"Nay! Nay! Sa wakas po ay natanggap na po ako sa agency," sigaw ko habang papasok ng aming bahay.
Sa dinami-dami naming nag-apply sa agency sa bayan ay iilan lamang kaming mapalad na nakapasa.
Ang plano ko talaga sana ay mag-apply bilang DH o katulong papuntang Hongkong o Singapore kaso mas mahal ang placement fee doon at kinulang ang perang hiniram ko sa aking kaibigan kaya sa Middle East particular na sa UAE na lamang ako nag-apply. Mababa lamang ang bigayan sa Middle East kaso narito na ang chance kaya pinatos ko na. Wala din naman akong choice kundi mag-apply na lamang doon dahil doon din naman nagtatrabaho ang matalik kong kaibigan na si Daisy na siyang nagpahiram sa akin ng pera.
Si Daisy ay nagtatrabaho sa Dubai bilang isang saleslady sa isang malaking department store. Mababa lang din ang sahod nito kung susumahin pero dahil may jowa itong ibang lahi ay nakakapagpadala pa rin ito sa kanyang pamilya buwan-buwan.
Na-briefing na niya ako tungkol sa pupuntahan kong lugar dahil iba ang kultura sa United Arab Emirates o UAE. Kahit na open sa Dubai, na isa sa mga emirate ng UAE, kung saan nagtatrabaho ang kaibigan ko ay may mga kalapit lugar ito na istrikto pa din at bawal ang PDA at malalaswang kasuotan. Okay lang naman iyon sa akin dahil hindi din naman ako mahilig magsuot ng damit na labas na ang kaluluwa. Mas mahilig akong magsuot ng oversize t-shirt at pajama dahil takot akong mabastos sa aming lugar. Kapag kasi napansin ng mga tambay sa aming kanto na maganda ka at sexy ay hindi sila nangingiming bastusin ang babae kahit na kalugar pa nila. Marami-rami rin kasi ang mga adik sa aming lugar kaya wala silang sinasanto lalo na kung maganda ka.
Ayon kay Daisy, mas okay naman daw mag-apply bilang katulong sa UAE kesa sa mga karatig bansa nito dahil kahit papaano ay may mga batas sila para protektahanan ang mga katulong na inaabuso ng kanilang mga amo. Kumbaga mas makatao at may puso sila.
Isa pa sa rason kung bakit pumayag akong magtrabaho sa UAE ay para magkasama rin kaming dalawa ni Daisy. Gusto niya rin kasi akong tulungan dahil maliliit pa lamang kami ay pangarap na naming magtrabaho sa ibang bansa para maiahon sa kahirapan ang aming pamilya.
Tumatak kasi sa isipan namin ang isa naming kapitbahay na naging katulong sa Singapore tapos pinamanahan ng kanyang amo ng kayamanan ng mamatay dahil wala itong kamag-anak. Nakapagpatayo na ito ng sariling bahay at napa-aral ang mga anak. Ang kagandahan lang sa kapitbahay namin ay hindi ito madamot at pati malalayong mga kamag-anak ay tinutulungan sa abot ng kanyang makakaya.
Kahit matagal na itong namayapa ay kilala ito sa aming lugar dahil ang bahay nito ang pinakamalaki sa aming lugar.
Kaya naman ako at si Daisy ay nangarap din na maging katulong sa Singapore at baka mapamanahan din kami ng aming magiging amo. 'Yon nga lang, imbis na sa Singapore ay mukhang sa ibang bansa ang kapalaran naming dalawa.
Si Daisy kasi ay may tiyahin na nakapagtrabaho sa Dubai at naging Supervisor sa isang cleaning company. Kapatid ito ng kanyang nanay. Ito ang nagpapa-aral kay Daisy at nang makatapos ay tinulungan na makapunta sa Dubai. Panganay kasi si Daisy sa limang magkakapatid kaya naman malaki ang responsibilidad nito sa pamilya. Ang nanay kasi nito ay sakitin at namatay na ang tatay noong high school pa lamang kami.
Kagaya ni Daisy ay panganay din ako. Tatlo kaming magkakapatid, ang sumunod sa akin ay lalaki at babae naman ang aming bunso. Malakas pa naman si Nanay na siyang tumataguyod sa aming pag-aaral pero ang kaibahan lang sa tatay ni Daisy ay iniwan kami ni Tatay at pinagpalit sa isang batang-batang GRO. Nagtatrabaho kasi itong construction worker at na-assign sa Cebu. Sa dami ng magagandang babae doon ay nahumaling din ito. Napansin na lamang ni Nanay na hindi na ito nagpapadala at hindi na rin nauwi sa amin. Kaya naman noong high school pa lamang ako ay pinuntahan ito ni Nanay sa Cebu at nahuli nga na may ibang binabahay na. Dahil buntis na ang babae ay hindi na ito inaway ni Nanay pero isinumpa niya si Tatay. Kaya naman pati kaming mga anak niya ay nagkaroon ng galit sa kanya. Sa mura kong edad ay itinatak ko sa aking isip na hindi ako iibig at mag-aasawa dahil baka magaya din ako kay Nanay.
Mabuti na lamang talaga at matibay si Nanay. Hindi niya kami pinabayaan. Hindi na rin ito nag-asawa pang muli kahit na marami din naman ang nagpapalipad hangin dito. Maganda kasi si Nanay. Minsan ay napagkakamalan lamang ito na nakakatandang kapatid namin. Sa aming magkakapatid ay ako lamang ang hindi nagmana sa kanya na siyang kinakagigil ko dahil nagmana ako sa loko-loko kong Tatay. Kung pwede ko nga lang ipabago ang aking mukha ay ginawa ko na kaso ay mahirap lamang kami kaya tinanggap ko na na anak talaga ako ng Tatay ko. Ang isa lamang sa pinagpasalamat ko na namana ko kay Tatay ay ang height dahil matangkad ako sa normal na Pilipina, 5'8 kasi ang height ko. Ang mga kapatid ko naman ay nagmana kay Nanay na tamang height lang.
Kami na lamang ang binigyan nito ng atensiyon. Nagdoble kayod ito para mapag-aral kami. Ayoko na nga sana mag-aral ng college at magtatrabaho na lang ako pero tigas sa kakatanggi si Nanay kaya kahit 2 years vocational course na secretarial lang ang natapos ko ay talagang pinag-igihan ko ang aking pag-aaral.
At heto nga matapos ang anim na taon na paghihintay ay tinulungan ako ni Daisy.
Nagresign ako sa trabaho bilang saleslady sa isang mall sa amin nang matanggap ako sa agency. Siniguro ko muna na lehitimo ang agency na in-applyan ko dahil naglipana ang mga pekeng kompanya at mga scammers para lamang manghuthot ng pera.
Matapos na maisaayos lahat ng aking mga papeles at dumating ang aming visa ay tinawagan na ulit kami ng agency kung kailan ang lipad namin papuntang UAE. Doon kami nag-stay sa kanilang opisina dalawang araw bago lumipad papuntang Manila at pagkatapos ay papuntang UAE dahil may habilin sa amin ang agency. Pinaalalahan kami ng mga dapat at hindi dapat gawin sa bansang pupuntahan namin. Sa aking mga narinig ay mukhang istrikto nga sa pupuntahan naming bansa pero kahit papaano ay masasabi kong mukhang okay naman pala ang UAE. Binigyan na din ako ni Daisy ng kanyang numero sa UAE para daw kapag kailangan ko nang tulong ay matawagan niya ako o 'di kaya ay e-message ko siya sa sss m*ssenger o sa w******p na siyang mas madalas gamitin sa UAE.
Ang sabi pa ni Daisy, kapag naman daw mabait ang magiging amo ko ay pwede din daw ako makipagkita sa kanya sa aking day-off para mamasyal kami sa iba't ibang lugar sa UAE kasama ang jowa nito dahil may sasakyan daw ito.
Kahit na kinakabahan ay may nadarama din akong excitement. Unang beses kong lumabas ng ibang bansa at malalayo sa aking pamilya. Iniisip ko pa lamang na mapapalayo ako kay Nanay at sa aking mga kapatid ay nalulungkot na ako pero kailangan kong tibayan ang aking loob dahil para din sa kanila ang aking gagawin. Kapag nakapag-ipon na ako ay uuwi na ako ng Pilipinas at magnenegosyo. Hindi ko naman pinangarap na maging katulong hanggang sa pagtanda ko.
"Ay ano ba ang mga pinag-iisip ko," bulong ko sa aking sarili.
Hindi pa nga ako nakakaalis ay pabalik na kaagad ang iniisip ko. Hindi din naman kasi ako makatulog kasi nga bukas na ng hapon ang flight namin papuntang UAE.
Sa kakaisip ko ng mga bagay bagay sa bansang aking pupuntahan ay hindi ko na namalayan na nakatulog na din pala ako. Ginising na lamang ako ng staff ng agency na aalis na kami papuntang Manila at pagkatapos ay sasakay na kami ng eroplano papuntang UAE.
"Salamat." Nginitian ko ang staff atsaka dinala na ang aking luggage na sa totoo lang ay iilan lang naman ang laman dahil wala naman akong mga damit.
Sabagay sabi naman ng agency na ang magiging amo na namin ang magpo-provide ng aming mga uniform na pang-katulong. Mabuti na lamang at may uniform kaya hindi na ako mahihirapang mag-iisip ng isusuot na damit sa pang-araw araw. Ang hirap kasi kapag walang uniform dahil iisipin ko pa ang isusuot ko araw-araw.
Pagdating sa Manila ay lumipat lang kami ng Terminal para sa international flight at nang dumating na ang aming eroplano ay sumakay na kami.
Hindi ko akalain na sobrang haba pala ng biyahe papuntang UAE. Halos mga siyam o sampung oras din kaming nasa himpapawid. Ganito pala ang pakiramdam kapag mahabang biyahe. Noong sumakay kami papuntang Manila ay parang natuwa pa akong sumakay ng eroplano pero ngayong nakakaranas kami parang bubulusok na ang eroplano o turbulence ba ang tawag doon na narinig ko na sinabi ng piloto ay gusto ko na lamang mag barko. Kung hindi lang talaga para sa pamilya ko ay parang ayoko nang sumakay ng eroplano na pang long-distance. Siguro kong mga isa o hanggang apat na oras pero ang sampung oras, halos magkulay suka na ako. Nakatulog din naman ako kahit saglit kaso dahil hindi ako sanay sa paggalaw ng eroplano ay napapakapit na lamang ako sa aking upuan. Mabuti na lamang talaga at may dala akong rosaryo. Hindi naman ako marunong mag-rosaryo pero inihabilin sa akin ni Nanay na magdala ako para na rin may gagabay at magpoprotekta sa akin. Kaya naman ito ngayon ang aking karamay. Mahigpit kong hinawakan ang rosaryo at paulit-ulit lang na nanalangin ng Ama Namin.
Nang sa wakas ay makarating na kami sa Abu Dhabi International Airport ay saka na lamang ako nakahinga ng maluwag. Salamat sa Diyos at buhay pa ako.
May isang malaking sasakyan na sumundo sa amin sa airport. Ito ang maghahatid sa amin sa pansamantalang tutuluyan namin na pagmamay-ari ng agency dito sa UAE. Kapag naayos na ang mga papeles namin dito ay saka na nila kami ihahatid sa aming mga amo.
Sa sobrang ganda ng sasakyang sumundo sa amin ay nakatulog ako sa aming sasakyan. Nagulat pa ako ng ginising ako ng isa kong kasamahan na narito na kami sa magiging 'accommodation' daw muna namin.
"Wow!" Bulalas kong sambit.
Kahit ang iba kong mga kasama ay namangha din sa bahay na aming tutulugan pansamantala.
Accommodation pa lang pero ang ganda na. Paano pa kaya ang ibang mga bahay dito. Totoo nga ang sabi ni Daisy na magaganda ang mga bahay dito.
"Marhaba!"
Narinig naming sabi ng isang staff na Pilipina. Kasalukuyan kaming nasa labas ng bahay o mas tamang sabihin na palasyo at ginagabayan niya kami papasok. Mabuti at mukhang mabait naman pala ang staff ng agency.
"Marhaba!" narinig kong na namang sabi nito saktong ako na ang papasok.
Hindi ko naiintindihan ang salitang sinabi niya pero tinandaan ko iyon. Kapag nakatiyempo ako ng taong pwede kong mapagtanungan ay magtatanong ako kung ano ang ibig sabihin noon.
"Marhaba!" inulit ulit kong bigkas para hindi ko makalimutan.