CHAPTER 3: Cainta Rizal

1866 Words
Eunah HAPON na nang kami ay makasakay ng eroplano dito sa Basco Batanes patungong Manila. Hindi ko na nadala pa 'yong mga mabibigat naming de lata sa tindahan. Ibinenta ko na lamang ang mga 'yon ng mura sa mga kapitbahay namin kahit wala na sa puhunan. Naningil din muna ako sa mga pautang ko. Awa ng Diyos kahit papaano ay mayroon namang nagbayad. Pero mayroon pa ring mga natira. Sinabi ko na kailangan ko nang maipagamot sa Manila ang anak ko dahil lumalala na ang ubo at sipon niya. Ibinenta ko rin muna nang bagsak presyo ang mga gamit namin doon katulad ng mga gamit sa kusina, mga gamit sa paglalaba, mga unan, kumot, mga upuan, mesa at kung ano-ano pa. Hindi naman kasi namin madadala ang mga 'yon. Nakapanghihinayang pero mas kailangan kong unahin na ngayon ang kalusugan ng anak ko at si Papa. Makakakuha pa naman siguro ako ng trabaho sa Manila. Nakatapos naman ako nang pag-aaral. Bachelor of Business Administration ang tinapos ko dahil lang din sa pagsusumikap ko noon . Habang nag-aaral ako noon ay nagtatrabaho din ako sa call center. Doon ko nga nakilala noon si Walter. Nakasuporta din sa akin noon si Papa kahit nasa kulungan siya, kaya ngayong nakalaya na siya ay gusto kong makabawi sa kanya at makasama na rin siya. Noong maka-graduate naman ako ay sinubukan kong mag-apply ng ibang trabaho. Sakto namang hiring sa VM Health Center at naghahanap ng secretary si Miss Damzel. Noon pa man ay idol ko na si Miss Damzel. Palagi ko na siyang nakikita noon pa man sa mga magazine, billboard at kung saan-saan pa. Isa siya sa mga matatalinong estudyante sa Eagle Mountain University sa Tanay Rizal. Naging muse din siya noon ng buong campus. Sikat na sikat nga sila doong magkakapatid, pati na rin ang mga pinsan nilang nag-aaral doon. Ang Eagle Moutain University ay pag-aari ni Mr. Drake Delavega na isa sa mga kapatid ni Sir Damien. Matatagpuan ang school na ito sa isang may kataasang bahagi ng bundok sa Tanay. Isang daang baitang ang aakyatin mo bago ka makarating doon. Pero may maluwag na driveway naman paakyat at napakalaki ng University na iyon. May malawak silang parking lot sa taas. Napakaganda ng school na iyon. Para kang nasa tore at siguradong napakanda ng mga tanawin na makikita dito sa baba kapag naroroon ka na sa taas. Pangarap kong makapasok doon, pero hanggang pangarap na lang 'yon. Public school lang ang nakayanan ko. Pero okay lang, naka-graduate din naman ako. Pagdating namin sa Manila ay maghahanap kaagad ako ng trabaho na pwede kong maisama ang anak ko. Naalala kong may pamilya pa si Papa sa Bulacan pero matagal na siyang hindi nakikipag-communicate sa mga iyon. Kahit ako ay hindi pa niya nagagawang ipakilala sa kanila. Kasalanan naman daw niya. Nagbigay siya ng kahihiyan sa pamilya nila kaya pinili niyang harapin ang problema at parusa niya nang mag-isa. Kahit gusto siyang tulungan ng mga ito ay tinanggihan na lamang niya. Naiintindihan ko naman si Papa at hinayaan ko na lamang din siya sa kagustuhan niya. Inamin naman niya sa akin na marami na siyang nagawang kasalanan noon. Dapat lang daw 'yon sa kanya. Pero hindi lahat ay alam ko ang buong buhay niya. Pakiramdam ko ay marami pa siyang hindi sinasabi sa akin. Kanina bago kami nakasakay ng eroplano ay tinawagan ko muna siya. Nakabili daw siya kaninang umaga ng mumurahin at second hand na cellphone sa Taytay. Patungo na rin daw siya ngayon sa airport. "Mama, ang taas natin," turan ng anak ko habang sumisilip sa bintana. Hindi naman ako makasilip doon dahil nahihilo ako. "Hindi ka ba nahihilo, anak?" "Di po! Para tayong lumilipad, Mama!" "Huwag kang sumigaw. Baka maingayan sila," mahinang saway ko sa kanya. "Opo. Mama, para na tayong ibon. Lumilipad na tayo," bulong din naman niya sa akin na siyang ikinatawa ko. "Wala naman tayong pakpak." "Parang ganun na rin 'yon, Mama. Nandito tayo sa taas, eh." "Nakasakay tayo sa airplane. Ito ang may pakpak." "Kita ko 'yong pakpak, Mama. Ayon, oh, mahaba." Itinuro niya sa labas ng bintana ang mahabang pakpak nitong eroplano. Nagkakandahaba pa ang nguso niya. "Pero di siya gumagalaw, Mama. Katulad sa bird, gumagalaw." Ikinampay-kampay pa niya ang mga braso niya sa ere. "Hindi naman kasi ito bird, anak. Machine ang nagpapalipad dito sa eroplano." "Machine?" "Opo. Tao ang nagpapalipad dito sa eroplano. Sila lang ang gumawa nito." "Tao?" Natatawa na lamang ako sa kainosentihan niya. "Ang tibay at tapang naman ng sikmura mo. Hindi ka man lang natatakot at nahihilo. Hindi ba sumasakit ang tiyan mo?" "Di ako nahihilo, Mama. Nauubo lang ako." Kaagad niyang tinakpan ang bibig niya at sunod-sunod na umubo. Tinuruan ko siya na kapag nauubo siya ay tatakpan niya palagi ang bibig niya. "Uminom ka muna ng tubig. Malapit ka nang gumaling. Bukas ay pupunta kaagad tayo sa doctor, okay?" "Si Lolo magdadala sa 'kin sa doctor, Mama?" "Opo, at kasama din si Mama." "Opo." Inalalayan ko siya sa pag-inom ng tubig. Tumahimik naman siyang muli sa pag-ubo. Tinakpan kong muli ang bote at inisiksik muli sa seat-back water bottle holder. "Dyan ako sa iyo, Mama." "Halika." Kaagad kong kinalas ang seatbelt niya at binuhat patungo sa kandungan ko. Kaagad din naman siyang yumakap sa akin at sumandal sa dibdib ko. "Matulog ka na muna. Gigisingin na lang kita kapag bababa na tayo." "Matagal pa tayo bababa, Mama?" "Medyo matagal pa. Mga isang oras at kalahati pa ang ipaghihintay natin." "Tapos makikita na natin si Lolo?" "Opo. Patungo na rin doon sa airport ang Lolo mo." "Bibilhan niya ako ng raruan, Mama." "Opo, matulog ka na muna." "Opo." Inayos ko ang kulot-kulot niyang buhok bago ko siya hinagkan sa noo. Nakita kong ipinikit na rin niya ang mga mata niya habang nakasandal sa dibdib ko. Ang totoo ay malakas ang kabog ng dibdib ko ngayon. Halo-halo ang nararamdaman ko habang papalapit kami sa siyudad. Paano kapag nakita din ako doon ni Walter? Napakalaki nang nagawa kong kasalanan sa kanya. Basta ko na lamang siyang iniwan at ang masaklap ay hindi niya alam na nakipagsiping ako sa ibang lalaki habang boyfriend ko pa siya. Sana ay mapatawad pa niya ako. Wala naman akong ibang sisisihin dito kundi ang sarili ko lang. Hinayaan kong makuha ako ng ibang lalaki. Nanikip bigla ang dibdib ko. Kaagad kong pinunasan ang mga luhang tumulo sa pisngi ko. Ako ang sumira sa magandang relasyon naming dalawa noon. Ako 'yong nag-cheat. Pagkatapos kasi nang pangyayaring 'yon sa aming dalawa ni Sir Damiel ay biglang nahati 'yong nararamdaman ko para sa kanya. Nagkaroon ng kakaibang pintig ang puso ko para kay Sir Damiel simula noong araw na 'yon. At nasaktan ako dahil matapos niyon ay biglang nanlamig siya sa akin. Bigla niya akong iniwasan at hindi na halos pinapansin. Kinakausap na lang niya ako noon kapag may kinalaman lang sa trabaho. Kaya nawalan ako ng lakas ng loob na sabihin sa kanya ang totoong kundisyon ko. Natakot na ako. Sigurado kasing itatanggi niya lang ito. Baka siya pa ang magtanggal sa akin sa trabaho at palayuin ako sa kanya. Sigurado 'yon kaya inunahan ko na lamang siya. Kumusta na kaya ngayon si Walter? Tatanggapin ko kung nakahanap na siya ngayon ng ibang babaeng totoong magmamahal sa kanya ng tapat. Hindi ako karapat-dapat para sa kanya. Heto nga at may kasama na akong anak. Pero hindi ako nagsisising dumating sa akin ang anak ko. Mahal na mahal ko siya at gagawin ko ang lahat para sa kanya. *** ALAS SIETE na nang gabi nang lumapag ang eroplanong sinasakyan namin sa airport. "Hayon si Lolo. Nakita mo ba?" Kaagad kong itinuro sa anak ko si Papa na ngayo'y nasa waiting area. Nakita din niya kami kaagad at lumapad kaagad ang pagkakangiti niya. "Saan, Mama?" Nagpalinga-linga pa rin sa paligid ang anak ko. "Hayon, baby, oh." Muli kong itinuro sa kanya si Papa na nasa harapan na namin pero may kalayuan pa siya sa kinaroroonan namin. "Euniceeee! Apooo!!" tuluyan nang sumigaw si Papa kasabay nang pagtaas ng dalawa niyang mga kamay sa ere, kaya naman nakita na rin siya kaagad ng anak ko. Kaagad ding lumarawan sa mukha ni Eunice ang saya. "Lolooo!!" Mabilis siyang tumakbo palapit kay Papa. Sakbat niya sa likod niya ang bag niya na may ilang pirasong damit at mga gamit niya sa school. Mabuti na lang at bakasyon ngayon. Nakatapos na siya ng nursery sa Batanes. "Lolooo!!" "Apooo!!" Kaagad na binuhat ni Papa si Eunice at niyakap ng mahigpit. Nagpa-ikot-ikot din sila. "Napakaganda naman pala ng apo kong 'to! Mana sa lolo! Parehas tayong kulot!" Napangiti din ako. Pinagtitinginan na sila ngayon ng mga taong naririto at marami sa kanila ay napapangiti. Nangibabaw kasi sa buong paligid ang ingay nila. Nagpatuloy na ako sa paglalakad palapit sa kanila habang tulak-tulak ang cart na kinalalagyan ng mga bagahe namin. "Papa." Humarap sila sa akin at niyakap din ako ng mahigpit ni Papa. Hindi ko napigilang maluha. "Masayang-masaya po akong naririto na kayo sa labas." "Hayaan mo at makakaahon din tayo. Magsisimula tayo ulit. Pasensiya ka na sa akin." "Kalimutan na po natin ang mga nangyari, Papa. Ang importante ay nandito na kayo. Makakasama ka na namin ni Eunice. Na-miss ko po kayo, Papa." "Na-miss din kita. Matagal din tayong hindi nagkita. Nakakuha na ako ng maliit na apartment sa Cainta. Maganda naman at mura lang. Doon na muna tayo pansamantala. Wala pa nga lang tayong gaanong gamit. Pero bumili na ako nang mahihigaan niyong mag-ina kanina. Maghahanap kaagad ako ng trabaho bukas na bukas din." "Okay lang po, Papa. May natitira pa naman po akong pera. Ibinenta ko din po 'yong mga gamit namin sa probinsya kanina at nakasingil din ako sa mga pautang. Pwede ko po 'yon ipamili bukas ng mga gamit natin." "Pero unahin muna natin itong anak mo. Inuubo na naman siya." Napalingon kami kay Eunice nang marinig na naman namin ang pag-ubo nito. "Opo, Papa." "Halina kayo. Ako na ang magdadala ng mga gamit niyo. Kay Mama ka na muna, apo." Kaagad niyang ipinasa sa akin si Eunice. "Opo, Lolo! Gutom ako." Humimas naman sa tiyan ang anak ko. "Oh, siya at kakain tayo sa Jollibee. Gusto mo ba ng chicken joy?" "Opo! Gusto ko 'yon, Lolo! Nagbibili nga niyan si Mama, eh. Pero hindi niya ako binibilhan araw-araw kasi malayo." "Napakadaldal naman pala nito. Dito ay malapit lang si Jollibee. Kahit saan ka magpunta ay may Jollibee. Palagi kang dadalhin doon ni Lolo." "Yey!! Gusto ko 'yon, Lolo!" Napapalakpak sa sobrang tuwa ang anak ko. "Mukhang i-spoiled mo na kaagad si Eunice, Papa. Kakarating lang namin dito," ani ko sa kanya. Naglalakad na kami ngayon palabas ng terminal 3. Siya na ang nagtutulak ngayon sa bagahe namin. "Hayaan mo na. Nag-iisa lang naman 'yan. Tingnan mo ang katawan, payat. Ni hindi man lang yata 'yan nakakainom ng vitamins." "Meron naman po. Palagi po kasi siyang maysakit kaya hindi tumataba." "Gagaling na 'yan dito. Hindi siya hiyang sa probinsya na 'yon." "Sana nga po." Kaagad din kaming nakakuha ng taxi at bumiyahe patungo sa Cainta Rizal. Katabi lang 'yon ng Taytay, kaya nag-aalala ako. Sana ay hindi kami magkita doon ni Walter o kaya ay ng mga Delavega.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD