Chapter 3

2905 Words
Bakit ba masyado akong pinagaaksayahan ng oras ng isang Damon Marquez? Hindi ko maintindihan kung ba’t ipinipilit pa rin niya ang gusto niya gayong wala naman siyang mapapala sa akin. Kahit kailan ay hindi ako bibigay sa kanya. Oo, marami siyang pera at makapangyarihan, pero hindi ibig sabihin no'n na kaya na niya akong bilhin… lalong lalo na ang katawan ko! Tinapon ko ang papel sa basurahan. Wala akong balak makipagkita sa kanya. Sana’y humanap na lang siya ng iba… ‘yung game sa gusto niyang mangyari. Hindi ‘yung katulad ko. Marami na akong iniisip at ayoko nang makadagdag pa ang bagay na ‘yan. May mas mga importanteng bagay akong kailangan pagtuonan ng pansin. Kahit magkanda kuba pa ‘ko sa trabaho, hinding hindi ko gagamitin ang katawan ko para kumita. Naiintindihan ko na ang iba ay ginagamit ang paraan na ito para magkaroon ng pera. Ngunit… ang sinasabi ko lang, hindi ako ganoon. Inabala ko ang natitirang oras ko sa pagpapahinga. Kailangan kong pumasok ng mas maaga ngayong gabi dahil kailangan naming mag rehearse sa bagong isasayaw namin. Alas sais ng gabi ako papasok ngayon – hindi katulad dati na alas diyes. Dumating si Michael at Anna mula sa ekswelahan pasado alas tres ng hapon. Masaya nila akong sinalubong at kinumusta rin ni Michael ang kalagayan ni Nanay. Ang sabi ko sa kanila, isasama ko sila sa ospital sa darating na Sabado para naman mabisita at makita rin nila ang aming ina. “Kumusta naman ang araw niyo?” tanong ko sa dalawa habang hinahanda ang hapunan nila. Alas kwatro na, kaya kailangan ko na silang ipagluto. Pagkatapos nito, maliligo na ako at ba-byahe na paalis. Kailangan ko munang sumaglit sa ospital para kumustahin si Nanay at Tatay. “Ayos naman, Ate! Nag quiz kami kanina. Isa ako sa nakakuha ng mataas na score!” masayang balita ni Anna. “Wow! Ang galing naman ng bunso namin!” napa palakpak ako dahil sa tuwa. “Ano’ng gusto mong pasalubong bukas? Ibibili kita!” “Hmmm, gusto ko po ng isang bucket na chicken joy! Matagal na ‘kong hindi nakakatikim nun, Ate.” “’Yun lang ba? Oh, sige… bukas bibili ako,” ngiti ko. Bumaling naman ako kay Michael. “Ikaw? Kumusta naman ang araw mo sa eskwelahan ngayon?” “Ayos din naman, Ate…” ngiti niya pabalik sa ‘kin. “Sumali ako sa Mathematics club. Baka lalaban kami sa quiz bee sa susunod na buwan.” Mas lalong lumapad ang ngiti ko sa sinabi ni Michael. Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at niyakap na silang dalawa. “Ang galing galing talaga ng mga kapatid ko! Mas lalong ginaganahang mag trabaho si Ate dahil ang sipag niyong mag aral!” “Syempre naman, Ate. Hindi namin sasayangin ni Anna ang perang pinaghihirapan mo. Hinding hindi namin papabayaan ang pag-aaral namin.” Mas lalo kong hinigpitan ang yakap sa kanila. Hindi ako nagkamali ng desisyon na sila muna ang unahin ko. Noong pa lang, nakikita ko na ang determinasyon ni Michael at Anna sa pag-aaral. Hindi ko pinagsisisihan na isinantabi ko muna ang pangarap kong maka tungtong sa kolehiyo para mabigyan daan ang pag-aaral nilang dalawa. Alam kong sinabi na ito ng marami, pero totoo naman na ang edukasyon ang pinakamagandang pamana. Hindi ito kayang hawakan o nakawin ng kahit na sinoman. “Ate? ‘Yung niluluto mo nasusunog na,” sambit ni Anna kaya naman napabitaw agad ako sa kanila ni Michael. Doon ko lang napagtanto na nasusunog na pala ang piniprito ‘kong galunggong, na kakabili ko lang kanina bago sila makauwi galing sa eskwela. “Ay, oo nga!” natataranta akong lumapit sa kalan. Nagtawanan naman ang dalawa dahil sa reaksyon ko. Nag matapos kong ihanda ang hapunan nila, naligo na ‘ko. Malapit nang mag alas singko kaya kailangan ko nang magmadali. Ngunit, sa tingin ko’y hindi pa rin talaga ako makakadating ng maaga sa trabaho dahil dadaan ako sa ospital. Kaya naman nag-text na ‘ko kay Esmeralda. Ang sabi ko sa kanya’y baka ma-late ako ng ilang minuto. Aniya’s huwag na raw akong mag-aalala at siya nang bahalang magpaliwanag kay Ma’am Alvira. Bihis na bihis na ‘ko ngayon. Taliwas sa sinusuot ko sa club, balot na balot ako dahil sa biglaang pagbuhos ng ulan. Nakasuot ako ng pulang t-shirt at lumang pantalon na halos pitong taon ko nang ginagamit. Mabuti na lang talaga’t kasya ko pa rin ito. Wala na ‘kong panahong bumili ng bagong mga damit para sa sarili ko. Ang huling bili ko pa yata, tatlong taon na ang nakakaraan. At dahil maulan nga ngayong gabi at medyo malamig, nagsuot ako ng itim na jacket. “Aalis ka na, Ate?” kunot noong tanong ni Michael sa ‘kin paglabas ko sa kwarto. Nasa sala sila ni Anna, nanunuod ng pang hapong programa. “Oo. Didiretso lang ako saglit sa ospital para dalhan ng pagkain si Nanay at Tatay,” dumiretso ako sa mesa at kinuha ang pagkaing inihanda ko para sa mga magulang namin. “Maaga rin ang pasok ko sa trabaho ngayon. Alas sais…” “Hala, hindi ka ba mali-late n’yan, Ate? 5:30 na… umuulan pa man din. Baka hindi ka makasakay kaagad.” Tama si Michael. Marihap ang pag-aabang ng jeep dito sa lugar namin, lalong-lalo na dahil umuulan. “Ayos lang naman na ma-late ako ng ilang minuto. Nasabi ko na rin naman si Esme,” ngiti ko at isinilid na ang lalagyan ng pagkain sa body bag ko. “Ah, sige, Ate… mag-ingat ka,” ani Michael. “Hatid na kita sa sakayan ng jeep?” “Naku, huwag na, Michael. Dito na lang kayo ni Anna. May payong naman ako,” ngiti ko sabay pakita sa itim na payong ko. “Basta kung may kailangan kayo, makitawag lang kayo sa kapitbahay natin, ha?” paalala ko. Wala kasi ang cellphone ni Michael ngayon dahil hawak ito ni Tatay. Ibinigay muna ito ng kapatid ko para matawagan kaagad ako ni Tatay kung sakaling magkaroon ng problema sa ospital. Maraming pasaherong nag-aabang pagdating ko sa sakayan ng jeep. Nag-uunahan na ang lahat sa pagsakay kaya naman nakipagsiksikan na rin ako. Sinarado ko ang payong at ginamit na lang ang hood ng jacket ko para kahit papaano’y hindi ako masyadong mabasa ng ulan. Sa kasamaang palad, mas lalo itong lumakas kaya maging ang tela ng jacket ko ay basang basa na rin. Sa huli, sumuko na ako sa pakikipagsiksikan at sumilong na lang muna ulit sa gilid ng kalsada. Hinubad ko ang jacket ko dahil mas lalo lang akong mababasa kung isusuot ko pa rin ito. Sinulyapan ko ang aking relo. Limang minuto na lang ay mag a-alas sais na, mukhang sobrang mali-late ako ngayong araw. Mukhang hindi na ako makakaabot sa rehearsal namin. Nilingon ko ang paligid. Marami pa rin ang mga pasaherong