Chapter 5

2304 Words
“Sa tingin mo, girlfriend siguro ni Damon ‘yung babae, ‘no? O kaya… ex?” Hanggang ngayon ay ito pa rin ang bukambibig ni Esme. Tapos na ang shift namin ngayong gabi. Pauwi na kami pero ‘yun pa rin ang gumugulo sa isip niya. “Siguro,” nagkibit balikat ako. Nasa kalsada ang atensyon ko dahil nag-aabang ako ng jeep. “Ang ganda niya! Mukha siyang foreigner! Ano sa tingin mo?” Hindi pa rin maitago ang pagkamangha sa tono ni Esme. “Siguro…” Totoo namang maganda ang babaeng nakausap ni Damon Marquez kanina. Base sa pananamit at pananalita niya, halatang hindi siya galing sa hirap. Malamang, matagal nang magkakilala ang dalawa, halata naman iyon sa interaksyon nila. Ang hindi ko lang maintindihan, bakit ayaw ni Damon Marquez na sumama siya sa mga kaibigan niya? Aniya’y hindi sila magandang impluwensya. Mukhang totoong concern talaga siya sa babaeng ‘yun. Pero… ano nga ba’ng pakealam ko sa bagay na iyon? Ba’t ko ba pinagkakaabalahang isipin pa ang tungkol do’n? Marami na akong iniisip at ayoko nang dumdagdag pa si Damon Marquez at ang babaeng nakausap niya. Ang dapat kong pagtuonan ng pansin ay ang pagpapagamot kay Nanay. Hahanap ako ng mga organisasyong tumutulong sa mga pasyenteng may malulubhang karamdaman. Hindi ako susuko. Hangga’t kaya ko, gagawa ako ng paraan para lamang mapahaba pa ang buhay ni Nanay. Nais kong magsama-sama pa kami ng matagal. Gusto kong makita pa niyang makapagtapos ang mga kapatid ko… maging ako. Iyon talaga ang pangunahin kong dasal – bigyan pa ng mahabang buhay ang aking mga magulang. Sa ospital ulit ako dumiretso. Nag presinta ako na ako na muna ang magbabantay kay Nanay. Kailangan din muna kasing umuwi ni Tatay dahil halos dalawang araw na siyang hindi umuuwi sa ‘min. Ayaw pa nga niyang umalis, mabuti na lang at napilit ko siya. Alam kong pagod din si Tatay at may dinadamdam na siya sa kanyang katawan. Ayaw lang niyang aminin ito sa ‘kin pero ramdam kong meron talaga. Kaya’t gusto ko rin bigyan ng pansin ang kalusugan niya. Pipilitin ko siyang mag pa check up para alamin ang kalagayan niya. “Nay… may nabanggit po ang isa sa mga kasamahan ko na may mga organisasyong tumutulong sa mga may kanser at iba pang sakit. Susubukan ko pong maghanap… at ililipat ko po kayo sa ibang ospital na pag-aari ng gobyerno,” sambit ko kay Nanay nang maiwan na kaming dalawa. Inalalayan ko siya nang subukan niyang umupo. “Salamat, anak…” hinawakan niya ang mga kamay ko. “Pasensya na, masyado na ‘kong nagiging pabigat sa ‘yo… sa inyong lahat.” “Nay…” iling ko. “Hindi ka po pabigat.” “Hindi, Celine, p-pabigat ako. Ba’t kasi nagkasakit pa ‘ko. N-nakadagdag pa tuloy ako sa mga iniisip mo. Alam kong p-pagod ka na, anak. Hindi mo man sabihin sa ‘min… alam kong nakakaramdam ka na ng pagod.” “Hinding hindi po ako mapapagod,” ngumiti ako. Nilagay ko ang mga palad niya sa mukha ko. “Pagdating sa inyo, hindi ko mararamdaman ang bagay na iyon. Kayo ni Tatay ang dahilan kung bakit nandito ako sa mundo, kaya utang ko ang buhay ko sa inyo, Nay.” Umiling ulit si Nanay. “Iniluwal kita rito sa mundo hindi para bigyan ka ng obligayson. M-may sarili kang buhay, Celine. A-at ayokong kalimutan mo i-iyon nang dahil lang sa amin.” “Kayo po ang buhay ko… kayo ng mga kapatid ko,” sinikap kong huwag manginig ang boses ko para hindi tumulo ang aking mga luha. “Kaya, g-gusto ko pang lumaban kayo… at mapahaba pa ang b-buhay niyo. Gusto pa p-po namin kayong makasama ng matagal.” Hinayaan ko na munang magpahinga ulit si Nanay pagkatapos ng pag-uusap naming iyon. Nang makatulog siya, pumunta ako sa billing station para alamin kung magkano ang dapat kong bayaran para makalabas na siya sa ospital. Nanlumo ako habang nakatitig sa mga papael na ibinigay sa akin. Ilang araw lang naman namalagi si Nanay rito, pero hindi ko akalain na aabot ng kanito kalaki ang gastusin. Mabuti na lang at kaya naman itong punan ng ipon ko. Binisita na rin ng Doktor kanina si Nanay. Itinanong ko kung maaari ko na ba siyang iuwi na muna sa bahay. Maaari naman daw, ngunit mas maganda kung mamalagi siya sa ospital. Kaya lang, sinabi ko na hindi na kakayanin ng ipon ko kung mananatili pa si Nanay ng ilang araw rito. Mabuti na lang din at binigyan niya kami ng clearance para makalabas. Iuuwi ko na si Nanay sa bahay ngayong hapon. Tinawagan ko na rin si Tatay kanina at ipinaalam sa kanya ang tungkol sa naging plano ko. Masyadong naging biglaan ang desisyon kong ito. Wala naman talaga sa plano ko na ilabas sa ospital ngayon araw si Nanay. Pero dahil na rin sa pag-uusap namin ng mga kasamahan ko kagabi, nagpasya akong ibahin na ang plano ko. Iuuwi ko muna siya hanggang sa makahanap ako ng ospital na malapit pa rin sa tinitirahan namin at sangay ng gobyerno. Sa kalagayan kasi ni Nanay ngayon, at base na rin sa mga sinabi ng Doktor, mas kailangan manatili siya sa ospital dahil may mga pangangailangan siya na doon lang maaaring gawin. Kakatapos lang naming mananghalian ni Nanay ngayon. Naaayos ko na ang bill niya at naghihintay na lang kami ng tamang oras. Mamayang alas tres ay maaari na siyang lumabas. Sinabihan ko na rin siya tungkol sa kanyang paglabas, aniya’y maganda ang naging desisyon ko dahil ayaw na rin naman niyang manatili sa ospital. “Masyadong malaki ang binayad mo, Celine,” umubo ng kaunti si Nanay. Nakabihis na siya ng pang-alis ngayon. “Baka naubos na ang ipon mo, ‘nak.” “May natira pa naman, Nay,” ngiti ko habang inaayos ang mga gamit niya. “Kaya naman din kitain ulit ‘yon.” “Wala ka pang pahinga,” pinigilan niya ang mga kamay ko sa paggalaw. “Baka ikaw naman ang magkasakit. Nabasa ka pa ng ulan kagabi, ‘di ba? Hindi ka pa nakapag palit ng damit.” “Nay, malakas ako at matibay ang katawan. Hindi ako dadapuan ng sakit,” tawa ko at pinagpatuloy na ang ginagawa. “Hay, Celine, napaka swerte talaga namin ng Tatay at mga kapatid mo sa ‘yo. Maswerte rin ang lalaking mapapangasawa mo kung sakali.” “Wala pa sa isip ko ang pag-aasawa, Nay. Bata pa ‘ko. Tsaka… mag-aaral pa ‘ko ng kolehiyo. Hindi na ‘ko magkakaroon ng panahon para sa ganyan.” “Hindi mo masasabi ‘yan, baka mamaya’y bigla ka na lang ma in love.” “Imposible po ‘yan,” iling ko at isinarado na ang bag. Umupo ako sa tabi ni Nanay. “O kung possible man… baka matagal pa. Hindi ko naman talaga prayoridad ‘yan. Ayos nga lang sa ‘kin kahit tumanda akong dalaga.” “Naku, anak, huwag mong sabihin ‘yan. Baka magkatotoo.” Pareho kaming natawa ni Nanay dahil sa sinabi niya. “Basta… Nay, matagal pa naman mangyayari ‘yan. Hindi ko pa iniisip.” Tinapik ni Nanay ang balikat ko. “Ang tanging hiling ko lang, may lalaking dumating sa buhay mo na mamahalin at aalagan ka. ‘Yung lalaking karapat-dapat din sa pagmamahal mo… ‘yung hindi ka sasaktan.” “Mukhang seryoso ang usapan niyo, ah?” sabay kaming napabaling ni Nanay sa aming likuran nang marinig ang boses ni Tatay. “R-roger, halika…” tinapik ni Nanay ang kabilang gilid niya. Umupo si Tatay doon, napapagitnaan namin si Nanay. “Kumusta ka na, Zenaida? Mabuti na ba ang pakiramdam mo?” Humilig ako sa balikat ni Nanay. Pinakinggan ko na lang ang mga magulang ko sa pag-uusap. Dalawampu’t limang taon nang kasal si Nanay at Tatay. Alam ko ang istorya nilang dalawa. Ayon sa kanila, nagkakilala sila nang mamasukan bilang kargador si Tatay sa palengke, kung saan may tindahan ang ina ni Nanay, ang Lola ko. Labing walong taong gulang pa lang daw sila noon, at unang kita pa lang daw ng aking ama kay Nanay, nabighani na raw siya kaagad. Niligawan niya si Nanay hanggang sa mapasagot ito. Matagal din silang naging magkasintahan hanggang sa mapagkasal na sila nang nasa dalawampu’t anim na taong gulang na sila. Tatlong taon pagkatapos nilang ikinasal, ipinanganak na ‘ko. Ilang sandali pa ay dumating na ang isang lalaking Nurse na may dalang wheelchair. Inalalayan namin si Nanay sa pag upo rito. Bitbit ko ang mga gamit habang si Tatay naman ay tinutulak ang wheelchair. Mabuti na lang at meron nang jeep na nakaabang paglabas namin. Sumakay kami doon at inabot lamang ng mahigit bente minuto ang biyahe namin. Ang mga taong nakatambay sa kalsada ay pinagtitinginan kami habang naglalakad kami patungo sa bahay. Pareho kaming nakaalalay ni Tatay kay Nanay habang naglalakad. Habang papalapit kami sa bahay, napansin kong maraming tao ang nakatayo sa tapat – tila ba may malaking komosyong nangyayari. Nataranta pa ‘ko nang marinig ko ang pag-iyak ni Anna. Napatingin ako kay Nanay at Tatay, bakas sa mukha nila ang pagkalito at takot. “Nasaan na ang Ate niyo? Tatlong buwan na siyang hindi nagbabayad ng renta! Ano? Makikiusap na naman siya sa ika-apat na buwan niyo? Aba! Hindi ko kayo pinapatira ng libre d’yan sa bahay ko! Maswerte na nga kayo’t mura lang ang upa niyo rito! Tapos delayed pa kung magbayad ang Ate niyo!” dinig na dinig ko ang pagsigaw ni Aling Giselle, ang may ari ng bahay na inuupahan namin. Lumapit ako sa kanila. Naabutan ko si Michael na pinapatahan si Anna habang nakatayo naman sa harapan nila ang nangangalaiting si Aling Giselle. Nilapitan ko kaagad ang mga kapatid ko. Napapalakpak naman si Aling Giselle nang makita ako. “Oh! Sa wakas naman at nandito ka na, Celine!” inilahad ni Aling Giselle ang kanyang palad. “Nasaan na ang tatlong buwang bayad mo sa renta?” Lumapit na rin si Nanay at Tatay sa kinaroroonan namin. Lahat ng taga rito sa banda namin ay nakikiusyoso sa nangyayari. “A-aling Giselle, pangako po… sa susunod na b-buwan ay magbabayad na ‘ko.” “Ano? Sa susunod na buwan na naman?!” sigaw niya. “Hindi ko kayo pinapatira sa bahay ko ng libre! Magbayad ka ngayon!” “P-pasensya na po, magbabayad naman ako…” napatingin ako sa paligid. Nagbubulungan ang mga tao at para silang nanunuod ng isang eksena sa telebisyon. “May b-binayaran lang po k-kasi akong utang noong nakaraang buwan. At… k-kalabas lang ng Nanay k-ko sa ospital ngayon.” Nilingon ni Aling Giselle si Nanay. “Pare-pareho tayong nangangailangan ng pera, Celine!” bumalik ang tingin niya sa ‘kin. “Hindi lang ikaw ang may mga binabayaran! Ako rin! At kailangan ko ng pera ngayon.” “G-gusto ko man po kayong b-bayaran ngayon pero w-wala ng natira sa mga ipon ko. Naibayad k-ko na lahat sa ospital,” kinagat ko ang ibabang labi ko. “Pero pangako p-po, Aling Giselle, babayaran ko lahat sa s-susunod na buwan.” “Hindi! Hindi pwede!” “Pero… iipunin ko muna p-po ang ibabayad—“ “Hindi! Bibigyan lang kita ng isang linggong palugit, Celine! Kapag hindi mo nabayaran pagkatapos ng araw na ibinigay ko, maghanap ka na ng ibang malilipatan niyo!” “Aling Giselle, pakiusap naman—“ Hindi na niya ko pinakinggan pa dahil umalis na siya. Pinagmasdan ko ang mga kapatid ko pati na rin ang mga magulang ko. Nakaakbay si Michael kay Anna, na hanggang ngayon ay umiiyak pa rin. Si Nanay naman ay naka kapit sa braso ni Tatay. Sinubukan kong ngumiti para ipakita sa kanila na ayos lang ako at kaya ko ito. “Tara na sa loob…” aya ko at pinauna na sila sa pagpasok. Hindi ko ipinahalata sa kanila ang kaba ko. Mabilis ko ring pinalis ang luhang pumatak mula sa mga mata ko. Nagsialisan na rin ang iilang mga kapitbahay namin dahil tapos na ang palabas. “Celine,” hinarap ako ni Tatay pagpasok namin sa bahay. “P-po?” pinilit ko pa ring lagyan ng ngiti ang aking labi kahit na may bahid na ng luha ang mga mata ko. “Susubukan kong bumali sa boss namin bukas. Baka sakaling pagbigyan ako at makabayad tayo kay G-giselle.” “Tay, huwag niyo na pong isipin ‘yun. Ako na pong bahala.” “Hindi mo naman kailangan akuin ang lahat ng responsibilidad, anak. Tutulungan kita.” “Sasama ako bukas kay Tatay, Ate,” nakisali na rin si Michael sa usapan namin. “Sabado naman bukas, kaya pwede akong sumama. ‘Yung kikitain ko, ‘yun na ang baon namin ni Anna sa susunod na linggo. Para hindi na kami makadagdag pa sa mga iniisip mong gastusin.” “Michael…” iling ko. “Dito ka na lang sa bahay. Mag aral kang mabuti…” nginitian ko silang dalawa ni Tatay. “Huwag niyo ng isipin ang tungkol sa renta. Gagawa ako ng paraan.” “Mahal ka namin, Celine,” Lumapit na rin si Nanay at Anna sa ‘min. “Anak, sana’y—“ nabitin ang sasabihin ni Tatay dahil napahawak siya sa kanyng dibdib. Dinaluhan namin siya kaagad. “Ayos ka lang ba, Roger?” tanong ni Nanay. “Oo,” tumayo ng tuwid si Tatay. “Acting lang ‘yon!” tumawa pa siya. “Pinakaba mo naman ako,” sambit ni Nanay sabay marahang tapik sa braso ni Tatay. “Sigurado ka ba, Tay?” puno ng pag-aalalang tanong ko. “Oo naman,” niyakap niya si Nanay at ang dalawa kong kapatid. “Ayos na ayos lang ako.” Ngumiti na lang ako… pero hindi kumbinsidong ayos nga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD