Eunah
"Lolo, aalis ka?!"
Nagising ako sa matinis na boses na 'yon ni Eunice.
"Maghahanap lang muna ng trabaho si Lolo, para marami tayong pambili ng Jollibee," dinig ko namang sagot ni Papa sa kanya.
Umayos ako nang pagkakahiga. Mabigat ang pakiramdam ko at nananakit pa ang mga mata ko. Kulang pa ako sa tulog pero umaga na. Kailangan ko na ring bumangon.
Naalala ko lang kagabi. Uminom ako ng maraming tubig upang maibsan ang init na nararamdaman ko sa katawan ko. Nahirapan akong makatulog dahil hindi maalis-alis sa isipan ko si Sir Damiel. Muli akong binabalikan ng mga panaginip ko na kasama siya.
Haayst. Ganito na lang palagi simula noong maging malapit siya sa akin. Kahit nagpakalayo-layo na ako at nanirahan sa Batanes ng mahigit apat na taon ay palagi pa rin niya akong dinadalaw sa mga panaginip ko.
At kahit naman gising ay nasa imagination ko pa rin siya. Sa isip ko ay hinanap kaagad niya ako at inalagaan habang ipinagbubuntis ko ang anak namin. In love daw kaming dalawa sa isa't isa. Mahal na mahal daw niya ako at halos ayaw padapuan sa lamok.
Niyaya niya akong magpakasal. Sa isip ko ay pinakasalan niya ako sa isang napakalaking simbahan. Nag-honeymoon kaming dalawa at itinira niya rin ako sa isang napakalaking mansion. Nagbuhay-reyna daw ako doon.
Lahat ng gusto ko ay ibinibigay niya. Hindi siya umalis sa tabi ko hanggang sa makapanganak ako. Tuwang-tuwa siya sa baby namin at palagi niyang sinasabi na siya na ang pinakamaligayang lalaki sa buong mundo dahil sa aming dalawa ni baby Eunice.
Na-in love ako sa kanya ng lubusan dahil sa mga panaginip ko at imahinasyon na 'yon na kasama siya. Nakalimutan ko na nga si Walter. Pati ang nararamdaman ko sa kanya ay naglaho na rin sa puso ko.
Pero sa tuwing ipinipilig ko ang ulo ko at iginagala sa buong paligid ang mga mata ko ay bumabalik akong muli sa reyalidad. 'Yong totoong nangyayari sa buhay ko ngayon. Nagigising akong bigla.
Walang ganun. Sa panaginip lang ang lahat ng 'yon. Sa isipan ko lang nangyayari. At kailanman ay hinding-hindi matutupad. Heto nga kaming mag-ina, nagtitiis sa hirap ng buhay. At siya, napakasaya ng buhay niya mula noon hanggang ngayon.
Baka nga ngayon ay may-asawa na siya. Baka nahanap na rin niya ang babaeng inilaan ng Diyos para sa kanya. 'Yong mamahalin niya ng lubos. Mahigit apat na taon na rin ang nakalilipas. Marami nang maaaring nangyari sa buhay niya.
Napabuntong-hininga ako ng malalim.
"Mama! Aalis si Lolo!"
Napalingon ako sa anak kong bigla na lamang pumasok dito sa loob.
"Alis si Lolo, Mama! Gising ka na pala, Mama, eh!"
"Good morning," nakangiti kong bati sa kanya. Bumangon na rin ako at hinila siya. Niyakap ko siya at hinagkan sa ulo.
"Moning, Mama." Tumingala naman siya sa akin habang nakanguso.
"Hindi pa nag-toothbrush si Mama."
"Kahit na!" Nagpapadyak naman siyang bigla sa sahig.
Natawa na lamang ako at hinalikan na rin siya sa lips.
"Aalis na muna ako."
Napalingon kami kay Papa nang bigla itong bumungad sa nakabukas na pinto ng silid namin. Nagbu-butones na siya ng polo t-shirt niyang kulay asul. Isa 'yan sa mga nabili niyang ukay-ukay kahapon at kaagad din niyang nilabhan pagkauwi namin. Mukhang natuyo naman kaagad.
"Saan po kayo pupunta, Papa?" tanong ko sa kanya.
"Magtatanong ako kung pwede akong makapasok bilang helper sa isang construction site dyan sa malapit. 'Yong nadaanan natin kahapon."
"Kaya niyo pa po ba sa construction, Papa? Mabigat ang trabaho doon. Baka sumakit lang ang likod niyo."
"Banat ang mga buto namin sa kulungan. At saka, anong tingin mo sa akin, matanda na? Ke-bata-bata ko pa. Malalakas pa ang mga tuhod ko. Nakakasipa pa ako."
Napangiwi naman ako. "Inaalala ko lang kayo."
"Malakas pa ako. Huwag kang mag-alala."
"Aalis din po sana ako, Papa, eh. Maghahanap din po ako ng trabaho."
"Ako na muna. Bukas ka na lang maghanap. Ano bang trabaho ang a-apply-an mo?"
"Call center po, pero magho-home base po ako. Sa online na lang po muna ako titingin, Papa. Marami din doong hiring."
"Oh, sige. Mag-almusal ka na. Kumain na 'yan si Eunice. Nagsabay na kaming dalawa. Ininit ko ang tirang ulam natin kagabi. Mabuti at hindi pa nasira. Kainin mo na bago pa masira."
"Opo. Halika na, anak." Tumayo na rin ako at hinila na palabas ng silid ang anak ko. "Pinainom niyo na rin po ba ng gamot si Eunice?" Tinanaw ko ang wall clock namin. Saktong alas siete na pala ng umaga.
"Hindi pa. Hindi ko alam kung ilang guhit ba sa takalan. Mamaya nga ay ituro mo sa akin para alam ko din."
"Sige po, Papa. Ako na lang. Sakto lang naman 'yong oras."
"Iinom na 'ko ng gamot, Mama?!" Kaagad namang tumakbo patungo sa mesa ang anak ko at kinuha kaagad doon ang mga naka-box niyang gamot.
"Opo."
"Siya, lalabas na muna ako. Isara niyo palagi itong pinto at ikandado dahil baka may nananalisi dyan sa labas. Bago pa lang tayo dito at hindi pa natin alam ang pasikot-sikot dito."
"Opo, Papa. May susi po ba kayong dala?"
"Nasa akin na ang duplicate."
"Sige po. Ingat, Pa. Sana ay 'yong magaan lang na trabaho ang mahanap niyo."
"Huwag kang mag-alala, kapag walang bakante doon, maghahanap pa ako sa iba."
"Opo. Goodluck, Pa."
"Salamat, anak."
"Ba-bye, Lolo! Ingat ka po!" Kaagad namang kumaway sa kanya si Eunice.
Napangiti si Papa habang nasa pinto. Nagsusuot na siya ng tsinelas niya. "Salamat, apo."
"Kiss! Kiss, Lolo!" Kaagad na tumakbo palapit sa kanya si Eunice.
"Napaka-sweet naman talaga nitong apo ko." Kaagad din namang yumukod si Papa at nagpahalik sa pisngi niya. "Huwag kang lalabas ng bahay, ha? Para hindi ka na dinadapuan ng sakit. Magpagaling ka muna."
"Opo! Love you, Lolo!"
"I love you too. Doon ka na kay Mama."
"Opo!" Muli nang bumalik dito sa mesa ang anak ko. Si Papa naman na ang nagsara ng pinto.
Sinimulan ko na rin siyang painumin ng gamot. Mabuti na lang at hindi siya mahirap painumin. Nilulunok naman niya kaagad kahit ang isang gamot ay kulay pula. Para itong dugo.
"Inuubo-ubo ka pa rin ba? Parang hindi na, 'di ba?" tanong ko sa kanya.
"Unti na lang, Mama. Di na sumasakit ang leeg ko. Gagaling na ako, eh."
"Very good, kasi umiinom ka na ng gamot."
"Opo."
"Mamaya naman ulit. Marami ka bang kinain kanina?"
"Opo. Sinubuan po ako ni Lolo ng kanin at ulam. Pinakain niya ako ng gulay. Sabi niya po kakain ako ng marami para tataba na 'ko."
"Tama. Very good talaga palagi ang baby ko na 'yan."
"Magrararo na 'ko, Mama!"
"Oh, sige na. Kakain lang si Mama."
"Opo!" Kaagad din siyang tumakbo papasok sa loob ng silid namin at inilabas doon ang mga laruan niya. Dinagdagan na 'yon ni Papa kahapon ng isang barbie. Tuwang-tuwa naman ang anak ko.
Napakabilis niyang napalapit sa Lolo niya. Mukha namang nagbago na nga si Papa. Sana nga lang ay tuloy-tuloy na 'yon. Huwag na sana siyang bumalik sa dati niyang bisyo.
MATAPOS kong kumain ay kinuha ko ang phone ko sa kwarto. Nagbukas ako ng data pero mukhang naubos na ang load ko. Maghahanap ako ng trabaho sa internet.
Kumuha ako ng pera sa wallet ko. Maghahanap ako ng tindahan sa labas.
"Anak, lalabas muna si Mama sandali. Magpapa-load lang ako sa tindahan."
"Sama ako, Mama!" Kaagad din naman siyang tumayo dala ang barbie niya.
"Oh, sige. Kukunin ko lang ang susi." Kinuha ko ang susi ng bahay sa kwarto at ikinabit sa slider ng zipper ng coin purse ko.
"Ano'ng bibilhin mo, Mama?"
"Magpapa-load lang si Mama. Halika na."
Kaagad din niyang hinawakan ang kamay ko. Isinuot namin ang mga tsinelas namin bago lumabas ng bahay. Ikinandado ko at isinara ang pinto.
Nasa loob ng eskinita ang apartment namin pero pangatlong pinto lang ito mula sa highway. Marami pang bahay patungo doon sa dulo.
Lumabas kami sa highway. Dito ay marami na kaming nakikitang tindahan. Marami ring mga sasakyan ang dumadaan.
Natanaw ko naman ang isang malaking tindahan sa tapat. May malalaking tarpaulin sila ng smart at globe. May ilang mamimili din doon. Sa tabi nito ay malaking tindahan ng mga naka-case na alak at softdrinks.
Sa kabilang tabi naman ay isang saradong tindahan. May isang black na kotseng nakaparada doon.
"Doon tayo, anak. Tatawid tayo. Kapit kay Mama, ha?"
"Opo!" Humigpit din naman ang pagkakahawak niya sa kamay ko.
Hinintay muna naming maubos ang mga dumadaang mga sasakyan bago kami tumawid sa kabilang kalye. Kaagad din naming tinungo ang tindahan.
"Ate, may load po kayo sa globe?"
"Meron. Magkano ba?" sagot din naman nang may edad at matabang babae sa loob. Tumayo siya mula sa silya at dinampot ang phone sa mesa.
"Go Extra 90. Meron po ba?"
"Meron." Naglakad siya palapit sa amin. Malaki ang butas nitong tindahan niya kaya kitang-kita ang loob at ang lahat ng mga paninda niya. "Bago lang ba kayo dyan? Parang ngayon ko lang kayo nakita dyan."
"Ah, opo. Kalilipat lang po namin noong isang gabi lang."
"Mama, gusto ko ng jelly ace." Inuyog-uyog naman ni Eunice ang kamay ko.
"Anak mo ba ang batang 'yan? Napakagandang bata naman niyan. Ang puti-puti."
"Buyag po. Opo, anak ko po."
"Pero hindi mo siya kamukha. Siguro ay kamukha siya ng ama, ano? Amerikano ba ang ama niya? Abroad siguro ang asawa mo, ano?"
"H-Hindi po. Isi-send niyo na po ba 'yong load ko?" pag-iiba ko. Masyado siyang madaldal.
"Ano bang number mo?"
"Mama, gusto ko po ng jelly ace," turan muli ni Eunice sa tabi ko.
"Oo, anak. Sandali lang. 0956734****. Go Extra 90 po, ate."
"Oh, sige." Kaagad siyang nagpipindot sa phone niya.
Dumukot naman ako ng pera sa wallet ko. Naglabas ako ng one hundred twenty pesos. "Magkano po 'yong load, ate?"
"95. Kanino ba kasi 'yong kotseng nakaparada dyan sa gilid? Paalisin niyo muna para maka-park ang tricycle!" aniya sa lalaking nasa loob ng bahay nila.
Napalinga naman ako sa paligid hanggang sa dumakong muli ang paningin ko sa kotseng nasa harapan lang namin. Tinted ang mga bintana nito kaya hindi namin makita ang loob.
"Kanina pa 'yang kotse na 'yan dyan. Wala naman akong nakitang lumalabas. Parang nasa loob lang yata ang driver. Katukin niyo. Baka inatake na 'yan sa puso," turan muli ng matandang babae sa loob habang sinasabayan nang pagpipindot sa phone niya.
Lumabas naman ang may edad na ring lalaki mula sa loob ng bahay nila at nilapitan ang kotse. Siguro ay asawa niya 'yan. Inilapat niya ang mga mata niya sa salaming bintana ng kotse mula sa shotgun seat at sumilip sa loob.
"Boss, may paparada kasing tricycle! Sorry, boss! Ayan oh." Itinuro ng matandang lalaki ang tricycle na nasa gilid. Nakakaabala na ito sa mga dumadaang mga sasakyan.
Mula sa salaming nasa unahan ay parang natanaw ko ang pagbaba ng salaming bintana sa tabi ng shotgun seat kung saan naroroon si manong. Natanaw ko rin na parang may iniaabot na makapal na papel ng pera kay manong.
"Na-send ko na, Ineng. Nakarating na siguro sa iyo."
Napalingon akong muli kay Manang na nasa loob ng tindahan.
"Heto po ang bayad." Iniabot ko sa kanya ang 120 ko, na tinanggap din naman niya kaagad.
"Jelly ace, Mama! Gusto ko po ng jelly ace!" Muling inuyog ni Eunice ang kamay ko.
"Oo, anak. At saka jelly ace po, ate. Magkano po ba 'yan?"
"Limang piso ang isa."
"Lima po niyan, ate. Sakto na po 'yang 120."
"Mukhang paborito niya ang jelly ace." Ibinigay naman niya sa akin ang limang piraso ng jelly ace.
"Opo. Heto na, anak." Kaagad ko rin itong ipinasa sa anak ko, na excited naman niyang tinanggap.
"Yey! Thank you, Mama! Sarap 'to, eh!"
"You're welcome. Halika na, umuwi na tayo." Tumalikod na kami sa tindahan.
Si manong naman ang lumapit sa amin at sumilip sa loob ng tindahan nila. "Hahanapan ko na lang muna ng ibang paradahan 'yong tricycle natin. Mayamang lalaki pala 'yong nasa loob ng kotse. Gwapo. Maputi. Parang tisoy. Naka-sunglasses. Binigyan ako ng pera, oh. Ten thousand yata ito."
"Ano? Ang laki naman niyan. Sino ba iyon?"
Napalingon akong muli sa mag-asawa. Nasilip ko nga na nagbibilangan na sila ng pera sa tindahan nila.
"Hindi ko nga kilala. Mukhang bago lang sa lugar na ito. Ngayon ko lang siya nakita dito. Baka bisita lang ng mga bahay dyan."
"Eh, bakit nagbigay ng ganyan ka-laking pera?"
"Nakiusap. Makikiparada lang daw siya sandali. Araw-araw daw siyang magbibigay ng pera."
Muli rin akong napalingon sa kotseng nasa harapan namin. Ang yaman naman. Paparada lang, ten thousand agad? Ang swerte naman ng tindahan na ito.
Bigla akong nailang kaya nagbawi kaagad akong ng tingin. Nakaharap kasi sa amin ang kotse kaya siguradong nakikita kami ng kung sinumang tao ang nasa loob niyan. Pakiramdam ko nga ay nakatitig siya sa amin.
Baka sabihin pa ay nakiki-marites ako.
"Halika na, anak. Tumawid na tayo." Binuhat ko na lamang ang anak ko at kaagad na kaming tumawid sa kabilang kalye.