagsilbi—si Anda, labing pitong taong gulang. Labing dalawa pa lamang siya ay nagsimula na siyang manilbihan sa amin. Sa hirap ng kanilang buhay ay hindi na siya nakapag-aral at mas piniling tumulong na lamang sa paghahanap-buhay. "Magandang araw, Senyorita." "Ganoon din sa iyo, Anda." Bumaba na ako ng aking higaan at kaagad niyang inayos ang iyon. Nagsimula na rin akong maghubad para maligo. Sanay na akong nakikita ni Anda ang aking kabuuan. Magmula pa lamang noong unang araw siyang mamasukan at naging personal kong tagapagsilbi, siya na ang tumutulong sa akin sa pagligo at pagbihis. Kaagad akong pumasok sa aking sariling paliguan at tumambad ang aking repleksyon sa salamin. Napakagat-labi ako. "Iniisip mo pa rin ba iyon, Senyorita?" tanong ni Anda. Pumasok na ako sa loob ng banyera at kaagad naman nilagyan ng tubig ni Anda galing sa mga batya na hinakot nang nakatoka sa mga tubig. Nagsimula na siyang basain ang aking ulo. Pagkatapos ay nilagyan niya naman ng panggugo ang aking buhok na hanggang baywang ko—gawan iyon ng isa naming kasambahay na gumagawa rin ng mga pabango. Galing sa mga katas ng bulaklak at prutas. "Huwag na po muna ninyong isipin ang bagay na iyon, Senyorita." "Paanong hindi? Ikakasal ako sa lalakeng hindi ko naman mahal. Tila hindi ko pag-aari ang aking katawan at ang aking puso." Bumuntonghininga siya at nagsimula nang sabunan ang aking katawan. "May dalawang buwan ka pa para lasapin ang iyong kalayaan." Pinasigla niya pa ang kaniyang tinig at alam kong pinapasaya niya lamang ako. "Kung hindi lamang umiyak si Ina sa harapan ko, mas pipiliin ko pang tumandang dalaga." "Iniisip lang ng iyong ina ang iyong kapakanan, Senyorita. Mahirap na raw ang manganak kapag nasa gulang na trenta pataas." Mabuti pa si Anda, ginagawa ang lahat para lamang mapatawa ako. Samantalang ang aking mga kapatid ay hindi man lamang ako nagawang kampihan laban kay Ama. Nagkaroon ng pagdiriwang kagabi. Noong una ay hindi ko alam kung para saan iyon. Hanggang sa inanunsyo ni Ama na ikakasal ako sa  anak ng aming gobernador—kay Salvador. Ang saya ng lahat, ngunit kabaliktaran naman iyong ng aking nararamdaman. Hindi ko ipinagkakaila na matipuno at makisig na ginoo si Salvador, kahit pa sa tanda ng kaniyang edad. Ngunit, hindi ko mahagilap ang kahit na kaunting paghanga ng aking kalooban sa kaniya. Wala akong alam sa salitang pag-ibig, dahil buong buhay ko ay pinagbawalan ako ni Ama na makipaglapit sa mga lalake noong kabataan ko pa. Kaya hanggang sa umabot ako sa gulang na tatlumpu't lima ay mailap ako sa mga lalake. Tapos bigla na lamang siyang magdedesisyon na ipakasal ako? Sinong hindi magugulat? Sa gulang kong ito ay masasabi ko na kung ano ang pamamahal at paghanga. Kaya batid kong wala akong nararamdaman na kahit ano para kay Salvador. Nang matapos ang pagdiriwang ay kaagad kong kinompronta si Ama at nakatanggap lamang ako ng sampal. Walang sino man ang nakakalampas sa awtoridad ni Ama. Kahit pa akong ang panganay. Kaya, kahit labag sa aking kalooban, wala na akong magagawa kung hindi ang ihanda ang aking sarili. Naiisip ko pa lamang ang pagtatabi namin ni Salvador sa higaan ay para na akong sinabuyan ng asido. Matapos kong maligo ay inayusan na ako ni Anda. Tinirintas niya ang aking buhok—mula sa pinakatuktok niyong hanggang dulo. "Ang ganda pa rin ninyo, Senyorita. Hindi tulad ng ibang binibining kasinggulang ninyo, may mga kulubot na sa balat," mahina siyang humagikhik. Sabi ni Ama, bilang gantimpala, hahayaan niya akong mamasyal sa kahit saan sa loob ng dalawang buwan. Si Ignacio ang ikakasal sa susunod na buwan. Nauna pang maikasal ang mga kapatid ko na mas bata pa sa akin. Kaya sa halip na magmukmok sa aking silid, bibigyan ko na lamang ang aking sarili ng pagkakaabalahan, nang sa gayon, hindi ko muna masyadong maiisip ang tungkol sa kasal. Naghihintay na ang buong pamilya nang makapasok ako sa hapag-kainan. Ngiti ni Ina ang, seryosong tingin ni Ama, at pag-irap ng bunsong naming kapatid ang sumalubong sa akin. "Magandang umaga," bati ko sa kanilang lahat saka umupo na sa aking pwesto. Si Ama na nasa kabisera, sa kanang bahagi niya naman ay si Ina. Katabi ni Ina ang bunso naming kapatid—si Lira na hindi ko batid kung bakit kagabi pa siya nakasimangot sa akin. Sa kaliwa naman ni Ama ay si Ignacio at sa tabi niya ang aking pwesto. Ang sumunod sa akin ay si Almira na nakapangasawa ng anak ng heneral—si Ama rin ang pumili ng kaniyang napangasawa. Si Reuben naman na sumunod kay Almira ay nakapangasawa ng isa ring galing sa mayamang angkan. Si Ignacio ang sumunod kay Reuben, ang siyang katuwang ni Ama sa aming hacienda. Dahil sa kabilang lungsod sila nakabili ng lupa na patatayuan ng kanilang magiging bahay, ako na ang mamahala sa buong hacienda. Anak ng may ari ng isang pribadong paaralan ang mapapangasawa ni Ignacio. "Saan mo balak mamasyal mamaya, Ate?" Walang anu-ano ay naitanong ni Lira. "Hindi ko pa alam, sasamahan ako ni Anda," sagot ko na nakatingin lamang sa aking pagkain. "Huwag kayong masyadong lumayo, anak." Isang purong ngiti ang ibinigay ni Ina. Lubos ang kabaitan ni Ina, ngunit ganoon din kalubos ang pagiging istrikto ni Ama. Hindi ko batid kung paanong nagtagal ang kanilang pagsasama, gayong laging si Ama na lamang ang nasusunod. Marahil, ganoon kamahal ni Ina si Ama. Ganoon ba sa pag-ibig? Handang tanggapin ang lahat, kahit ang kaniyang mga kamalian? Lihim akong napabuntonghininga. "Kumusta ang pananghalian mo, Ignacio, kasama ang mga Valdez?" "Maayos naman, Ama." Sa aming magkakapatid, si Ignacio ang pinakamalapit sa akin at nagkakasundo kami sa lahat ng bagay. Kagabi nang masampal ako ni Ama, alam kong nais niya akong daluhan, pero pinigilan siya ni Ina na lihim na ring umiiyak. Walang sinasanto si Ama, kahit si Ina pa iyan. Batid kong may ibang iniibig si Ignacio. Isa sa aming mga kasambahay. Kaya batid kong tutol din siya sa kasalang magaganap sa susunod na buwan. Kay saklap ng aming buhay. Si Ignacio ay may masasaktang binibini, samantalang ako, kalayaan ko lamang ang mawawala sa akin. Mas mahirap ang sitwasyon niya at hindi ko batid kung ano ang kaniyang binabalak. Natapos ang aming agahan at naghihintay na ako kay Anda rito sa aming hardin. Nilalasap ang sariwang hangin na nahahaluan ng amoy ng mga bulaklak. Hinayaan kong halikan ng hangin ang aking mukha at napapikit pa ako, dahil ang sarap sa pakiramdam—pinapagaan nito ang bigat ng aking kalooban at tila wala akong pinapasan na suliranin. Nang may marinig akong umiiyak sa pinakadulong parte ng aming hardin. Dahan-dahan akong humakbang at pinakiramdaman kung sino iyon. "Paano na ako, Ignacio? Paano tayo?" Nahigit ko ang aking hininga nang mapagtanto kung sino iyon—si Mersing, ang kasambahay namin na lihim na kasintahan ni Ignacio. Nararamdaman ko ang sakit sa kaniyang bawat paghikbi. Tila kinukurot ang aking puso. "Hindi ko na alam." Tila nalulunod na ako sa kalungkutan nang aking marinig ang tinig ni Ignacio. Batid kong kapwa na sila umiiyak. Nagtataka ako, dahil ilang minuto silang natahimik. At dahil isa akong binibining puno ng kuryosidad ay sinilip ko sila. Nanlaki ang aking mga mata sa nasaksihan. Hinahaplos na ni Ignacio ang dibdib ni Mersing. Pinagsasaluhan nila ang init ng kanilang paghahalikan at hindi nila alintana na may isang pares ng mata ang malaya silang pinagmamasdan. Bumaba ang kamay ni Ignacio sa loob ng mahabang saya ni Mersing at napansing kong napaliyad siya nang magsimulang gumalaw ang kamay ni Ignacio. Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng mainit na tubig, dahil pakiramdam ko ay tila binilad ako sa sikat ng araw sa loob ng mahabang oras. Sobrang init! Bago pa nila ako mahuli ay nilisan ko na ang parteng iyon ng aming hardin. Pinaypay ko ang aking sariling kamay sa aking mukha, dahil nararamdaman ko pa rin ang init. Nagpabalik-balik ako sa pagparoon at parito. Ang bilis ng pintig ng aking puso. Ano ito! Nang may marinig akong mga yabag na papalapit sa aking kinaroroonan, kaagad ko iyong hinarap sa pag-aakalang si Anda na iyon, "Bakit ang tagal mo, Anda?" Ngunit, mas lalo lamang yatang nag-init ang aking pakiramdam nang isang ginoo ang walang damit pang-itaas ang aking nabungaran. Bumaba pa ang aking mga mata sa kaniyang tiyan na may anim na hugis parisukat ang nakahulma roon. Mas bumaba pa ang aking tingin sa ibabang parte ng kaniyang puson at lihim akong napalunok nang makitang may nakaumbok doon. Kaagad akong napaiwas ng tingin nang marinig ko ang boses ni Anda, "Pasensya na, Senyorita! Sinamahan ko pa kasi itong pinsan kong si Juanito na maghatid ng pananghalian ng mga nakatoka ngayon sa rancho." May pinsan siyang ganito kakisig! "Magdamit ka nga, Juanito!" "Huwag na, nakakatuwang tingnan ang Senyorita habang pinagmamasdan ang aking katawan." Kaagad akong napalingon sa kaniya, "Ano ang iyong sinabi?" "Ikinalulugod kong mahawakan ng isang senyorita," sabi niya pa at sumilay ang nakakalokong ngiti sa kaniyang mga labi. Antipatiko! 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD