Habibi 2 - Meet Madam

1911 Words
"Pasok!" Dinig kong sabi ng tao sa loob ng marinig ang aking katok kaya pumasok na din ako at umupo sa upuan sa harap ng mesa nito. "Miss Geraldine Datoon?" tanong ng isang magandang babae na sa tingin ko ay kasing-edad ko lamang. Tumango ako at ngumiti dito. "Eto na ang mga papers mo," sabay abot ng isang malaking envelope kung saan nasa nakalagay ang mga papeles na dadalhin ko sa aking employer. "Huwag kang mag-alala at ang employer mo ay kabayan din." "K-kabayan?" takang tanong ko. "'Yan ang tawag dito kapag kapareho nating mga Pilipino. Kahit ang ibang lahi.. kabayan din ang tawag sa atin," pag-esplika sa akin ng babae. "Ah..." "Ang tawag pala dito sa maid or kasambahay ay khadama, lalo na kapag arabic ang amo. Kapag naman sa amo, Sir kapag lalaki at Madam naman sa babae, pwede din namang tawagin na Ma'am pero dito mas gusto ng mga among babae na tinatawag silang Madam. Marunong ka ba mag-arabic?" biglang tanong nito. Kimi akong ngumiti at umiling. "Itinuro 'ata 'yan sa amin nung nag-PDOS kami kaso nakalimutan ko na.. m-medyo makakalimutin kasi ako," nahihiya kong sabi. "Mabuti na lang at natiyempo ka sa kabayang amo. Sabagay, sa panahon ngayon halos lahat ay marunong na din naman mag-English dahil sumusunod na rin sila sa makabagong panahon hindi katulad dati. Oh siya, goodluck sa'yo. Kapag naman may mga katanungan ka pa or may problema ka, tumawag ka lang sa amin ha," paalala ang babae sa akin bago ako pinalabas para antayin ang iba pang mga babae doon na ihahatid din sa kani-kanilang employer. Nang makompleto na kaming lahat ay sumakay na kami sa isang magarang van. 'Wow! Pati service maganda at magara ang sasakyan. Kung sa Pilipinas lang 'to, malamang mayaman ka na kapag may ganito kang sasakyan,' saloob-loob ko. Manghang-mangha ako sa bawat building na nadaraanan namin dahil sobrang ganda ng mga desinyo at ang tataas pa. Mas mataas pa nga sa mga building sa Pilipinas. Sabagay dito pala matatagpuan ang pinakamataas na building sa buong mundo kaya hindi nakakapagtaka na halos lahat nang nakikita ko ay sumisigaw ng karangyaan. Kung hindi nga lang nasira ang camera ng cellphone ko ay kanina pa ako nagpicture-picture sa mga nadaraanan. Nahiya din akong ilabas ang aking mumurahing cellphone dahil napansin kong magaganda ang cellphone ng iba kong kasama lalo na ang dalawang babae sa aking likuran na nagpalipat lamang ng employer dahil napunta sila sa manyakis na amo. Dalangin ko ay mabait sana at hindi manyakis na amo ang mapuntahan ko. Iyon din kasi ang sinabi dati ni Daisy na kahit okay naman dito sa UAE ay meron at meron pa ring mga manyakis na among lalaki dahil hindi nakokontento sa mga asawa nila. Habang abala sa pagtingin sa aming dinaraanan ay tiningnan ko palihim ang mga kasama ko sa sasakyan. May mga matatanda, may baguhan at may dalawang maganda sa aking likuran. Sila iyong nagpalipat ng employer dahil bastos ang among lalaki. Kahit na mukhang nasa kwarenta na ang dalawa ay maputi at makinis ang dalawa kaya siguro natipuhan ng kanilang amo. Napag-isip isip ko, mukhang safe naman ako sa magiging amo ko kung saka-sakali. Hindi ako maputi at hindi din maganda kahit sabi ng mga kaklase at kaibigan ko na malakas ang appeal ko kaya sa mga lalaki. Hindi naman ako naniniwala sa kanila dahil nakatatak na sa isip ko na ang mga lalaki ay manloloko. Kahit na maayos akong makitungo sa mga lalaki dahil may kapatid akong lalaki, ipinangako kong hindi ako iibig sa kanila. Mas gusto ko pang tumandang dalaga para hindi ako maging katulad ni Nanay na niloko ni Tatay. "Beh! Beh! Oy, gising na! Baba ka na sabi ng driver dahil dito na daw ang bahay ng employer mo!" "Ha?!" Nakatulog pala ako. "Shuhada maskara. Yallah!" Dinig kong sabi ng driver na ibang lahi. "Naku, beh, 'wag mo nang pansinin 'yang driver. Kunin mo na ang bag mo at pumasok ka na diyan sa loob ng villa," ani ng katabi ko sa saskyan. Tiningnan ko sa bintana ang sinasabi nitong villa. Wow! As in. Parang bahay na 'ata ng presidente 'to sa Pilipinas. "Yallah!" "Beh, galit na si Baba. Pumasok ka na at baka kung ano-ano pang sabihin niya." Kahit hindi ko maintindihan ang sinasabi ng driver ay kinuha ko na ang dala kong isang maleta. Nagpasalamat at nagpaalam na ako pagbaba ng sasakyan. "Hay! 'Wag kang kabahan, Gege. Mabait ang amo mo!" Huminga ako ng malalim at parang tangang kinausap muna ang aking sarili bago pinindot ang doorbell. Ilang beses pa akong nag-doorbell pero wala pa ring nagbubukas ng malaking gate. Nasaan naman kaya ang mga tao dito? Bakit walang nagbubukas? Anak ng baka naman. Halos mag-iisang oras na akong nakatayo dito sa labas ng mansiyon ng magiging amo ko pero ang tahimik ng bahay. Wala talagang nagbubukas. Wala 'atang tao sa loob. Nanlalagkit na din ako dito sa labas. Halos basa na ang buo kong damit. Tama nga si Daisy na parang impiyerno pala dito dahil sobrang init ng panahon. Kung mainit sa Pilipinas, 'di hamak na mas mainit dito. Mabuti at nagdala ako ng balabal. Tinakip ko iyon sa aking mukha para naman hindi ako matosta dito sa labas. "Nakupo!" Narinig ko ang pagkalam ng sikmura ko. Gutom na din ako. Hindi ako kumain ng tanghalian kanina dahil hindi ko type ang lasa ng niluto sa office. Sobrang anghang na hindi ko maintindihan. Kinuha ko ang aking cellphone. Malungkot ko itong tiningnan. Wala pa akong simcard dito kaya hindi din ako makatawag sa office. Paano na kaya 'to? "Ay!" Napatili ako ng biglang may sumulpot at bumusina ang isang magarang sasakyan sa gilid ng kalsada kung saan ako nakatayo. Umalis kasi ako sa harap ng gate at tumambay muna ako dito sa ilalim ng punong mukhang niyog - punggok na niyog. Bumaba ang bintana ng sasakyan at nakita kong kumakaway ito sa... sa akin ba? "Ako ba ang kinakawayan ng tao sa loob?" bulong ko sa aking sarili. Nagpalinga-linga ako sa paligid. Wala namang ibang tao kundi ako lamang dahil hapon pa lang at sobrang init. Itinuro ko ang aking sarili para siguraduhing ako nga ang kinakawayan ng nasa loob. Nag-thumbs up ito kaya naman kahit nagtataka ay lumapit ako dito. "Habibti, yallah! Where are you going?" Ano daw? 'Yong naintindihan ko lang ay kung saan daw ako pupunta. "Ha?" "You new here?" Tumango ako sa aking kausap. Pasimple ko itong sinipat. Mukhang bata pa ito sa tantiya ko. Payat ito at nakasuot ng puting damit. Ito 'ata ang sinusuot ng mga arabic na lalaki lalo na kung Muslim dahil natanong ko na ito dati kay Daisy sa tuwing nakikita ko ang ganitong kasuotan sa mga post niya sa kanyang F-B. Kahit na may kaunting balbas ang lalaki ay may hitsura ito. Totoo nga ang sinabi ni Daisy na bumabaha ng gwapo dito. Iyon ngang jowa nitong ibang lahi, sobrang gwapo din kaya panay ang flex nito lagi sa kanyang mga post. "Wanna come with me, habibti? We will go Dubai. Baed, we will come back tonight," nakakalokong ngumiti ito sa akin. Kinutuban na ako ng sinabi niyang pupunta ng Dubai. Mukhang manyakis din 'ata tong lalaking to, ang bata-bata pa malibog na. Nanggigil na naman ako sa kaisipang 'yon kaya lalo tuloy nadagdagan ang mga galit ko sa lalaki. Tumalikod na ako at hindi pinansin ang lalaki pero binuksan din nito ang sasakyan at lumabas. Nang makita kong lumabas ito ay dali-dali kong kinuha ang aking maleta at tumakbo papunta sa gate. Malapit na ako nitong abutan nang may narinig kaming bumusinang sasakyan. Awtomatikong tumigil ang lalaki sa kakahabol sa akin at sabay kaming napatingin sa sasakyan na tumigil sa likuran ng sasakyan ng lalaki at mula sa loob ay bumukas ang pinto at lumabas ang isang babae na sa tantiya ko ay nasa singkwenta na ang edad pero napakasosyal tingnan. "Efwaan ya binay, man 'ant walimadha tutarid tilk alfatatu? 'iidha lam tughadir satasil bialshurtat wa'akhbaraha 'anak tataharash bitilk alfatati!" "Excuse me, hijo, sino ka at bakit mo hinahabol ang babaeng 'yan? Kapag hindi ka pa umalis ay tatawag ako ng pulis at sasabihing hinaharass mo ang babaeng 'yan!" Nanlilisik na sabi nito sa lalaki. "Sharmuta!" "'Ana last eahiratan. rubama takun walidatuk eahiratan li'anaha lam tuealimk kayfiat altaeamul mae sayidat bishakl sahihin. 'Ant abn aleahirati!" "I'm not a b*tch. Maybe your mom is the b*tch because she did not teach you how to treat a lady properly. You son of a b*tch! Astaghfirullah!" Ngumisi ang sosyal na babae sa lalaki. Nagsisigaw ang lalaking umalis habang nakangising tinatawanan ito ng sosyal na babae. Mabilis nitong pinasibad ang sasakyan paalis. Nang tuluyang makakaalis ang sasakyan ay lumapit naman sa akin ang babae. "K-kabayan?" "Ha?!" Pilipina ba 'tong kausap ko? "Pilipina ka ba?" "Ay.. opo! Opo!" Ay oo nga pala. Kapag pala sinabing kabayan, Pilipino pala 'yon. "Bakit ka pala narito narito sa harap ng gate namin?" takang tanong nito. "Dito po kayo nakatira? Kayo po ang may-ari nito?" Tumango naman ang kausap ko. "Wow! Ang ganda at ang laki ng bahay po ninyo, Ma'am... ay Madam pala--- ang ibig sabihin kayo.. kayo po ang amo ko?" Pilipina pala ang may-ari nito, mayaman si Ma'am. Paano kaya siya nagkaroon ng ganitong bahay?" "Ha?" "Ay, Madam ako po pala si Geraldine Datoon. Ako po ang pinadala ng aming company bilang bago ninyong katulong. May dala din akong papeles bilang katibayan," nakangiting sabi ko. "Ah... ikaw pala ang pinadala nila. 'Yang company niyo talaga, laging mali-mali. Ang sabi ko, doon ka ihatid sa villa ni Karim dahil kailangang malinisan iyon bago siya bumalik from Lebanon next week. Kung hindi lang talaga kaibigan ni Walid ang may-ari niyang company ninyo, hindi na ako kukuha ng katulong sa inyo dahil laging palpak. Kawawa ka tuloy dahil 'antagal mong nag-antay dito sa labas. Ni hindi man lang nila ako tinawagan na dito ka nila ihahatid. Hay, naku! Tayeb! Halika na nga sa loob ng makapagpahinga ka." Inaya ako ni Madam papunta sa malaking sasakyan na naka-park. Ang akala ko ay papasok na kami sa gate kaagad, hindi pa pala. Kapag pala mayaman dito, ang siste papasok sa loob ng sasakyan, may card akong nakitang ini-swipe ng driver malapit sa gate at automatic na magbubukas ang gate atsaka magdadrive papasok ang driver sa loob ng... wow.. as in talagang maganda nga dito sa loob ng palasyo este villa pala ang tawag nila dito. Parang natakot na akong magtrabaho dito. Kung ganito kalaki ang villa nina Madam tapos mag-isa lang pala akong katulong dito, makakaya ko kayang linisan ang buong paligid? Magpalipat na lang kaya ako ng employer, 'yong isang maliit na bahay lang ang lilinisan dahil baka wala pa akong isang linggo ay baka maging buto't balat na lamang ako dito. "Ano nga ulit ang pangalan mo?" tanong ni Madam ng makapasok na kami sa loob ng mala-palasyong villa. Nasa tapat kami sa isang pinto katabi ng malaking kusina. "Geraldine po, Madam!" "Geraldine, ito pala ang magiging kwarto mo. May kasama ka dito, si Doray. Wala siya dahil naglinis sa flat ni Yara pero mamayang gabi ay sabay silang uuwi dahil weekend ngayon. Magpahinga ka muna dahil unang araw mo pa lang ngayon. Bukas ka na mag-start at si Doray na ang bahalang magpaliwanag ng mga dapat mong gawin." "Yes, Madam!" "Kapag may kailangan ka, hanapin mo lang ako dito sa loob o 'di kaya akyatin mo ako sa taas. Tayeb, sige magpapahinga na din ako." "Yes, Madam!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD