Angela’s POV
Nang umalis si Rafael ay isa-isa kong pinulot ang mga damit ko. Nagbihis ako ng panibagong pares ng t-shirt at pantalon. Kailangan kong maka-alis dito sa lalong madaling panahon. Natatakot ako kay Rafael. Nalilito ako sa pinapakita niya sa akin. Pero siguro dala na rin ng galit niya kaya nagawa niya yun.
Pinuntahan ko si Lola sa kwarto. Nagbabaka-sakali na maka-usap ko siya at kumbinsihin na bumalik na lamang ako sa ampunan. Atleast duon tangap ako, may nag-mamahal sa akin. Gusto ko rin kausapin si Mathew ng personal. Alam ko galit pa rin siya sa akin. Gusto kong magpaliwanag ng maayos. Dahil mahalaga pa rin sa akin ang pagkakaibigan naming dalawa.
Buo na ang loob kong kumbinsihin si Lola, kaya lang pagpasok ko ng kwarto ay mahimbing itong natutulog. Sabi ng nurse kakainom lang daw niya ng gamot. Wala akong choice kundi bumalik sa kwarto.
Inaantok ako kaya lang natatakot ako na baka pumasok ulit si Rafael. Hindi ko alam ang dahilan kung bakit ayaw niya akong ilipat ng kwarto gayong alam kong namumuhi siya sa akin.
Tapos pinagtangkaan pa niya ako. Ang katotohanang nakita na niya ang lahat sa akin ay lalong nagpadagdag ng pagka-ilang ko sa kanya.
Naupo ako sa gilid ng kama ng magbukas ang pinto.
“Senyorita Angela, pinapabigay po ni senyorito Rafael.” Inabot sa akin ni Manang Ladia. Isa sa apat na kasambahay nila.
Kaagad kong kinuha ang malaking paper bag. Pagkatapos ay nagpaalam na siya sa akin. Ayaw ko mang tignan kung ano ang laman noon ay nakita ok ang note sa gilid ng paper bag kaya kinuha ko iyon at ipinatong ko sa kama ang paper bag kaya kinuha ko iyon at ipinatong ko sa kama.
“Wear it tonight, I’ll pick you up at 8 pm….”
Kinuha ko ang laman ng paper bag. Isang kulay itim na mermaid off shoulder dress na may makinang na parang diamante sa buong harapan at may mahabang hiwa pa sa kanan na hita nagpaganda sa desenyo nito. May isang pares din na kulay itim na stiletto na sa tingin ko ay may tatlong inches ang haba. Bukod dun may nakita din akong isang kahon. Binuksan ko at napanganga ako sa mamahaling gold necklace at earrings. Pinakatitigan ko pa kung totoo nga ito pero imposibleng hindi dahil hindi naman siguro siya bibili ng pekeng alahas.
Binaba ko ang hawak ko ang hawak kong box ng alahas. Anong intention niya sa pagsama sa akin? Paano kung hindi ako sumunod sa gusto niya? Hindi kaya magalit na naman siya sa akin?”
Napabuntong hininga ako na lamang ako. Matapos ng mangyari kanina gusto niya pa akong isama sa party na hindi ko alam kung para saan.
Never pa akong nagsuot ng ganitong damit at hindi pa rin ako nakakapunta sa kung anong party. Sigurado akong hindi yun basta-basta dahil sa napakagandang damit ang gusto niyang isuot ko.
Parang gusto ko na lang tuloy tumakas at wag nang magpa-alam kay Lola. Anong gagawin ko? Masyadong maiksi ang pasensya niya. Paano kung magalit na naman siya? At lalo lamang kaming hindi magkasundo?
Isa’t kalahating oras bago mag alas-otso ay nagdadalawang isip pa din ako. Nakasuot ako ng roba at kagat-kagat ang dulo ng kuko ko. Kinakabahan ako, hindi ko alam kung magagawa ko ba ‘to. Palakad-lakad ako sa kwarto, nang biglang bumukas ang pinto.
“Senyorita si Che-che po, siya ang mag-aayos sa inyo. Pinadala po siya ni Sir.” Nakangiting wika ni Manang. Sabay bungad sa akin ng magandang babae.
“Hi Ms. Angela, napakaganda mo pala. Kahit walang make-up ay kabog na kabog na ang beauty mo.” Wika niya sa akin na ikigulat ko. Saka ko palang nalaman na bakla pala siya pero ang ganda niya talaga saka mas malaki pa dibdib at balakang niya sa akin.
“H-hello.” Naiilang akong ngumiti sa kanya. Hindi ko maiwasan na pasadahan siya ng tingin.
“Ay naku Ms. Angela. Wag mo akong tignan ng ganyan, peke lahat ng nakikita niyo.” Nakatawang sabi niya sa akin. Tipid akong ngumiti.
“Umpisahan na po natin. Pagagandahin ko pa kayo lalo para maglaway na si Sir. Rafael.” Dagdag pa niya na ikinapula ng mukha ko. Pero kahit pagandahin pa niya ako at bihisan hindi parin mawawala ang katotohanan na galing ako sa ampunan at ayaw sa akin ni Rafael.
“Ammm, Che-che pwede Angela na lang itawag mo sa akin? Saka hindi ko pa sigurado kung a-attend ako sa party.” Nakayukong wika ko sa kanya. Nagdadalawang isip pa rin kasi ako.
“Ay Ms. Angela, hindi po pwede. Magagalit po si Sir. Rafael at tatangalin niya ako sa trabaho ko kapag hindi ko nagawa ang utos niya. Sayang naman ang trabaho ko pambili ko ng gamot ni mudra.” Katwiran niya sa akin, naawa ako sa kanya. Kaya wala akong nagawa kundi ang umupo sa harap ng vanity mirror. Pinagmasdan ko ang aking sarili. Nag-umpisa na rin siyang ilatag ang lahat ng make-up niya. Unang beses kong malalagyan ng kolorete ang aking mukha kaya hindi ko rin alam ang magiging kalalabasan.
“Don’t worry Ms. Angela. I will make sure, na ikaw lang ang pinakamaganda sa party tonight.”
Gandang-ganda talaga siya sa akin. Hindi kasi mapawi ang ngiti niya habang inaayusan niya ako. Hindi ko alam kung ano-ano ang inilagay niya sa aking mukha pero lalo kong nakikita na mas gumaganda ako sa ginagawa niya.
Binigyan niya ng kulay ang matamlay kong mga mata. Pati na rin ang natural na mapula kong labi ay nilagyan niya ng simpleng nude color na lipstick. Bumagay din sa double eyelid ko ang mahabang pilik ko. Inayos din niya ang magulo kong kilay. Mabuti na lamang at inahit niya lang yun dahil hindi ako sanay magbunot.
Muntik na akong antukin nang kinulot niya ang buhok ko at itinaas na parang messy bun. May lawit pa na ilang hibla.
“Gorgeous!” Bulalas niya.
Pumalakpak pa siya na parang nakatapos ng isang magandang masterpiece.
Hindi ko maiwasan ang ngumiti halos isang oras din ang ginugol niya sa make-up. At nangalay ako ng sobra pero nang makita ko ang kabuohan ko ay sobrang natuwa ako. Hindi ko alam na may igaganda pa pala ang simpleng gaya ko.
“Salamat, Che-che.”
“Naku! Mas maganda ka pa kay Lalaine!”
Napatakip siya sa kanyang bibig nang tignan ko siya pagkatapos niyang sabihin ang pangalan ni Lalaine.
“Ay este! Kung kasing ganda niyo lang din naman ang memake-upan ko ay gaganahan talaga ako.” Wika niya.
Hindi nakaligtas sa aking pandinig ang pagbangit niya sa pangalan na yun. Narinig ko na rin yun kay Rafael. Kung sino man ang babaeng yun sigurado akong maganda talaga siya dahil hangang ngayon siya parin ang mahal ni Rafael. At ako isang babaeng pinulot lang sa ampunan upang pilitin na ipakasal sa kanya kahit labag sa loob niya.
Limang minuto bago mag alas-otso ay tapos na rin akong magbihis. Kaya lang nailang ako nang makita ng suot ko sa harapan ng salamin. Sobrang haba kasi ng cut sa kanang binti ko kaya pag sinusubukan kong lumakad ay lumalabas ang legs ko. Hindi naman ako sobrang puti pero wala akong kahit isa mang peklat nakakapusyaw din ang kulay ng damit. Hindi ako makapaniwala sa naging itsura ko. Dahil sa suot ko hindi ko na makikilala ang sarili ko kahit pa siguro sila Sister Sandy at Mother Evette ay hindi nila ako makikila sa unang tingin lang. Medyo kita din ang ibabaw ng dibdib ko kaya tinataas ko din ng bahagya ang damit ko baka tuluyang bumaba ayoko namang makita ang cleavage ko. Hindi naman kasi kalakihan ang dibdib ko. Bukod doon pati sa likuran ay exposed din ang balat ko.
“Wow!” Sabay-sabay na napanganga ang mga kasambahay namin kaya lalong namula ang pisngi ko nakaramdam ako ng hiya. Dahil hindi ako sanay na nakakakuha ng attensyon sa ibang tao.
“Ang ganda niyo po!” Bulalas ni Manang Melba.
“Oo nga!” Sang-ayon naman ng iba.
“Syempre! Ako ang fairy god mother niya eh!” Pagmamalaki ni Cheche. Mabuti na lamang at tinulungan niya akong mag-ayos pati sa damit dahil hindi ko talaga alam kung paano ko susuotin yun at kung paano dadalhin ang sarili ko.
Pababa na ako ng hagdan nang bumukas ang pintuan at iniluwa nito si Rafael. Gusto ko pa sanang umakyat ulit kaya lang pinigilan na ko ni Che-che.
Huli na dahil nakita na niya ako. Nag-iwas ako ng tingin sa kanya dahil naiilang parin ako sa nangyari sa pagitan namin. Bukod doon napaka-guwapo din kasi niya, bagay na bagay ang suot niyang itim na suit. Para tuloy siyang prince na aattend ng masquerade ball. Kulang na lamang itim na maskara.
Narinig ko ang mabigat na paghakbang niya na lalong nagpapabigat sa aking paghinga hangang sa masamyo ko na ang mabangong amoy niya.
“Beautiful.”
Nabaling ang tingin ko sa kanya nang marinig ko ang boses niya. Ayokong mag-expect kung ako ba ang maganda o ang damit ko. Nagtama ang mata naming dalawa. Kung hindi ko pa narinig ang singhapan sa paligid siguro hindi maalis ang titig ko sa kanya. Ngayon ko lang kasi siya natitigan nang ganito sobrang lapit niya at malaki ang nagiging epekto niya sa akin.
“Thank you Che.” Baling niya dito.
Nagulat ako nang ilahad niya ang kanyang kamay. Hindi ko akalain na may pagka-gentleman din pala siya o ngayong gabi lang. Kung alalayan niya ako ay para akong babasaging krystal. Pero paulit-ulit pa rin na bumabalik sa aking isipan kung gaano siya karahas sa akin kagabi.
“Let’s go.” Seryosong sambit niya. Ayoko mang tangapin ang kamay niya ayoko naman na magmukhang pakipot sa harapan nila. Wala akong karapatan na mag-inarte dahil kusa akong pumayag na magpunta dito. Walang pumilit sa akin, pero kung hindi dahil sa utang na loob ko kay Donya Cynthia wala sana ako dito ngayon. Hindi sana ako nahihirapan ng ganito.
Inalapat ko ang kamay ko sa kanyang palad at pinagsiklop niya ang kamay naming dalawa. Kitang-kita ko ang malaking ngiti sa labi ng mga kasambahay nila habang iginigiya niya ako palabas.
Paglabas namin ng bahay ay inalalayan din niya ako sa pagsakay sa kotse. Saka siya tumabi sa akin sa likuran. Pumasok naman yung driver at inumpisahan na niyang buksan ang makina.
“S-Saan tayo?” Kinakabahang tanong ko.
“Malalaman mo din mamaya, I just want to say thank you dahil pumayag kang sumama.” Sambit niya. Mas mahinahon ang boses niya ngayon at mas kalmado. Kaya kahit paano ay nakakahinga na ako ng maluwag.
“Baka kasi magalit ka ulit sa akin.” Tipid na sagot ko bago ako lumingon sa labas ng bintana. Nagbabadya ang ulan dahil sa lamig ng panahon at makulimlim din kanina.
“I’m sorry for what happen, kahit naman sinong lalaki magagalit kung ikukumpara mo sila sa karibal mo diba?” Wika niya na ikinagulat ko. Karibal? Kailan pa niya naging karibal si Mathew?
Naguguluhan na naman ako sa kanya. Para tuloy gusto kong pagsisihan ang pagsama ko. Ilang minuto din ang lumipas nang lumiko sa isang malaking venue ang kotse. Ipinarada ng driver sa parking lot kung saan naroon pa ang ibang mamahalin at magagandang sasakyan. Lalo akong kinabahan nang makita ko ang ibang guest. Napaka galante din ng mga suot nila at ang gaganda.
Inalalayan niya akong makababa. Nahirapan akong dalhin ang stiletto shoes ko dahil hindi naman ako sanay sa ganitong klase ng sapatos. Pagkababa ko ay kinuha niya ulit ang kamay ko upang ilagay niya sa braso niya, at dahan-dahan kaming lumakad patungo sa entrance ng venue.
Ngunit pag-akyat namin sa baitang ng hagdan ay sumabit ang gown ko sa takong ko kaya na-out of balance ako. Mabilis niya akong naikabig na ikinagulat ko dahil yakap na niya ako. Kumabog lalo ang t***k ng puso ko nang magtama ang tingin naming dalawa. Naamoy ko rin ang mabango niyang hininga at nararamdam ko ang matigas niyang katawan dahil sa higpit ng yakap niya sa beywang ko.
“Careful.” Mahinang bulong niya sa akin. Sobrang lapit na ng kanyang mukha. Parang iisang hangin na lamang ang hinihingahan naming dalawa.
“Hoy! Rafael ang ganda naman ng kasama mo ngayon. Ipakilala mo naman kami.”
Sabay kaming lumingon ni Rafael sa narinig namin na nagsalita. Siguro hindi lang nila kilala si Rafael dahil ganito nila ito kausapin. Nakita ko din na may maganda pa silang kasama na nakatingin lang kay Rafael.Napansin ko na matalim ang pagkakatitig niya dito pero agad din siyang bumaling ng tingin sa akin.
“I’d like all of you to meet my fiancé, Angela.” Pakilala niya sa akin na bahagyang ikinagulat ko.
“Fiancé? Are you serious Rafael?” Kunot noo na tanong ng lalaki.
“Angela, meet my friends. Inigo, Xandro, Fernan and Lalaine.” Pakilala niya sa mga kaibigan niya. Sabay silang lumingon sa babaeng ipinakilala niyang Lalaine. At kung hindi ako nagkakamali siya ang babaeng hanggang ngayon ay mahal pa rin ni Rafael. Nakaramdam ako ng pagkailang dahil sa ganitong paraan pa kami magkakaharap.
“I’m sorry guys, maiwan ko muna kayo.” Paalam ni Lalaine at mabilis itong humakbang palayo sa amin na sinundan din agad ni Fernan.
Bumaling ulit sa akin ang mga kaibigan niya. Ngunit ang mga mata ni Rafael ay nakasunod sa likuran ni Lalaine. Napakaganda nga talaga niya. Hindi ako naniniwala kay Che-che na mas maganda ako dahil kitang-kita ko kung gaano siya ka perpektong babae. Hindi na ako magtataka kung bakit mahal pa rin niya ito dahil pakiramdam ko ganun din ang babae sa kanya. Nakita ko ang lungkot sa mga mata niya habang tinitignan niya kami ni Rafael.
Akala ko hangang tanaw lang ang gagawin ni Rafael. Ngunit nagulat na lamang ako nang bigla niyang bitawan ang kamay ko at tumakbo patungo sa kung saan nagtungo si Lalaine. Gustong mag-unahan ng mga luha ko pero pinigilan ko ang aking sarili. Hindi ito ang tamang time para mag self–pity. Ayokong magmukhang kawawa.
At bakit naman ako iiyak? Hindi naman totoo ang lahat. Wala naman kaming relasyon. Wala naman kaming nararamdaman para sa isa’t-isa.
“Are you okay? Babalik din yun baka mag-uusap lang sila matagal kasi silang hindi nagkita.” Nakangiting wika ni Iñigo.
“Oo nga Angela, pumasok na tayo sa loob mag-uumpisa na ang birthday party ni Bernard ang isa pa naming kaibigan.” Segunda naman ng nagngangalang Xandro.
Inalalayan nila akong maglakad pero lutang parin ako sa mga nangyayari kung pwede lang umuwi na lang gagawin ko kaya lang kailangan ko munang magsabi kay Rafael.
“Mauna na kayo, may kukunin lang ako sa kotse naiwan ko kasi yung purse ko.” Nakangiting wika ko sa kanila. Tumango lang sila sa akin at ngumiti.
Nagtungo ako sa parking lot dahil naiwan ko naman talaga ang purse ko. Nakalimutan ko kasing bitbitin kanina dahil sa tindi ng kaba ko.
Pagkarating ko sa parking lot kung nasaan ang kotse ay agad din akong pinagbuksan ng driver. Ipapasarado ko na sana ang pinto nang makita ko sa di kalayuan si Rafael. Habang nakasandal si Lalaine sa kotse at para akong mauupos na kandila nang makita ko kung paano niya hinalikan si Lalaine.
Bago pa nila ako makita ay mabilis na akong umalis, dahil ayokong maka-agaw sa atensyon nilang dalawa habang pinagsasaluhan nila ang kasabikan sa isa’t-isa. Siguro ito yung rason kaya niya ako sinama sa party na ito. Para pagselosin ang babaeng mahal niya.
Nagtagumpay naman siya dahil kahalikan na niya ang babaeng yun ngayon. At wala na rin akong paki-alam kung ano pa ang gawin nilang dalawa. Parang gusto kong sawayin ang aking sarili. Dahil kahit wala naman kaming relasyon feeling ko nasasaktan ako. Hindi kaya dahil sa harap-harapan niyang tinatapakan ang pagkatao ko? O baka talagang may pagtingin na rin ako kay Rafael?
Inayos ko ang aking sarili at pumasok na ako ng entrance. Nakita ko agad ang mga kaibigan niya at kinawayan pa nila ko para lumapit ako sa kanila. Nahihiya man ay wala akong magawa dahil wala naman akong ibang kilala dito.
“Angela, akala ko hindi ka na babalik eh.” Nakangiting wika ni Iñigo. Ngiti lang din ang tinugon ko sa kanya.
“By the way, seryoso ba talaga si Rafael? Fiancé ka niya?” Kunot noo na tanong ni Xandro.
“Siya na lang po ang kausapin niyo tungkol sa bagay na iyan.” Nahihiyang paliwanag ko. Ano pa nga ba ang isasagot ko? Totoo rin naman ang lahat ng yun. Pina-upo nila ako sa harapang table kung saan din sila naka-upo. Nahihiya man wala naman akong magawa. Maya-maya ay may guwapong lalaking lumapit sa table namin. Sabay-sabay silang nagtayuan.
“Bro! Happy birthday!” Bati nila sa kanya. Ito pala ang tinutukoy nilang Bernard. Mukha siyang modelo sa isang business magazine. Bukod sa napakatangkad napaka guwapo din nito. Nakaka-intemidate ang presence niya.
“Whoah! At kaninong date naman ang magandang babaeng yun? Pwede ko bang hiramin?” Napalingon ako sa likod ko nang ngumuso siya papunta sa likod ko pero wala naman ibang tao kaya bumalik ang tingin ko sa kanya. Lumapit siya sa akin at hinalikan ang kamay ko na parang isang maginoo.
“Hi, I’m Bernard Villegas. May I know you?” Magalang na tanong niya sa akin na ikinatawa nila Iָñigo at Xandro.
“Sorry ka, Bernard hindi mo siya mahihiram dahil fiance na siya ni Rafael.” Wika ni Iñigo sa kanya. Napatingin sa kanila si Bernard at wari’y hindi naniniwala.
“Are you all sure? Baka naman nagbibiro lang si Rafael? But I thought kasama niyo si Lalaine? Nasaan na siya? Kumusta na siya? Hindi ko akalain na magbabalik pa siya pa.” Wika niya.
“He’s with Rafael, baka nga tinangay na niya si Lalaine.” Si Fernan ang sumagot na kakarating lang.
“Fernan.” Saway ni Xandro sa kanya. Pabagsak itong naupo sa upuan at tumunga ng wine sa baso.
Nagbingi-bingihan ako sa narinig. Naalala ko naman ang nangyari kanina. Kaya pilit ko na lang tinutuon ang sarili sa pag-inom ng tubig.
“Bakit? I’m just telling the truth. Baka nga sa mga oras na ito kung ano na ang ginagawa nila.” Dagdag pa ni Fernan. Siya ang sumunod kay Lalaine kanina kaya siguradong alam niya ang mangyayari.
Tumayo ako at akmang aalis na sana dahil pakiramdam ko akward at hindi ako nababagay sa lugar na ito nang pigilan ako ni Bernard at hinawakan ang kamay ko.
“Don’t mind him. Baka nga papunta na din yun dito. Matagal kasi silang hindi nagkita.” Paliwanag niya sa akin.
“Okay lang ako, besides pwede naman siyang tumangi sa kasal namin at bumalik sa kaniya.” Sagot ko na ikinagulat nilang lahat.
“You mean hindi mo siya mahal? Okay lang sa’yo na hindi matuloy ang kasal niyo?” Tanong ni Bernard sa akin.
“Mahal? Ano yun? Hindi ko ugaling magmahal ng taong may mahal ding iba.” Litanya ko sa kanya to save my face. Nagtawanan sila dahil sa sinabi ko.
“Mukhang nagkamali kami sa pag-judge sa’yo.” Di makapaniwalang sabi ni Inigo. Nginitian ko lang sila pero ang totoo gusto ko nang umalis. Ayoko lang maramdaman na pilit nilang sinasaksak sa utak ko ang tungkol kay Rafael at Lalaine.
“Kung ganun pala naman. Can I steal you from him? I want to dance with the most beautiful lady tonight.” Nakangiting wika ni Bernard. Inilihad niya ang kamay niya at hindi ko na ito tinangihan pa. Lumawak ang ngiti niya nang tangapin ko ang paanyaya niya.
“Hindi ako marunong sumayaw.” Nahihiyang sabi ko sa kanya.
“Don’t worry Angela, kahit matigas ang katawan mo kayang-kaya ka niyang palambutin.” Hirit ni Xandro. Hindi ko gaano maintindihan kung ano man yun pero wala na yun sa akin. Dahil intrumental naman ang tugtog.
Nasa gitna na kami ni Bernard. Ipinatong niya ang dalawang kamay ko sa balikat niya at nasa beywang ko naman ang dalawang kamay niya. Hindi ko tuloy maiwasan na mahiya dahil nasa amin ang atensyon ng ibang naroroon kabilang na ang mga kaibigan nila Rafael.
“I can’t believe na hindi ka na-apektuhan sa sinasabi nila sa’yo. Knowing Rafael Valdez is one of the riches young bachelors not only here but also around Asia. In short maraming nagkakandarapa mapansin niya lang kaya lang masyado siyang loyal sa first love niya.” Nakangiting wika niya sa akin.
“Pwede bang wag na natin siyang pag-usapan?” Kunot noo na tanong ko. Lumapad ang ngiti niya. Kaya mas na-ilang ako sa kanya. Mas guwapo kasi siya pag nakangiti at sobrang bango din niya.
“Of course! Total mas interesado ako sa’yo. Pwede ba akong manligaw?”
Naiiling na napangiti ako sa kanya.
“What’s funny?”
“Wala lang, ganyan ba talaga kayong mayayaman? Akala niyo porke’t mataas ang kalagayan niyo sa buhay at perpekto din ang physical na anyo niyo ay madali lang para sa inyong mapapaniwala ang lahat ng mga babae?” Nakangising tanong ko.
Natawa siya sa sinabi ko. Inililapit niya ang labi niya sa tenga ko. Kaya tumayo ang balahibo ko sa batok.
“So inaamin mong magandang lalaki ako?” Wika niya.
Sasagot na sana ako nang bigla ‘kong makita ang madilim na mukha ni Rafael. Mabilis siyang lumakad papunta sa amin.
“Kanina pa kita hinahanap!” Bulalas niya sabay higit sa braso ko. Napangiwi ako sa mahigpit niyang hawak sa kamay ko. Pero pinigilan yun ni Bernard. Nagsilapitan din sila Inigo at Xandro.
"Bro, baka nakakalimutan mo nasa party tayo at birthday ko pa kung gusto mo siyang kausapin ay wag sa marahas na paraan." Paalala ni Bernard.
Naramdaman ko ang pagluwag ng hawak sa akin ni Rafael at huminga siya ng malalim.
"Pasensya ka na, pwede ko na bang bawiin ang fiance ko?" May diin na salita niya. Binitawan ni Bernard ang kamay ni Rafael ay humarap siya sa akin.
"If something happens lumapit ka lang sa akin. I can save you from him." Sambit ni Bernard sa akin.
"F*ck you!" Sagot ni Rafael sabay hila ulit sa akin.