nag-aabang ng jeep. Gusto ko sanang mag taxi na lang ngunit halos lahat ng dumadaan ay may nakasakay na. Siguro’y maghihintay na lang ako at ipapaliwanag na lang kay Ma’am Alvira kung bakit hindi ako nakadating agad. Maiintindihan ko rin kung babawasan niya ang kita ko ngayong gabi. Hindi ko alam ang bagong sayaw namin, kaya malamang ay hindi rin ako makakasali sa performance para mamaya. Nasa harapan pa man din ako. Makikita kaagad kapag nagkamali ako. Sa kalagitnaan ng pag-aabang ko ng jeep, may tumigil na asul na SUV sa gilid kung saan tumitigil ang mga jeep para kumuha ng pasahero. Lahat ay napatingin sa sasakyan, maging ako, dahil sa pagtataka. Bumukas ang bintana ng sasakyan at laking gulat ko nang makita ang pamilyar na mukha mula sa driver’s seat. Ang lalaking punta sa bahay kaninang tanghali! Isa sa mga tauhan ni Damon Marquez. Ano na nga ba ang pangalan niya? Nico? “Miss Ignacia! Tara! Sumakay ka na!” kahit malakas ang buhos ng ulan, malinaw ko pa ring narinig ang sinabi niya. Hindi ako nakaimik dahil sunud-sunod na bumusina ang jeep na nasa likod. Malamang ay pinapaalis na ang SUV. Nag-iwas lang ako ng tingin at hindi siya pinansin. “Miss Ignacia! Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ka sumasama!” Binalewala ko lang ulit ang sinabi niya. Kaso, muli na namang bumusina ang jeep, kulang na lang ay sagasaan na niya ang likod ng SUV para lang umalis na ito sa pwesto. Pinagtitinginan na rin ako ng ilang pasahero, ang iba’y kilala pa ako. Mas lalong ayaw ko tuloy sumama sa lalaking ito. “Celine Ignacia!” bakas na ang iritasyon sa tono niya. “Sumakay ka na!” “Hoy, Miss, ikaw yata ang sadya ng lalaking ‘yan, eh?” anang matandang babae sa tabi ko. “Sumama ka na! Nakakaabala na kayo rito!” Napatingin ulit ako sa paligid. Marami na ang jeep na naka abang sa likuran. Baka magdulot pa ito ng traffic sa kalsada. Mukhang makulit din ang Nico na ito at hindi siya aalis hangga’t hindi ako sumasama sa kanya. Kaya’t sumakay na ako sa sasakyan, kahit na labag ito sa loob ko. Sasabihan ko na lang siya na ibaba ako sa ibang sakayan. Ayoko na kasing makaabala pa sa ibang pasahero lalo na’t maulan. “Pakipot ka pa, sasama ka rin naman kasi…” ngisi niya pagpasok ko sa loob ng sasakyan. Sa tabi ng driver’s seat ako umupo. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya. “Ibaba mo na lang ako sa susunod na terminal,” nilagay ko sa kandungan ko ang basa kong jacket at payong. “Hindi na. Ihahatid na kita. Saan ba ang punta mo?” “Ayokong magpahatid. Ibaba mo ako sa—“ “Huwag ka ng makipagtalo, Miss Ignacia. Saan ka ba pupunta ngayon? Malakas ang ulan… at may sasakyan naman, kaya bakit ka pa mag-aabang ng jeep?” Malalim na buntong hininga ang pinakwalan ko bago balingan ang Nico na ito. “Ano ba ang drama niyo ng boss mo, ha? Hindi ba’t sinabi ko naman na wala kayong mapapala sa akin. Kaya tigilan niyo na ‘ko, pwede ba?” “Nakauwi na si boss,” aniya, inignora ang sinabi ko. “Dapat ay bukas pa talaga ang uwi niya pero mukhang hindi na siya makapaghintay na makita ka. Pagkatapos ko siyang tawagan kanina, napagdesisyonan niyang umuwi. Mukhang… determinado talaga siyang makuha ka, Miss Ignacia.” “Ilang beses ko bang uulitin na—“ “Ilang beses ko rin bang uulitin, Miss Ignacia, na hindi ka susukuan ng boss ko. Kahit ano pang sabihin mo, hinding hindi ka niya titigilan.” “Wala kayong mapapala sa ‘kin!” napatingin ako sa labas. Malapit na pala kami sa ospital kung nasaan si Nanay. “Ibaba mo na ‘ko diyan sa malapit!” “No…” iling niya. “Ibababa mo ‘ko o tatalon ako habang gumagana ang sasakyan?” mariin kong tanong at umaamba nang bubuksan ang pintuan ng sasakyan. “Fine! Ang tigas ng ulo mo! Pareho kayo ni boss…” halakhak niya at iginilid na ang sasakyan sa isang convenience store sa tabi ng ospital. Pagkatigil pa lang ng sasakyan, agad na akong bumaba at padabog na sinarado ang pintuan. Mukhang may sasabihin pa sana siya pero hindi ko na iyon pinansin. Tumakbo kaagad ako patungo sa ospital. Mabuti na lang at hindi na gaanong malakas ang ulan. Kaya lang, basang basa pa rin ako. Tumutulo rin ang tubig ulan sa jacket at payong na hawak ko. Sumakay ako sa elevator habang pinupunasan ang braso at mukha ko. Medyo nakaramdam na rin ako ng lamig. Nakalimutan ko pa man din magdala ng extra’ng t-shirt. Basang basa ako. Hinihiling ko na sana’y huwag akong magkasakit kahit na naulanan ako. Nanlaki ang mga mata ko pagpasok sa loob ng ward. Hindi ko inaasahan ang nakita ko. Si Damon Marquez! Kausap niya ang Nanay at Tatay ko! Anong ginagawa niya rito? At… paanong nalaman niya kung sino ang mga magulang ko?! Ngunit… bigla kong naalala ang sinabi ni Nico kanina sa ‘kin. Makapangyarihan si Damon Marquez, at ibig sabihin no’n kaya niyang alamin ang lahat ng tungkol sa akin. Kaya… magtataka pa ba ‘ko sa kayang gawin ng pera niya? “Celine, anak!” salubong ni Tatay sa akin nang mamataan ako na kakapasok lang sa ward. “Basang basa ka.” “Ayos lang ako, Tay…” nanatili ang tingin k okay Damon Marquez habang papalapit sa kanila. “Ba’t nandito ka?” “T-totoo nga… na k-kilala ka ng anak namin,” namamanghang sabi naman ni Nanay. Doon lang ako napabalik sa katinuan. “Ang sabi ko naman sa inyo, kilala ko siya. And... I’m here to convince you. Inaalok ko siya ng trabaho ngunit ayaw niya. Kaya naisipan kong kausapin na kayo,” nakangising tumingin si Damon Marquez sa ‘kin. Kinabahan ako bigla. Natatakot ako baka sinabi na niya kay Nanay at Tatay ang totoong pakay niya sa ‘kin at kung ano’ng trabaho ang tinutukoy niya! “Nay… Tay…” kabadong sabi ko, palipat-lipat ang tingin sa kanila. “Hindi—“ “Celine, inaalok ka raw nitong si Mr. Damon Marquez na mag-trabaho sa kumpanya niya? Kukunin ka raw niya bilang isang Flight Attendant, anak. Magandang oportunidad iyon… ba’t tinatanggihan mo?” Gulat na gulat ako sa isiniwalat ni Tatay. Ano?! Flight Attendant?! Hindi ko alam kung matutuwa ba ako na ito ang sinabi niya sa mga magulang ko. Pero, mas nangibabaw pa rin talaga ang inis sa akin. Nakangisi si Damon Marquez sa akin nang tingnan ko ulit siya. “Siya p-pala ang may ari ng sikat na airline c-company, Celine…” umubo ng kaunti si Nanay bago magpatuloy. “M-mukhang desidido siyang kunin ka, anak, dahil nag abala pa siyang pumarito.” Gusto kong matawa! Ganito ba katindi ang isang Damon Marquez? Hindi ako makapaniwala na aabot pa sa punto na magpapakita siya sa mga magulang ko para lang kumbinsihin ako na ibenta sa kanya ang katawan ko. Mas lalo tuloy akong nasusuklam sa kanya. Hinding hindi ko papatulan ang lalaking ito! Idadamay pa niya ang pamilya ko para lang makuha ang gusto niya? “Nay… uhh… Tay, mag-uusap lang muna kami,” kinuha ko ang dala kong pagkain. “P-pinagluto ko nga po pala kayo ng hapunan,” inabot ko kay Tatay ang lalagyan pagkatapos ay hinila na palabas si Damon Marquez. Nagpatangay naman siya sa ‘kin. Panay ang baling sa amin ng mga tao habang naglalakad kami sa pasilyo. Nakahawak ako sa kamay niya at abalang naghahanap ng lugar kung saan kami pwedeng mag-usap. Nakita ko sa pinakadulo ang fire exit kaya doon na ako dumiretso. Binitawan ko ang kamay ni Damon Marquez pagdating namin dito. “Ano bang pumasok sa isip mo? Ba’t nagpakita ka sa Nanay at Tatay ko?!” galit na galit na tanong ko. “Whoa! Chill…” tawa niya. Balewala lang sa kanya ang galit ko ngayon. “Didn’t know you’re feisty, huh? Mukha kang mahinhin… pero tigre ka pala kapag galit?” “Pwede ba?! Wala akong panahon sa mga kalokohan mo. Tigilan mo na ‘ko!” “Oh, Sweety…” hinawakan niya ang mukha ko pero marahas kong tinabing ang kamay niya. Patuloy lang siya sa pagtawa habang umiiling. “Sinabi ko naman na hindi ako titigil hangga’t hindi mo sinasabi sa akin kung magkano ang katawan mo. At dapat nga magpasalamat ka sa ‘kin, ‘di ba? Your parents didn’t know that you’re a dancer. Anong sabi mo sa kanila… server ka sa isang club? Really?” Napahilamos ako sa aking mukha. Aminado naman ako na hindi ko sinabi kay Nanay at Tatay ang tunay na trabaho ko. Ang sabi ko kasi sa kanila, namasukan ako bilang server sa club kung saan sumasayaw si Esmeralda. Hindi ko maamin ang totoo… dahil bukod sa takot ako… nahihiya rin ako. Marangal na trabaho naman itong pinasok ko… pero… basta. Hindi ko maipaliwanag. “Huwag mong pakealaman ang personal na buhay ko!” “Oh… you think I’m that interested in you, huh?” sarkastiko siyang natawa. “Hindi ako interesado sa personal na buhay mo. Wala akong pakealam kung magsinungaling ka man sa mga magulang mo tungkol sa trabaho mo. Malinaw naman na tanging katawan mo lang ang habol ko, ‘di ba?” tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. “Hinding hindi—“ “I have a proposal…” tumiwid siya ng tayo. Ako naman ay masama pa rin ang titig sa kanya. “Tutulungan ko ang Nanay mo sa pagpapagamot. I will also give you extra allowance. Basta… katawan mo ang kapalit. Pangako, hindi ka mapapagod. Or, well… you’ll get tired… pero sinisigurado ko na masasarapan ka—“ Isang malakas na sampal ang iginawad ko sa kanya. Hindi ko nagustuhan ang bulgar na pananalita niya. At higit sa lahat, hindi ko nagustuhan na ginamit pa niya ang kalagayan ng Nanay ko para lang makuha ang nais niya. Ganoon na ba siya kadesperado? Hindi lang ako ang babae sa mundo! Ba’t ba hindi na lang kasi siya humanap ng babae na sang ayon sa gusto niyang magyari?! Napahawak si Damon Marquez sa pisngi niyang sinampal ko. Batid ko ang gulat sa mukha niya, para bang ito pa lang ang unang beses na nakatanggap siya ng sampal. “Hinding hindi ako maaakit ng pera mo, Damon Marquez! Tandaan mo ‘yan!” sigaw ko sa mukha niya at iniwan na siyang nakatulala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD