Halos kalapit lang ng dorm namin ang eskwelahang pinapasukan namin. Nilalakad na lang namin ito kaysa gumastos pa ng pamasahe na kakarampot lang naman ang layo. Mataas pa ang araw na tila sinusunog kami sa sikat nito.
Kasabay ko si Arthur sa paglalakad na nagkwe-kwento tungkol sa kahiligan niya sa mga horror movies – kung hindi sa horror sa mga aralin.
“Sabay natin panuorin ‘yon, ah? Mukhang maganda naman, e. Maganda kasi ‘yong trailer. May ‘boom’ epek! Ang gaganda rin ng mga reviews,” aniya na tila isang ahente ng credit card kung makapagkumbinse.
Napangisi ako. “Maganda lang siguro ‘yong trailer n’yan. Hindi naman siguro ‘yong buong movie. S’yempre, pinipili lang nila ‘yong mga highlight ng movie para maka-engganyo. Tapos ‘yon ‘yong ilalagay nila sa trailer,” sagot ko.
“Iba ‘to this time. Much better ‘to! Promise!” nakangiti niyang sabi at saka hinawakan ang kamay ko.
Malambot ang kanyang mga kamay na dumidiin sa kaliwang kamay ko. Dahil siguro anak mayaman kaya halos walang pintas ang mga kamay. Ni hindi nga siguro nadadaplisan ng dishwashing liquid o detergent bar ito. Ilang beses ko na rin namang nahawakan ang kamay niya pero hindi ko pa rin magawang maging komportable. May iba sa pakiramdam.
“Hihilain kita para lang mapilit ka. Alam mo namang walang sumasama sa ‘kin kapag horror ang papanuorin, e. Sige na! Para namang hindi tayo magkaibigan n’yan, e.”
Hinawakan ko rin ang kamay niya this time at pakiramdam ko, magkasintahan kaming naghaharutan sa daan. Wala rin namang paki ang mga nakakakita sa amin. Kung may makakita man sa amin na kakilala, alam nilang magkaibigan lang kami.
“Okay na. Sasama na ako. Basta libre mo, ah? Okay?” sagot ko.
Hindi na siya sumagot bagkus ay tumango na lang na may galak. Para talaga siyang bata. Lalo ko tuloy nami-miss ang magkaroon ng kapatid.
Ilang saglit lang, nakarating din kami sa campus. Halos busy ang mangilan-ngilang estudyante sa kanya-kanya nilang interes. Mabuti na lang at maaga pa kami nakarating kahit kapusin na kami ng oras kanina dahil kay Eugene.
Sa kabilang dulo ng hallway kung saan kami patungo, nakita kong nakaripas ng takbo si Luke, isa rin sa mga dormmate ko, papalapit sa amin. Siya ang pinakapasaway sa aming anim kaya madalas – o araw-araw – kung pagalitan siya ni Manang Cecile, ang may-ari ng dorm. Siya rin ang pinakamaingay pero masikreto. Wala pa kaming naririnig tungkol sa pamilya niya.
Huminto siya sa harapan namin ni Arthur. Kapit ang kanyang kumakabog na dibdib dahil siguro sa pagod kakatakbo habang tungkod ang isang kamay sa tuhod, hingal siyang nagsalita.
“J-Jake, pakisabi n-naman kay Gabriela Silang na masakit tiyan ko, ah. D-Daanan mo na l-lang bago kayo pumasok,” palunok-lunok laway niyang sabi habang patuloy sa malalim na paghinga.
Napakamot lang ako ng ulo. “Eh, mukha ka namang okay, ah? Tatakas ka na naman ba? Bibingo ka na kay Gabriela ay este Ma’am Silang. Baka naman sa susunod n’yan, kombulsyon na ang idadahilan mo,” ani ko.
“Huwag ka na ngang magulo. May DOTA tournament doon sa kabilang school. Makikiusyoso lang nmaan ako. Papasok pa rin naman ako kapag maaga natapos, okay? Kayo na bahala ni Artur ang magpaliwanag. Gustong-gusto naman kayo no’n kaya walang angal ‘yon panigurado,” natatawa niyang sabi.
Humalukipkip lang si Arthur. “Kapag tinanong kami kung nasaan ka, ano’ng sasabihin namin?”
Ihinilamos niya ang kanyang palad sa kanyang mukha. Mula sa butil-butil na pawis sa kanyang mukha, halos mangintab tuloy ito sa kanyang ginawa. Nabigyan tuloy ng emphasis ang kanyang matangos na ilong, manipis na labi at singkit na mata dahil sa halong Tsino.
“Eh... Sabihin mo pumunta ng Batanes para jumebs! Gawin niyo na lang na makatotohanan, ha?” utos nito at saka tumawa.
Ano pa bang magagawa namin? Halos magkakapatid na rin naman ang turingan namin kaya saluhan sa bawat problema – at takas sa klase.
“Mauuna na ako. Baka mahuli pa ako. Salamat, ah! Libre ko kayo kapag nanalo ako,” aniya at kumaripas ulit ng takbo habang iwinawagyway ang kamay bilang paalam.
Sabay na lang kaming napakamot ng ulo ni Arthur. Isang matinding paliwanagan na naman ito kay Ma’am Silang kapag nagkataon.
Tulad nga ng sabi ni Luke, dumaan muna kami ng room niya para magpaalam kay Ma’am Silang. Dahil sa tagal na naming ginagawa ito ni Arthur, hindi na kami bago kay Ma’am Silang. Narinig na rin niya siguro ang iba’t-ibang dahilan na pwede naming sabihin kapag uma-absent si Luke – mula LBM hanggang sore eyes na hindi naman kapanahunan.
Sumilip muna kami sa bintana kung naroon nga si Ma’am. Wala siya roon nang libutin ko ng tingin ang buong kwarto. Panay kwentuhan lang din naman ang mga estudyante sa loob kaya tiyak na walang guro.
Mula sa dulo malapit sa kabilang bintana, kita kong nag-iisa si Dominic. Tulad sa dorm, hindi rin siya makabasag-pinggan hanggang sa school. Wala pa rin siyang kibo. Habang abala ang iba niyang kaklase, nakatunganga lang siya sa kawalan.
Seryoso ang maamo niyang mukha. Nakapagtataka talaga na sa ganyang itsura niya, mailap siya sa tao.
“Hoy! Ano pa bang tinitingnan mo? Wala naman si Ma’am Silang, e. Mauna na tayo. Baka tayo pa ‘yong mapagalitan. Hayaan mo na si Luke magpaliwanag,” aniya at hinila ang sleeve ng damit ko.
“Oh, sige,” matipid kong sagot.
Ilang hakbang lang mula sa room nila Luke ay ang room namin. Saktong pagtapak namin sa loob ay siya ring pagdating ng prof namin sa Psychology, si Sir Salve.
“Ayos!” mahinang sambit ni Arthur at naupo sa ikalawang upuan sa harapan mula sa pinto. Inaya niya akong umupo sa tabi niya pagkatapos.
Kita ko ang ngiti ni Arthur nang makaupo. Napailing na lang ako. Paborito niya talagang subject ang Psychology kahit hindi niya sabihin. Mula sa nakatindig sa harapan, sino bang hindi gaganahan sa subject na ito? Hindi ko nga lang alam kung ano ang mabubusog – ang utak mo o ang mga mata mo.
“Paborito mo talaga ang Psychology, ano?” ani ko sa kanya nang pabulong.
Inilihis niya sa akin ang kanyang tingin at ngumiti lang.
Tumango lang ako.