Habibi 19 - Jewellery Box

1564 Words
Sa sobrang galit ko sa ginawa ni Sir Karim ay nagpaalam na lamang ako kay Madam na magpapahinga ako ngayong araw dahil masama ang pakiramdam ko. Totoo naman iyon dahil maaga ako kanina nagising kaya siguro nagka-migraine ako. Noong una plano ko sanang isumbong si Sir Karim kay Madam pero napag-isip-isip ko din na baka hindi ako kampihan ni Madam lalo pa at sino ang maniniwala na sa gwapo ba naman ng anak nito ay babastusin ako na isang katulong lamang. Isa pa, alam kong masama din ang loob sa akin ni Madam dahil sa nangyaring pagtanggi ko sa kanya kaya tumango lang ito at hindi man lang ako tiningnan. Nalaman ko na lamang kay Manang Tessie na umalis sina Madam at pupunta daw sa events company na siyang nag-o-organize sa engagement nina Sir Karim at Madam Hala. Si Manang Tessie naman ay nagpaalam din na aalis saglit at may kakatagpuin lamang, nagpaalam na daw ito kay Madam kaya tumango lang ako dito. "Hay! Nakakagutom din pala ang magdrama na may sakit. Makapagluto nga muna ng noodles." Lumabas na ako ng kwarto at pumunta ng kusina. "Mahal, nagpadala na ako diyan ng per--" "Magandang hapon po, Manang Tessie," bati ko sa matanda at naghanap ng noodles na mailuluto. "Sige, 'nak, pakisabi sa tatay mo na okay lang naman ako dito. Ingat kayo lagi ha, mahal ko kayo. Bye!" Mabilis na pinatay ni Manang Tessie ang kanyang cellphone at nagligpit ng kalat nito sa kusina. Namali ba ako ng pandinig kanina bago ako pumasok? Mahal kanina ang sinabi ni Manang Tessie doon sa kausap niya tapos ngayon bigla naging anak na niya, baka epekto lang 'to ng gutom. "Magluluto ako ng noodles, Manang, gusto niyo rin bang kumain? Dadagdagan ko.." aya ko dito. "Huwag na, busog ako. Siya sige, papasok muna ako sa kwarto at ako'y magpapahinga muna. Wala pa naman sina Madam sasaglit lang ako sa pagtulog." Paalam nito at dali-daling lumabas ng kusina. Sa pagmamadali ni Manang Tessie ay may nalaglag sa bulsa nito nang malapit na sa may bandang pinto. "Manang Tessie, may nalaglag po sa bulsa ninyo," sigaw ko dito bago pa ito tuluyang makalabas ng kusina. Kaagad naman itong bumalik ng kusina at pinulot ang nalaglag na bagay. "S-salamat.. n-nakita mo ba kung ano ang nalaglag?" mahinang tanong ni Manang Tessie. "Hindi po kasi malayo ako kung saan nalaglag ang gamit ninyo." Sagot ko kay Manang Tessie. Ngumiti lang ito at umalis na. Hindi din naman ako nagtagal sa kusina. Matapos kumain ay chineck ko lang ang buong paligid. Hindi sa pagmamalaki pero mas maayos pa ako maglinis kay Manang Tessie. Hindi din ito masarap magluto kaya madalas ay nagpapadeliver sina Madam kapag naroon ako sa villa ni Sir Karim. Nang masigurong malinis na ang buong paligid ay bumalik na ulit ako sa kwarto. Naabutan ko pang tulog si Manang Tessie kaya natulog ulit ako. ******* "Gege, gising! Gising!" Naalimpungatan ako sa pagkakatulog ng maramdamang may gumigising sa akin. "B-bakit? Anong meron?" Pupungas-pungas na sabi ko kay Manang Tessie. "Tawag tayo ni Madam sa library office. Punta daw tayo ngayon na." Takot na sabi ni Manang Tessie. Bakit kaya natatakot si Manang Tessie? Nagpalit na ako ng damit at siniguradong maayos ang aking hitsura kapag humarap kay Madam. Ayokong maulit 'yong nangyari kaninang umaga na hindi maayos ang suot ko. Sabay na kaming pumunta doon ni Manang Tessie na halata kong hindi mapakali. Kumatok muna kami sa pinto at nang sumagot si Madam ay saka kami pumasok sa loob. Nakatayo si Madam sa may sliding door at nakatingin sa labas. Nang pumasok kami ay lumapit ito sa amin ni Manang Tessie. "Pinatawag ko kayong dalawa dahil may gusto akong malaman." Matigas ang boses ni Madam. Naglakad ito office table at kinuha ang isang malaking itim na jewellery box. Bumalik ulit ito sa amin at binuksan sa harapan namin ang box. Wala iyong laman. Matagal kaming nakatitig ni Manang Tessie doon. Bigla-bigla ay kinabahan ako. Unti-unting lumalakas ang kabog ng dibdib ko. "May nagnakaw ng mga alahas. NGayon, gusto kong malaman kung sino ang nagnakaw ng mga alahas ko!" Bulyaw ni Madam sa aming dalawa ni Manang Tessie. Nanginginig sa galit si Madam at pulang-pula na ang mukha nito. Sa nakikitang pagkagalit ni Madam ay talagang nakaramdam na din ako ng takot dahil baka mapagbintangan akong kumuha ng alahas ni Madam. Ako lang kasi ang naiwan kanina dito at malamang ako ang pag-iisipan nila ng masama. "Wala po akong alam---" Pinutol ni Manang Tessie ang paliwanag ko kay Madam, "M-madam, nakita ko po si Geraldine na pumasok sa inyong kwarto kaninang umaga saktong pag-alis ninyo. Paglabas po niya may dala na po siyang isang maliit na paper bag. Hindi po niya ako nakita dahil nagmamadali po siyang bumaba kanina. Hindi ko naman inalam kung ano ang ginawa niya sa loob ng kwarto ninyo dahil siya lang naman ang pinapayagan ninyong maglinis ng kwarto ninyo, Madam.." 'Anoooo??? Parang ako ang pinagbibintangan ni Manang Tessie samantalang tulog ako buong araw at noong nagising ako ay hapon na.’ Hindi ko alam kung bakit ako ang tinuturo ng matanda tungkol sa nawawalang alahas ni Madam pero hindi ako papayag na pagbintangan dahil sa tanang buhay ko ay hindi pa ako kumuha ng bagay na hindi sa akin. “Manang Tessie, bakit sinabi ninyong pumasok ako sa kwarto ni Madam kaninang pag-alis nila eh tulog ako buong araw?” sa gigil ko sa matanda ay hindi ko maiwasang harapin ito. Nanginginig ang buo kong katawan at baka hindi ko siya matantiya at patulan ko ito kahit may-edad na dahil sa mga pinagsasabi nitong wala namang katotohanan. “Totoo naman talaga na pumasok ka sa kwarto nina Madam. Kaya malamang.. ikaw ang kumuha ng mga alahas ni Madam dahil may dala kang paper bag paglabas mo kanina..” patuloy pa rin sa pagdidiin sa akin ni Manang Tessie kahit hindi naman totoo. “Hindi totoo ang sinasabi ninyo. Ilang buwan na rin ako dito at kahit kelan, wala pang may nawawala sa villa na ‘to. Hindi ako tinuruan ng Nanay ko na magnakaw o manguha ng mga bagay na hindi akin kaya huwag niyo akong pagbintangan dahil wala pa akong ninakaw sa buong buhay ko!” Gigil na sagot ko kay Manang Tessie. Konting-konti na lang at baka makanti ko siya kahit matanda siya dahil sa mga binibentang nito sa akin. “Tessie, huwag mong pagbintangan ng walang pruweba si Geraldine dahil sa loob ng pananatili niya dito ay wala pang may nawalang gamit sa amin..” nakahinga ako ng maluwag ng kumampi sa akin si Madam. “Malay niyo pala, kinuha niya lang ang loob ninyo tapos ngayong pinagkakatiwalaan niyo na siya ay saka niya kayo pagnanakawan.” “Hindi ko magagawa ‘yan, Manang Tessie! Malinis ang konsensiya ko. Kung gusto ninyo, Madam, e-check po ninyo ang mga gamit ko para patunayan na wala akong may kinukuha sa inyo!” Suhestiyon ko para malaman nila na hindi ako masamang tao. “Huwag na. Naniniwala ako sa’yo. Tatawag na lamang ako ng police para sila na ang mag-investigate sa mga nawawalang alahas ko,” akmang tatawag na si Madam ng pigilan ito ni Manang Tessie. “Mas maganda nga po Madam na e-check natin ang gamit niya. Kahit ako din po, willing din akong e-check ang bag ko para patunayang na hindi kami ang kumuha ng mga alahas ninyo, Madam.” Alok pa ni Manang Tessie. “Sige, tingnan natin ang mga gamit ninyo. Baka nakalimutan ko lang kung saan ko nilagay ang aking mga alahas dahil sa dami nila..” Nauna pang lumabas si Manang Tessie sa library at nakasunod lamang kami ni Madam. Habang papalapit sa aming kwarto ay parang nag-iiba na naman ang pakiramdam ko. Bigla-bigla na lamang na parang pinipiga at tinatambol ang aking dibdib na parang pinapahiwatag na may masamang mangyayari. Pagpasok sa loob ng aming kwarto ay dali-daling kinuha ni Manang Tessie ang kanyang maleta. Kung dati-rati ay parati iyong naka-lock, ngayon ay wala itong lock na parang pinagplanuhan na nitong buksan ang kanyang maleta. Ito mismo ang nagbukas at ipinakita sa amin ang lamang ng kanyang maleta. “Nakita ninyo, Madam, walang alahas. M-malinis po ang konsensiya ko.” Sinara n ani Manang Tessie ang kanyang maleta. “Ikaw na Geraldine, kung totoo ang sinasabi mo na hindi ka magnanakaw, ipakita mo sa amin ang laman ng iyong maleta.” Kung kanina ay malakas ang loob ko na magsabi na ipakita ang laman ng aking maleta, ngayon ay parang nagdadalawang-isip na ako. Hindi ko mawari pero iba ang kabang narararamdaman ko. “Geraldine.. buksan mo na ang maleta mo,” utos ni Madam kaya kinuha ko sa loob ng built-in closet ang aking maliit na maleta. Pag-angat ko pa lamang ng aking maleta ay nanibago na ako. Parang bumigat ang aking maleta at may tumunog sa loob. Nagtataka ako kung bakit bumigat iyon dahil ilang piraso lang ang damit ko at nilagay ko iyon sa loob ng cabinet. Ang tanging laman lamang ng aking maleta ay mga importanteng papeles. Kahit na medyo kinakabahan na ako ay unti-unti kong nilapag ng maayos ang aking maleta sa sahig. Nanginginig ang aking kamay na binuksan ko ang aking maleta. Pagbukas na pagbukas ko ay para akong hihimatayin sa aming nakita. “Oh my God, Geraldine! Ano ‘to--- hindi ko akalaing magagawa mo ‘to sa akin! Sa aming pamilya!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD