"Aly, sasama ba si Kiel? I-text mo nga," pakisuyo ni Sean habang naglalakad kami papunta sa terminal ng jeep sa labas ng municipal hall.
Bakit ako pa? Baka isipin pa ni Kiel, masyado na naman akong attached porke't nakapag-usap kami kagabi.
"Ewan ko," kibit-balikat ko. "Tsaka, bakit ako pa ang mag-ti-text? Ikaw na lang, brad."
"Wala akong load," sagot niya. "Oh, sige. Si Kit na nga lang," sabi niya pa bago siya lumapit sa tabi ni Kit para ipa-text si Kiel.
"Uy," kalabit ni Sab kaya lumingon naman ako. Malaki ang ngisi sa mukha niya at may nanunuksong tingin sa mga mata niya.
"Bakit ayaw mong i-text? Kagabi pa kayo magka-text, ah? Noong pauwi na kami galing sa inyo?" Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya at tinawanan niya lang ako bago siya nagpaliwanag. "Naki-text kasi ako sa kanya, tapos nakita kong lumabas 'yong pangalan mo sa messages."
"Wala 'yon," iwas ko.
"Wala lang 'yon sa kanya. Pero sa'yo, for sure may meaning," diretsong sagot niya sa akin. "Akala mo hindi ko alam? Nag-solo pa nga kayo kagabi sa likod ng bahay. Pasalamat ka, walang nag-react kagabi. Ayaw kasi naming masira ang moment niyo."
"Wala nga lang 'yon. I'm just trying to help," paliwanag ko.
"Aly naman... high school palang, best friends na tayo. Kabisado na kita," sabi niya naman. "Ngayon pa ba tayo maglolokohan?"
"Oo na, oo na. Let's just drop this, okay?" saway ko sa kanya pero sumali pa sina Pam at Daena sa panunukso sa akin.
Pati sina Sean at Kit na naghihintay ng jeep, sumali rin sa pang-a-asar. Sinamaan ko na lang silang lahat ng tingin at tumigil lang sila nang sawayin kami ng barker dahil nakaharang daw kami sa daan.
Anim lang kaming magkakasama ngayon papunta sa debut ni Fritz, high school friend and batchmate namin. Sina Justin, Aron at Kiel, nag-text. Susunod na lang daw sabi ni Sean. Sina Mads at Luke, hindi makakasama.
"Uy, may jeep na. Lika na," aya ni Kit sa amin at sunud-sunod kaming sumakay sa jeep.
"Bakit pala wala si Mads at Luke?" tanong ni Daena.
"Nag-text si Mads. Family day nila today. Si Luke naman busy sa pagtulong sa restaurant nila, marami raw kasing customer ngayon," paliwanag ko.
"Oh, I see. Sayang naman 'di kumpleto ang barkada ngayon," nanghihinayang na sabi ni Pam habang ka-text niya si Ash, ang suitor niya na halos dalawang taon nang nanliligaw sa kanya.
Nag-iwas ako ng tingin habang nagbabasa si Pam ng reply ni Ash. Magkatabi lang kami kaya hindi ko maiwasan na hindi masilip ang mga sweet messages nila sa isa't isa.
"Ako na muna magbabayad para sa lahat," pahayag ni Kit nang dumukot siya ng pera mula sa wallet niya.
"Thank you, brad!" sabay-sabay naming sabi.
Ilang sandali lang, pumara na rin naman sina Sean nang makita nila ang chapel na landmark ng lugar. Sumakay pa kami sa tricycle dahil sa loob pa ang pavilion kung saan gaganapin ang debut ni Fritz.
"Manong, dito na lang po," rinig kong sabi ni Kit na nasa back ride.
Dalawang tricycle ang kinuha namin kami at kami ang nauna nina Sab sa venue kaya hinintay pa namin sa labas sina Pam, Daena at Sean bago kami tumuloy sa loob.
"Happy birthday, Fritzie!" nakangiting bati namin nina Sab sa debutant nang pumasok na kami sa loob ng venue.
Walang formal na program ang debut ni Fritz, ayaw niya kasi ng traditional party kaya simpleng salu-salo lang ang inihanda ngayon na para sa mga kaibigan at pamilya niya.
"Thank you, guys! Buti naman at nakapunta kayo," masayang salubong niya sa amin.
Isa-isa kaming bumeso at yumakap kami kay Fritz bago kami bumati sa iba pa naming high school batchmates na halos kadarating lang din. Sina Sean at Kit naman, bumati rin at nakipag-high five sa mga kaibigan nila.
"Kumain na muna kayo," sabi pa sa amin ni Fritz sabay turo ng buffet table sa gilid. "Kumuha lang kayo nang kumuha. Babalikan ko kayo mamaya, tinatawag lang ako ni Daddy," duktong niya pa bago niya kami iniwan para salubungin ang iba pang bisita.
"Uy, guys!" bati nina Justin at Aron sabay tapik ng mga balikat namin nang makalapit sila sa table ng barkada.
"Kumain na kayo," salubong ko sa kanila.
"Akala ko kasama niyo si Kiel?" tanong ni Sab habang kumakain siya ng buko pandan.
"May dadaanan pa raw siya. Nauna na kami," sagot ni Aron.
"Ah. Sige mga brad, kumain na muna kayo," sabi pa ni Sab sa kanila kaya nagpunta na sina Justin sa buffet table para kumuha ng food. Sinabayan pa sila nina Kit at Sean dahil nagugutom pa raw sila. These boys and their big appetites.
Nang bumalik ang mga boys sa table namin, kasama na nila si Kiel. Nakakuha na rin siya ng pagkain niya at binati niya muna kami nina Sab bago siya naupo sa tabi ni Aron.
"Buo na ang gabi ni Aly," tukso agad sa akin ni Kit nang maupo siya sa tabi ko.
Pabiro na lang akong umirap habang nagpapanggap na wala lang sa akin ang pagdating ni Kiel. Ayaw na ayaw pa naman nito ng tinutukso kaming dalawa dahil naiilang siya.
Nagsimula kaming magkaro'n ng gap ni Kiel mula nang inamin ako sa kanyang gusto ko siya. That was when we were still in third year high school. Siya ang unang umiwas sa akin hanggang sa lumaki na nang lumaki ang gap sa pagkakaibigan namin.
Maraming beses na sumubok ang barkada na ibalik sa dati ang pagkakaibigan namin ni Kiel pero walang nangyari. Nitong college na lang talaga kami nagsimulang maging okay ulit pagkalipas ng apat na taong awkwardness at iwasan.
Napapansin din naman ng barkada ang progress namin kaya panay asar na naman sila sa aming dalawa. Noon kasi, sobrang close talaga kami ni Kiel kaya alam nilang malaki ang nagbago noong umamin ako.
"Masaya na naman siya," duktong pa ni Aron sa panunukso ni Kit. Tumahimik na lang ako dahil alam kong magsasawa rin naman ang mga lokong 'to sa panunukso.
Sumlyap ako kay Kiel at nakita ko na nakatingin din siya sa akin. Ngumiti siya at nagulat ako nang itinaas niya ang kamay niya sa harap ko para makipag-high five. Lalo kaming inasar ng barkada pero tumawa na lang kaming dalawa.
Nakisabay ako sa tawa ni Kiel na para bang wala lang sa akin ang pagdampi ng kamay niya kahit na ramdam ko ang pagbilis ng pulso ko.
"Uyyy!" siniko pa ako ni Sab at tawa nang tawa ang mga boys habang nanunukso pa rin sila.
Binalingan ko na lang ang phone ko dahil ayokong maging defensive sa harap ni Kiel at magpahalatang kinikilig ako. I have to be subtle about my feelings.
Tumigil din naman ang asaran at narinig ko na lang na hinihiram ng best friend ko ang phone ni Kiel. Pumayag naman siya dahil tiwala siya kay Sab. Sa best friend ko kasi madalas mag-open up si Kiel kaya updated ako dahil nag-ku-kuwento rin si Sab sa akin tungkol sa kanya.
"Aly..." mahinang tawag sa akin ni Sab sabay pakita ng pictures sa camera roll ni Kiel. Kumukuha ng baked mac ang mga boys kaya hindi alam ni Kiel na ipinasilip sa akin ni Sab ang phone niya.
Nagulat ako nang makita ko na nasa camera roll ng phone niya ang mga pictures naming dalawa noong debut ni Daena last month. Bagong bili palang kasi ang phone ko kaya inaya ko siyang mag-picture no'ng naiwan kami sa table.
"Oh, paano napunta sa kanya 'yan?" nagtatakang tanong ko. Hindi naman niya hiningi sa akin 'yong pictures kaya sa album sa f*******: ko na lang in-upload lahat.
"Malamang sinave niya," sabi naman ni Sab habang nag-so-scroll siya sa camera roll.
"Hindi nga ako nag-tag sa mga pictures namin na 'yan dahil nahihiya ako. Ang papangit ko pa sa mga kuha, para akong tanga," kuwento ko pa sa best friend ko bago ko muling tinignan ang mga pictures. "Ibig sabihin, nag-browse siya sa album ko sa f*******:? Tapos sinave niya?"
"Baka," kibit-balikat na sagot ni Sab habang pinapakialaman niya ang laman ng phone ni Kiel. "Improving na talaga kayong dalawa, huh. Naks!"
Napailing na lang ako at sinubukan kong itago ang ngiti sa mga labi ko. Kahit na mukha akong tanga sa mga pictures namin, masaya pa rin ako dahil sinave ni Kiel 'yon sa phone niya. That has to mean something, right?
"Uy, Sab! Aly! Tara!"
Nag-ayang mag-pa-picture si Fritz kaya hindi na ako tinukso pa ni Sab at sa pag-pose na natuon ang pansin namin pareho. Naglabas pa nga ng beer para sa mga bisita niya kaya nag-stay pa kami ng barkada para uminom ng kaunti.
"Uy Aly, uwi na tayo. Nagtetext na si mommy," bulong sa akin ni Sab nang ibaba niya ang baso niya sa mesa. "Tsaka, may pasok pa tayo bukas."
Tumango ako sa kanya at inaya na rin namin ang barkada para makapagpaalam na kami.
"Happy birthday ulit, Fritz! Uuwi na kami. Thank you so much! Nag-enjoy kami."
"Thank you, guys!" sabi naman niya at isa-isa siyang yumakap sa amin bago siya bumaling kay Kiel. "Uy, birthday mo rin bukas, ah?"
"Oo nga, eh," tawa ni Kiel. "Happy birthday sa atin," sabi niya pa bago siya humalik sa pisngi ni Fritz. Sabay kasi ang birthday nila, earlier lang nag-celebrate si Fritz para sa party niya.
"Ako rin pa-kiss," mahina kong sabi at tumawa naman si Kit sa tabi ko bago niya ako itinuro.
"Pa-kiss daw, 'pre!"
"Yakap na lang?" nag-a-alangan kong sabi.
Nanukso na naman ang barkada pero hindi ko alam kung saan ko hinugot ang kapal ng mukha ko para hindi mahiya sa mga pinagsasasabi ko. Pwede ko namang sabihin na nagbibiro lang ako 'pag ayaw niya.
"Yieee!" maingay na tukso ng barkada nang lumapit sa akin si Kiel at humalik sa pisngi ko. Niyakap niya rin ako at sinubukan kong tumawa para magmukhang katuwaan lang ang lahat kahit gulat na gulat ako sa ginawa niya.
Malakas ang kabog sa dibdib ko at sinusubukan kong magpigil ng hininga dahil baka marinig niya 'yon.
Natatakot kasi ako na baka umiwas na naman siya sa oras na malaman niyang may nararamdaman pa rin ako sa kanya hanggang ngayon.
And I am damn too scared.
Takot ako na mawalan na naman ng papel sa buhay niya.